[Preview] A Romance Novel – Chapter One

3 AM. PANAY ang hikab ko habang tumitipa sa keyboard ng laptop ko. Hay… Inaantok na naman ako habang nagsusulat ng nobela. Mukhang kailangan ko na namang lumaklak ng kape. “Laklak” talaga ang angkop na salita para sa akin dahil buong araw ay wala na akong iniinom kundi kape.

Kape sa umaga. Kape sa tanghali. Kape sa gabi. Kape sa midnight snack. Kulang na lang ay pati pangmumog ko ay kape na rin. Pakiramdam ko nga, kapag naglaslas ako, imbes na dugo ang lalabas sa palapulsuan ko ay kape ang aagos mula sa hiwa. I badly needed coffee to stay awake and keep my mind active. Kaya lang lately ay nakakaramdam na ako ng hyperacidity. Kaya nili-limit ko na ang pag-inom ng kape. Ang dating four cups, ginawa kong two and a half cups na lang.

Bigla ay parang may kung anong puwersa ang humihikayat sa akin na iikot ang swivel chair ko papunta sa likod na ginawa ko naman. At tumambad sa akin ang kama kong parang nagca-come on look sa akin. Siyempre, nilabanan ko ang urge na higaan ang nanghahalinang kama. I needed to keep on typing and finish this manuscript.

I needed to keep my imagination flowing. Kailangang palagi akong makakonekta sa istorya at sa mga bida ko. Kailangang walang distractions. Otherwise, masisira ang momentum. At kapag nangyari iyon, magugulo ang kuwento. Hindi ko makukuha ang result na gusto ko. Mahihirapan akong makabalik sa “zone.”

Ganito ang buhay ng isang nobelista. Ang binabasa ng mga mambabasa ng ilang oras ay pinagpupuyatan namin ng ilang linggo o buwan.

Mag-a-apat na taon na akong nagsusulat ng romance novels. Iyon ang hanapuhay ko. Sa mga mambabasa ko ay ako si Hara Montesa. Nakasulat na ako ng mahigit limampung kuwento ng pag-ibig. Maraming tagasubaybay si Hara Montesa. Bawat nobela ko kasi ay punung-puno ng pampakilig at pagpapaasa sa mga hopeless romantic na napakasarap umibig. Kahit alam kong hindi lahat ng tao ay napapasaya ng pag-ibig.

Call it ironic. But in real life, I am romanceless. I am cynic about love but I had to write stories as if I am a devoted advocate of romantic love. But at some point in my life, I had been a hopeless romantic. Pero isang araw, nagising na lang ako sa katotohanang hindi lahat ng umiibig ay masaya. For some people, love had been their misery. A burden they had to carry. A downfall.

Kaya siguro nilikha ang mga tulad kong manunulat tungkol sa pag-ibig. Upang marahil ay maging instrumento para bigyang pag-asa ang mga pusong pagod nang magmahal, mga pusong sugatan at iyong mga patuloy na naghihintay sa pagdating ng pag-ibig na parang na-trapik sa EDSA sa tagal dumating.

Kahit ako mismo… zero ang lovelife.

Ni hindi pa nga ako nagkaka-boyfriend in my twenty-eight years of existence. Hindi nga siguro ako kasing ganda ni Anne Curtis pero naniniwala ako sa mga nagsasabing maganda ako. At alam kong maganda ako dahil marami rin naman ang mga lalaking nagpahayag ng paghanga sa akin.

Mayroon namang mga nanligaw sa akin. May isang guwapo nga pero walang sense kausap, isang madatung nga pero walang sense of humor at isang masyadong matalino na puro intellectual topics lang ang gustong pag-usapan kaya nabo-bore akong kausapin.

Hindi naman siguro ako pihikan. May diperensiya lang siguro talaga silang lahat.

But as I have thought about it, kung nahihirapan na akong makahanap ng lalaking mamahalin, paano pa kaya kapag nasa isang relasyon na ako? Baka mas mahirapan akong mag-maintain ng long-lasting relationship. Kaya hinahayaan ko na lang na wala akong boyfriend kaysa guluhin ng pag-ibig ang nananahimik kong mundo.

