[Chapter Two] The Grim Reaper

GABI. Puno ng mga bituin ang mga langit.

Nakaupo si Azrael sa paborito niyang tambayan—sa parapet ng rooftop ng mataas na gusali—kung saan kitang-kita niya ang isang parte ng siyudad, ang city lights, mga sasakyan sa mahahabang kalsada at tulay at mga taong naglalakad.

Mula sa distansiyang iyon ay kaya niyang makita ang hitsura ng bawat bagay sa kanyang paningin. May automatic zoom in ability ang mga mata niya na kayang makita kahit maliit na detalye ng mukha ng mga tao o kaluluwa gaano man iyon kalayo mula sa kanya. Kaya rin niyang marinig ang boses ng mga tao o kaluluwa mula sa distansiyang iyon kung gugustuhin niya.

Ginamit na ni Azrael ang lahat ng kakayahan bilang isang angel of death para mahanap ang kaluluwa ni Leandro pero hindi niya mahanap ang lalaki. Patay na ang katawang lupa ni Leandro pero ang kaluluwa nito ay malayang naglalakbay pa rin sa lupa dahil hindi niya nasundo ito. Nahuli siya ng dating kaya hindi na niya naabutan ang kaluluwa nito.

Walang ibang angel of death na maaaring sumundo kay Leandro kung hindi siya. Isa pa ay nasa isip pa rin niya ang mukha ng lalaki kaya ang ibig sabihin ay kailangan pa rin niyang masundo ito at maihatid sa destinasyon ng kaluluwa nito.

Tulad ng mga tao, hindi rin naman perpekto ang mga anghel. Minsan ay nagkakamali rin sila at hindi nagagawa nang maayos ang trabaho. Naka-programa ang mga anghel para gawin ang kanilang misyon pero tulad ng mga tao, may mga pagkakataon ring pumapalya o pumapalpak sila.

Kapag hindi nasundo ng isang angel of death ang isang kaluluwa ay malaya itong makapaglalakbay sa lupa. Kapag hindi niya natagpuan at naihatid ito sa loob ng apatnapung araw ay tuluyan na itong magiging isang espirito na ang tahanan ay sa lupa at hindi na kailanman pa makararating sa huling destinasyon nito. Walang katahimikan o kapayapaan ang mga kaluluwang stuck sa mundo ng mga buhay. Kaya hangga’t maaari ay kailangang bago pa ang oras ng kamatayan ng isang tao ay naroroon na ang isang angel of death para sunduin ito.

Kahit kailan ay hindi pa nahuli sa pagsundo si Azrael dahil pulido siya kung magtrabaho. Iyon ang kauna-unahang beses na pumalya siya sa kanyang trabaho. Nahuli siya ng limang minuto nang dahil sa isang magandang babaeng nakita niya sa isang silid sa mental health care facility na pinuntahan. Nawala sa isip niya na may dapat siyang sunduing kaluluwa nang dahil sa babaeng pinagtangkaan niyang pawiin ang mga luha.

Isang linggo nang hinahanap ni Azrael ang kaluluwa ni Leandro. Pumunta siya sa bahay nito, sa lamay at libing nito ngunit hindi niya nakita ang lalaki. Kahit sa oras ng kanyang pahinga at pananatili sa itaas ng gusali ay isa-isa niyang zinu-zoom in ang mukha ng mga taong nakikita. Tatlumpu’t dalawang araw pa niyang gagawin iyon. Kailangan niyang makita ang kaluluwa ni Leandro. Hindi siya papayag na may isang kaluluwa ang hindi makakakamit ng kapayapaan nang dahil sa kanya.

Awtomatikong naging usok si Azrael nang may marinig na bungisngis at mga yabag. May isang babae at isang lalaki na paakyat sa rooftop. Ilang saglit pa ay nakita niya ang dalawang tao na papalapit sa kanya. Tumayo ang mga ito sa likod ng parapet tatlong metro mula sa kinaroroonan niya at doon ay nag-usap habang nakadungaw at nakatanaw sa tanawing kanina pa niya pinagmamasdan.

Mayamaya pa ay magkadikit na ang mga labi ng babae at lalaki. Halik. Iyon ang tawag sa ginagawa ng mga ito. Madalas ay naghahalikan ang dalawang tao kapag mayroon silang espesyal na nadarama para sa isa’t-isa. Natutuhan ni Azrael na ang mga tao ay may kakayahan ring umibig.

