[Preview] A Romance Novel – Chapter 2

MATAPOS kong sulatan ng dedication at pirmahan ang libro ay ibinalik ko iyon sa mambabasa na pumila sa booksigning kong ginanap sa National Bookstore.

Modesty aside, isa si Hara Montesa sa bestseller romance novelists. Sa tuwing may inilalabas akong bagong romance novel ay nagkakaroon ko ng booksigning. Bukod sa layunin na makabenta ng libro ay iyon din ang pagkakataon ko para makadaupang-palad ang mga taong bumibili at sumusuporta sa mga akda ko.

“Idol na idol ko po kayo, Miss Hara,” bungad kaagad ng sumunod na fan sa pila.

“Salamat!” magiliw na sabi ko.

“Nakakawala ng stress ang mga libro n’yo. Nakakakilig… nakaka-in love… Siguro sobrang happy ng love life n’yo kaya ganoon kagaganda ang mga naisusulat n’yong mga kuwento.”

Tumawa lang ako nang slight. Hindi ako mapagbukas ng private life sa mga mambabasa ko. Hay, kung alam mo lang. No boyfriend since birth ang drama ko, teh. Wala rin naman sigurong maniniwala kung sasabihin ko iyon. Magtataka lang sila kung paano ako nakakasulat ng mga nakakakilig na kuwento tungkol sa pag-ibig na todo sa hugot gayong wala pa akong karanasan sa pag-ibig.

Well, mayroon nga… pero hindi naman nagkaroon ng katugon.

Nang umalis ang fan na nasa harap ng mesa ay tumambad sa akin ang taong sumunod sa pila—isang matangkad na lalaking may hawak ng kopya ng bagong labas na libro ko. Ngumiti ang lalaking may wavy hair at tila papatubong mustache. Mukha siguro akong namatanda sa hitsura ko habang nakatitig sa pamilyar na lalaki.

“Hi, Miss Hara Montesa. Remember me?” tanong ng lalaki.

Four years. Four years ko ngang hindi nakita si Harry pero hinding-hindi ko makakalimutan ang mukhang iyon. Ang napakaguwapong pagmumukhang iyon.

“Anong ginagawa mo rito?” natitigilang tanong ko.

Ibinigay ni Harry ang kopya ng libro kong hawak niya. “Please sign that. Then after you’re done here, let’s go have some coffee.”

Alanganin akong ngumiti. Basang-basa ko ang ekspresyon ng mga mata ni Harry na para ba sinasabing “May atraso ka sa akin.”

“Come on, Evs. Sign it. Isulat mo rin diyan ang bagong number mo para ma-contact na ulit kita.”

Tumigas ang panga ko nang marinig ang itinawag sa akin ni Harry. Evs. Evs! Asar na asar ako noon kapag tinatawag niya ako sa nickname na ikinabit niya sa akin dahil katunog iyon ng “ebs” as in “ebak” o human waste.

Umigkas ang kilay ko. Na-realize ko na hindi dapat ako magpakita ng guilt kay Harry. Dahil kapag ginawa ko iyon ay wala siyang gagawin kundi ang konsensiyahin ako sa ginawa kong pagputol ng komunikasyon namin. Kilala ko si Harry. Magaling mang-terrorize ang loko. Ang pagtawag nga niya ng “Evs” sa akin ay tanda nang nagsisimula na siyang na i-bully ako dahil may atraso ako sa kanya.

You suck. Iyon lang ang isinulat ko sa bakanteng pahina ng libro at ibinigay na kay Harry iyon. Kailangan kong isulat iyon para ipakita na hindi ako magpapa-bully sa kanya. Sinilip niya ang isinulat kong dedication sa libro. Gumuhit ang tila naaaliw na ngiti sa mga labi niya.

“This is by far the sweetest message I’ve ever received. I’m so touched. Thanks, Evs.”

Gumanti ako ng ngiti. “Of course. It’s from the bottom of my heart.”

Harry grinned. “I’ll wait for you in Starbucks.”

Wala na siya sa harap ko at pumipirma na ako ng panibagong kopya ng libro mula sa ibang mambabasa pero na kay Harry pa rin ang isip ko. Alam kong one of these days ay maaari kaming magkatagpong muli ngunit hindi ko napaghandaan ang araw na ito.

