[Preview] A Diary Of A Broken Heart – Chapter One

APRIL 4, 2013

 

Dear Diary,

Nakakatawa. Kung kailan last day ko na on earth saka ako nagkaroon ng time para sulatan ka. Sayang naman kasi. Baka sabihin ni May-may, namatay na ako’t lahat, hindi ko man lang ginamit o sinulatan ni isang pahina mo. Baka magtampo siya. Proud na proud pa naman ang loka noong ini-regalo ka niya sa akin noong nakaraan pang pasko. Sabi ko naman sa kanya, hindi na ako mahilig mag-keep ng diary ngayon. Nag-mature na ako. Hindi na nagsusulat sa diary ang isang twenty-eight-year old grown up woman na tulad ko.

Noong bata kasi ako, ang hilig kong magsulat sa tulad mo. In fact, sampung diary na ang napuno ko hanggang nang mag-college ako. Ang sarap mo kasing kausap. Puwede kong ipagtapat sa ‘yo ang lahat-lahat ng nasa isip ko at nangyayari sa buhay ko nang hindi ko kailangang alalahanin ang magiging opinyon mo tungkol sa akin. Puwede kong sabihin sa ‘yo ang lahat ng sekreto ko at hindi mo sasabihin kahit kanino, lahat ng katangahan ko at hindi mo ako pagtatawanan, lahat ng kabaliwan ko at hindi mo isasa-suggest na magpatingin na ako sa pyschiatrist, lahat ng kasiyahan ko at kasawian sa buhay…

Oo, sawi ako ngayon. Hindi ko akalaing mangyayari sa isang tulad ko ito. Hindi naman sa pagyayabang pero maganda ako. Magandang-maganda ako. O, eh, di sige, nagyayabang na nga ako. Tutal, hindi mo naman ako pagtataasan ng kilay at sasabihan ng “Ang yabang mong impakta ka!” dahil diary ka lang. Wala kang kilay at bibig. Kaya hindi ako magpapaka-humble at magiging very honest ako sa ‘yo.

Sabi nila, maganda at maamo ang maliit kong mukha at naniniwala ako roon. 36-25-35 ang vital statistics ko, 5’5” ang height ko, mestisa, makinis ang balat, may long straight shiny hair at perfect set of sparkly white teeth. Teenager pa lang ako, pumipila na ang mga manliligaw ko. Pero dahil strict ang papa ko at ayokong matulad sa pinsan kong nabuntis nang maaga at tinakbuhan ng nakabuntis, hindi ako nagka-boyfriend hanggang sa makapagtapos ako ng pag-aaral sa kursong bachelor of science in business administration.

You see, hindi lang ako maganda, may pinag-aralan pa ako. Well, hindi nga siguro pang-honor student ang level ng intelligence ko pero I believe I’m smart. Nagtrabaho kaagad ako bilang isang sales representative sa isang auto dealership company pagka-graduate ko. Hindi ko na mabilang kung ilang sasakyan na ang naibenta ko. Consistent top seller ako hanggang sa ma-promote bilang sales manager after six years. Saan ka pa?

At twenty-eight years old, isa na akong successful career woman. Naipaayos ko na ang bahay namin sa isang barangay sa QC. Napalagyan ko na ng third floor. I’m sure, masaya ang Mama Laura ko na nasa kabilang buhay na ngayon dahil nai-preserve ko ang bahay namin. Kahit pa may iba nang may-bahay si Papa. Kung dati ay nagdo-dorm lang ako na malapit sa work place ko, ngayon ay may condo unit na akong hinuhulug-hulugan sa Makati.

May sarili akong kotse na ibinigay lang ng kompanya. Natapos ko na ring hulugan ang isang kotse para sa Papa ko at sinusustentuhan ko siya. Pero dahil may binubuhay pa rin siyang pamilya, nagta-trabaho pa rin siya sa brewery bilang factory supervisor. May anak kasi sila ni Tita Estella na pinag-aaral.

