Book Preview,  Upcoming Books

[PREVIEW] The Naked Ruth

CHAPTER ONE

ISINAKSAK ni Ruth ang airpods sa tainga nang makitang tumatawag si Joyce—ang kanyang friend-slash-manager.

“Nasa’n ka na, bakla?” bungad agad nito nang sagutin niya ang tawag.

“Bakla” ang tawag ni Joyce sa kanya kahit sa totoo lang—hindi sa pamimintas at walang halong panghuhusga—ay ito ang mas mukhang bakla sa kanilang dalawa. Pati ugali ni Joyce ay baklang-bakla.

Puwede rin naman niyang tawaging “bakla” ang kaibigan dahil apparently, tawagan talaga iyon ng jologs na magkakaibigan kahit hindi literal na bakla pero hindi niya matawa-tawag na ganoon ang kaibigan dahil palagi siyang nag-aalalangan na baka akalain ng mga tao sa paligid na tunay na bakla ito.

“Heto, pinapalipad na `tong kotse ko papunta diyan. Malapit na `ko.”

“`Wag na `wag kang male-late kasi alam mo namang strict sa punctuality si Madam Felicia.”

Si Madam Felicia ay ang mataray na bading na creative director. Ayaw na ayaw ni Ruth kapag ito ang direktor sa modeling gigs dahil “nanlalapa” ito ng models. Kaya lang ay wala naman siyang karapatang mag-inarte at tumanggi sa gigs dahil hindi naman siya sikat na print model.

Kahit na kung saan-saan nakikita ang pagmumukha niya—sa brochures ng Avon, label ng beauty products, print ads sa magazines at diyaryo at kahit sa ilang TV ads–hindi pa rin siya sikat. Kaya wala siyang karapatang mamili ng projects o creative director.  

“Oo na. Kailan ba ako na-late, ha?”

“Gusto mong ipaalala ko sa `yo?”

“Bigla akong nag-LBM no’n! Anong gusto mong gawin ko? Pumunta sa gig habang taeng-tae? Gusto mong magkalat ako ng dumi sa set? Lokang `to. `Wag kang mag-alala, hindi ako natatae ngayon. Kaya hindi ako male-late.”

Parang may sasabihin pa si Joyce pero pinatayan na ni Ruth ng tawag ang kaibigan. Binuksan na lang niya ang car stereo para hindi siya maburyo. Napangiti naman siya sa kanyang bumungad sa radyo.

Tuwing kita’y nakikita…

Ako’y natutunaw.

Parang ice cream na bilad…

Sa ilalim ng araw.

Ano ba naman ang sikreto mo?

At di ka maalis sa isip ko.

Ano bang gayuma ang gamit mo?

At masyado akong patay sa `yo…

Napangiti si Ruth dahil naalala ang aking “Perslab.” Sino ba ang makakalimot sa unang pag-ibig? Lalo na kung kakaiba at walang kaparis ang unang experience sa love. Fifteen years old siya noong unang tumibok ang puso para kay Romeo Barrera.  

Hinding-hindi niya makakalimutan si Romeo. Ang magaganda nitong mga mata. Ang magandang ngiti. Ang mapupulang mga labi. Ang malambot nitong palad noong unang beses niyang mahawakan ang kamay nito.

Tandang-tanda pa ni Ruth kung paano siya na-mesmerize nang tumingala kay Romeo habang nakasalampak sa sahig ng school corridor na gulo-gulo ang buhok, namumula sa sampal ang mga pisngi at may mga kalmot sa mukha. Feeling niya, nakakita siya ng anghel.

Ipinagtanggol siya ni Romeo sa grupo ng mga warfreak na babaeng pinagkaisahan siya. Nang lubayan na siya ng mga kumuyog sa kanya ay inalok ni Romeo ang kamay sa kanya para tulungan siyang tumayo.

Tumigil ang mundo ng moment na iyon. Sa kauna-unahang sandali ng buhay ni Ruth, naramdaman niya ang kakaibang pagtibok ng puso. Siya siguro ang makakapagpatunay na totoo ang “love at first sight.” Kasi, feeling niya noong oras na iyon ay na-in love agad siya kay Romeo.

Simula noon, palagi na silang magkasama. At habang magkasama sila, na-confirm niyang in love na talaga siya kay Romeo. Ang akala ni Ruth ay kaya ito dumidikit sa kanya ay dahil may gusto rin ito sa kanya. Iyon pala ay gusto lang itago ni Romeo ang tunay na pagkatao at her expense.

“Magkabaro” pala sila. Hindi pala natural na mapupula ang mga labi ni Romeo. Naglalagay pala ito ng lip tint. At kaya pala minsan ay may nakita siyang compact powder sa bag nito. Hindi pala totoong hindi sinasadyang napunta roon ang gamit ng ate nito dahil pag-aari pala nito iyon. Isa palang “paminta” si Romeo.

