
[Preview] A Diary Of A Broken Heart – Chapter 2
APRIL 6, 2013
Dear Diary,
Surprise!
Buhay pa ako. Hindi pala iyong huling isinulat ko rito ang huling entry ko. Pumalpak kasi ang suicide stunt ko. Hindi ko pala kayang patayin ang sarili ko. Para akong sinapian tapos at the last minute, biglang umalis ang sapi ko kaya hindi ko natuloy na laslasin nang tuluyan ang pulso ko. Parang ganoon ang nangyari.
Pero hindi ko na uulitin ang kabaliwang ginawa ko. Nangako ako sa papa ko na hinding-hindi na ako magtatangkang mag-suicide. Alang-alang sa papa ko, pipilitin kong mabuhay. Pipilitin kong maka-move on.
May nakilala akong male nurse na isa sa mga nag-alaga sa akin habang nasa ospital ako. His name was Peter. Mukha siyang Turkish. Cute siya at palaging nakangiti. Pakiramdam ko nga ay nagpapa-cute siya sa akin at may malisya ang paghawak niya sa kamay ko habang hinuhugot ang karayom ng dextrose ko.
Anyway, may ibinigay pa siyang note sa akin bago ako lumabas sa ospital kahapon. Ang sabi niya sa note, mag-visit daw ako sa suicide.com. Baka raw makatulong sa akin.
Baka makatulong saan? Sa successful suicide? Sa pagpili kung anong method ng pagpapakamatay ang suitable sa akin at garantisadong hindi na ako masasagip pa? O baka mayroon doong instructional video kung paano ang tamang paglaslas ng pulso? At ang lakas ng loob ng hinayupak dahil inilagay pa ang mobile number sa note. Anong gusto niyang palabasin? Na baka gusto ko siyang i-text ko ng “Tnx 4 recommending d site” bago ko i-perform sa sarili ko ang suicide method na napili ko sa suicide.com, so just in case, inilagay ang contact number niya?
Pero kanina ay natukso akong buksan ang website na sinabi niya. Out of curiosity lang. Hindi pala “how to kill yourself” ang tanong na sasagutin ng website, kundi “why you should not kill yourself.” Isa iyong website na naghihikayat sa mga severely depressed at suicidal people na huwag mag-resort sa pagkitil sa sariling buhay at ang kailangang gawin ay humingi ng tulong. So, ibig sabihin, kaya may contact number ang note ay dahil natipuhan talaga ako ng male nurse at gusto akong maka-textmate. Hindi ko akalain na attractive pa rin pala ako kahit suicidal na ang image.
“When no one knows your pain,” sabi pa sa subheader ng sister site ng suicide.com na suicidal.com.
Yes. No one knows and understands the kind of pain that I am feeling inside. Walang makakaunawa sa isang tulad ko kundi ang isang tulad ko rin na nakaranas nang mabigo sa pag-ibig sa ganoong paraan at kaparehong sitwasyon.
Kahit si May-may ay hindi ako naiintindihan at hindi makapaniwalang humantong ako sa pag-a-attempt na mag-suicide. Sinumbatan pa ako ng gaga at sinabing gusto ko raw bang makunan siya nang dahil sa akin? Bakit daw ita-timing ko pa ang pagsui-suicide ko kung kailan buntis siya? Alam kong nag-freak out lang siya sa pag-aalala kaya niya nasabi iyon. Naiintindihan ko naman. First baby kasi niya. Ako na nga itong depressed at suicidal, ako pa talaga ang nakaunawa. Kung puwede ko lang sigurong i-reschedule ang depression ko, ini-resched ko na para sa kanya.
Sina Milet, Kacy at Talia ay hindi rin makapaniwala na may suicidal tendencies daw ako. Hindi ko rin akalain na may ganoon ako. Lahat siguro ng tao ay may nagtatagong suicidal tendencies sa kaibuturan nila na lalabas lang sa oras na makaramdam ng matinding depresyon. Palibhasa, hindi pa rin nakaranas ng ganitong klaseng hagupit ng kapalaran ang tatlong iyon.