Talented din ako. Marunong akong kumanta at sumayaw, masarap akong magluto at magaling akong magbenta. Sporty din ako. Star player ako sa volleyball team noong nasa college ako.

Masiyahin ako. Palabiro. Fun-loving. Hindi ako toxic. Magaling akong makisama. Mabait ako. Mapagpasensiya. Maalalahanin. Malambing. Hindi ako nagger. Hindi ako nagseselos nang wala sa lugar. Hindi ako demanding. Napaka-selfless ko. Iyong mas iisipin o uunahin ko pa ang boyfriend ko kaysa ang sarili ko.

Ako na! Ako na ang ideal girlfriend.

So, ano pa ba ang kulang sa akin? Sabihin mo nga, ano pa ba? Ano pa bang wala ako para iwan ni Robert pagkatapos naming maging steady ng pitong taon? Bakit kung kailan malapit na kaming ikasal, saka niya na-realize na hindi pala ako ang babaeng para sa kanya.

Pitong taon… Bumilang pa siya ng pitong taon para lang malaman niya na hindi ako ang babaeng para sa kanya? Inalok pa niya ako ng kasal… tapos, after four months, biglang sasabihin niyang hindi pala kami ang para sa isa’t-isa?

Anong klaseng kagaguhan naman iyon?

Pitong taon… pitong taon kong minahal si Rob. Pinlano ko na ang habangbuhay ko na kasama ko siya. Wala akong ibang lalaking pinagtuunan ng pansin sa loob ng pitong taon. Kahit ‘yong mga mas guwapo, mas successful at mas mayaman kaysa sa kay Rob na sumubok na maagaw ang affection ko sa kanya, nabigo dahil hindi ko ipinagpalit si Rob.

Ganoon ko siya kamahal. Handa akong ibigay sa kanya ang lahat. Actually, ibinigay ko na nga sa kanya ang lahat. Buong pagkatao ko. Pati kaluluwa ko siguro, kung sakaling hiningi niya, ibinigay ko nang buong puso.

Ano bang nagawa kong mali? Naging mabuti akong girlfriend sa kanya. Siya na nga mismo ang nagsabi na napakasuwerte niya dahil minahal ko siya, dahil nagkaroon siya ng girlfriend na tulad ko at wala na siyang hahanapin pang iba.

Sinungaling siya. Dahil naghanap siya ng iba! Ipinagpalit niya ako sa isang babaeng… well, maganda nga pero feeling ko, lamang pa rin ako ng paligo sa kanya… sexy nga, pero kulang siya sa dibdib at balakang. Hindi ko alam kung matalino siya, hindi ko alam kung edukada siya o kung mayaman siya o mabait siya. Wala na akong lakas para alamin ang pagkatao niya.

Hindi ko alam kung may kasalanan siya kung bakit hiniwalayan ako ni Rob. Hindi ko alam kung inakit niya si Rob para agawin sa akin. Pero kahit ginawa man niya iyon, kung totoong mahal ako ni Rob, hindi siya magpapaakit sa babaeng iyon kahit na ano pang tuwad ang gawin ng babae sa harap niya.

Ang saklap malaman na iyong taong una at kaisa-isang lalaking minahal mo, nakasama mo ng pitong taon, pinagbigyan mo ng lahat-lahat sa ‘yo at pinlano mo nang makasama sa habangbuhay ay iiwan ka lang. ‘Di ba, diary? Sobrang sakit ng gano’n?