Lumuha ng graba si Ruth nang matuklasan na hindi pala sila talo. Hindi pala pinagnanasaan ni Romeo ang ga-papaya niyang mga dibdib sa tuwing nahuhuli niya itong nakatingin doon. Naiingit pala ito dahil pangarap na magkaroon ng boobs. Hindi pala nito tsine-check out ang legs niya dahil nase-sexy-han ito sa kanya. Gusto rin kasi nitong magkaroon ng legs na walang kulot na buhok.

Hindi siya makapaniwala noong ipinagtapat sa kanya ni Romeo ang tungkol sa lihim na pagkatao. Hindi raw nito kayang mag-out dahil magagalit ang daddy nito. Puro babae kasi ang mga kapatid nito at ito lang ang inaasahan ng ama na magkakalat ng lahi. Kaya hangga’t maaari, itinatago ni Romeo ang sexual preference.  

Dahil mahal ni Ruth ang “bruha,” pumayag siyang maging panakip nito. Pinagpanggap siya ni Romeo bilang girlfriend nito. Ipinakilala pa nga siya nito sa pamilya. Tandang-tanda pa ni Ruth kung paano tinapik ng daddy ni Romeo ang likod ng anak habang ngiting-ngiti at proud na proud sa unico hijo… na hindi nito alam na isa din palang “hija.”

Hindi alam ni Romeo na may gusto siya rito. Bago pa kasi umamin si Ruth ay nalaman na niyang lalaki din pala ang gusto nito. Napakasakit sa dibdib sa tuwing kinukuwento nito sa kanya kung paano nito pinagnanasaan ang crush na soccer player sa varsity team at sa tuwing nakakatiyansing ito sa mga kaklaseng lalaki kapag nagtatapikan na ng mga puwit sa gitna ng basketball game.

Dapat ay nawala na ang feelings ni Ruth para kay Romeo. Dapat ay na-turn off na siya at humanap na lang ng ibang tunay na lalaki na kai-in love-an. Pero hindi. In-imagine pa rin niya na isa sa mga araw na iyon ay mauuntog din si Romeo at magiging tunay na lalaki. Na made-develop din ito sa kanya at magiging totoo na ang pekeng relasyon nila.

Umasa si Ruth. Humiling. Nagdasal. Nag-novena pa siya sa Quiapo. Pero pati divine intervention, hindi kinaya ang lakas ng berdeng dugong nananalaytay sa mga ugat ni Romeo.

Irreversible daw ang homosexuality. Kaya kahit ipagbili pa ni Ruth ang kaluluwa sa demonyo kapalit ng pagiging straight ni Romeo, hindi mangyayari iyon. Kaya sumuko na lang siya. Nagkasaya na lang siya sa idea na nayayakap niya ito at nahahawakan ang kamay sa harap ng mga tao kahit alam niyang sukang-suka ang bakla.

Noong gr-um-aduate na sila sa high school, “nakipag-break” na sa kanya si Romeo dahil mag-aaral na ito sa States. Hindi na raw nila kailangan ng pekeng long-distance relationship. Ang akala naman ni Ruth, iyong pekeng relasyon lang nila ang tinatapos ni Romeo, pati pala friendship dahil hindi na nagparamdam sa kanya ang bruha simula nang umalis ito.

Wala na siyang balita tungkol kay Romeo sa ngayon. Ni hindi nga niya mahanap ang social media accounts nito. Naisip niya na baka hindi na Romeo ang pangalan nito ngayon kaya hindi na mahanap. Baka ginaya na nito si Bb Gandanghari. Baka hindi na Romeo ang pangalan nito. Baka “Juliet” na. Baka iba na rin ang gender nito ngayon sa literal na paraan. Baka ipinaputol na ng bakla ang lawit at pareho na silang may kepyas. At baka nga mas malaki pa ang boobs nito kaysa sa kanya ngayon. Baka nga mas maganda at seksi pa sa sikat na transgender na si Kevin Balot.

Sigurado namang by now ay alam na ng mga magulang ni Romeo ang sexual preference nito. Hindi nito iyon puwedeng maitago sa mahabang panahon. Kaya malamang ay malaya na ito ngayon at hindi na kailangan pang magtago at magpanggap.

Eleven years na ang nakakalipas simula nang huli niyang nakita si Romeo. Kumusta na kaya ngayon ang baklang iyon?

Habang hinihintay ang pag-gi-green ng traffic lights, tinapunan ni Ruth ng tingin ang kabilang kotse. Bumalik ang tingin niya sa transvestite na long-haired brunette na nakaupo sa harap ng manibela dahil parang na-recognize niya ang mukhang iyon.