Pag-ibig. Isa iyon sa mga bagay na gusto niyang malaman kung ano ang pakiramdam. Mukhang ang bagay na iyon ang may kakayahang makapagbigay ng pinakamasidhing kaligayahan sa mga tao dahil maraming tao ang naghahangad ng pag-ibig. Kitang-kita ang kasiyahan sa mukha ng mga taong may nagmamahal at minamahal. Mukhang mas matindi ang kasiyahang naidudulot niyon sa mga tao kaysa sa kayamanan, ayon sa kanyang obserbasyon.

Hindi alam ni Azrael kung paano gumagana ang pag-ibig pero alam niyang kailangang parehong may pag-ibig ang dalawang tao sa isa’t-isa upang makabuo iyon ng kaligayahan sa dalawang tao. Kung isa lang ang nagmamahal ay hindi iyon makabubuo ng kaligayahan, bagkus ay lungkot at pagkabigo.

Naalala ni Azrael ang magandang babaeng nakita niya sa mental health care facility. Mukhang walang lalaking nagmamahal dito. Dahil kung mayroon, hindi sana ito malungkot at lumuluha.

Muli siyang napatingin sa dalawang tao na naghiwalay na ang mga labi.

“I love you,” anas ng lalaki sa babae.

“I love you, too,” wika ng babae.

Ilang saglit pang nagtitigan ang dalawa bago hinila ng lalaki ang babae pabalik sa pinanggalingan ng mga ito. Nang mawala na ang dalawa ay muling nagkatawang-tao si Azrael. Kailangan na niyang tigilan ang pag-iisip tungkol sa mga bagay na tanging mga tao lamang ang nakararanas at nakakaunawa. Alam niyang kahit kailan ay hindi niya mauunawaan ang konsepto ng pag-ibig dahil hindi niya iyon kailanman mararamdaman.

Ibinalik ni Azrael ang tingin sa ibaba ng gusali na nakikita niya mula sa kinaroroonan. Natuon ang paningin niya sa tulay kung saan may nakita siyang isang imahe. Nag-zero in ang vision niya sa imaheng iyon hanggang sa matuklasan niyang isang babae iyon na umaakyat sa balustre sa isang parte ng mahabang tulay. Mukhang nagbabalak ito na tumalon mula roon.

Nagtaka si Azrael. Walang boses sa kanyang isip ang nagsasabing may mamamatay na babae sa lugar na iyon sa mga oras na iyon. Pumikit siya at wala siyang nakita sa isip. Bago mamatay ang isang taong nakatakda niyang sunduin ay makikita niya sa isip kung paano ito mamamatay o ang mga huling eksena bago ito malagutan ng hininga.

Samakatuwid, ang babaeng nakatakdang tumalon sa tulay ay hindi nangangailangan ng kanyang serbisyo. Hindi pa oras ng babae. Pero sa babagsakan nitong asphalt road, siguradong mamamatay ito.

Nag-zoom in ang paningin ni Azrael sa mukha ng babae. Nakilala niya ito. Ito ang magandang babaeng nakita niya sa mental health care facility! Nakawala na pala ito sa lugar na iyon tulad ng gusto nito pero bakit naroon ang babae sa tulay at mukhang balak na magpakamatay? Kitang-kita niya ang pag-agos ng luha sa mga mata ng babae. Gusto ba nitong wakasan ang sariling buhay dahil sa matinding kalungkutan o dahil wala na ito sa tamang pag-iisip?

Hindi trabaho ni Azrael ang pumigil sa mga taong gustong madaliin ang kamatayan. Kaya hindi niya alam kung bakit nagkaroon siya ng urge para maglaho sa rooftop at lumitaw sa tabi ng babae upang pigilin ito sa nakatakdang gawin.

“Bumaba ka riyan. Hindi mo pa oras,” sabi ni Azrael sa babae na mukhang nagulat sa narinig na nagsalita kaya itinigil ang pagpupumilit na umakyat sa balustre ng tulay at lumingon sa kanya.

Nanlalaki ang mga mata ng babae habang nakatingin sa kanya. Hindi siya isang usok na nagsasalita. May katawan si Azrael sa mga oras na iyon. Mukha siyang karaniwang tao kaya hindi marahil nagugulat ang babae dahil nakakita ito ng isang angel of death. Baka nagulat lang ang ito sa bigla niyang pagsasalita.