Hindi lang ‘yong sakit sa dibdib ang iniinda ko, eh. Pati sakit sa pride dahil sa kahihiyan. Iniwan niya ako sa kahiya-hiyang sitwasyon. Kung kailan naipamudmod na ang invitation sa kasal namin, kung kailan malapit nang matapos ang pananahi sa wedding gown ko, kung kailan naka-book na ang flight at hotel accommodation sa Jeju Island para sa honeymoon namin, kung kailan handa na ang halos lahat ng kailangan sa kasal namin after two months…

May countdown to wedding day post pa ako sa facebook ko na umaapaw sa comments mula sa friends and relatives ko, event reminder sa facebook para hindi makalimutan ng wedding entourage at friends ko ang petsa ng gown fitting, bridal shower, pre-wedding party, wedding day, etc., at mayroon din akong pino-post na everyday photo teasers sa Instagram na may hashtag pa na #RobKatieWedding022815 na ala-DongYan wedding lang ang peg.

Tapos hindi pala matutuloy ang kasal.

Wala na akong mukhang maihaharap pa sa mga kaibigan at kamag-anak ko at pati sa social media accounts kong d-in-eactivate ko nang lahat dahil nang huli akong tumingin sa facebook ko ay puno na kaagad ang wall ko ng consoling posts, quotes at mga meme mula sa facebook friends ko at lalo ko lang kinaawaan ang sarili ko.

Hindi ako pumasok sa trabaho ng isang linggo at nagkulong lang sa condo unit ko dahil sa kahihiyan. Araw-araw ay pinupuntahan ako ni Tita Estella para hatiran ng pagkain sa utos ni Papa. Hindi ako pumayag sa paghikayat ni Papa na tumira ako pansamantala sa bahay namin dahil pugad ng mga tsismosa ang lugar na iyon. Sa palagay ko ay isang linggo nang ako at ang hindi na matutuloy kong kasal ang sentro ng tsismis ng buong barangay. Ayokong makita sila at marinig kung paano nila ako pagtsismisan.

Minsan na rin akong dinalaw ni May-may para ikonsola ako pero dahil buntis siya at nasa ikatlong buwan ng paglilihi ay hindi siya puwedeng palaging nasa tabi ko dahil baka maipaglihi sa sama ng loob ang anak niya. Hindi siya puwedeng ma-stress sa pakikinig sa mga hinaing ko dahil baka makaapekto sa dinadala niya. First baby pa naman nila iyon ng asawa niyang si Mario. Hindi ko rin naman masabi sa best friend ko ang lahat, lalo din sa Papa ko. Hindi ko masabi sa kanila ang lahat ng sinasabi ko sa ‘yo ngayon at gusto kong sabihin pa.

Gaya nang hindi nila alam na ngayong gabi ay last day ko na sa mundo dahil ayoko nang magising sa umaga na pagdilat ko pa lang, binabalot na ng matinding lungkot ang puso ko, na wala na akong gustong gawin kundi ang umiyak nang umiyak at isipin ang lahat ng masasayang araw namin ni Rob, at isiping hindi ko na siya makakasama dahil wala na akong karapatan na angkinin pa siya, na wala nang halaga sa kanya ang lahat ng pinagsamahan namin sa loob ng pitong taon, na iba na ang mahal niya, na hindi na niya ako mahal…

Hindi na niya ako mahal. Parang sana pinatay na lang ako. Baka mas tolerable pa ang masaksak o mabaril o masagasaan ng truck kaysa sabihan ng mahal mo, ng taong minahal mo ng mahabang panahon na hindi ka na niya mahal. Hindi ko kayang pagdaanan ang ganito katinding sakit. Alam mo ‘yong all your life hindi ka nagdaan sa kahit anong major emotional pain tapos babagsakan ka ng ganito kabigat na problema? Kung hindi ka ba naman ma-depress nang walang kasing tindi.

Oo, namatay sa sakit sa baga ang mama ko noong three years old pa lang ako. Pero masyado pa akong bata para maapektuhan emotionally ng pagkawala niya. In fact, hindi ko na nga matandaan na nawala siya. Although I longed for a mother’s care but I grew up not having angst about not having a mother by my side because my father was enough. Hindi pa ako nagkaroon ng boyfriend bago si Rob kaya hindi ko pa naranasang masaktan noon nang dahil sa pag-ibig. Kaya wala akong masasabing may matindi na akong napagdaanan noon para alam ko na kung paano i-deal ang ganito katinding pain ngayon.

