[Chapter One] The Grim Reaper

HABANG naglalakad si Azrael sa kalsadang puno ng mga tao ay may isang lalaki siyang nakabanggaan ng balikat. Masama ang tinging ibinigay sa kanya ng lalaki. Nahuli pa niya ang ginawa nitong pagkapa sa bulsa sa likod ng pantalon upang marahil i-tsek kung naroon pa rin ang wallet.

Nagpatuloy si Azrael sa paglalakad. Baka dahil sa itim na hoodie jacket na kanyang suot o marahil ay dahil sa mga mata niyang matiim kung tumingin kaya napagkamalan siyang masamang tao.

Sa maraming taong pag-oobserba ni Azrael sa mundo ng mga buhay na tao, alam na niya ang klase ng mga taong nakatira doon. May mga mabubuti at masasama. Mga taong nabubuhay nang marangal at mga taong nabubuhay sa pamamagitan ng pag-angkin ng pag-aari ng iba. Kaya alam niyang napagkamalan siyang isang pickpocket ng lalaking nakasalubong. Masamang tao ang mga magnanakaw.

Wala siyang mapapala kung nanakawin ang pera ng lalaking iyon. Hindi niya kailangan ng pera para mabuhay sa mundo. Hindi niya kailangang kumain. Hindi niya kailangan ng mga materyal na bagay. Wala siyang anumang kailangang gawin para maka-survive sa mundo dahil hindi siya parte ng planetang iyon.

Hindi tao si Azrael. Isa lamang siyang usok na kayang magkatawang-tao at maging visible at invisible sa mga mata ng mga tao sa tuwing gugustuhin niya. Hindi siya multo o kung anupamang maligno. Isa siyang nilalang na nagsisilbi sa Higher Being. Naroon siya sa mundo dahil iyon ang kanyang workplace. Hindi talaga iyon ang tahanan niya.

Tumigil si Azrael sa paglalakad at tiningala ang asul na langit. Doon siya nagmula dahil isa siyang anghel. Isang uri ng anghel na panlupa. Anghel na panlupa dahil ang misyon ay sa lupa. May mga anghel kasing naglilingkod sa langit lamang.

May tatlong uri ng anghel na panlupa. Ang una ay ang “angel of birth.” Bawat bagong silang na tao ay may nakatalagang tagalingap o tagapangalaga. Bago pa man isilang ang isang tao, nasa lupa na ang tagalingap nila at hinihintay ang paglabas nila sa mundo. Maliliit lamang na nilalang ang angels of birth at palagi lamang nakalutang dahil mayroon silang mga pakpak. Habang lumalaki ang isang tao ay unti-unti na silang iniiwan ng kanilang tagalingap at lumilipat sa ibang bagong silang. “Guardian angels” kung tawagin sila ng mga tao pero ang tunay na tawag sa kanila ay “angel of birth.”

Ang tunay na “guardian angels” ay ang mga “angel of life” o mga anghel na tagagabay sa buhay. Hindi tulad ng angels of birth, hindi sila nakatalagang gumabay sa iisang tao lamang. Random people ang pinagsisilbihan nila. Ang mga taong ginagabayan nila ay buo na ang pag-iisip, hindi tulad ng sa mga angel of birth na mga sanggol at batang hanggang edad na lima. Hindi ganoon karami ang bilang ng mga angel of life kaya hindi nila kayang gabayan ang lahat ng tao. Isa pa, hindi sila maaaring manghimasok sa buhay ng mga ito. Nasa lupa lamang sila para magsilbing gabay at hindi imaniobra ang buhay ng mga tao.

At upang magawa ang kanilang misyon ay madalas silang nagkakatawang-tao, bagay na hindi kayang gawin ng mga angel of birth na nananatili lamang invisible sa mga tao hanggang sa iwan na nila ang mga ito. Kayang mag-iba-iba ng kaanyuan ng mga angel of life para magawa ang kanilang misyon.

At ang huling uri ng anghel na panlupa ay ang “angel of death.” Ang mga anghel na ang misyon ay may kinalaman sa katapusan ng buhay ng mga tao. Ang tawag ng mga tao sa kanila ay “sundo,” “Kamatayan” o “grim reaper.” Tulad ng angel of life, kaya rin nilang magkatawang-tao ngunit iisang kaanyuan lang ang maaari nilang gamitin. Ang trabaho nila ay ang sumundo sa kaluluwa ng mga namatay na katawang-lupa at maghatid sa mga ito sa huling destinasyon.