Happily married si Kacy kaya hindi ko na aasahang mararanasan niya ang ma-depress at mag-isip na mag-suicide. Puwera na lang kung hihiwalayan siya ng mister niya, na of course ay hindi ko naman hinihiling na mangyari para lang maintindihan niya kung bakit nakamamatay ang depression.
Sina Milet at Talia naman, ilang beses nang na-brokenheart pero hindi daw naisip na magpakamatay ni minsan. Paano ba naman, hindi naman lumalampas sa one year ang pinakamatagal na pakikipagrelasyon ng dalawang iyon. Paano naman nila malalaman kung paano ang pakiramdam ng maiwan ng lalaking minahal ng pitong taon at ikakasal ka na dapat pero seven weeks before the wedding ay nalamang ipinagpalit sa iba at hindi na matutuloy ang kasal?
Alam ko naman na mahal nila ako as a friend at gusto nila akong damayan pero ako lang talaga ang lumayo sa kanila. Dala na rin siguro ng pride, awa sa sarili at iyong pakiramdam na gusto mo lang talagang mapag-isa. Lalo na kung alam mong hindi maintindihan ng mga tao sa paligid mo ang pinagdaraanan mo.
Lahat ng tao ay nakaramdam na ng lungkot at some points in their lives pero may iba’t-ibang level ng kalungkutan. Let’s say, it rangers from level 1-10. Siguro ang mga kaibigan ko ay nakatuntong na sa levels 1-6 kaya nasa safe zone pa sila. Iyong bandang 7-9 ang nasa critical level. At ang 10 ang fatal level. Sa level 10 na siguro lumalabas ang suicidal tendencies. At na-reach ko na ang level na iyon.
Siguro ay tama ang suicide.com. I need help. Iyon din ang sinabi sa akin ng doktor na nag-alaga sa akin sa ospital. Kailangan ko raw magpatingin sa isang psychologist para makatulong sa kung anuman ang problema ko. Tinanggihan ko kasi ang psychiatrist na dumalaw sa akin sa hospital room ko noong isang araw. Sinabi ko na hindi ako depressed o iyong tinawag niyang “clinical depression,” na lasing lang ako kaya ko nagawa sa sarili ko iyon and in my sanest disposition, hindi ko pag-iisipang patayin ang sarili ko. Ang sabi ko, kagagawan lang iyon ng alcohol.
Nagsinungaling ako dahil ayokong painumin niya ako ng anti-depression drugs, ayokong sumailalim sa counseling o theraphy o maaari pang humantong sa hypnotism, or worse i-confine nila ako sa isang psychiatric ward kasama ng mga baliw. Hindi ko alam kung paano ginagamot ang clinical depression at suicidal patients na tulad ko. Ang alam ko lang ay kaya ko naman sigurong gamutin ang sarili ko na hindi ko na kailangang mag-undergo ng medical or psychiatrical treatments dahil malaking gastos lang iyon. Ngayon pang binigyan ako ng kahit kaunting lakas ng loob ng papa ko para harapin ang buhay sa gitna ng malaking pagsubok. Knowing that someone desperately wants me to live helped.
Ngayong medyo malinaw na ang isip ko ay na-realize ko kung gaano kamali ang ginawa kong pagtatangkang kitlin ang sarili kong buhay. Hindi ang pagtapos sa buhay ang solusyon sa pinagdaraanan ko. Hindi ko dapat takasan ang problema ko. Ang dapat kong gawin ay ang mag-move on.
Kaya ngayon, dear diary, uumpisahan ko na ang pagtulong sa sarili ko para mag-move on. At gusto kong maging witness ka kung paano ako makaka-move on at makakapagsimula ng panibagong buhay.