 

“SO, HOW have you been?”

Imbes na sumagot kaagad ay dinampot ko ang aking cup ng green tea frappucino at sumipsip sa straw niyon. Sinadya kong paghintayin si Harry sa sagot ko para lang ipakita sa kanya na hindi ako natataranta dahil may atraso ako sa kanya. Kailangan kong panindigan ang pagpapakita ng guiltless manner. Kung hindi ay mahihirapan akong depensahan ang hindi ko pagpaparamdam sa kanya nang four years.

“Sige lang,” nakangiting sabi ni Harry. “Take your time. Tutal four years lang naman tayong hindi nagkita at nagkausap. There’s not much to talk about.”

Nginisian ko lang ang sarkasmo ni Harry. “Well, as you can see… I’ve became a romance novelist.”

For a moment, he looked curious. “Quite a surprise, actually. Ni wala ka ni katiting na romantic bone sa katawan noon.”

“Puwes, ngayon, meron na. Ikaw, kumusta ka na?”

Umangat ang isang sulok ng mga labi ni Harry. “Are you really interested to know o tinatanong mo lang ako dala ng kagandahang asal?”

“Ang arte mo.”

Harry snorted and shook his head. Tila ready nang mag-drama. “Four years, Evelyn. Four years!  Binalewala mo ako nang four years. Ni isang beses hindi mo ako kinumusta kung buhay pa ako.”

Napangiti ako. “Alam mo, puwede mo nang palitan si John Lloyd. Ang drama mo, eh.”

“Grabe ka, Evs. Pagkatapos mo akong abandonahin ng four years, ganyan lang ang sasabihin mo. Iba ka na. Nagbago ka na.”

Kahit may pinaghuhugutan ay halata naman na nagda-drama lang ang loko. Hindi si Harry ang tipo na nagho-hold ng grudges o angst. Alam kong kahit ano pang gawin kong kasalanan sa kanya ay hindi siya magagalit. Magtatampo siguro pero hindi magagalit. At madali lang mawala ang tampo ni Harry.

“Abandona talaga? Sobrang naging busy kasi ako noong mga time na hindi ko na halos nasasagot ang text messages mo. Tapos nawala ang cellphone ko,” pagsisinungaling ko. Of course, hindi ko puwedeng sabihin sa kanya na kaya ko pinutol ang komunikasyon namin ay dahil gusto kong maka-move on sa feelings ko para sa kanya. “I lost your contact number. Noong mga time na ‘yon, umalis na si Tres papuntang Dubai kaya hindi ko siya natanong kung anong number mo. Tapos nag-break sina Milo at Vina. Masama ang loob ko kay Milo dahil sa breakup nila ni Vina kaya ayaw ko siyang kausapin kaya hindi ko rin siya natanong kung anong number mo. Si Vina naman, nasira ang phone niya. Eh, naka-save pala sa mismong phone ang lahat ng contact numbers niya. Kaya hindi na na-recover.”

Wala sa hitsura ni Harry ang naniniwala sa mga alibi ko. “Alam mo, writer ka nga. Ang galing mong gumawa ng kuwento.”

“Hindi ako gumagawa ng kuwento,” paninindigan ko sa alibi.

“Alam mo, mas maiintindihan ko pa kung sasabihin mong kaya mo unti-unting pinutol ang communication at friendship natin ay dahil naging busy ka sa love life. Na may lalaki nang kumukuha ng halos buong atensiyon at oras mo kaya nawalan ka na ng oras para sa ibang bagay o ibang tao. At ayaw mong magselos ang boyfriend mo dahil may kaibigan kang guwapo kaya inalis mo na lang ako sa buhay mo kaysa kayo ang magkasira ng boyfriend mo.”

Hindi ko napigilan ang matawa.

“Tama ako, ‘di ba? Maiintindihan ko naman kung ipagpapalit mo ako sa lalaking mahal mo. Kasi naranasan ko na rin ‘yan noong naging kami ni Cheena. Nabawasan ang time ko sa inyo.” Pinakatitigan niya ako. “Who’s the guy?”

Pasusubalian ko sana ang nabuong suspetsa ni Harry pero naisip kong magmumukha akong tanga kung aaminin kong hindi ako nagka-boyfriend sa nakalipas na apat na taon. At naturingang isa akong romance writer. Baka pagtawanan niya ako kapag sinabi kong NBSB pa rin ako hanggang ngayon. Besides, mas kapani-paniwala nga naman ang naisip na sitwasyon ni Harry kaysa sa alibi na binuo ko.

