[STATUS: SELF-SUFFICIENT] Chapter Five

HINDI ako sa bedroom ko sa bahay nagising ng umagang iyon kung hindi sa room na ipina-reserve ni Mama para sa akin sa venue ng kasal ni Sara.

Kumunot ang noo ko habang nakatitig sa kisame. Hindi ako umuwi pagkatapos ng wedding reception? Bakit? Bakit doon ako natulog sa halip na umuwi? Tinamad ba akong mag-drive? Pero hindi. Kating-kati na akong umuwi bago pa mag-reception. Gusto ko na agad makaalis sa lugar na iyon kahapon kaya bakit ako nag-overnight doon?

Nang subukan kong bumangon ay nakaramdam ako ng kirot sa ulo. I squinted. Shit. Did I get myself drunk?

The reason why I limit myself to one glass of cocktail drink each day was because I do not really have high tolerance in alcohol. Walang maghahatid sa akin mula sa bar pauwi kung sakaling malasing ako.

Nasobrahan ba ako sa champagne kahapon? Ang alam ko, dalawang champagne glass na half-full lang ang ininom ko. Ibinaba ko ang comforter na nakakumot sa akin at kinapa ang sarili. Bath robe lang ang suot ko. Wala naman kasi akong balak na mag-overnight doon kaya hindi ako nagbaon ng pantulog.

Ang huli kong natatandaan ay nasa table ako kasama sina Lola Trining at mga amiga ni Mama. Bakit hindi ko matandaan ang mga sumunod na nangyari pagkatapos noon? Nalasing na ba ako nang time na iyon at pumuslit na ako at nagkulong sa room na ito hanggang sa hindi na ako lumabas dahil napasarap ako sa pagtulog? O inihatid ako ni Mama sa silid ko dahil nalasing ako?

Anong oras ba natapos ang wedding reception? Ang alam ko, five o’ clock pa lang ng hapon noong pinag-usapan nina Mama at mga amiga niya ang tungkol sa future wedding ko. Inabot ko ang cellphone na nakalagay sa side table para tingnan ang oras. It’s seven o’clock in the morning. Gaano kaya ako katagal nakatulog?

Nang muli akong kumilos ay ang tiyan ko naman ang naramdaman kong sumakit. What did I do to myself? Alam ko namang may sakit ako at bawal ang alcohol.

Napabalikwas ako ng bangon nang marinig ko ang sunud-sunod na katok. Pagsilip ko sa peephole ay nakita ko si Mama na may kasamang dalawang lalaking nakasuot ng putting uniporme sa likuran. Right. Doon din sa resort natulog si Mama. Ang alam ko, may private room din sila ni Tito Arthur. Baka pati ang ibang guests na gustong mag-overnight ay natulog din sa resort.

Hindi ko sana siya pagbubuksan dahil naka-bathrobe lang ako pero nakita kong may dalang tray ng food ang mga lalaki na siguro ay waiters. Hindi nakangiti si Mama nang mabungaran ko. Baka bad trip sa akin dahil naglasing ako kagabi.

“‘Buti at gising ka na. Masakit ba ang ulo mo?” tanong ni Mama. Pinapasok nito ang dalawang waiters at inilapag ng mga ito ang pagkain sa maliit na bilog na table sa tabi ng French window ng silid.

Tumango ako. Ganoon ang tono niya kapag may ginawa akong hindi niya nagustuhan. Baka nga naiinis siya sa akin dahil sa halip na makilahok ako sa program sa reception ay naglasing ako at natulog.

“Pinadalhan kita ng breakfast at ng gamot sa hangover. Alam kong hindi ka kakain kasama ng ibang guests kaya pinahatiran na lang kita.”

Ganoon na ba talaga ka-antisocial ang tingin sa akin ng mama ko at iniisip niyang ayaw kong makakita ng mga tao at all? Oh, well, kung kasama sina Lola Trining at mga amiga niya, mas prefer ko ngang kumain nang mag-isa at tago.