Pero, teka. Paano nga ba ako magsisimula?
APRIL 9, 2013
Dear Diary,
Finally, nakalabas na rin ako ng bahay kanina matapos kong magkulong ng tatlong araw. Oo, bahay. Hindi condo unit. Dahil nang lumabas ako sa ospital three days ago ay sa bahay namin sa QC ako iniuwi ni Papa. Naabutan ko na roon ang ilang mga damit at gamit ko (kasama ka, diary).
Ang sabi ni Papa ay hindi raw siya mapapanatag kung hahayaan niya ako na mapag-isa sa condo unit ko. Baka raw kung ano na naman ang maisipan kong gawin. Hindi ko siya masisisi kung mag-alala pa rin siya kahit nangako na ako sa kanya. Isa pa ay kailangan ko raw ng kasama. Kailangan ko ng makakausap para malibang ako at maiwasan ang mag-isip nang mag-isip hanggang sa balutin na naman ng matinding kalungkutan ang dibdib. Pansamantala lang naman daw. Hanggang sa makakita siya ng improvement sa kalagayan ko.
For the past three days, hindi ako lumabas ng bahay. Nakipaglaro lang ako ng playstation sa half-brother kong si Jun-jun na ten years old na, nanood ng action movies kasama si Papa at nakipagkuwentuhan kay Tita Estella tungkol sa showbiz. Tinuruan din ako ni Tita Estella ng new hobbie—ang manahi sa sewing machine—para daw malibang ako at makalimot. Akalain mo ‘yong pinaka-hate kong activity sa home economics class noong high school ay siya pang isa sa mga tutulong sa akin ngayon para maka-move on? Ang maaaring makapagsalba sa puso kong sawi? Sinong mag-aakala?
Hindi kami naging ganito ka-close ni Tita Estella noon. Eighteen years old ako nang dalhin siya ni Papa sa bahay noon. By that time, busy ako sa college kaya lagi akong wala sa bahay. Nang maka-graduate ako at nakapagtrabaho agad ay lumipat ako sa boarding house na malapit sa workplace ko sa Makati. Gusto ko ring maranasang maging independent noon kaya bumukod na ako. Kaya hindi kami nagkaroon ng bonding moments ni Tita Estella.
Okay, hindi na ako maglilihim sa ‘yo, diary. Ang totoo, talagang inilayo ko ang sarili ko kay Tita Estella dahil, somehow, kahit pumayag ako na magpakasal uli si Papa ay hindi ko matanggap noon na pinalitan na ni Papa si Mama sa puso niya. Alam kong wala sa lugar na magdamdam ako para kay Mama at napaka-childish ko pa noon kaya hindi pa gaanong naiintidihan ang sitwasyon.
Pero noong natuto na rin akong magmahal, na-realize ko na kailangan ng Papa ko ng babaeng magmamahal sa kanya at makakasama niya sa pagtanda. Malungkot ang tumandang mag-isa. At hindi naman penguin ang tao para magmahal ng iisang tao lang habangbuhay. Besides, minahal at naging loyal si Papa kay Mama nang napakaraming taon kahit wala na si Mama sa tabi niya. Panahon na para may magbigay kay Papa ng pagmamahal na hindi na kayang ibigay pa ng isang taong wala na sa mundo.
Mabait naman si Tita Estella. Hindi nga lang masyadong madaldal dahil medyo mahiyain. Kailangang daldalin nang daldalin para magsalita nang magsalita. At nakikita ko naman na inaalagaan niya ang papa ko at mabuting ina siya kay Jun-jun. Nakapag-isip-isip tuloy ako. Siguro ay puwede kong i-consider na tumira na lang ulit doon sa bahay. Kung may kasama nga naman akong pamilya ay mas konti ang oras para mag-isip ako at mag-emo hanggang sa tuluyan na akong makapag-move on. Kung mag-i-stay ako sa condo unit ko ay lalo ko lang maaalala si Rob dahil napakaraming alaala ni Rob sa condo unit ko dahil madalas siyang naroon.