“Oo na. Inaamin ko na. Tama ka.”

Pumalatak si Harry. “You’re probably still together dahil hanggang ngayon—kung hindi pa ako ang kusang nagpakita sa ‘yo—mukhang wala ka pa ring balak na gumawa ng effort para malaman kung paano ako maco-contact o mahahanap kahit ngayong nasa Manila ka na rin.”

Ang balak ko sana ay sabihing nag-break na kami ng “boyfriend” ko para hindi na hanapin ni Harry ang taong hindi naman talaga nag-e-exist pero nang dahil sa sinabi niya ay umurong ang dila ko. Pero wala naman talaga akong boyfriend. So, sino ang ihaharap ko kapag nag-demand si Harry na ipakilala ko sa kanya ang boyfriend ko?

Bigla kong naisip si Richie na kakalipat lang sa hotel branch sa Boracay. Nagbunga ang pagno-nobena niya na mailipat ng destino sa trabaho sa Boracay para makasama niya ang boyfriend niya. Ang sabi niya ay hindi na daw siya babalik sa Maynila. Iniwan niya ako para sa isang lalaki.

“He’s in Boracay right now,” kusang lumabas sa bibig ko ang bigla na lang nag-pop up sa isip ko. “Kakaalis lang niya. Business trip. Three weeks.”

Hindi magde-demand si Harry na ipakilala ko sa kanya ang “boyfriend” ko dahil kasalukuyang out of town ang “boyfriend.” Pero after two weeks ay puwede kong sabihin kay Harry na nag-break na kami ng “boyfriend” ko. Sa puntong iyon ay hindi na talaga magtatangka si Harry na makilala pa ang lalaking iyon.

“I see.” Bumuntonghininga si Harry. “Ano ba ang laban ng guy friend sa boyfriend? Wala. Kaya okay na ako. Naiintindihan na kita kung bakit i-g-in-ve up mo ang friendship natin. But we can be friends again, right?”

Friends again… Should we be friends again? Bakit kailangan kong mag-alinlangan? It was not as if I am still in love with him to be worried about getting close to him again. Wala na akong feelings para kay Harry. Siguro nga ay nakaramdam ako ng excitement nang makita ko ulit siya. Natural lang iyon dahil dati kaming magkaibigan at sobrang tagal ko siyang hindi nakita.

Kahit pa aminado akong malaki ng nadagdag sa sex appeal ni Harry ngayong twenty-eight years old na siya ay wala na akong nararamdamang special para sa kanya. I am over him. Tanggap ko nang kahit kailan ay hindi ako mamahalin ni Harry nang higit pa sa kaibigan. At kahit kailan ay hindi niya ako titingnan bilang isang babae.

“May choice ba ‘ko?” tanong ko na kunwari ay napipilitan lang.

Harry chuckled softly. “Ikaw pa ang choosy, ha.”

Tinawanan ko lang siya. “Saan ka nga pala nagwo-work ngayon? Doon pa rin ba sa dati?”

Ibinaba ni Harry ang cup ng kape bago sumagot. “Nope. Sa Yolangco Advertising na. Three years na ako doon.”

“Talaga? Sikat ‘yon, ah.” Sa pagkakaalam ko, ang Yolangco Advertising ay isa sa pinakamalaki at pinakamatagumpay na advertising firms sa bansa. Ang mga kliyenteng hawak ng Yolangco ay pawang mga pinakasikat na product brands.

“I’m the newly appointed creative head.”

“Wow.” Totoong na-impress ako. “Agad-agad? Astig.” Wala naman akong duda na kayang makuha ni Harry ang ganoon kataas na posisyon nang mabilis dahil talaga namang magaling si Harry.

Ngumiti si Harry, halatang proud. “Ikaw din naman. Astig. Sikat ka na. Ang daming fans na nakapila sa ‘yo kanina. Ang tagal ko kayang nakatayo roon sa pila.”

“Sino ba kasing may sabi sa ‘yong pumila ka?”

“Gusto lang kitang sorpresahin.”