Maybe I was cynic about love and at some point I did not care less about not having a love life. But somehow, even if I would not admit it, I still wait for that special man. Iyong lalaking magpapaniwala sa akin na hindi lang sa mga librong isinusulat ko maaaring mangyari ang magandang istorya ng pag-ibig… na maaari ring mangyari iyon sa tunay na buhay.

 

NAGISING ako na nakadikit ang aking pisngi sa desk ko. Hindi ko namalayan na nakatulog pala ako. Ni-resist ko pa kunwari ang kama kagabi pero tutumba rin pala ako sa antok. Tinapunan ko ng tingin ang desk clock na nasa tabi ng laptop. Alas-siyete na ng umaga.

Wala sa sariling idinikit ko uli ang pisngi sa desk pero hindi rin nagtagal ay napadilat ulit ako dahil narinig ko na bumukas ang pinto sa ibaba. Parang alam ko na kung sino ang kay-aga kong “buwisita” na may sariling susi pa talaga sa apartment ko. Pupungas-pungas na tumayo ako mula sa swivel chair at bumaba para daluhan ang dumating.

Tumingala si Richie nang makita akong pababa sa hagdan. Si Richie ay ang bestfriend kong bakla na hindi mukhang bakla. Dahil isang closet gay ay hindi cross-dresser si Richie, kaya hindi halata na bading siya. Guwapo si Richie. Iyon nga lang, guwapo rin ang hanap. Madalas ay napagkakamalan siyang boyfriend ko at sa tuwing nangyayari iyon ay sumusuka ang bruha. Isang sarhento ang ama ni Richie kaya hindi siya makapagladlad. Natatakot siya na makasira sa pangalan at imahe ng ama.

“Ba’t ang aga mo yatang b-um-wisit-a?” nakataas ang kilay na tanong ko.

Minsan talaga, kapag off ni Richie sa trabaho bilang hotel supervisor at wala siyang lakad, ay pumupunta siya sa bahay para tumambay at makipag-phone sex sa current boyfriend niyang nadestino sa Boracay branch ng hotel na pinagtatrabahuhan niya nang malaya at walang makakabuking na isa siyang binabae.

“Maagang nag-text si Dave. Ikaw, ba’t gising ka pa?” tanong ni Richie.

Imbes na ‘Gising ka na pala’ ay ‘Ba’t gising ka pa?’ talaga ang naririnig ko kay Richie sa tuwing nakikita niya akong gising pa sa ganoong oras. Hindi kasi normal ang tulog ko. Alas-singko o alas-sais na ng umaga ako natutulog at nagigising ng ala-una o alas dos ng hapon. Sa umaga ako tulog at sa gabi gising. Ganoon ang buhay-manunulat. Sadyang iba yata ang body clock ng writers.

“Nagising lang ako. Actually, maaga akong nakatulog kanina. Mga past three AM. Ewan ko ba. Palagi na lang akong inaantok lately. Hindi ko tuloy natapos ‘yong nobela ko. Ending na ang tinatrabaho ko kagabi, eh.” Tuluyan na akong nakababa sa hagdan.

“Sign na ‘yan na kailangan mo na talagang humanap ng dyowa.” Ibinagsak ni Richie ang pang-upo sa couch.

“Bakit? Para may taga-gising ako kapag tinutulugan ko ang pagsusulat ng nobela?”

“Para imbes na ang paggawa ng nobela, iba ang pinagpupuyatan n’yo.” Sumingasing ang bading at nagkaroon ng malisyosong tingin.

Pinandilat ko ang haliparot. “Letse kang bakla ka. ‘Wag mo nga akong demonyohin. Alam mong wholesome ako. Hindi pang-Fifty Shades of Grey ang mga sinusulat ko.”

Madalas na walang love scenes ang mga isinusulat kong nobela. Kung mayroon man, inuumpisahan ko lang at hindi tinatapos. Hindi ko binibigyan ng detalye ang ginagawa ng dalawang bida sa eksenang iyon. Hinahayaan ko na lang iyon sa imahinasyon ng mga mambabasa.