Alam mo ‘yong all the while you believed that you would forever be happy, you were walking in clouds and you thought your feet won’t likely touch the ground? Tapos bigla kang ibabagsak mula sa ulap at nag-landing ka sa esterong puro putik at ebak, una mukha. Ganoon kataas ang distansya, ganoon kamiserable ang babagsakan mo at ganoon kasaklap ang pagkakabagsak mo.

May mga taong hindi makaka-relate sa pinagdadaanan ko. May mga taong mapapailing at sasabihing “Mag-move on ka na lang,” na para bang kay daling gawin iyon. Hindi pa kasi nila nararanasan ang magmahal nang ganito katindi. Hindi nila naranasan ang magmahal ng isang lalaki sa loob ng pitong taon. Hindi nila naranasan na i-dump ng fiancé nila seven weeks bago ang date ng kasal nila. Kaya hindi nila maiintindihan kung gaano kasakit ang pinagdaraanan ko ngayon. Na kahit masagasaan ako ng jeep ay hindi ko na iindahin dahil wala nang mas sasakit pa sa sakit na nararamdaman ko sa dibdib ko kaysa sa kahit anupamang klaseng sakit na ipadama pa sa ibang parte ng katawan ko ngayon.

Kaya alam ko na hindi rin nila maiintindihan kung bakit pinaplano kong mag-suicide mamaya. Oo, magsu-suicide ako. I don’t want to wake up another gloomy morning. I don’t want to cry anymore. I don’t want to feel miserable anymore.

Ayoko nang maisip si Rob, ang lahat ng masasayang alaala namin at kung paano niya ako sinaktan. Ayoko nang makaramdam ng panghihinayang sa pitong taong ginugol ko sa pagmamahal sa isang taong sasaktan lang pala ako sa bandang huli. Ayokong abutin pa ang panahong mababalitaan ko na lang na ikakasal na si Rob sa babaeng ipinalit niya sa akin. Hindi ko kakayanin iyon. Kaya mas maganda na tapusin ko na lang ang lahat ng paghihirap ko.

All right, hindi lang naman ako magpapakamatay dahil gusto ko nang tapusin ang paghihirap ng loob ko. Gusto ko ring mag-serve ang suicide stunt ko bilang paghihiganti kay Rob. Dalhin sana niya sa konsensiya niya ang nangyari sa akin. Habangbuhay sana niyang pagdusahan ang katotohanang may babaeng nasayang ang buhay nang dahil sa kagagawan niya. Huwag sana siyang maging masaya habangbuhay.

You might think I’m going crazy. Maybe I am. I have lost my sense. Ganito pala ang sobrang depresyon. Talagang nakakawala ng ability para makapag-isip nang matino. Nakakawala ng inhibitions. At iyong dating iniisip mo na hindi mo magagawa at akala mo ay hindi mo kayang gawin ay magagawa mo. Isa rin ako sa mga taong nagtataka noon kung bakit may mga taong nagagawang magpakamatay. Nagtataka ako kung bakit kailangan nilang sayangin ang buhay nila. Ngayon, alam ko na. Dahil naroon na rin ako sa sitwasyon.

You just wanted to put an end to everything because it has become too painful to live.

One week. One week pa lang akong nagdudusa pero pakiramdam ko, isang taon na ang ipinagdusa ko. Bumabagal yata talaga ang panahon kapag malungkot ka. I don’t want to suffer for another week or equivalent to another year of misery, for that matter. I want out.

Kaya, dear diary. I’m sorry. Ang ganda-ganda mo pa naman. May embossed floral prints at glittery cover ka pang nalalaman. Mukhang mamahalin ka. Pero ito na ang una at huli kong pagsusulat sa ‘yo. At least, kahit paano, nasulatan kita.

So, good-bye, diary. Good-bye, world. Good-bye, miseries.

