[STATUS: SELF-SUFFICIENT] Chapter Four

NATAPOS ng photoshoot na halatang nagtanim ng grudge sa akin ang pamintang photographer. Ang sama ng tingin niya sa akin habang nagliligpit ng camera at tripod. Binelatan ko na lang siya at lumayo na ako sa bridesmaids.

So, sino ngayon ang lifeless at frigid?

Mukhang na-intimidate sa akin ang mga kasama ko sa photoshoot. I’m sure halos nakanganga lang sila sa mga pictures. Mabuti na lang at sa medyo secluded na location sa wedding venue ginanap ang photoshoot, kung hindi ay marami ang nakasaksi sa pang-aasar ko sa photographer at kay Sara.

“Maureen!” Kay Sara ang boses na iyon.

Nang lumingon ako ay nakita ko siyang papalapit sa akin, hawak ang wedding bouquet at laylayan ng wedding gown niya. Apologetic ang hitsura ni Sara. Kung hindi ko lang siya nakita kanina na nagpigil ng tawa habang inookray ako ng photographer, baka napaniwala niya akong hindi siya natuwa sa ginawa sa akin ng bruhong iyon.

“Sorry kung na-offend ka kay Reggie. Gano’n talaga siya, eh. Pero sobrang galing no’ng photographer kaya perfectionist talaga siya.”

“Okay lang.” Naimbyerna ko din naman ang bruho.

“But I liked them.”

“You liked what?”

“The poses you made. Nang dahil sa ‘yo, naging unique ang wedding photoshoot ko with the bridesmaids. Iyon ang ipapa-print ko sa kanya.”

Hindi ako nakapagsalita. Hindi ako makapaniwala na ipapa-print pa niya ang mga pinagagagawa ko kanina para siguro ipakita sa lahat ang mga iyon at maging laughingstock ako.

“Thank you,” nakangiting sabi ni Sara.

“For messing your wedding photoshoot?”

Tumawa siya. “For accepting to be one of my bridesmaids. Don’t worry, sa ‘yo ko ihahagis ang bouquet ko mamaya.”

Bumaba ang tingin ko sa bridal bouquet ni Sara. “Thanks but no, thanks. I don’t need it.”

“Yes, you do. You badly do.” She grinned.

You badly do… paulit-ulit na umalingawngaw sa mga tainga ko ang sinabi ni Sara. Did she mean I badly needed to have someone to marry me just because I am turning thirty next year? Naramdaman ko na naman ang pagkiskisan ng mga ngipin ko.

Nang-aasar talaga si Sara. Gusto niyang ihagis sa akin ang wedding bouquet niya para makapag-asawa na rin ako… at her mercy. At that fucking bouquet’s mercy!

Bumaba ulit ang tingin ko sa bouquet. Eh, kung isungalngal ko kaya sa kanya ‘yang bouquet niya ngayon, may maihahagis pa kaya siya mamaya?

“So I’ll see you at the wedding?” sabi ni Sara at lumakad na pabalik.

Nakita ko ang maid of honor niyang nagkumahog sa paglapit sa kanya para siguro tulungan ang bride na bitbitin ang laylayan ng wedding dress nito.

I groaned in exasperation. Kailangan ko yata talaga ng matinding pagtitimpi at pasensiya sa araw na ito. Mukhang ginawa talaga akong bridesmaid ni Sara para marami ang makapansin sa presence ko sa okasyong iyon bilang “older sister” niyang single at naunahan pa niyang mag-asawa. Ah, that brat is doing the bitching subtly like she always did.

Paglingon ko ay napatingin ako sa isang matangkad na lalaking nakatayo sa di-kalayuan. Nakasuot siya ng suit na mukhang para sa groomsman dahil may boutonniere sa lapel buttonhole ng suit. Nakatingin siya sa akin. Guwapo ang lalaki at parang pamilyar sa akin ang mukha niya. I’m sure, nakita ko na siya somewhere.

Umangat ang sulok ng mga labi ng lalaki. Bakit niya ako nginingitian? Magkakilala ba kami? I don’t think so. Nakita ko na nga siguro siya somewhere pero sigurado akong hindi ko siya kakilala. As I’ve said before, I am not very friendly. Kaya hindi ako nakikipagngitian sa mga hindi ko kilala lalo na kung wala namang dahilan at lalaki pa.