“Hindi mo pa oras. Kaya kapag namatay ang katawang lupa mo ngayon, hindi matatapos ang paghihirap mo. Mapupunta ang kaluluwa mo sa isang lugar—sa pagitan ng buhay at kamatayan—kung saan nakakulong ka lang sa isang makipot at madilim na silid at wala kang gagawin doon kung hindi ang maghintay hanggang sa dumating ang tunay na araw ng kamatayan mo. At doon ka lang makakawala at makakapunta sa kabilang buhay. Kung ako sa ‘yo, mas pipiliin ko na lang na ipagpatuloy ang buhay ko sa mundo kaysa ang mapunta sa limbo.”

Mukhang lalong namangha ang babae nang marinig ang mga sinabi ni Azrael. Hindi alam ng mga taong buhay ang tungkol doon. Iyon ang kauna-unahang beses na nakipag-usap siya sa isang taong buhay na gustong madaliin ang kamatayan. Kaya hindi niya napaghandaan ang kusang lumabas mula sa kanyang bibig. Walang kakayahang magsinungaling ang mga anghel kaya hindi niya masisi ang sarili kung nasabi niya iyon sa babae.

Kumibot-kibot ang mga labi ng babae. Tila umaapuhap ng sasabihin ngunit hindi magawang makapagsalita.

“Huwag mong madaliin ang kamatayan mo. Hintayin mo ang oras mo.”

“S-sino ka ba?” Sa wakas ay nakapagsalita ang babae.

“Ako?”

Ako ang susundo sa ‘yo sa itinakdang araw ng kamatayan mo. At hindi pa iyon ngayon.

Kapag sinabi niyon si Azrael ay siguradong matatakot ang babae. Isa pa ay hindi sila maaaring magpakilala sa mga taong buhay. Sa mga kaluluwa lang nila puwedeng sabihin kung ano sila. Kaya pinili na lamang niyang huwag ipakilala ang sarili sa babae.

“Isang nagmamalasakit,” patuloy ni Azrael.

Ano ba ang sinasabi niya? Hindi niya alam kung paano ang magmalasakit dahil hindi siya isang tao. Nalaman niya lang ang presensiya ng damdaming iyon sa pananatili niya sa mundo. Pero ang ginawa niyang pagpigil sa balak na pagpapakamatay ng isang tao, hindi ba at iyon ang gagawin ng isang taong nagmamalasakit?

Kumunot ang noo ng babae habang nakatitig kay Azrael. Sinalubong niya ang titig ng babae. Bagamat may pagtataka sa mga mata ay kitang-kita pa rin ang kalungkutan sa mga iyon.

Bigla ay nagbuga ng hangin ang babae. “Malasakit?” Sarkastiko ang pagngising ginawa nito. “Hindi mo ako kilala, bakit mo ako pagmamalasakitan? Kung iyong mga taong malalapit nga sa akin, hindi nagmalasakit, ikaw pa kaya na hindi ko kilala?” Pinawi ng likod ng palad ng babae ang luha sa mga pisngi.

Ibig bang sabihin niyon ay hindi pinagmamalasakitan ng sariling pamilya ang babae? Walang lalaki na may romantikong pag-ibig sa babae ang nagmamalasakit dito?

Mukhang tama ng hinala si Azrael. Wala nga yatang taong nagmamahal sa magandang babaeng nasa harapan niya kaya malungkot at lumuluha ito. Kaya ba gusto na nitong wakasan ang buhay? Dahil lang sa pagmamahal na hindi nito makamtan? Ganoon ba kalaking bagay ang pag-ibig na iyon sa mga tao?

“Hindi ko alam kung ano ang pinagdaraanan mo,” sabi ni Azrael. “Pero kung anupaman iyon, bahagi iyon ng buhay na kailangang tanggapin at danasin ng mga tao.”

Mukhang natigilan ang babae sa sinabi ni Azrael. Nakita niya ang pag-awang ng mga labi ng babae habang tinititigan siya. “You talk as if you haven’t gone through anything.” Pinasadahan ng babae ng tingin ang kabuuan niya.

Nakasuot ang black hoodie, black T-shirt, black pants at black shoes si Azrael. Itim. Hindi niya pinili ang kulay na iyon. Sa tuwing nagkakatawang-tao siya ay iyon lang palagi ang kulay ng mga suot niya. Hindi rin niya alam kung bakit kulay itim ang simbolo ng kamatayan.

“You must be some carefree, laid-back guy roaming around the streets at night looking for fun. ‘Yong tipong walang pakialam kahit ano ang mangyari. ‘Yong ayaw mamroblema at hinahayaan ang iba na mamroblema para sa kanila. ‘Yong walang damdamin at hindi marunong masaktan…”

Walang damdamin at hindi marunong masaktan. Kung alam lang ng babae na literal na ganoon nga siya.