Somehow, living with a family seemed to work. Umiiyak pa rin ako tuwing gabi. Pero at least, tuwing gabi na lang. Iniisip ko pa rin si Rob at ang masaklap na sitwasyon ko pero at least ay hindi na segu-segundo. May interval nang ten minutes.
Pero nagbago kaagad ang desisyon kong manatili nang matagal sa bahay nang habang naglalakad ako sa eskinita kanina para shumort-cut papunta sa kalyeng mayroong convenience store kung saan ay bibili sana ako ng isang pack ng sanitary napkin ay napahinto ako nang marinig ang pamilyar na tinig na binanggit ang pangalan ko. Napatago tuloy ako sa pader at hindi muna lumabas.
Sumilip ako at nakita ko si Aling Petra na kausap sina Aling Mitring at ang labanderang si Baby kung tawagin. Pinagtsitsismisan nila ako! Iyon siguro ang dahilan kung bakit ang kabilin-bilinan ni Papa ay huwag akong lalabas ng bahay. Ayaw niyang marinig kong pagtsismisan ako ng mga kapitbahay.
Hindi ko alam kung paano nakarating sa neighborhood ang balita tungkol sa pagtatangka kong magpakamatay. Pero nasabi sa akin ni Tita Estella na nakita raw niya si Ka Inez na may sari-sari store sa kanto sa ospital noong nasa ospital pa ako. Nasaksak ang anak ni Ka Inez. Tinanong raw ni Ka Inez kung ano ang nangyari sa akin. Hindi raw sinabi ni Tita Estella ang totoong nangyari sa akin. Pero ang mga makakating labi ay sadyang magaling mag-research para makakuha ng scoop. Baka ipinagtanong ni Ka Inez sa nurse station kung ano ang nangyari sa akin kaya nalaman nito.
Ang sabi ni Aling Petra, “Ang tanga-tanga talaga ng babaeng ‘yon! Dahil lang sa lalaki, magpapakamatay na? Sasayangin niya ang buhay niya nang dahil lang sa isang lalaki? Nakakahiya!”
Gusto ko sana siyang sugurin at isa-isang hilahin ang rollers na nakakabit sa buhok niya bago siya sabunutan pero hindi ko ginawa dahil ayokong lumabas na bitter. Kaya napa-walling na lang ako sa pader sa gilid ng bahay ng isang kapitbahay sa eskinita habang tinitikis ang bawat salitang binibitiwan ng mga tsismosa.
Kung maka-“lalaki lang” with hugot naman itong si Aling Petra ay parang napakalandi ko. Hindi lang naman iyon dahil sa isang lalaki. Si Rob iyon. Hindi lang basta isang lalaki lang si Rob. Siya ang soulmate ko. Siya ang first love ko. Siya ang first everything ko. Siya ang best boy bud ko. Siya ang dream man ko. Siya ang lalaking minahal ko ng pitong taon.
You see? Hindi lang siya basta lalaki. He is everything to me.
Oo, “is” pa rin talaga ang gamit ko. Dahil mahal ko pa rin si Rob. Mahal na mahal ko pa rin siya. At hindi ko alam kung hanggang kailan ko siya mamahalin. Siguro mga fifteen years more din tulad ng kung paano minahal ni Papa si Mama kahit wala na si Mama.
No! Parang gusto kong humagulgol kanina habang nakayupyop sa tabi ng kanal sa eskinita na hindi ko na pinansin ang amoy. Ayokong tumagal nang ganoon sa ganito kamiserableng sitwasyon. Ngayon ay mas naiintindihan ko na si Papa kung bakit nag-asawa ulit siya. In fact, dapat pala ay hindi na niya pinaabot ng fifteen years bago siya mag-move on kay Mama. Hindi ko ma-imagine kung paano kinaya ni Papa ang mabuhay nang ganoon katagal na nagmamahal sa isang alaala na lang.