Inalis ko na lang ang tingin sa lalaki at ipinagpatuloy na ang paglalakad pabalik sa room ko. Doon muna ako maglalagi habang hinihintay na magsimula ang wedding ceremony. On my way to my room ay namataan ko si Mama na kasama ang mga amiga at si Lola Trining.

Napatutop ako ng noo. Holy guacamole! Bakit nandoon ang tiyahin ni Mama? Ano ang kinalaman niya kay Sara? Kaya hindi ako uma-attend ng family occasions ay dahil ayokong makita si Lola Trining. At iniiwasan ko ring makita ang mga amiga ni Mama. Masyado kasing maurirat ang mga iyon. Siguradong tatanungin na naman ako kung bakit hindi pa ako nag-aasawa kahit mga isandaang beses ko nang nasabi na wala akong balak mag-asawa. Hindi yata kasi sila naniniwala na may isang babaeng tulad ko na ayaw talagang mag-asawa. Feeling nila, lahat ng babae dalawa lang ang life goals—ang maging isang may-bahay at ina.

Ah, this is why I don’t like people. Masyado silang pakialamera sa buhay ng iba.

Mukhang kailangan kong mag-meditate sa kuwarto ko bago ako lumabas dahil imposibleng hindi ako mai-stress mamaya.

 

MATAGAL akong nag-practice na ngumiti sa room ko kanina kaya hindi na pilit ang ngiti ko habang naglalakad sa aisle hawak ang bridesmaid bouquet. Isa pa, ayokong masyadong bigyan ng kaligayahan si Sara. Tama na ang pamamahiyang ginawa sa akin ni Reggie kanina at ang kalokohang ginawa ko para asarin sila. I have to look good in pictures this time. And I just want to get this damn thing done.

Natanaw ko agad si Mama sa bukana ng front row seats na nakatingin sa akin, halatang proud na proud at parang teary-eyed pa na para bang ako ang ikakasal.

Jusko. Nag-o-OA na naman po siya.

Bago pa mauwi na naman sa pag-twitch ang mga labi ko, inalis ko na ang tingin kay Mama. Napunta ang tingin ko sa groom na nanghihintay sa bride niya sa harap at pagkatapos ay lumipat sa lalaking katabi ni Luis. Ang lalaking iyon ang guwapong best man na sinasabi ni Mama. Iyon din ang lalaking nakita ko kanina at ngumiti sa akin.

Best friend ba siya ni Luis? Imposibleng kapatid dahil wala silang resemblance ni Luis kahit kaunti. Puwede rin sigurong pinsan. Pero saan ko nga kaya siya nakita? Mabilis kong inalis ang tingin sa lalaki nang ngumiti ulit siya sa akin. Bakit ganoon kung makatingin at makangiti ang lalaking iyon? Parang amused siya na hindi ko malaman. Kung makatingin, parang may alam siya tungkol sa akin na ikinalilibang niya.

Nairaos ko ang aking aisle walk nang hindi humuhulas ang ngiti kahit suyang-suya ako, thank God. But I promised to myself that this will be the last time I will walk in an aisle. Kapag may pinsan akong nagtangkang kunin akong abay, masasampal ko nang kaliwa’t-kanan.

Pinanood ko ang paglalakad ni Sara sa aisle kasama ang daddy niya dahil lahat ay nakatingin sa kanya kaya wala akong choice kung hindi ang tumingin na rin sa kanya. Nakatabon na sa ulo ni Sara ang veil niya pero kita pa rin ang napakasaya niyang ngiti. Everyone in that garden wedding looked happy for the bride. Lalong-lalo na si Mama na nakita kong nagdampi ng panyo sa mga pisngi.

Iniiyakan talaga niya ang pagpapakasal ng stepdaughter? Hindi ko napigilan ang mapaikot ng mga mata tutal naman ay nakatutok kay Sara ang lahat ng mga mata at camera at walang makakakita o makaka-capture ng reaksiyon ko. Emotional stepmom ang drama ni Mama. Pero sige, pagbibigyan ko siya sa drama niya kasi hindi na niya ulit mararanasan ang ganitong eksena sa buhay niya dahil hindi niya ako makikitang ikakasal.