“I wish I could be like you,” malungkot na wika ng babae. “Sana kaya ko ring sabihin sa iba ‘yong sinabi mo… na lahat ng masasakit na pinagdaraanan ng tao ay bahagi ng buhay na kailangang danasin at tanggapin. Sana ganoon lang kasimple ang pagtanggap ng lahat…”

Sana ay kaya kong maramdaman ang nararamdaman mo para maunawaan kita, bulong ni Azrael sa isip. Alam niya na matindi ang sakit na nadarama ng babae sa mga sandaling iyon ngunit hindi rin siya sigurado kung nagdurusa talaga ito sa matinding kalungkutan o wala ito sa tamang pag-iisip kaya umaakto nang ganoon.

“Bumalik ka na sa ospital ng mga taong may problema sa pag-iisip. Kailangan mong magamot. Kapag gumaling ka na, hindi ka na magdurusa.”

Bahagyang nanlaki ang mga mata ng babae. “B-bakit mo alam na doon ako galing?”

Hindi puwedeng sabihin ni Azrael na pumasok siya sa silid nito sa mental health care facility at nakita ito roon. “Dahil… doon nakatira ang mga taong gustong wakasan ang sarili nilang buhay.”

Nakita ni Azrael ang pagtigas ng mga panga ng babae. “Hindi na ako babalik sa lugar na ‘yon dahil hindi ako baliw! I have clinical depression. But they treated me there as if I was insane. I do not have psychotic depression, nor schizophrenia because I do not have hallucinations.  I do not hear or see unpresent things, but they kept telling me I did. And they want me to believe that I am really getting insane. They have personal motive. That mental health care facility… hindi talaga sila nanggagamot ng mga may problema sa pag-iisip. Kulungan iyon ng mga pasyenteng gusto nilang matuluyan sa pagkabaliw. They were paid by my stepmom… my evil stepmother… to detain me there and make me really lose my mind.”

Naalala ni Azrael ang mga salitang binigkas ng babae noong una niyang makita ito na nakatingin sa pader ng silid. Hindi raw baliw ito. Totoo nga kayang hindi talaga ito nasisiraan ng bait?

“Bakit kailangang gawin ng stepmother mo iyon sa ‘yo?” tanong ni Azrael.

“Because she’s evil and she wants to ruin me, sila ng mga anak niya. Gusto nilang agawin ang lahat ng mayroon ako. They were jealous of me. They were envious of the life I had. Ngayong wala na ang daddy ko, gusto na nila akong tuluyang sirain.”

Nakukuha na ni Azrael ang sitwasyon ng babae kahit paano. May kaaway ito. May mga gustong sumira sa buhay nito. Mukhang matagal na itong walang ina kaya nagkaroon ng madrasta. Mukhang kawawala lamang ng ama ng babae na mukhang tanging taong kakampi nito sa buhay.

“Papayag ka ba?” tanong ni Azrael.

“Anong ibig mong sabihin?”

“Papayag ka bang tuluyan nilang masira ang buhay mo?”

Hindi sumagot ang babae. Nangilid ang luha sa mga mata nito.

“Hindi ba at kaya ka tumakas sa lugar na iyon ay para makawala sa pinagkulungan sa ‘yo ng madrasta mo? Tumakas ka para lang mamatay?”

Pumatak ang mga luha ng babae. “Tumakas ako… dahil gusto kong lumaban. Pero nang makawala ako sa lugar na ‘yon, na-realize ko ang totoong kalagayan ko sa labas ng mental facility na ‘yon. Wala nang nagmamahal sa akin. Wala ako ni isang tunay na kaibigan. Walang tutulong sa akin. Nag-iisa na lang ako… kaya paano ko malalabanan ang madrasta ko at ang dalawa niyang anak? Paano ko mapapatunayan sa lahat ng tao sa paligid ko na hindi ako baliw gaya ng gustong palabasin ng stepmom ko?”

Mas lumilinaw na sa pang-unawa ni Azrael ang kalagayan ng babae. Wala na itong kakampi kaya humina ang loob nito at gusto na lang takbuhan ang sitwasyon sa pamamagitan ng pagkitil sa sariling buhay.

“Kaya gusto mo na lang tapusin ang buhay mo? Dahil sa tingin mo, hindi mo sila kayang labanan?”