 

Katie

 

P.S. Sorry naman kung sa ‘yo ko pa isinulat ang suicide note ko.

 

PAGMULAT ng mga mata ni Katie ay kaagad na sumalubong sa nanlalabo niyang mga mata ang puting background. Tapos na ang mga paghihirap niya.

Nasa langit na ba ako?

Ang totoo, hindi siya naniniwala na may impyerno. Ang tingin ni Katie sa Diyos ay isang tipikal na mabuting ama at hindi Nito kakayanin na makita ang mga anak na nagdurusa sa walang hanggang apoy kahit gaano pa naging kasama ang mga ito. Unconditional love. God loved all His children unconditionally. Kaya malakas ang loob ni Katie na kitlin ang sariling buhay. Naniniwala kasi siyang hindi siya matitiis ng Diyos at maiintindihan Nito kung bakit niya ginawa ang ganoon.

Nang tuluyan nang luminaw ang paningin ni Katie ay napansin niyang kisame ang puting tanawing tinititigan niya. Doon siya tuluyang nagising at natuklasang wala siya sa langit. Nasa isang hospital room siya, may dextrose na nakakabit sa likod ng palad at may benda sa palapulsuan.

She did not die. She was still alive. Siguro nga ay hindi totoong may impyerno sa kabilang buhay dahil nasa mundo mismo ang impyerno. At nararanasan na niya iyon ngayon. Mabilis na nangilid ang mga luha ni Katie. Naramdaman na naman niya ang napakabigat na pakiramdam sa kanyang dibdib. Ang akala niya ay hindi na niya muli pang mararamdaman iyon. Nagkamali siya.

Bakit hindi ako namatay? Bakit?!

Ipinikit ni Katie ang mga mata at pilit inalala ang nangyari kagabi. Naalala niya na kumuha siya ng kitchen knife at nilaslas niya ang palapulsuhan pero nang umagos ang dugo mula roon ay nagtitili siya sa takot at nawalan kaagad ng malay.

She did remember regretting slashing her pulse in the last seconds. Yes, she did regret it. Bigla siyang natakot. Kaya siya nahimatay.

Bumangon si Katie mula sa pagkakahiga at sumandal sa headboard ng hospital bed. Epic fail ang suiide attempt niya. Siguradong hindi sumayad sa pulso niya ang kutsilyong ginamit niya dahil sa huling sandali ay natakot siya. Natakot siyang mamatay.

Hindi pala kaya ni Katie ang magpakamatay. Pakiramdam niya ay nadagdagan lalo ang sakit sa dibdib niya. Now what? Gusto na niyang mamatay pero hindi niya kayang patayin ang kanyang sarili. Ano na ang gagawin niya?

Bumukas ang pinto ng silid at pumasok ang ama ni Katie na namangha nang makita siya. “Anak!” Mabilis na lumapit ang kanyang ama at niyakap siya.

“‘Pa…” mahinang sambit ni Katie. Naramdaman niya na umiiyak ang kanyang ama dahil yumuyugyog ang mga balikat nito. Hindi pa niya nakitang umiyak kahit kailan ang ama.

“Mabuti na lang naabutan kita. Kundi baka… baka…”

“‘Pa…” Nakita ni Katie ang pinaghalong takot at relief sa mukha ng kanyang ama nang sa bitiwan siya. Napatitig siya sa mga luha nito.

“Mabuti na lang at habang kausap kita kagabi, kinutuban ako na may binabalak kang masama sa sarili mo. Bakit kailangan mong gawin iyon, Katherine? Bakit?”

Bumalik sa isip ni Katie ang naging pag-uusap nila ng kanyang ama kagabi. Hindi kasi niya napigilan ang sarili na tawagan ito upang marinig ang boses ng ama sa kahuli-hulihang sandali.

“Kailangan mo ba ulit ng bagong box ng tissue, anak?” tanong ng kanyang ama nang tawagan niya ito. “Dadaan ako riyan bukas, isasabay ko na.”