Inalis ko ang tingin sa kanya at inilipat iyon kay Luis para tingnan ang reaksiyon ng groom habang pinanonood ang bride na papalapit sa kanya. That look on his eyes, it’s… well, I got to say, mukhang in love na in love nga talaga si Luis kay Sara.

Ah, love. I am not interested to fall in love because I am aware that falling in love means loving yourself less, depending your happiness on another person, allowing them to be a big part of your life and therefore, giving them the chance to hurt you or even ruin you later. I am not afraid to get hurt. Ayoko lang na may isang taong gagamitin ang damdamin ko para sa kanya para masaktan at masira ako.

I almost fell in love then. Mabuti na lang at naagapan ko ang pagkahulog doon. I didn’t reach to a point where I got my heart broken. Since then, I promised that I won’t let anyone break my heart or even get near it.

That’s why I chose to love myself because I’m sure I won’t hurt myself. Self-love is the only kind of love that won’t likely hurt you.

“Romantic love is the best stress-reliever…” Paulit-ulit na tila nag-echo sa tainga ko ang boses ni Dr. Andres.

Napabuga ako ng hangin. Really, Doc? Kailangan mo talagang umepal sa thoughts ko?

I won’t fall in love just to get healed from my acid reflux! I’d rather get my esophagus hurt than my heart!

Out of the blue ay dumako ang mga mata ko sa lalaking katabi ni Luis at natigilan ako nang makitang nakatingin siya sa akin. Hindi na siya nakangiti pero nakasungaw sa mga mata niya ang curiosity.

Now, I am curious with this guy. Sino siya?

 

GUSTO ko nang umeskapo nang reception dahil uwing-uwi na ako at ayoko nang makisali sa iba pang kaek-ekan sa reception. Kaya lang, bago pa ako makatakas, hinila ako ni Mama sa table nina Lola Trining at ng mga amiga niya at sapilitan akong pinaupo.

Dumampot ako ng isang champagne glass mula sa tray ng roving waiter. Kailangan ko ng alcohol para ma-relax ako. Ilang weeks na akong hindi nakakatikim ng alak dahil determinado akong gumaling sa sakit ko pero kung hindi ako iinom kahit kaunti sa mga oras na iyon, mai-stress ako. Hindi naman siguro masama na mag-cheat day today dahil may okasyon naman. Iinom na lang ako kaagad ng antacid.

“Tingnan n’yo ang apo ko sa pamangkin, napakaganda,” sabi ni Lola Trining sa mga amiga ni Mama.

Lahat sila sa table, sa akin nakatingin. Pakiramdam ko, may thesis defense ako at sila ang maurirat na panel. Alam kong pasakalye lang ni Lola Trining iyon dahil ang mga susunod na sasabihin nila, hindi ko na magugustuhan.

“Oo nga, Mommy Trining,” sang-ayon ni Tita Matilda na isa sa amiga ni Mama. “Perfect ang paglalakad niya kanina sa aisle.”

“Siguradong mas maganda siya at mas perpek ang paglalakad niya sa aisle kapag siya na ang ikinasal,” sabi ni Lola Trining.

Hayan na. Simula na ng pagkuyog nila sa akin. Parang gusto ko nang luglugin ang hawak na champagne.

“How old is Maureen na nga, Lory?” tanong ni Tita Aurora kay Mama.

“Twenty-nine,” sagot ni Mama na tinapunan ako ng tingin. Bahagya niya akong pinandilatan bago ibinalik kay Tita Aurora ang tingin. Parang sinasabi niyang kausapin ko ang mga amiga niya.

“Magte-thirty na pala ang unica hija mo, Lory,” sabi ni Tita Rose. Bumaling siya sa akin. “Wala ka ba talagang balak mag-asawa, Maureen?”

There. That same question again. All over again. Hindi pa ba sila nagsasawa sa kakatanong sa akin niyan? Nakakapagod na ang paulit-ulit na pagsagot. Bakit ba hindi nila maintindihan na hindi ako katulad nila? Hindi ako katulad ng ibang babae na walang ibang inisip kung hindi love, walang ibang pinangarap kung hindi ang makapagsuot ng wedding dress, walang ibang kinauuwian kung hindi ang maging housewife at ina.