Kabilang si Azrael sa huling uri ng anghel na panlupa. Isa siyang anghel ng kamatayan. Nilalang siya para abangan at panoorin ang pagkamatay ng mga taong nakatakda niyang sunduin ang kaluluwa. Hindi iyon kasing nakalilibang na tulad ng trabaho ng angel of birth o kasing kapana-panabik ng sa angel of life ngunit iyon ang pinakamadali at pinakamabilis na trabaho sa lahat. Gayunpaman, sa lahat ng mga anghel na panlupa, ang mga angel of death lang ang kinatatakutan ng mga tao.

Ang kamatayan ang pinakanakakatakot na pangyayari sa buhay ng isang tao. Hindi lamang ang sariling kamatayan ang kinatatakutan nila, kung hindi pati ang sa mga mahal sa buhay o “pamilya” kung tawagin nila. Hindi maganda ang konsepto ng kamatayan para sa mga tao. Hindi nila kayang tanggapin na ang lahat ng nilikha sa daigdig na tinitirhan nila ay may katapusan.

Hindi nila kayang tanggapin ang iba’t-ibang uri ng mga sakit at mga aksidenteng tumatapos sa buhay nila. At lalo na ang pagkitil ng mismong mga kauri sa kanilang buhay. Hindi nga siguro maganda ang konsepto ng kamatayan para sa mga tao. Pero para sa kanya, sa mga angel of death na tulad niya, hindi ganoon kadramatiko ang ideya ng kamatayan.

Walang emosyon ang mga angel of death kaya hindi sila nakadarama ng takot. Matalino sila at may kakayahan silang mag-isip ngunit hindi sila nilalang para mag-isip ng tulad ng kung paano mag-isip ang mga tao. Isa pa, imortal ang mga tulad niya. Hindi alam ng mga angel of death kung ano ang pakiramdam ng mamatay. Kaya para sa kanila, isa lamang iyong normal na bagay na nangyayari araw-araw na kailangan ng kanilang serbisyo.

Tulad na lang ngayon. Pumunta si Azrael sa lugar na iyon dahil may susunduin siyang dalawang tao. Kanina lang ay may narinig siyang boses sa kanyang isip. Mga pangalan, edad, oras, lugar ng kamatayan at paraan ng pagkamatay. Nang ipikit niya ang mga mata ay nakita niya sa isip ang hitsura ng mga nakatakdang pumanaw at napanood ang mismong eksena kung paano sila mamamatay.

Sa ganoong paraan nalalaman ng mga angel of death kung sinu-sino ang mga kaluluwang susunduin nila at kung saan matatagpuan ang mga ito. Kaya bago pa mangyari ang isang vehicular accident na nakatakdang maganap sa lugar na iyon ay nagpunta na siya.

Umupo si Azrael sa parte ng isang plant box na maaaring upuan at binuksan ang palad kung saan may orasan. Sa tuwing binubuksan niya ang palad at itinatapat sa mukha ay lumilitaw ang oras. Alas-kuwatro na ng hapon. Sampung minuto na lang at magaganap na ang eksenang nakita niya sa isip. Doon mismo sa kalsadang katapat ng plant box na kinauupuan niya ay dalawang tao ang mamamatay on the spot.

Habang hinihintay ang magaganap sa lugar na iyon ay naisipan muna ni Azrael na magmasid sa paligid. May isang babaeng may kargang sanggol ang nakita niya. May isang angel of birth na nakabuntot sa mga ito. May isang lalaki at isang babae at isang batang lalaking mukhang nasa anim na taong gulang ang nakatayo sa kabilang sidewalk at nag-aabang ng pagpapalit ng kulay ng traffic lights bago makatawid sa pedestrial lane. Biglang tumawid ang batang nabitiwan ng ina. May kotseng paparating. Bago pa mahagip ang bata ay isang lalaking nasa gulang marahil na treinta y otso ang sumagip sa bata at hinila ito pabalik sa sidewalk.

Nakita niya ang matinding relief sa mukha ng mga magulang ng bata. Mukhang nagpasalamat sila sa lalaki. Sinundan niya ng tingin ang papalayong lalaki hanggang sa bigla na lamang itong maglaho at maging isang usok. Tama siya ng hinala. Ang lalaking iyon ay isang angel of life.

Ang angel of birth at angel of life ay halos pareho ng trabaho. Misyon nila ang protektahan ang buhay ng mga tao. Samantalang si Azrael, ang pagkamatay ng mga tao ang pakay sa mundo.

Hindi niya pinili iyon. Nilikha si Azrael upang maging angel of death. At dahil masama ang konsepto ng kamatayan sa mga tao, masama na rin ang tingin ng mga tao sa mga tulad niya. Kampon daw ng kadiliman ang isang tulad niya. Wala silang ideya kung sino talaga siya at ang mga tulad niya.