Nang lumabas na ang waiters ay isinara ni Mama ang pinto. Matalim ang tingin niya sa akin nang iabot ang gamot.

“Kumain ka na at uminom ng gamot.”

Umupo na ako sa silya sa harap ng table. Dapat ay iinom pa ako ng gamot thirty minutes bago kumain pero gutom na gutom na ako at ramdam na ramdam ko ang excessive acid sa tiyan ko dahil nilagyan ko iyon ng alak kagabi. Kaya kumain na ako with gusto kahit wala pang toothbrush.

Umupo si Mama sa edge ng kama. Nakatitig lang siya sa akin. Disappointment ba ang nakikita ko sa mga mata niya?

“Sorry na,” sabi ko habang ngumunguya ng bacon. “Kung nalasing ako kagabi.”

Nagbuga ng hangin si Mama. Mukhang hindi makapaniwala. “Ganyan ka lang kakaswal na magso-sorry pagkatapos ng ginawa mo kagabi?”

I get it. Nahiya siya kay Tito Arthur at sa bagong kasal dahil bridesmaid pa man din ako pero hindi ako naka-pagparticipate sa mga ka-ek-ekan ng program sa reception dahil nalasing ako at natulog na lang. Kunsabagay, hindi naman talaga nakakatuwa na may guest—na parte pa ng entourage—ang maglalasing sa importanteng araw na iyon. That’s a form of disrespect. Dapat nga akong mahiya.

Hindi ko na matandaan kung ano exactly ang dahilan kung bakit naparami ang inom ko kagabi pero malamang dahil rin sa kanila nina Lola Trining at mga amiga niya. Naalala ko kung paano ako kinagalitan ni Lola Trining at ikinuwento na sa angkan namin, may dalawang babaeng hindi nakapag-asawa at maagang nagsimatayan ang mga ito dahil sa lungkot at pag-iisa.

Tapos ay sumabad pa ang mga amiga ni Mama at pinayuhan ako. Na kesyo mahirap daw ang walang katuwang sa buhay, mahirap daw ang tumandang mag-isa, sayang daw ang genes ko, sa una raw ay maaaring okay lang sa akin ang walang kasama sa buhay pero sa paglaon ay siguradong pagsisisihan kong hindi ako bumuo ng sarili kong pamilya, baka raw magkaroon ako ng mayoma na kadalasan daw ay nakukuha ng mga babaeng hindi ginamit ang matris nila at kung anu-ano pang mga pananakot.

“Magso-sorry na lang ako kina Tito Art at sa newly weds. I’m sure hindi ko naman ginustong maglasing. Kung hindi siguro dahil sa inyo nina Lola Trining at ng mga amiga mo na sobrang maka-pressure sa akin kahapon. Sobra siguro akong na-stress sa inyo kaya naparami ang inom ko ng champagne.”

O baka sinadya ko ang damihan ang inom dahil ayokong mag-participate sa program, lalong-lalo na sa part na ihahagis na ni Sara ang wedding bouquet niya. Wala akong balak tumayo roon looking pathetic while waiting for the tossing of that stupid wedding bouquet like that would really produce a groom. Kahit totoo man ang tradisyong iyon, wala akong balak na magpakasal kaya nunca akong makikipag-agawan sa bouquet na iyon.

“At saka hindi naman ako kawalan sa reception program nila. I’m sure sa sobrang saya nila kahapon, hindi na nila namalayang hindi ako nag-participate sa…” Nadako ang tingin ko sa malaking pumpon ng bulaklak na nakakalat sa sahig.

Kumurap-kurap ako. Bakit parang lumaki yata ang bouquet ko? At saka ang alam ko ay ibinigay ko iyon sa assistant ng wedding coordinator pagkatapos ng kasal dahil ayoko ng may bitbit. Naalala ko ang hitsura ng bridal bouquet ni Sara. Kamukhang-kamukha niyon. Bakit nasa loob ng kuwarto ko ang bouquet ng bride?