“Hindi na po kailangan, ‘Pa. Dahil hindi na ako iiyak.”

“Totoo ba ‘yan, anak?” Halatang nasiyahan ang kanyang ama sa narinig. Iniisip siguro nito na hindi na siya iiyak dahil napagdesisyunan na niyang mag-move on.

“Oo, ‘Pa. Hindi ko na kailangan ng tissue.” Wala ng luha ang isang kaluluwa.

“Mabuti naman kung gano’n. Mabuti naman at natanggap mo nang hindi kayo ang para sa isa’t-isa ni Rob. Kalimutan mo na lang ang lalaking iyon, anak. May ibang lalaking nakalaan sa ‘yo na higit pa sa kanya.”

Abut-abot ang pagpipigil ni Katie na mapahagulgol sa sinabi ng ama. Makakalimutan lang niya si Rob kapag nawala na siya sa mundo.

“I love you, ‘Pa. Lagi mong iisipin na mahal kita. Masaya ako na nakakita ka ng pangalawang pag-ibig kay Tita Estella. Iingatan mo ang kalusugan mo, ha. Sana maging masaya ka palagi…”

Pinuntahan si Katie ng ama sa condo unit niya nang gabing iyon at marahil ay naabutan siya nito na wala nang malay at may dugo sa palapulsuhan.

“Sumagot ka, Katie,” untag sa kanya ng ama. “Paano mo nagawa sa sarili mo iyon?”

“‘Pa, hindi naman ako naglaslas. Tine-testing ko lang naman kung kailangan na ng hasa ng kitchen knife ko. Medyo napadiin lang kaya nasugatan ako…” Sinubukan niyang pagaangin ang sitwasyon. Hindi siya sanay na ganoon kaseryoso ang ama. At alam niyang hindi sanay ang ama na nagseseryoso siya. Kaya siguro nagulat ito na hahantong siya sa ganoon.

Katie always finds humor amidst any bad situation. Kahit nagagalit, nasasaktan o nalulungkot siya ay nagagawa pa rin niyang tumawa at magbiro. Madalas ay ginagawa niyang katatawanan ang masasamang kaganapan sa buhay niya. Sa ganoong paraan niya hina-handle ang stress. Kaya sino ang mag-aakala na makakaya niyang makagawa ng isang napakaseryosong bagay na tulad ng pagpapatiwakal?

“Hindi ito ang panahon para sa mga biro mo, Katherine,” seryosong wika nito.

Nag-init ang mga mata ni Katie. Nag-iwas siya ng tingin sa ama at itinuon ang mga bata sa pader ng hospital room. “Ayoko nang mabuhay, ‘Pa. Hindi ko na kaya… Hindi ko na kayang tiisin ‘yong sakit dito…” Kinapa niya ang dibdib. “Feeling ko… kapag tumagal-tagal pa ang paghihirap ko, maloloka na ko. Mas gusto ko na lang ang mamatay kaysa ang maloka ako.”

“Anak…”

Nahimigan ni Katie ang simpatya sa tinig ng ama. Naramdaman niya ang paghagod ng palad nito sa kanyang buhok. Tuluyan nang pumatak ang mga luha niya.

“Naiintindihan kita, anak. Naiintindihan ko kung gaano kasakit ang pinagdaraanan mo. Nagdaan na ako riyan. Nang mawala sa akin ang mama mo, parang nawalan na rin ako ng ganang mabuhay sa mundo…”

“Namatay siya, ‘Pa. Hindi niya ginustong iwan ka. Iniwan ka nga niya pero at least, mahal ka pa rin niya hanggang sa mamatay siya, hanggang sa kahuli-hulihang hininga niya. Samantalang ako… hindi na ako mahal ni Rob, ‘Pa…” wika ni Katie sa gumagaralgal na tinig. “Ginusto niya akong iwan. Dahil ayaw na niya sa akin. Kaya sabihin mo, ‘Pa, ano ba ang mas masakit?”