Imbes na sumagot, sumimsim ako ng champagne. Naramdaman ko ang pagsipa ni Mama sa sapatos ko sa ilalim ng mesa. Nang tingnan ko siya ay nakita ko sa tingin niya na inuutusan niya akong sumagot. Hindi ko maintindihan kung bakit parang gustung-gusto niya akong inilalagay sa ganitong klaseng sitwasyon na alam niyang ayaw ko. Iniisip ko tuloy na sinasadya niyang ma-corner ako ng mga kaibigan niya at ni Lola Trining para ma-pressure akong maghanap na ng boyfriend at mag-asawa na.

“Ni boyfriend parang hindi namin naringgan na nagkaroon ka,” sabi ni Tita Matilda. “‘Wag mong sabihing walang nanligaw sa ‘yo.”

“Maaari bang wala?” sabi ni Mama dahil siguro na-trigger sa sinabi ng amiga. “Napakaganda ng anak ko. Imposible namang walang magkagusto sa anak ko. Maraming nanligaw sa kanya. Masyado lang kasi itong pihikan sa lalaki. Alam mo na, matalino kasi kaya hindi basta-basta nagse-settle sa kung sinong lalaki. At saka workaholic ang batang ito, eh. Sa sobrang busy, feeling niya, wala na siyang time para sa love life.”

“Totoong pihikan at matalino ‘yang apo ko,” pagsuporta ni Lola Trining sa sinabi ng pamangkin. “Kahit noong tinedyer pa ‘yan, may mga manliligaw ‘yang umaaligid sa kanya pero hindi niya pinapansin dahil masyadong pokus sa pag-aaral ang batang ‘yan.”

“Oo,” pagsang-ayon ni Mama sa tiyahin. “Totoo ‘yan. Kahit ngayon, may mga nanliligaw kay Maureen kaso hindi lang pumapasa. Hindi naman kasi basta-basta ang anak ko, ‘no? Maganda, matalino, madiskarte at may magandang career. Nakapagpundar na ng sarili niyang bahay at kotse. Kaya natural lang na hindi madali ang makakita ng lalaking kasing kalibre niya.”

“Ay, may kakilala akong may anak na lalaking kasing kalibre ni Maureen,” sabi ni Tita Aurora. “‘Yong dati kong classmate na last week ko lang ulit nakita. Ipinakita niya sa akin ang picture ng anak niya dahil sobrang proud siya. Ang guwapo ng anak niya! Doktor. Kasing busy ng anak mo kaya single pa at hindi pa rin nag-aasawa kahit nasa early thirties na.”

Halatang na-excite si Mama. “Oh my god! Sige, Au! Ipakilala mo sa anak ko ‘yan at baka magustuhan niya.”

Hindi ko na inalis sa mga labi ko ang rim ng baso at ipinagpatuloy ang paunti-unting pagsimsim ng champagne. Gusto ko na lang magkunwari na wala ako doon.

“Kung hindi sila uubra ng doktor na ‘yon, may irereto rin ako kay Maureen,” sabi ni Tita Rose. “‘Yong pamangkin ko sa pinsan. Criminal lawyer at wala pang naitatalong kaso ni isa.”

Mukhang lalong na-excite si Mama. “Oh, I like that! I-line up natin, ha, Rose.”

“I think ako din may mairereto,” sabi naman ni Tita Matilda. “My inaanak, Neil who is an architect at sobrang well-mannered na lalaki. He’s a great catch.”

Napapalakpak sa excitement si Mama. Tuwang-tuwa siguro sa pagbuhos ng lalaki para sa akin.

Hindi ko alam kung mapipikon o matatawa ako. Ang pinakaayoko sa lahat ay iyong i ako. tatlong beses na kasi akong inireto ni Mama. Iyong una, hindi ko sinipot. Iyong pangalawa, sinipot ko dahil nakiusap si Mama pero inasar-asar ko lang ang lalaking iyon during dinner dahil napreskuhan ako. Iyong pangatlo, pinagkatuwaan ko lang. Nagkunwari akong broken-hearted at naghahanap lang ng rebound kaya nakipag-date. Kaya hayun, hindi na ako tinawagan ng lalaki.