Para kasi sa akin, ang romance ay hindi lang tungkol sa love-making. Ang love-making ay isang parte lang ng romance na hindi kailangang parating magkaroon bawat istorya. May tinatawag na “romantic tension” na pampakilig. Iyon ang ginagamit ko para makiliti ang mga mambabasa.

“Ang sabihin mo, hindi mo kayang magsulat ng love scenes dahil wala ka pang sexual experience. Virgin ka pa!”

Dinampot ko ang throwpillow sa couch at hinampas ang mukha ni Richie. Napatili ang bakla. “Tumahimik ka riyan, peste ka.” Dumiretso ako sa banyo para maghilamos at mag-toothbrush.

Ano naman ngayon kung virgin pa ako at twenty-eight years old? Mas nakakahiya ang katotohanang ni first kiss ay wala ako.

Ang tanging reference ko lang sa pagde-describe sa nobela ng pakiramdam ng hinahalikan o nahalikan ay ang mga nababasa ko rin sa ibang romance novels at napapanood sa mga palabas sa telebisyon at pelikula. Hindi kailangang naranasan ko na iyon. Bilang manunulat, kailangang alam ko kung paano laruin ang mga salita para mailahad nang realistic ang bawat eksena, lalo na sa kissing scene.

I often wondered how it felt to be kissed. Totoo bang tila may fireworks sa paligid? Totoo bang parang inilulutang sa hangin ang pakiramdam? Totoo bang makakalimutan ang lahat ng nasa paligid habang hinahalikan ng taong mahal?

Pagbalik ko sa living room ay nakahilata na sa couch si Richie at may kausap nang lalaki sa cellphone niya. Tuwing linggo ay naroon sa bahay ko si Richie na parang isang border.

Nagtimpla na lang ako ng kape para sa amin ni Richie kaysa pakinggan kung paano makipag-phone sex ang lintik. Inilapag ko na lang sa center table ang tasa ng kape niya at bumalik na ako sa kuwarto ko para ipagpatuloy ang pagsusulat.

Tatlong taon na akong nakatira sa apartment na iyon sa Maynila. Tubong-Baguio ako. Naroon ang mga magulang at mga kapatid ko. Talaga lang pinili kong lumipat sa Maynila para maranasan ang maging independent. Isa pa ay nakakapagod ang pagbibiyahe sa tuwing mangongolekta ng tseke sa opisina ng publication na nagpa-publish ng mga libro ko, sa tuwing may meeting at booksigning at iba pang events na may kinalaman sa trabaho ko.

Nang dumating ako sa Maynila ay nakilala ko kaagad si Richie. Naghihintay ako ng masasakyan noon sa gilid ng daan nang matanaw ko si Richie sa di-kalayuan na mukhang naghihintay din ng sasakyan. Kapansin-pansin siya dahil sa bukod sa guwapo ay nakasuot siya ng pink t-shirt. May mga lalaki talaga na nagsusuot ng pink shirt kaya hindi pumasok sa isip ko na maaaring bading si Richie.

Kinakalikot ni Richie ang cellphone nang may lalaking biglang humalbot sa cellphone niya at tumakbo. Sadya kong inabangan ang pagdaan ng snatcher sa harapan ko at saka ko iniharang ang paa sa daanan upang matisod ang magnanakaw. Hindi lang natisod ang snatcher, nasubsob pa ang mukha niya sa lupa at humagis ang cellphone ni Richie na nasalo ko pa. Suwerte namang may pulis na biglang lumitaw out of nowhere kaya nahuli ang magnanakaw.

Simula noon ay naging magkaibigan kami ni Richie na noong una ay inakala ko pa ngang interesado na gawin akong girlfriend. Iyon pala ay isang girl friend o kaibigang babae ang gusto niyang gawin ako. Bagong salta din pala siya sa Maynila. Galing siya sa Palawan. At dahil pareho kaming walang kakilala sa Maynila ay agad kaming naging magkaibigan.

Saktong natapos ko na ang ending part ng nobela ko nang pumasok si Richie sa silid at dumapa sa kama ko.

“Tapos na, teh?” tanong ni Richie.

“Yup. I-e-edit ko na lang.”

“Anong plot?”