“Anong nangyari sa ‘yo sa nakalipas na apat na taon? Noong huli tayong nagkita, kayo ni Cheena. Kayo pa rin ba hanggang ngayon o iba na ang girlfriend mo?” hindi nakatiis na tanong ko, silently hoping na sabihin ni Harry na matagal nang wala si Cheena sa buhay niya.

Halatang natigilan si Harry sa itinanong ko. He took time sipping his coffee. “Well… Cheena and I broke up two months ago.”

“Talaga?” Hindi ko ide-deny sa sarili ko na may relief akong naramdaman sa nalaman ko. Kahit siguro wala akong feelings para kay Harry noon ay hindi ko pa rin magugustuhan si Cheena para kay Harry.

Napaka-self-centered kasi ni Cheena at masyadong demanding sa oras ni Harry. In fact, simula nang maging maging sila almost five years ago ay halos hindi na namin nakakasama ng barkada si Harry. Hindi naman ganoon ang mga naging girlfriends ni Harry. Hindi nga namin nakaalitan si Cheena pero ramdam namin ng barkada na walang balak si Cheena na makipagkaibigan sa amin at parang sadyang inilayo niya si Harry sa amin ng barkada.

“Pero ang tagal n’yo rin, ha,” patuloy ko. “Almost five years if I’m not mistaken.”

“On and off ang relationship namin. Pinakamatagal na off ay two months.”

“Pero this time, wala na talaga? Hindi na kayo magkakabalikan?” Please say ‘yes,’ bulong ko sa isip. Napuna ko ang paglungkot ng mukha ni Harry. Hindi ko nagustuhan ang naisip kong interpretasyon sa hitsura niya.

“I want her back,” seryosong wika ni Harry.

Anak ng… “Why?”

“Because I still love her.”

Pilit kong itinago ang disappointment sa narinig ko. “Baka naman gusto mo lang siyang bumalik sa ‘yo for sentimental reason. Baka nanghihinayang ka lang sa almost five years na pinagsamahan n’yo. At dahil nakasama mo siya nang ganoon katagal, pakiramdam mo hindi na mo kayang mabuhay na hindi siya ang kasama mo kasi nasanay ka na sa presence niya. Posibleng separation anxiety lang ‘yan.”

Tinitigan ako ni Harry. “Sa tingin mo?”

“Oo. Makaka-move on ka rin. Sa umpisa lang ‘yan mahirap.”

Halatang nag-isip siya. Pagkatapos ay umiling-iling. “No. I still love her. I want her back.”

Hindi ko alam kung bakit kay bigat sa loob na marinig ang sinabi ni Harry. “Eh, ‘di get her back.” Nagkibit-balikat na lang ako na kunwari ay walang pakialam pero deep inside, ipinapanalangin ko na mauntog si Harry at ma-realize na hindi na niya mahal si Cheena.

“For the past weeks I’ve been trying to win her back. Pero ayaw na niyang bumalik sa akin. Sabi niya, hindi niya na ako mahal,” patuloy ni Harry. “Hindi ako naniniwala.”

“Baka may iba na siya.”

“Wala. Walang third party involved. At hanggang ngayon, wala siyang bagong boyfriend.”

“So, sinasabi mo na nagpapakipot lang siya? Nagpapahabol, gano’n? Nagpapasuyo?”

“Ayaw niya nga akong makausap, eh. Ayaw na niya akong makita.”

“Ano ba kasing ginawa mo? Bakit siya nakipaghiwalay sa ‘yo?”

“Hindi kasi ako naka-attend sa kasal ng sister niya dahil sa trabaho ko. Nagkaroon kasi ng problema sa isang project namin na hindi ko puwedeng hindi asikasuhin.”

I snorted. “Ang babaw naman pala. Unless ikaw ‘yong pari na magkakasal sa sister niya at sa groom, hindi ka dapat niya hiniwalayan nang dahil lang hindi ka nakapunta sa kasal na ‘yon. Valid naman ‘yong reason mo. Gusto ba niya na nandoon ka nga sa kasal ng sister niya pero wala ka nang trabaho o na-demote ka dahil na-bad shot ka sa kompanyang pinagtatrabahuhan mo?”

“Buti ka pa. Naiintindihan mo.”

“Napaka-self-centered naman kasi niya.”