Muling tiningnan ni Azrael ang orasan sa palad. Ilang segundo na lamang ay magaganap na ang insidenteng narinig niya sa isip. Idineretso niya ang tingin sa kalsada. Isang kotse ang humahagibis at nawawala sa linya ang sa isang iglap ay sumalpok sa isang kotseng nakasalubong. Tumaob ang isang kotse at ang isa ay warak ang unahan.

Tumayo na si Azrael at sinilip ang kotseng nabangga, dalawa ang sakay niyon. Ang babaeng nasa passenger seat ang mukhang nakita niya sa isipan—ang may-ari ng kaluluwang susunduin niya. Duguan ito at wala nang malay habang ang lalaking nasa driver’s seat ay duguan rin ngunit may malay pa.

Lumipad ang tingin ni Azarel sa kotseng tumaob. May isang lalaking walang malay at duguan na nakabaligtad sa bintanang may basag na salamin. Tanging ito ang sakay ng kotse. Ito ang ikalawang taong nakita niya sa isip na siyang susunduin din niya.

Nagsilapitan na ang mga tao. May tumawag na ng ambulansiya. Ilang sandali pa ay nakita na ni Azrael ang kaluluwa ng babae na isa sa mga umuusyuso sa naganap na aksidente. Halatang nagulat ang babae nang makita ang mga taong duguan sa nabanggang kotse. Hindi pa alam ng babae na ito ang isa sa mga sakay ng kotseng iyon. Hindi pa rin alam ng babae na kaluluwa na lamang ito hanggang sa malapitan ni Azrael at ipaalam kung sino ito.

Lumipat ang paningin ni Azrael sa lalaking isa rin sa mga nakikiusyoso—ang kaluluwa ng lalaking nagmaneho ng tumaob na sasakyan.

Nagsimula na siyang maglakad. Oras na para ipaalam sa dalawang kaluluwa ang tungkol sa kamatayan ng mga ito.

 

 

MAY KATAWAN si Azrael nang tumayo siya sa tapat ng isang mental health care facility. Doon siya dinala ng boses sa kanyang isip. Naroon ang susunod niyang susunduin. Mayroong isang lalaking naka-confine doon ang may undiagnosed na sakit bukod sa sakit sa pag-iisip. Aneurysm ang ikamamatay nito.

Nang pumasok si Azrael sa facility ay isa na lamang siyang usok. Pinasok niya ang bawat silid na maraanan para hanapin ang lalaking nakatakdang sunduin.

Nakita niya ang mga pasyente sa bawat silid na pinasukan. May mga mahimbing na natutulog, may gising at hindi mapakali, may nakatayo at palakad-lakad at may mga tulala lang habang nakaupo sa kama.

Dapat ay lalabas na si Azrael sa isang silid na napasukan, kaya lang ay nang napatitig siya sa maamong mukha ng babaeng nag-iisa sa silid ay natigilan siya. Hindi niya alam kung bakit kailangan niyang titigan ito na para bang niyon lang siya nakakita ng magandang babae.

Noong unang beses na tumapak si Azrael sa mundo ay hindi pa niya alam ang konsepto ng kagandahan. Pero dahil matagal na siyang gumala-gala sa lupa, naobserbahan niya kung paano mamuhay at mag-isip ang mga tao. May tinatawag ang mga ito na “maganda” at “pangit.” Natutunan na niya kung paano matukoy ang maganda at pangit na tao.

Sa langit kasi ay walang ganoong klaseng pagtukoy sa hitsura dahil pulos usok lang ang mga anghel. May porma sila pero walang anyo. Isa lang ang konsepto ng kagandahan sa mga natutunan niya sa mga tao. At ngayon ay nakatitig siya sa isang ehemplo ng kagandahan.

Sa tantiya ni Azrael ay nasa late twenties ang babae. Maputi at makinis ang balat nito. Alon-alon ang mahabang buhok nito. Balingkinitan ang katawan. Maliit ang mukha, katamtaman ang laki ng mga mata, malago ang mga pilik-mata, matangos ang ilong at katamtaman ang kapal ng kulay-rosas na mga labi.

Natuon ang tingin ni Azrael sa mga mata ng babae. Malungkot ang mga iyon habang nakatingin sa kawalan. Alam niyang may sakit sa pag-iisip ang babae kaya ito nakakulong sa lugar na iyon. Malungkot marahil ito dahil nakakulong at hindi malaya.