Itatanong ko pa lang sana kay Mama kung bakit nandoon ang bouquet ni Sara pero nagsalita si Mama.

“Wala kang naaalala sa mga pinaggagagawa mo kagabi?”

Mula sa bouquet ay nalipat ang tingin ko kay Mama na halata sa mukha ang worry. Ano ang pinaggagagawa ko kagabi?

“Hindi mo naaalala na habang nagbibigay ng speech para sa wedding toast ang maid of honor, inagaw mo ang mic?”

Bumagsak mula sa bibig ko ang hotdog na isinubo ko. Ginawa ko iyon? Pilit kong inalala ang eksenang sinasabi ni mama at may alaalang sumagitsit sa isip ko.

Naglalakad ako nang pasuray-suray habang may hawak na baso ng champagne. Hinaltak ko ang mic mula sa maid of honor at itinaas ang basong hawak. Lahat ng naroon ay nakatingin sa akin. Nakita ko ang bahagyang panlalaki ng mga mata ni Sara habang nakatingin sa akin. Halatang confused si Luis dahil siguro hindi inaasahan na manghahalbot ako ng mic samantalang nagsasalita pa ang maid of honor.

Binitiwan ko ang spoon and fork at sinapo ang ulo ko. Hindi ko masyadong maalala ang mga sinabi ko. May ilang mga salita pero hindi ko mabuo sa alaala ko.

“I want to give my own speech since I am the sister of the bride.” Boses ko iyon.

Napatingin ako kay Mama. May hawak siyang cellphone na nakaharap sa akin ang screen. May video na kasalukuyang nagpe-play at nakita ko ang sarili na may hawak na mic at baso ng champagne. Tumayo ako at hinablot kay Mama ang cellphone at umupo sa tabi niya.

“I’d like to offer this toast to my dear sister, Sara and her husband, Luis.” Itinaas ko ang basong hawak ko. Halatang marami akong nainom dahil namumungay ang mga mata ko at namumula ang mukha ko sa video. Pati boses ko ay halatang hindi na steady.

“To some of you who might not know me, I am the daughter of Sara’s stepmom. So, we’re not really sisters by blood but she’s telling everyone I am her older sister, then so be it. I am her ooolder sister. I’m already twenty-nine years old. And she’s like twenty-six? Twenty-seven? I’m not sure but I’m definitely older than her. My little sister here… ahh… I can’t believe she’s already married. And she even took me as one of her bridesmaids. Honestly, hindi ko ine-expect na makakasama ako sa bridal entourage because we’re not really close. Sara and I are like… oil and water. We’re not close and we can never be close…”

Sinubukang hatakin sa akin ni Mama ang mic pero hindi ko binigay. “What? Bakit ayaw mo ‘kong magbigay ng speech para sa kapatid ko?”

May sinabi si Mama pero hindi narinig sa video dahil siguro hindi siya naka-mic.

“‘Ma, I’m not drunk, okay? Otherwise, I’d be lying on the floor by now.”

Alanganin ang ngiti ni Mama habang tumitingin sa paligid. Mukhang nagpa-panic siya pero pilit itinatago.

“As I was saying, Sara and I are not close. That’s why I was taken aback when I was told that I’d be one of the bridesmaids. Naisip ko, baka napilitan lang siya dahil kay Mama. So, for the sake of being stepsisters, kinuha niya ako kahit hindi talaga kami close. But when I went here, I realized she has other reasons why she took me as one of her bridesmaids. First, she wanted to make sure that I’d attend her wedding. Second, she wanted me to look funny in her wedding photoshoot. And I really did look funny in those photos, thanks to that pamintang photographer.”

May itinuro ako sa paligid. Mukhang natinginan ang lahat ng mga tao sa direksiyong iyon na malamang kinatatayuan ng photographer.