Kailangan kong gumawa ng paraan para hindi tumagal ng fifteen years ang paghihintay ko bago maka-move on. Kailangan kong makahanap ng bagong lalaking mamahalin.
Tama! Ang sabi nila, the fastest way to heal a brokenheart is to fall in love again with another person. Proven and tested na iyan.
Kaya ako nagsulat sa ‘yo ngayon, diary, ay para sabihin sa ‘yo ang plano kong ito.
I need to fall in love again. And I will fall in love again. ASAP!
“OKAY ka na ba talaga?”
Matapos sairin ni Katie ang laman ng tall glass na may lamang Screwdriver cocktail drink ay tiningnan niya si Talia. “Oo naman,” pagsisinungaling niya sa kaibigan. “Kung hindi pa rin ako okay, sana wala ako rito sa bar kasama n’yo ni Milet. Nagmumukmok pa rin ako sa kuwarto ko. Umiiyak. Naglalasing. Nagbabasag ng mga gamit…”
“Nagbibilot ng strands ng hair gamit ang hintuturo…” tudyo ni Milet na itinulak ni Katie sa balikat.
“Leche ka. Hindi pa ako nababaliw.” Pinandilatan ni Katie ang kaibigan. Tinawag niya ang bar waiter at muling um-order ng cocktail drink.
“Wow,” ani Milet. “Ambilis maka-move on ni teh. Akalain mo, seven days ago, naglaslas ng pulso, ngayon nagba-bar na. Saan ka pa?”
Tinapunan ni Katie ng tingin ang palapulsuhan niyang may gasa pa na sinadya niyang itago sa pagsusuot ng black fitted long-sleeved top. Kung alam lang ng mga kaibigan niya na wala namang nabawas sa amount of pain na nadarama niya sa dibdib.
Nawala lang ang pagnanais ni Katie na tapusin na ang lahat sa pagkitil sa sariling buhay pero tuloy pa rin ang daily routine niya: emo pagkagising sa umaga, emo kapag napag-isa, emo sa tuwing naililipat ang channel sa TV sa mga palabas kung saan sweet-sweet-an ang mga bida, emo kapag may nakitang mga bagay na naka-trigger para maalala niya ang ilang eksena sa pitong taong pinagsamahan nila ni Rob at emo bago matulog.
Ayaw na ni Katie na patuloy na mag-emo sa araw-araw kaya kailangan na niyang mag-move on. At para makapag-move on ay kailangan niyang magmahal muli. Kailangan niyang makakita ng lalaking may kakayahang sipain si Rob palabas sa puso niya. And that guy could be anywhere in that bar.
Kanina pa naglilikot ang mga mata ni Katie sa paligid. Naghahanap siya ng lalaking makakahatak ng atensiyon niya. She tried to look her best that night. Alam niyang hindi siya lalabas sa bar na iyon nang walang lalaking mag-a-approach sa kanya.
“That’s my girl,” sabi ni Talia. “Dapat lang naman talagang mag-move on na siya kay Rob. He’s a good for nothing jerk.” Bumaling ito kay Katie. “Hindi dapat na minamahal pa rin ang isang lalaking nagawa kang paasahin at iwan kung kailan malapit na ang kasal n’yo at inilagay ka sa kahihiyan. Tanga si Katie kung mamahalin pa rin niya si Rob pagkatapos ng lahat ng ginawa niya. Dapat na napalitan na ng galit ang nararamdaman niya noon para sa lalaking iyon.”
Dinampot ni Katie ang tallglass pero wala nang laman iyon kaya napilitan siyang kunin ang baso ni Talia pa tunggain ang laman niyon.
Oo na! Tanga na ako! Ako na ang pinakamalaking tanga sa buong kasaysayan ng universe! Dahil mahal ko pa rin si Rob kahit na ginago niya ako nang ganito.