Sa pananatili sa mundo, natutuhan din ni Azrael na ang mga tao ay may walang katapusang paghahangad sa kaligayahan. Walang kakuntentuhan ang mga ito. Ang “happiness” na tinatawag ng mga tao ay pabagu-bago. Hindi natatapos sa pagkamit ng hinahangad na kaligayahan ang paghahangad ng mga ito. Maghahangad ulit ang mga tao ng panibagong klase ng kaligayahan kahit alam nilang hindi perpekto ang lahat ng bagay sa buhay at mundo. Kaya sa halip na maging masaya ay sa kalungkutan ang madalas na kinababagsakan ng mga tao.

Kaya marahil malungkot ang babaeng tahimik na nakaupo sa kama. Baka hindi ito makuntento sa buhay. Baka walang katapusan ang paghabol ng babae sa “happiness” na alam nitong malabong makamtan. Kaya ba nagkaroon ito ng sakit sa pag-iisip? Hindi ba nakayanan ng babae ang matinding kalungkutan kaya nauwi iyon sa pagkasira ng tamang pag-iisip?

“Gusto ko nang makalabas dito,” anas ng babae.

Alam ni Azrael na hindi siya nakikita ng babae kaya malabong siya ang kinakausap nito. Kinakausap nito ang sarili. Namalayan na lamang ni Azrael ang sarili na nakaupo na sa gilid ng kama ng babae at pinakikinggan ang sinasabi nito.

“Ayoko na dito,” patuloy ng babae. “Hindi ako baliw.”

Hindi raw ito baliw. May kakayahan ang mga tao na magsinungaling at kaugnay niyon ang kakayahan ng mga ito na tumanggi o ang tinatawag na “denial.” Madalas na itanggi ng mga tao ang isang bagay kahit iyon pa ay totoo.

“Pero kung magtatagal pa ako rito, baka matuluyan nga akong mabaliw. Help me… please help me…”

Napatingin si Azrael sa pader na natatakpan ng wallpaper kung saan nakatitig ang babae. Wala namang magagawa ang pader na iyon para tulungan ito. Sino ang hinihingan nito ng tulong?

“Please… take me away from here. I’m not supposed to be here…”

Natuon ang tingin ni Azrael sa isang butil ng luha na mabagal na naglandas sa pisngi ng babae. Umiiyak na ito. Alam niya ang kahulugan ng pagluha ng mga tao. Pighati. Sakit. Pero hindi niya alam kung ano ang pakiramdam ng pighati at sakit dahil wala siyang emosyon.

Nagtuloy-tuloy na ang pag-agos ng mga luha ng babae. Namalayan na lamang ni Azrael na kusang umaangat ang kamay niya para abutin ang mukha nito. Pinawi ng mga daliri niya ang luha ng babae pero tumagos iyon sa mukha nito. Binawi niya ang kamay. Kumunot ang noo niya sa ginawi. Madalas, kapag may sinusundo siyang kaluluwa ay may umiiyak na kamag-anak o malapit na tao sa namatay. Pero hindi niya ginawa iyon ni minsan. Wala siyang natatandang may inabot siyang mukha ng mga umiiyak na taong namatayan para pawiin ang luha ng mga ito. Ngayon lang.

Patuloy sa tahimik na pagluha ang babae. Matagal nang gustong malaman ni Azrael kung ano ang nararamdaman ng mga taong umiiyak. Kaya lang ay wala silang kakayahang malaman o maramdaman iyon. Kahit ang pinakamatagal nang angel of death na si Buer ay hindi alam kung ano ang pakiramdam ng iba’t-ibang emosyon ng mga tao. Isa lang ang sigurado niya. Iba ang klase ng lungkot na nararamdaman ng babae sa nararamdaman ng mga taong namatayan.

Napatingin si Azrael sa pinto ng silid nang makarinig ng komosyon mula sa labas.

“Hindi na humihinga si VIP Patient 302!”

Bigla ay naalala ni Azrael ang kaluluwang nakatakda niyang sunduin doon. Napatingin sa orasan sa kanyang palad. Lagpas na ng limang minuto sa itinakdang oras! Mabilis siyang lumabas ng silid at hinanap ang kinaroroonan ni Leandro Reyes na nasa gulang na dalawampu’t siyam.

Nakita ni Azrael ang mga taong nakaputi na humahangos at sinundan iyon. Hanggang sa makita niya ang isang lalaking nakahiga sa kama at wala nang malay. Ito nga si Leandro. Lumibot ang mga mata niya sa paligid ngunit wala siyang nakitang kaluluwa.

Iniwan ni Azrael ang silid at lumibot sa pasilyo. Pumasok siya sa iba’t-ibang silid para hanapin ang kaluluwa pero hindi niya makita ito.

Nasaan na si Leandro Reyes?