Isang beses kasi—habang walang ibang tao sa bahay nina Romeo—napagkatuwaan nitong isuot ang damit ng ate. Tamang-tama namang may wig doon dahil gamit sa cosmetology class ng isa pang kapatid na babae. Nag-makeup din ito. Nadurog ang puso ni Ruth nang makita kung gaano kaganda ang bakla.

Kahit hindi niya nakita si Romeo sa nakalipas na labing-isang taon, na-imagine na niya ang hitsura nito kung magkakaedad nang kaunti at magiging crossdresser o transgender.

Hindi! Hindi puwedeng si Romeo ang baklang brunette na iyon! Baka iniisip lang niya ito kaya dinadaya siya ng paningin.

Pero… paano kung si Romeo nga iyon?

Nang mag-green ang traffic lights, pinaandar na ni Ruth ang kotse. Hanggang sa matagpuan na lang niya ang sariling sinusundan na ang kotse ng hinihinalang si Romeo.

—–

NAPANGIWI si Ruth nang masalubong ang nandidilat na mga mata ni Joyce nang makita ito sa hallway na papunta sa dressing room. Late siya ng twenty minutes kaya nagsa-halimaw na naman ang kaibigan niya. Ang bente minutong iyon na dapat ay nagamit niya sa makeup at dress-fitting ay ipinaghabol lang niya sa isang baklang brunette na hindi naman pala si Romeo.

Nakakahiya. Napagbintangan pa siyang lesbiyana ng impaktang beki.

“Nagtae ka na naman ba?” bulyaw ni Joyce.

Magkaibigan sila pero kapag trabaho, trabaho. Bilang manager ni Ruth ay may karapatan itong kagalitan siya kapag nagiging unprofessional siya.

“Hindi naman. Pero… may nakita kasi akong kamukha ni Romeo…”

“‘Yong first love mong beki?”

Tumango siya. “Akala ko, siya. Hinabol-habol ko pa.”

Umikot ang mga mata ni Joyce. Halatang imbyerna. “Hoy, Ruth Natalie Morales, `wag mong sabihing hanggang ngayon, patay na patay ka pa rin sa baklitang `yon?”

“Hindi naman sa gano’n, mars. Kaya lang, siyempre, hindi mo maiaalis sa akin na ma-curious kung nasaan na `yong bruhang `yon, ano nang hitsura niya, kung nagpaputol na siya at may boobs na o married na sa kapwa niya. Gano’n.” 

“Inuna mo talaga `yong curiosity mo kaysa sa kabuhayan. Ang suwerte mo dahil may mas unprofessional pa sa `yo. Wala pa rin `yong ka-partner mo sa photoshoot. Kaya `yong asar ni Madam Felicia, mabubunton doon at hindi sa `yo. Halika na nga.” Hinila na siya ni Joyce papunta sa dressing room.

Nakaramdam ng relief si Ruth. Photoshoot para sa promotion ng isang fitness gym ang project na iyon. May kasama siyang isang male model sa pictorial.  

“Sikat ba kaya pa-VIP?” curious na tanong niya.

“Bakit, ikaw? Sikat ka ba at nakukuha mong magpa-late?”

Hindi na sumagot si Ruth dahil alam niyang may kasalanan siya.

Mayamaya pa ay tapos na ang kanyang makeup at nakasuot na siya ng fitted gym bra na may logo at pangalan ng fitness gym at cycling shorts. Inumpisahan na ng team ang photoshoot kahit wala pa rin ang male model.

Imbyernang imbyerna na si Madam Felicia. Nakinita na niyang makakatikim ng gulpi de gulat ang kung sinumang nangahas na magpa-late nang isang oras.

“Madam,” interrupt ng isang crew, “nandito na po `yong male model.”

Halatang umusok ang ilong ni Madam Felicia. Pero nang pumasok ang male model, parang nalunok ng intrimitidang director ang dila. Paano naman kasi, bumungad agad ang pagkaganda-gandang view ng six-pack abs ng matangkad na male model.

Doon din kasi unang nag-landing ang vision ni Ruth dahil masyadong pansinin. Sumunod sa umbok ng cycling shorts nito na hindi naman talaga niya sinadya. Huli na niyang tinitigan ang mukha.

Muntik na niyang mabitiwan ang hawak na dumbbell nang ngumiti ang guwapong lalaki na may sexy long hair. Ang mga matang iyon… at ang ngiting iyon…

Romeo?

—–

GIIIRL, I still can’t believe we’d see each other again this way! Oh my god!”

Alanganin ang ngiting nakapaskil sa mga labi ni Ruth habang pinapanood si Romeo na tumatalun-talon habang pumipilantik ang mga daliri.