Napatutop ako ng bibig habang hawak ang cellphone. Ini-reveal ko ang secret ng machong photographer sa maraming tao!

Muling pinagtangkaan ni Mama na kunin mula sa akin ang mic pero again, hindi siya nagtagumpay.

“Third, she wanted to gloat about getting married first before me. Since I am older than her, everybody would expect me to get married before she did but she surpassed me and she must be expecting that I’d feel pathetic and envious because of that, but no. I do not feel that way. Because I have no plans to be a bride, okay? Ayokong mag-asawa! What’s so good about being a wife, anyway? Sara won’t have time for herself anymore starting today. She needs to get up early in the morning and before her husband wakes up kasi hindi na ang sarili lang niya ang paghahandaan niya sa pagpasok sa opisina, pati si Luis na.”

Mukhang helpless na si Mama sa likod ko. Parang gusto na niya akong hablutin ang hair bun ko at hilahin ako palayo sa lugar na iyon pero hindi lang niya magawa.

“Hindi na niya sarili ang pera niya dahil lahat ng kikitain at bibilhin niyang properties magmula ngayon, conjugal property na nila ni Luis. Hindi na siya puwedeng mag-decide nang basta-basta para sa sarili niya dahil kailangan muna niyang i-consult si Luis about it kahit pa tungkol sa sarili niya ‘yon. Tapos kailangang mabuntis ni Sara. Manganganak si Sara. Mai-stop siya sa work niya sa company ni Tito Arthur. Mapuputol ang career niya. Mai-stuck siya sa bahay. Mapapabayaan ni Sara ang sarili niya dahil sa pag-aalaga ng malikot, makulit at iyaking baby. Ni hindi na siya makakapagsuklay ng buhok, hindi na makakapagpa-maniped, hindi na makakapag-exercise at yoga kaya tataba na si Sara, lolosyang, papangit and Luis might not find her attractive at all…”

Napapapangiwi ako habang pinapanood ang hitsura ko habang nagsasalita. Feel na feel ko pa ang sinasabi ko sa video na para bang I really felt bad for Sara’s future.

“Stop it!” boses ni Sara ang sumigaw sa background. Biglang nalipat ang camera sa presidential table kung saan nakita kong nakatayo na si Sara. Halata ang galit sa mukha niya pero parang gusto niyang mapaiyak. Si Luis ay nakanganga at mukhang na-shock sa mga sinabi ko.

“Wait lang, Sara,” boses ko iyon. Bumalik sa akin ang kuha ng camera phone. “Heto naman, hindi ka naman mabiro. Joke lang ‘yon!” Tumawa ako. May mga tumawa sa background.

“Masyado kasing seryoso ‘yong speech ni Tito Arthur saka ng best man at ng maid of honor kaya pinatawa ko lang kayong lahat” patuloy ko. “Anyway, what I just really want to say is I hope you two will have a good and long marriage. Sana walang isang mangaliwa o mamatay sa inyo nang maaga ni Luis para walang maging stepsis ang anak n’yo.”

Parang gusto nang mamatay ni Mama sa likuran ko.

“Joke again!” dugtong ko agad sabay hagikgik. “Pero heto, seryoso na. Best wishes to the newly weds!” Itinaas ko ang baso ko. “Cheers!” Mukhang walang nagtaas ng baso kaya lumibot ang mga mata ko. “Magtataas kayo ng baso o hindi ako titigil sa pagsasalita dito?” Nagtaasan ng baso ang mga nasa loob ng frame ng video kaya malamang na nagtaasan din ang iba.

Napapikit ako nang matapos kong panoorin ang video. Aminado akong sarcastic ako at minsan ay out of control ang bibig but in my normal state of mind, hindi ko magagawang “magbiro” nang ganoon sa mismong kasal ni Sara dahil alam kong mahalaga para sa kanila ni Luis ang araw na iyon.