Hindi umimik si Harry. Malamang ay aminado na makasarili nga si Cheena. Kilala ko si Harry. Pasensiyoso siya. Cool at even-tempered. Malamang ay iyon ang dahilan kung bakit tumagal ang dalawa kahit ganoon ang ugali ni Cheena.

“Ang mabuti mong gawin, pagsumikapan mo na lang na kalimutan siya,” advise ko. “Hindi madaling kalimutan ang ganoon katagal na pinagsamahan pero makakaya mo ‘yon.”

“I tried but didn’t succeed. Kaya gusto ko siyang bumalik sa akin.”

“Pero sinabi mong lahat na, eh, ginawa mo na.”

“Lahat nga nagawa ko na. Pero just recently, may naisip akong isang paraan para ma-realize niya na mahal niya pa rin ako at hindi niya kayang mawala ako sa kanya nang tuluyan.”

Nakadama ako ng pagkaasar pero itinago ko na lang. Naasar akong marinig kung gaano kamahal ni Harry ang babaeng iyon. “Ano naman ‘yon?”

“I remember one time, Cheena was reading a romance novel at sabi niya, gusto niyang mabasa ang love story namin sa isang libro.”

“So?”

Tumitig sa akin si Harry nang may pagsusumamo. “Help me, Evelyn.”

“Huh? Ako?” turo ko sa sarili.

Tumango si Harry. Ginagap niya ang kamay kong nakapatong sa mesa. For a moment, I could not move and all I was aware of was the warm skin that touched mine. Something in my chest seemed to flap.

“Evelyn… please write our story,” Harry begged.

“Ano?” napapatdang sambit ko.

“Write our love story. Mula sa unang araw na nagkakilala kami hanggang sa nagkabalikan kami. Isulat mo ang lahat ng pinagdaanan namin, ang pinagsamahan namin. Every anniversary celebration, every fight, every precious moments… Everything we shared together. At gusto kong mabasa niya iyon. Dahil kapag nabasa niya ang librong iyon, siguradong babalik sa kanya ang nakaraan at manghihinayang siya sa lahat ng panahong pinagsamahan namin at mare-realize niya na hindi niya ako dapat na tuluyang alisin sa buhay niya.”

I gaped at him. I could not believe what I just heard. I would not mind helping a friend but I could not believe Harry would ask me to do that. Kaya ba niya ako pinuntahan makalipas ang apat na taon ay dahil kay Cheena? Alang-alang sa babaeng mahal niya?

Kahit paano ay umasam pa naman ako na kaya hindi rin ako natiis ni Harry ay dahil mahalaga pa rin ako para sa kanya… at na-miss niya ako. Mali ako. Ang pag-e-effort ni Harry para pumila sa booksigning ko ay alang-alang pala sa kagustuhan niyang bumalik si Cheena sa kanya.

Pinilit kong itago ang matinding disappointment. Binawi ko ang kamay ko. “Ang weird ng gusto mong mangyari. Pero sorry, Harry, hindi ako nagsusulat ng true to life stories. Fiction lang ang isinusulat ko.”

“Puwede mo namang i-enhance o i-fit in sa writing style mo. Basta nandoon ‘yong elements from the real scenes. At saka gagawin mo namang fiction ang bandang huli. Doon sa part na magkakabalikan kami. Maganda rin naman ang love story namin. Hindi nga siguro ‘yong usual romance novel type na maraming plot twists, pero I can assure you na maraming mai-in love sa story namin as a couple.”

Kusang umangat ang isang kilay ko. Really? Nasaksihan ko ang twelve percent ng love story ng dalawa. Kung iyon ang pang-teaser sa nobela, sa tingin ko ay hindi iyon bibilhin ng mga mambabasa. Na-curious tuloy ako kung ano ang nangyari sa dalawa noong umalis sila sa Baguio at pumunta sa Maynila. Doon ba nagsimula ang nakaka-in love na istorya nina Cheena at Harry?

“Kaya mo ba ako pinuntahan after four years?” hindi nakatiis na tanong ko. “Dahil may favor kang hihingin sa akin?”

“Matagal na kitang gustong puntahan. Pero nagtatampo ako sa ‘yo dahil parang kinalimutan mo na ako.”

“Pero kinalimutan mo ang tampo mo para kay Cheena.”

“The same way na kinalimutan mo ang tampo mo sa akin noon para lang magpatulong sa project mo.”