Hindi pa ba nadala si Mama? Gusto ba niyang pati ang mga amiga niya ay mapahiya sa mga lalaking irereto sa akin?

“I know Maureen is just waiting for the right guy,” nakangiting sabi ni Mama. “Pihikan man siya at parang walang time sa pag-ibig pero kapag nakilala na niya ‘yong lalaking sa wakas ay nagpatibok ng puso niya, siguradong maglalakad rin siya sa aisle na suot ang napakagandang wedding dress.”

Nagsitanguan ang mga amiga ni Mama.

“Ninang kayong lahat sa kasal ni Maureen, ha,” patuloy ni Mama na may kasamang hagikgik.

I rolled my eyes in disbelief. Lalo na nang mag-umpisa na silang pag-usapan ang mga detalye ng “kasal ko” at pati ang hitsura ng mga magiging anak ko. Hindi ko na kayang sumimsim na lang ng champagne at magpanggap na okay lang sa akin ang pagrereto nila sa akin sa kung sinu-sinong lalaki at pagpaplano ng buhay ko. Kailangan ko nang magsalita.

“Wala po akong balak mag-asawa.”

Nagtinginan ang lahat sa akin. Nabura ang ngiti ni Mama. Si Lola Trining ay nagsalubong ang mga kilay.

“Never akong mag-aasawa. Never akong magkakaanak.”

Katahimikan. Wala silang ginawa kung hindi ang magtinginan. Si Lola Trining ay sa akin lang nakatitig na para bang inaaarok niya kung seryoso ako sa sinabi ko.

Biglang tumawa si Mama pero halatang alanganin. “Again, nasasabi lang ‘yan ni Maureen dahil hindi pa niya nakikilala ang lalaking magpapatibok ng puso niya.”

“Sinasabi ko ito because this is me speaking for myself,” sabi ko.

“Talaga bang wala kang balak mag-asawa, Maureen?” halatang bad trip na tanong ni Lola Trining.

Mabuti na lang at nasa dulo ng covered gazebo ang mesa namin at may nagsasalita sa mic dahil kasalukuyang nagaganap ang mga ka-etchosan ng reception program ng kasal ni Sara kaya kami lang ang nakarinig sa boses ni Lola Trining. That is why I don’t like talking about this stuff with my mom’s aunt. Eskandalosa kasi si Lola Trining.

“Ano, hahayaan mo na lang na amagin ang matris mo?” patuloy ni Lola na nandidilat. “Kailangan mong mabigyan ng apo si Lory! Alalahanin mong ikaw lang ang nag-iisa niyang anak. Kapag hindi ka nagkaanak, mahihinto ang lahi n’yo. Hindi ka ba naaawa sa ama mo? Namatay na nga, eh, tapos hindi mo pa susundan ang lahi niya?”

Ah, the burden of being an only child. Somehow, ramdam ko ang guilt dahil hindi ko masusundan ang lahi ng mama at papa ko pero hindi ko isasakripisyo ang sarili kong mga plano sa buhay ko para lang masundan ang lahi namin. Hindi ko kasalanan na hindi na ulit nagbuntis si Mama pagkatapos akong ipanganak. Hindi ko rin kasalanan na hindi sila nagkaanak ni Tito Arthur.

“Para ano pang naging babae ka kung hindi ka manganganak?”

“Iyon lang po ba talaga ang silbi ng mga babae, Lola Trining? Ang magbuntis at manganak?” tanong ko.

“Aba’y kaya nga may matris tayo. Para gamitin natin.”

“Pero katawan ko po ito, Lola. Matris ko po ito kaya hindi ko gagamitin kung ayaw kong gamitin. In other words, this is my life and I will live how I wanted to live.”

Napanganga ang mga amiga ni Mama.

Nandilat si Lola Trining at humawak sa likod ng batok. Ibinigay nito kay Mama ang bag. “Lory, pakihanap mo nga ‘yong gamot ko sa high blood diyan at naha-highblood ako sa anak mo.”

Dinampot ko na lang ulit ang champagne glass pero this time, hindi ko na lang sinimsim ang champagne. Niluglog ko na iyon at nanghingi pa ako ng isang baso sa waiter.

 

NOTE:This preview is unedited and raw. So if you happen to spot some errors, just let them be.