Naalala ko ang mukha ni Sara sa video nang patigilin niya ako sa pagsasalita. She must be really upset at what I told her guests last night. I never intended to upset her on her wedding day. Hindi ako ganoon kasamang stepsister kahit pa alam kong may ulterior motive siya sa pagkuha sa akin bilang bridesmaid.

Kaya pala ako pinahatiran ni Mama ng almusal at inaasahan niyang hindi ako haharap sa mga tao sa labas ay dahil sa ginawa ko kagabi. Mukhang hindi ko nga kayang humarap sa mga bisita at sa newly weds.

“Ano?” tanong ni Mama. “Anong masasabi mo sa kalokohang ginawa mo?”

Tumingin ako sa kanya at sinalubong ang disappointment sa mga mata niya. “‘Ma, lasing ako kaya ko nagawa ‘yan.”

“Iyon na nga, eh. Bakit ka naglasing? Alam mo namang importanteng araw ang kahapon at basic wedding ettiquette ang hindi uminom ng marami sa wedding reception.”

“It’s your fault,” nakasibing sabi ko. “Hinayaan mo akong gano’nin ni Lola Trining at ng mga kaibigan mo. Na-stress ako kaya siguro uminom ako nang marami.”

“Gano’nin? Masyadong matigas ang ulo mo kaya hindi mo nakikita ang mga kailangan mong makita. Binubuksan lang nila ang isip mo at baka sakaling ma-realize mo na bilang babae, kailangan mong mag-asawa at magkaanak.”

Sinapo ko ang ulo. Namimintig iyon at sumasabay ang acid sa sikmura ko. Kaya bumalik na ako sa kinakain ko dahil kailangang mong lamnan ang tiyan ko para makainom na ng gamot sa sakit ng ulo at antacid. Hinayaan ko na lang si Mama na magsalita nang magsalita.

“Hinayaan kitang umalis sa poder ko noong dies y nueve ka kahit ayoko dahil iyon ang gusto mo. Hinayaan kitang magdesisyon para sa sarili mo at buhayin ang sarili mo kahit masakit sa loob ko dahil parang pinalabas mo na hindi mo na ako kailangan bilang ina mo. Pero sana bigyan mo naman ako ng kahit kaunting karapatan sa ‘yo. Pakinggan mo naman ako dahil para sa ‘yo rin ito…”

Ipinagpatuloy ko na lang ang pagkain at hindi na umimik. Hinayaan ko na lang si Mama sa pang-MMK niyang monologue. Hindi niya kahit kailan maiintindihan na iba ako sa ibang mga babae, na hindi ako tulad niya. Hindi ako tulad niyang kailangan ng lalaki sa buhay para maging masaya at maka-survive.

Nang malapit na akong matapos sa pagkain, napadako na naman ang tingin ko sa bridal bouquet ni Sara na nasa sahig. Napabuga ako ng hangin na may kasamang ilang butil ng kanin nang ma-realize na baka tinotoo ni Sara ang sinabi niya kahapon na sa akin ihahagis ang bouquet.

“Lalabas na ‘ko,” paalam ni Mama na halata pa rin ang bitterness. “Baka hinihintay na ako ng Tito Arthur mo. Tapusin mo na ‘yang pagkain mo at maligo ka na’t magbihis.”

“‘Ma, bakit nasa akin ‘yang bouquet ni Sara?” tanong ko bago pa mabuksan ni Mama ang pinto. “Pinilit mo ba akong mag-participate sa kaek-ekang bouquet tossing tradition na ‘yan?” Dinampot ko ang baso ng tubig.

Humarap si Mama na may sarcastic little smile. “Pinilit?” Tinapunan niya ng tingin ang bouquet sa sahig. “Ikaw pa nga ang naunang pumunta nang tawagin sa harap ang single ladies, ‘no?”

Naibuga ko ang iniinom kong tubig.

 

NOTE:This preview is unedited and raw. So if you happen to spot some errors, just let them be.