“Tungkol sa isang brokenhearted girl at isang lalaking cardiologist. Nagpa-checkup si girl sa cardio kasi gusto niyang magamot ang sakit na nararamdaman sa puso niya. Of course si cardio e na-amuse sa kanya dahil hindi naman kayang gamutin ng isang cardio ang klase ng heartache na nararamdaman niya.”

“‘Sounds interesting. Gawin mong Rica ang name ng girl.” Rica ang female name ni Richie dahil ang real name niya ay ‘Ricardo.’

“Susunugin ko na lang ito kaysa ikaw ang gawing bida dito.”

“Imbyerna ka. Pero alam mo, hanggang ngayon, hindi ko pa rin ma-figure out kung paano nangyari na nakakasulat ka ng mga romantic novels na ‘yan kung wala ka pang experience sa love at pakikipagrelasyon. Saan mo pinagkukuha ang mga romantic ideas na ‘yan kung wala ka namang pinaghuhugutan?”

Iyon na nga ang karaniwang iniisip ng mga tao. Na makulay ang lovelife ng romance writers kaya maraming pinaghuhugutan ng ideas para sa istorya. Believe it or not, hindi kailangang maging experienced sa love and relationships para makasulat ng mga nobela tungkol sa pag-ibig. Karaniwan, ang romance writers ay mahilig ding magbasa ng romance novels at manood ng romantic movies at television programs. Doon kami nai-inspire na makabuo ng ideya sa isip.

Also, maybe we were born to be naturally romantic. Baka sadyang idinisenyo ang utak namin para makalikha ng romantic stories. Kaya kahit hindi pa namin nararanasan ang pag-ibig ay alam na alam namin ang pakiramdam ng umiibig at iniibig.

But, really, kung ako ang tatanungin, I would say that I write about my dreams, my fantasies, ideals and how I wanted things to happen if I was in those situations. In short, these figments of my imagination have bits and pieces of myself.

“I was born to be a romance writer. That’s it. Inborn talent. Parang singing talent lang. May ipinanganak na maganda na ang boses.”

Nagkibit-balikat si Richie. “Pero come to think of it… lahat na ng books mo, nabasa ko na. Pero napansin ko lang, wala ka ni isang plot tungkol sa friends turned into lovers. Parang kami ni Pocholo.”

Si Pocholo ay ang first love ni Richie noong nasa kolehiyo ang huli. Friends turned into lovers ang peg ng dalawa. Kahit may bago nang minamahal si Richie ay inaamin niya na paminsan-minsan ay naaalala pa rin si Pocholo.

“Masyado na kasing beat-up ‘yong plot na ‘yon, eh,” naisip kong idahilan habang pinararaanan ng mga mata ang unang chapter ng nobela.

“So, ‘yong boy meets girl, hindi? ‘Yong enemies turned into lovers, hindi? ‘Yong boss-secretary, hindi? ‘Yong partners-in-crime theme, hindi? ‘Yong—”

“Tumahimik ka nga, bakla. Di ako maka-concentrate.”

Nanahimik nga si Richie. Imbes na makapag-concentrate na sa ginagawa ay lalo akong na-distract. Para kasing nararamdaman ko ang titig ni Richie sa likod ko na parang lumalagos sa baga ko. Hindi ko siya napigilang lingunin at nahuli ko siyang nakatitig nga sa akin nang may paghihinala sa mga mata habang nakataas ang isang kilay.

“Anong problema mo?” tanong ko.

“Nakakapagtaka. Kahit gaano ka-beat-up ang plot na ‘yon, imposibleng hindi mo iyon gamitin. Sa dami na nang naisulat mo. Isa lang ang naiisip kong dahilan. Siguro… bitter ka sa ganoong plot.”

“Anong sabi mo?”

“Siguro naranasan mo na ang ma-in love sa guy friend mo noong nasa Baguio ka pa pero friendzoned ka lang sa kanya. At hindi ka pa nakaka-move on kaya ayaw mong magsulat ng tungkol doon dahil mati-trigger no’n ang lahat ng memories n’yo together at masa-sad ka…”

May pakiramdam ako na kung hindi ko pa tatalikuran si Richie ay baka mahambalos ko siya. Ibinalik ko ang tingin sa nakabukas na document sa laptop. “Alam mo puwede ka rin sigurong magsulat ng nobela. Ang lakas ng imagination mo, eh.”