Alam ko kung ano ang gustong tukuyin ni Harry. Sa isang subject ay nagkaroon kami ng project pero nang malapit ko nang matapos ang report ay nasira ang computer ko at naglahong parang bula ang pinaghirapan ko ng isang linggo. Nagkataong nagtatampo ako noon kay Harry dahil hindi siya nakapunta sa birthday celebration ko dahil hindi raw siya nakatanggi nang biglang magyayang mag-out of town ang girlfriend niya nang panahong iyon.

Hindi ko pinansin si Harry nang dalawang linggo kahit panay ang paghingi niya ng paumanhin. Pero napilitan akong kausapin siya dahil kailangan kong magpatulong sa project ko. Siya kasi ang pinakamatalino sa barkada at siya ang parating nakakatulong sa akin sa mga ganoong bagay. Tinulungan niya ako, sinamahang magpuyat sa paggawa ng project at nang dahil sa kanya ay nakapagpasa ako ng project.

“Ah. So, sumbatan time na tayo ngayon?”

Ngumisi si Harry. “Nostalgia ang tawag doon.”

“Nostalgia!” Tumawa ako nang pilit. “Funny ka pa rin hanggang ngayon, no?”

Biglang sumeryoso si Harry. “I still consider you as a friend kaya sa ‘yo ako humihingi ng tulong. Puwede naman akong kumuha ng ibang romance writer para magsulat ng gusto kong ipasulat pero hindi ako komportableng magkuwento sa ibang tao. Isa pa. Kilalang-kilala mo ako. Hindi ko na kailangang ipakilala at i-describe ang sarili ko sa ‘yo as a character in the story.”

Of course. Kilalang-kilala kita. Marami akong alam na mga sekreto mo at mga kalokohan mo. I know the side of you that even Cheena probably doesn’t know.

“Don’t worry, Evs, I will pay for your time. I will double your talent fee.”

Napahinto ako sa pagsipsip sa cup at napatitig kay Harry. “Babayaran mo ako? Aba’y talagang desperado ka, no?”

“Maybe?”

Nagbuga ako ng hangin sa bibig at hindi itinago ang disbelief. Umiling-iling ako. “May ginagawa akong kuwento ngayon. Ayokong iwan dahil mawawala ang momentum ko sa pagsusulat.”

“How about triple?”

Napanganga ako. “Ngayon, gusto mo akong silawin ng pera? Alam mong hindi ako mukhang pera.”

“Then let me use our friendship. I’m your friend. You wouldn’t let me down, would you?” Nakikiusap ang tingin ni Harry.

Nakakaasar talaga si Harry! Parang gusto ko siyang dagukan. Kung hindi ko lang talaga siya mahal… bilang kaibigan, iniumpog ko na ang ulo niya sa pader at nang magising siya sa kahibangan niya at ma-realize niyang hindi si Cheena ang babaeng para sa kanya.

“Harry… kung ayaw na sa ‘yo ni Cheena, tanggapin mo na lang.”

Umiling si Harry. Nakita ko ang lungkot sa mga mata niya. “No. She still loves me. Kailangan niya lang ma-realize ‘yon at mare-realize niya ‘yon kapag naalala niya ang lahat ng pinagsamahan namin.”

“Bakit kailangan pang isulat sa isang nobela? Puwede mo naman siyang kuwentuhan.”

“She wouldn’t want to talk to me.”

“Cheena and I were never friends. Alam mo ‘yon. Baka hindi niya basahin ang nobela kapag ako ang nagsulat.”

“Babasahin niya ‘yon kapag nalaman niyang kami ang bida.”

“You wouldn’t give up, would you?”

“Yes. Kaya ‘wag mo na akong i-discourage at pumayag ka na.” Again, he stared at me with his begging eyes. “Please?”

Bakit ko tutulungang magkabalikan ang dalawa kung ayoko silang magkabalikan? Harry deserved someone better. It would be a waste if he ended up with Cheena. Kaibigan ko si Harry at hindi ko hahayaang tuluyan siyang mauwi sa babaeng iyon. Bilang kaibigan niya ay obligasyon kong sagipin siya.

Nagpakawala ako ng buntonghininga. “No, Harry. I’m sorry. Hindi ko magagawa ang gusto mo.”