“Kung makapagsalita ito,” kontra ni Milet na ang kinakausap ay si Talia, “akala mo, hindi pa naranasang ma-in love. Hindi ganoon kadaling mawala ang love, ‘oy! Lalo na kung seven years mong nakasama ang isang tao. I’m sure, nabawasan ang feelings ni Katie para sa damuhong lalaking iyon pero hindi ganoon kadaling mawawala totally. It will take some time.”
Lihim na natuwa si Katie dahil nauunawaan siya ni Milet.
“Give her time. Mga next week siguro, wala na ‘yan,” patuloy ni Milet sabay lagok ng cocktail drink.
Next week agad-agad? Kung makapagsalita si Milet ay parang tinubuan lang si Katie ng hadhad kaya mawawala rin kaagad kapag pinahiran ng anti-fungal cream in just two weeks. Kung iyong sugat nga niya sa palapulsuhan ay aabot daw ng one month bago tuluyang mag-heal, pagkatapos, iyong sugat niya sa puso ay two weeks lang ang healing period? Ang akala pa naman niya ay naiintindihan siya ni Milet. Iyon pala ay isa pa itong walang ideya kung ano ang pinagdaraanan niya.
Kunsabagay, ano ba ang dapat niyang asahan sa dalawang kaibigang puro short-lived romance lang ang alam at walang relationship goals? She wondered if the two had ever fallen in love for real. She also wondered why she was friends with them.
“Oo,” sabi ni Katie. “feeling ko malapit na akong maka-move on totally. Konting kembot na lang.”
Napagpasyahan na lang ni Katie na sakyan na lang ang dalawang kaibigan. Tutal ay wala naman siyang mapapala sa dalawa kung mag-emo siya nang mag-emo sa harap ng mga ito. Kung si Katie ay may motto na ‘life shouldn’t be always taken seriously,” Sina Milet at Talia ay “life should not be taken seriously.” As in, don’t get serious at all. Kaya nga ganoon lang ka-light para sa kanila ang isyu tungkol sa pagtatangka niyang magpakamatay. Para sa mga ito, temporary insanity lang ang nangyari kay Katie. At saka hindi naman siya namatay kaya move on na daw. Baka ganoon din ang pananaw ng dalawa sa pag-ibig. “Love should not be taken seriously.” Pero alam ni Katie na balang-araw ay mararanasan din nina Milet at Talia ang ma-fall hopelessly in love.
Nang dumating ang in-order na cocktail drink ni Katie ay kaagad niyang sinimsim iyon. Naramdaman niya ang pagsagi ni Milet sa braso niya.
“Tingnan mo ‘yong cute guy na ‘yon,” sabi ni Milet habang nakatingin sa isang direksiyon, “he’s checking on us.”
Nang sundan ni Katie ang direksiyong tinitingnan ni Milet ay nasalubong niya ang mga mata ng isang guwapong lalaking boy next door ang dating. Ngumiti ang lalaki sa kanya.
“He’s actually checking on Katie,” pagtatama ni Talia na halatang na-excite. “Come on, Katie. Smile back. And later, hook up. For sure, pagkatapos ng gabing ito, makakalimutan mo na si Rob totally.”
Hook up talaga, teh? complain ni Katie sa isip. Hindi ba puwedeng ‘date’ ang term na gamitin?
The guy was indeed good-looking. Sa isip-isip ni Katie ay ipinanalangin niyang sana ay hindi lang ito guwapo, sana ay maganda din ang trabaho at ang personality. Sana ay matched sila. Hindi kasi siya tulad nina Milet at Talia na basta guwapo ay “havey” na. Mas mahalaga sa kanya ang may magandang personality at may patutunguhan ang buhay.
Nginitian ni Katie pabalik ang lalaki. Sana ay ang lalaking ito ang makatulong sa kanya para mag-move on.
About Author