Ginagap ng ama ni Katie ang kamay niya. “Nauunawaan ko, anak. Pero hindi mo kailangang patayin ang sarili mo nang dahil lang doon. Bata ka pa. Marami pang mangyayari sa buhay mo. May makikilala ka pang ibang lalaking magmamahal sa ‘yo na mas higit pa sa ipinadama sa ‘yo ni–”

“Hindi mo ba ginustong mawala na noong mawala si Mama?” sansala ni Katie sa sinasabi ng ama. “Ang sabi mo, nawalan ka ng ganang mabuhay sa mundo nang mawala siya.”

Alam ni Katie ang love story ng mga magulang. Ang kanyang amang si Manolo ay patay na patay noon sa kanyang inang si Laura na tinaguriang “crush ng bayan” sa kanilang baranggay. Hindi masasabing ka-level ng good looks ni Laura ang karakas ni Manolo. Pero naging matiyaga si Manolo sa pagsuyo kay Laura na noong una ay walang kagustu-gusto kay Manolo. Na-basted si Manolo dahil nagkagusto si Laura sa isa sa mga manliligaw na si Apollo. Gayunpaman, si Manolo ay nanatiling nasa tabi-tabi at patuloy na nagmamahal kay Laura.

Makalipas ang ilang buwan ay nakita ni Manolo si Laura na umiiyak sa isang parte ng parke. Nalaman ni Manolo na iniwan ni Apollo si Laura nang dahil sa ibang babae. Dinamayan ni Manolo si Laura sa sandaling nagdadalamhati ang dalaga sa faied relationship. Hanggang sa ma-develop si Laura kay Manolo. Pagkalipas ng isang taon ay nagpakasal ang dalawa. Makalipas ang tatlong taon ay ipinanganak si Katie at makalipas ulit ang tatlong taon ay sumakabilang-buhay si Laura. Hindi kaagad nag-asawa ulit si Manolo. Bumilang ang labing-limang taon bago muling tumibok ang puso ni Manolo para sa ibang babae.

“May isang pagkakataon na ginusto ko,” pag-amin ng ama ni Katie. “Ginusto kong sundan si Laura sa kabilang buhay. Mahal na mahal ko kasi siya at pakiramdam ko noon ay hindi ko na kayang mabuhay nang wala siya. Pero hindi ko ginawa dahil sa ‘yo, anak. Naisip ko, kapag nawala ako, paano ka na?” Bumuntonghininga ang kanyang ama. “Ikaw ba, anak, naisip mo ba ako? Kung paano na ako kapag nawala ka?”

Humikbi si Katie. “May iba pa namang nagmamahal sa ‘yo at mag-aalaga sa ‘yo. Hindi ka mag-iisa. Nandiyan naman si Tita Estella, at may anak ka pang isa, si Jun-jun. Saka automatic nang sa ‘yo mapupunta ang lahat ng naipundar ko at pera ko sa banko at pension benefits ko dahil ikaw ang dependent ko…”

“Asawa ko si Estella, hindi ko siya anak. Anak ko nga rin si Jun-jun pero hindi siya ikaw. At hindi ko kailangan ang mga naipundar mo at perang maiiwan mo dahil ikaw mismo ang kailangan ko. Kailangan ko ‘yong anak kong naging tanging inspirasyon ko para mabuhay nang labinglimang taon.”

Hindi na napigilan ni Katie ang mapahagulgol. Yumakap siya sa ama at sumubsob sa dibdib nito.

“Ipangako mo sa akin, anak. Ipangako mo sa akin na hindi mo na uulitin ito. Dahil sasama ang loob ko sa ‘yo kapag inulit mo pa ito. Iisipin ko na wala na talaga akong halaga para sa ‘yo. At hinding-hindi kita mapapatawad habangbuhay at hanggang sa magkita tayo sa kabilang buhay.”