Ngumiti nang mapait ang babae habang pumapatak ang mga luha. “I think when you are depressed, it’s natural to feel more vulnerable than usual. You’ll feel worthless and powerless. I don’t want to feel this way, pero ito ang nararamdaman ko. I just want to end everything because I don’t see anything good in this life anymore. Wala na rin naman akong makakasama dito, eh, kaya bakit pa ako mag-i-stay? Gusto ko na lang makasama ulit ang mga magulang kong yumao na.”

Umiling si Azrael. “Sinabi ko sa ‘yo kanina, hindi mo pa oras. Kaya kung papatayin mo ang sarili mo ngayon, hindi mo rin makakasama ang mga magulang mo dahil masasadlak kang mag-isa sa isang madilim na silid habang hinihintay ang tunay na araw ng kamatayan mo. Wala kang pag-asang maging masaya sa lugar na iyon. Wala kang pag-asang magkaroon ng bagong kakampi pero dito sa lupa ay mayroon.”

“Bakit mo alam ‘yan? Nagpakamatay ka na ba? Nakapunta ka na ba roon?”

Hindi pa nakakapunta si Azrael sa lugar na iyon dahil hindi niya iyon baluarte. Pero alam niya ang tungkol sa limbo dahil iyon ang sinabi sa kanya ni Kushiel—ang taga-sundo ng mga kaluluwa ng mga namatay nang hindi sa itinakdang oras o mga taong piniling ilagay sa mga kamay nila ang oras ng kamatayan. Isa ring angel of death si Kushiel pero ang toka nito ay ang maghatid ng kaluluwa sa limbo.

“Hindi pa,” tugon ni Azrael. “Pero kapag itinuloy mo ang balak mong gawin, maiisip mo ako kapag nandoon ka na at nakakulong sa isang madilim na silid. Hindi ka tumakas sa isang silid para makulong ulit sa isang silid na walang katiyakan kung kailan ka makakawala. Malamang na marami pang plano ang Diyos para sa ‘yo kaya hindi ka pa niya gustong kunin.”

Nagbuga ng hininga ang babae. “I knew it. You are part of a religious group. Kaya ka pala ganyan magsalita. Anong susunod mong sasabihin? Yayayain mo na akong umanib sa relihiyon mo dahil kailangan ko ng Diyos sa sitwasyon ko ngayon? Hindi ako agnostic or atheist. May Diyos ako. Maybe He has forsaken me, but I don’t blame Him. Lahat naman talaga ng tao dumaraan sa mga pagsubok. Kaya maiintindihan naman siguro Niya kung susuko ako sa pagsubok na ibinigay Niya dahil hindi ko na kaya. So, if you’ll excuse me, let me do what I want and leave me alone.” Tumalikod ang babae at muling nagpumilit na umakyat sa balustre ng tulay.

Mukhang hindi talaga magpapaawat ang babae. Hindi naman talaga kasama sa kanyang trabaho ang umawat ng mga taong gustong patayin ang sarili. Dapat ay wala siyang pakialam sa babae dahil hindi siya ang nakatoka rito kung hindi si Kushiel.

Ang mga tao ay biniyayaan ng “free will.” Kalahati ng nangyayari sa buhay ng mga ito ay nakatadhana at ang kalahati ay nagaganap base sa taglay nilang free will—kasama sa free will na iyon ang kakayahang tapusin ang sariling buhay. Kaya lamang ay hindi didiretso sa tunay na destinasyon ang kaluluwa nito. Ang kapayapaang gusto nitong makamit pagkatapos na mamatay ang katawang lupa ay hindi kaagad nito matatamo.

Tumalikod na si Azrael dahil ayaw niyang makaabala sa free will ng isang tao. Kahit may pakiramdam siyang ayaw niyang iwan ang babae ay humakbang na siya palayo pero natigilan siya nang mula sa malayo ay matanaw si Kushiel na mukhang papalapit sa kanila. Kusang kumilos ang mga paa niya at pumihit paharap sa babae. Nakita niya ang babae na nakaupo na sa balustre. Mabilis siyang humakbang at hinila ito mula roon bago pa makatalon ito.

Ang sumunod na namalayan ni Azrael ay buhat-buhat na niya ang babae sa kanyang balikat. Hawak niya ang mga binti nito. Ang tiyan nito ay nakapatong sa kanang balikat niya at ang ulo ay nakalaylay sa likuran niya.

“Put me down!” singhal ng babae habang binabayo ang likod niya. “Ibaba mo ‘ko! Ano ba?”

Hindi pinansin ni Azrael ang babae at nagpatuloy siya sa paglalakad palayo sa lugar na iyon.