Kanina, sa photoshoot, lalaking-lalaki ito kung magsalita at kumilos. Nag-ilusyon pa nga si Ruth na naging straight na si Romeo nang maghiwalay sila ng landas. Pero nang makapasok na sila sa dressing room—nang silang dalawa lang ang nasa loob—nagtitili ito nang mahina at niyakap siya nang wala ni katiting na pagnanasa.

Beki pa rin si Romeo. Isa na itong borta. Pa-mhin pa rin ang lintik. Walang nakaamoy rito sa studio kanina ni isa. Lahat ay takam na takam dito.

Totoo pala talaga na may mga baklang sadyang nagpapalaki ng katawan. Nagulat si Ruth dahil hindi iyon ang alam niyang #bodygoals ni Romeo noon. Nangarap itong magkaroon ng boobs at balakang, hindi biceps at pectorals.

“Girl?” tanong ni Romeo na mukhang nagtataka dahil nakangiti at nakatitig lang siya sa bakla. “Are you mad at me?”

Tumikhim si Ruth. “Nakalimot ka na kasi. No’ng pumunta ka sa ibang bansa, pinutol mo na rin `yong connection mo sa `kin.”

Lumabi si Romeo. “I had to. Kasi `di ba, ang alam nila, dyowa kita? Alam nila, nag-break na tayo kaya, naturally, wala na dapat tayong communication. I’m sorry, girl. Ayoko lang kasing mabuking. Alam mo na… Kaya I had to make things as realistic as possible. I know I’d been selfish. But you have other friends naman kasi kaya naisip kong hindi naman ako kawalan sa `yo. Wala rin naman kasi akong ginawa kundi ang gamitin ka as a cover up kaya naisip ko na naging pabigat lang ako sa `yo.”

Nagtatampo pa rin si Ruth dahil ganoon lang kadali para rito na kalimutan siya pero hindi niya alam kung bakit hindi niya magawang magalit dito.

“Hindi ka naman naging pabigat. Baklang two! Ginusto naman kitang tulungan.”

Bumalik ang saya sa mukha ni Romeo. “I’m really so happy to see you again, Ruth.” Hinagod nito ng tingin ang kabuuan niya. May satisfaction sa mga mata ng bakla. “Look at you now. Pak! You’re gorgeous. Hindi ka naman ganyan ka-hot noon. Pero nag-boom ka. I’m sure, may boyfriend ka ngayon.”

“Wala akong boyfriend.”

“What?” Mabilis na nagtakip ng bibig si Romeo nang ma-realize na napalakas ang boses. Mabilis itong sumulyap sa gawi ng pinto. “What?” ulit nito sa mahinang boses. “Are you serious? Sinasayang mo `yang ganda mo. If I were you, oh my god… nakailang boys na `ko.”

“Nagka-boyfriend ako. Twice. Pero sa ngayon, wala.” Tumikhim siya. “Eh… ikaw?”

“Are you asking me kung naka-ilang boyfriends na `ko?” 

“Alangan namang girlfriends, `di ba?”

Ewww, girl. Mukha lang akong lalaki pero, babae pa rin ang puso ko. I had three boyfriends when I was in the States.” Naka-smile pa rin si Romeo pero napansin niyang biglang lumungkot ang mga mata nito. “One of them was a long-term, serious one. But it ended. It recently ended.”

So, kakagaling lang sa isang failed relationship ni Romeo?

“`Sorry to hear that.”

Ngumiti lang si Romeo pero nandoon pa rin ang lungkot sa mga mata nito.

“Sigurado naman na makakakita ka pa ng ibang… lalaking magmamahal sa `yo.”  

“Ikaw din… I’m pretty sure, andaming lalaking naglalaway sa `yo ngayon. Anyway, girl, I want to ask you a favor. Apparently, nobody here knows that I’m gay. So, sana… just like before, please keep it. Please keep my secret.”

“Ibig sabihin, hindi pa rin alam ng family mo na bading ka?”

“My sisters knew and my mom, too. Pero si Dad, hindi pa rin. Lahat sila, pinagtatakpan ako until now. That’s why I ended up with this body. I still have to pretend to everyone around that I’m straight. Otherwise, makakarating sa daddy ko. Anyway, I have to sneak out na. If somebody catches us here together, iisipin nilang may ginagawa tayong milagro. Ewww.” Humagikgik si Romeo at nagpaalam na pagkatapos makipagpalitan ng mobile number sa kanya.

Nanlalatang ibinagsak ni Ruth ang pang-upo sa silya sa harap ng dresser. Masaya siya na nakita ulit si Romeo pero hindi niya alam kung para saan ang bigat sa dibdib.

CLICK THE PAGE NUMBER BELOW TO CONTINUE READING

Pages: 1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18

3 Comments

So, what can you say?

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.