“Hmmm…” Mukhang lalong nagduda si Richie.

“Lumayas ka na sa kuwarto ko para matapos ko na itong ginagawa ko.”

Nang hindi sumagot si Richie ay napilitan akong lingunin siya at kitang-kita ko ang nakakalokong ngiti ng bakla. “Hindi ka lalayas?” Dinampot ko ang notebook at umakmang ibabato sa kanya.

Nanunudyo pa rin ang ngiti ni Richie kaya ibinato ko na talaga ang notebook sa kanya. Tumili siya nang matamaan sa balikat. Nang makalabas na siya sa kuwarto ko ay ibinalik ko ang concentration sa ginagawa pero nabigo ako.

I sighed. Ang totoo ay tama si Richie. Ang reason kung bakit hindi ko magawang makasulat ng isang istoryang may temang friends turned into lovers ay dahil naranasan ko na noon ang umibig sa isang kaibigan na hindi tinugunan ang damdamin ko.

His name was Harry Bartolome. Ni hindi nga alam ng kolokoy na iyon na minahal ko siya nang higit pa sa kaibigan. Kapag sumulat ako ng may ganoong tema ay hindi maiiwasang masaling ang damdamin ko. Ayoko nang bumalik sa memory lane dahil baka bumalik din sa dibdib ko ang sakit na dulot ng unrequited love na iyon.

Of course, I was over Harry. It had been four years. Simula nang umalis siya sa Baguio dahil pinili nang magtrabaho sa Maynila ay hindi ko na siya nakita pa. Kasama niyang umalis ang girlfriend niyang si Cheena na nakakita ng trabaho sa Maynila.

Noong mga unang linggo na nagpunta siya sa Maynila ay nakakapalitan ko pa siya ng text messages at nakakausap sa cellphone paminsan-minsan. Pero na-realize ko na kung patuloy kaming magkakaroon ng komunikasyon ay baka hindi ko na magawang maialis sa puso ko si Harry at lalo lang akong masaktan sa tuwing maririnig kung gaano siya kasaya sa piling ng babaeng mahal niya.

Kaya naman kahit hindi ko gusto ay ako na ang kusang pumutol sa komunikasyon namin. Hindi na ako gaanong nag-reply sa text messages ni Harry at idinahilan ko na busy ako sa trabaho. Hanggang sa tuluyan na kaming mawalan ng komunikasyon nang magpalit ako ng cellphone number.

Nakatulong naman iyon kaya naka-move on ako. Nakakalungkot man pero kinailangan kong isakripisyo ang friendship namin para makalimot ako. Hindi naman siguro big deal para kay Harry kung nawalan na kami ng komunikasyon. Hindi naman kami ang the best of friends. Isa lang ako sa mga kabarkada niya noong college. I maybe one of his closest friends but I was not his best friend.

Lima kami sa barkada. Tatlong lalaki at dalawang babae. Kasama namin sina Milo, Tres at Vina. Magkakaibigan sina Milo, Tres at Harry. Sina Milo at Vina ay naging mag-on noong panahong iyon at bestfriend ko naman si Vina kaya kami naging isang barkada noon. Magkakaklase rin kami sa St. Louis University. We were all talking up communication arts.

Nawalan na rin ako ng communication kay Milo simula nang mag-break siya at si Vina. Si Tres naman ay matagal nang nasa Dubai at hindi ko na rin nakakausap. Si Vina ay nasa Surigao del Sur na dahil nakapag-asawa siya ng native doon. Bihira na lang din kaming magkausap dahil malayo na kami sa isa’t-isa.

Hindi lahat ng pagkakaibigan ay nagtatagal at panghabangbuhay. Kaya hindi naman siguro gaanong naapektuhan si Harry sa paglimot ko sa pagkakaibigan namin.

Naka-move on na nga ako. Pero hindi pa rin ako komportable na magsulat tungkol sa magkaibigan na nagka-in love-an. Ayaw ko nang maalala kung paano ako nagpakamartir noon nang dahil sa pag-ibig. Ayoko nang maalala pa si Harry.