[Chapter Three] The Grim Reaper

SINALUBONG ni Azrael ang matalim na tingin ng babae. Nang ibaba niya ang mga paa nito sa lupa ay nakita niya ang galit sa mukha ng babae. Nagagalit ba ito sa kanya dahil nag-interfere siya sa free will nito?

Galit. Tulad ng pighati ay hindi maganda ang emosyong iyon para sa mga tao. Kapag ang isang tao ay may galit sa dibdib ay nag-iiba ang ugali nito at nawawala ang sensibility. Karaniwan ay gusto nitong makapanakit ng damdamin o sa pisikal na paraan. Mabuti na lang at walang pakiramdam si Azrael kaya hindi siya magagawang saktan ng babae dahil sa galit nito. Miski ang pagbayo nito sa likod niya kanina ay hindi nagdulot ng sakit sa pang-taong katawan niya.

“Bakit mo ginawa ‘yon?” singhal ng babae kay Azrael. “Hindi ka dapat nakialam!”

“Hindi ko rin alam kung bakit ko ginawa iyon,” tugon ni Azrael.

Halatang napantastikuhan ang babae. “What?”

“Ang alam ko lang, kailangan mo pang mabuhay dahil hindi mo pa oras. Napakabigat nga siguro ng pinagdaraanan mo pero tinitiyak ko sa ‘yo na hindi solusyon ang pagkitil sa sarili mong buhay.”

Inilibot ni Azrael ang tingin sa paligid upang hanapin si Kushiel. Alam niyang hindi itinakda ang gustong gawin ng babae kaya sa oras na hindi matuloy ang pagpapatiwakal ng isang tao ay kusang nawawala si Kushiel.

“You still don’t get it.” Marahas na bumuntunghinga ang babae. “I don’t care if I get stuck in that limbo you were talking about. Mas mainam sigurong makulong doon kaysa sa isang mental facility kung saan unti-unting sinisira ang utak ko habang ang mga taong may kagagawan niyon ay alam kong nagsasaya sa kalagayan ko.”

“Hindi mo alam ang sinasabi mo.”

“Alam ko ang sinasabi ko dahil buhay ko ito. Konting bahagi lang ng buhay ko ang ikinuwento ko sa ‘yo. Hindi mo alam kung gaano kabigat ang pinagdaraanan ko.”

“Makikinig ako.”

“Anong sabi mo?”

“Ikuwento mo sa akin ang tungkol sa pinagdaraanan mo para maunawaan kita nang lubusan.”

Hindi nagsalita ang babae. Nakatitig lang ito kay Azrael na tila ba iniisip kung dapat ba siyang pagkatiwalaan. Biglang lumarawan ang frustration sa mukha nito at umungol. Umupo na lang ito nang basta sa elevated pavement ng sidewalk at tumingin sa kalsada kung saan may mga nagdaraang sasakyan. Tumabi si Azarel sa babae. Hindi niya inalis ang tingin sa mukha nito.

“If you’re trying to flirt with me, this is not the good time.”

Flirt? Iniisip ba ng babae na may interes siya rito bilang isang lalaki? Ni hindi nga niya alam kung ano ang pakiramdam ng kaligayahan at kalungkutan, ang magkaroon pa kaya ng romantikong damdamin sa isang tao?

“Hindi ako interesado sa ‘yo sa paraang ipinapahiwatig mo,” sabi ni Azrael.

Bumaling ang babae sa kanya. Mukhang hindi nito inaasahang marinig ang sinabi niya. Nagbuga ng hangin ito at ibinalik ang tingin sa kalsada.

“Gusto ko lang maunawaan kung bakit gusto mong mamatay.”

“So, tsismoso ka lang, gano’n?”

“Hindi ko kasi maintindihan kung bakit gusto ng ibang mga tao na wakasan ang sarili nilang buhay.”

Halata sa mukha ng babae ang bitterness nito. “Most people couldn’t really understand. Unless they had depression at some point in their lives.” Bumaling sa kanya ang dalaga. “Ang saya siguro ng buhay mo, ‘no? Wala ka sigurong pinoproblema sa buhay mo. Kaya kahit kailan, hindi maiintindihan ng isang tulad mo ang pinagdaraanan ng mga tulad ko.”

Buhay ko? Kung puwede lang sanang sabihin ni Azrael na wala siyang “buhay.” Kaya hindi talaga maiintindihan ng isang tulad niya ang isang taong tulad nito kailanman.

“Gusto kitang intindihin,” sabi ni Azrael. “Kaya sabihin mo sa akin kung ano ang pinagdaraanan mo. Handa akong makinig.”

Tinitigan siya ng babae. Tila ba inaarok kung wala siyang masamang intensiyon sa paghimok dito na ikuwento sa kanya ang pinagdaraanan nito. “I do not even know you,” mahinang wika ng babae.

“Ako si Azrael.”

Bahagyang kumunot ang noo ng babae habang nakatitig sa kanya. Hindi kasi siguro tunog-pangalan ng tao ang pangalan niya.

“Ikaw? Anong pangalan mo?”

Nag-iwas ng tingin ang babae. Ilang saglit na nakatitig lang ito sa kalsada at sa mga nagdaraang sasakyan bago bumuntonghininga at sumagot. “Ava.”

 

 

 

HINDI alam ni Azrael kung bakit niya sinasayang ang oras sa pakikinig kay Ava imbes na hinahanap ang kaluluwa ni Leandro. Hindi rin niya alam kung bakit kailangan niyang abalahin ang sarili sa pagpigil sa babae na kitlin ang sariling buhay. Wala siyang damdamin kaya hindi niya masasabi na naaawa o nakikisimpatya siya rito.

“I was eighteen years old when my mom passed away,” patuloy sa pagkukuwento ni Ava.

Nakatingin ito sa kalsada, samantalang si Azrael ay pirming nakatingin lang sa profile nito. May natuyong bakas ng luha sa pisngi ng dalaga. Inililipad ng hangin ang mahabang buhok nito.

Ang akala ni Azrael ay hindi papansinin ni Ava ang suhestiyon niya na ikuwento sa kanya ang pinagdaraanan nito pero pagkatapos nitong tumingala sa kalangitan ay bigla na lang nagkuwentoang dalaga tungkol sa mga magulang at kung gaano kasaya ang kabataan nito.

“Nasa States ako nag-aaral noon pero nagulat ako nang bigla na lang nila akong pinauuwi. Iyon pala, malapit na siyang mawala. I didn’t know she was battling a terminal disease. They didn’t tell me until it was confirmed that she had no hope. I was devastated. Hindi ko man lang naalagaan ang mommy ko habang may sakit siya. After my vacation was over, I returned to the States to continue my studies. But after my mom’s death anniversary, I found out my dad was dating his ex. Lucinda had been widow for five years. Asawa siya ng late director ng kompanya kung saan CEO ang dad ko. Nang mamatay si Mr. Gutierrez, napunta kay Lucinda ang shares ng late husband niya sa kompanya. May dalawa siyang anak sa una niyang asawa. Sina Jonathan at Jonalyn. Jonathan is two years older than me and Jonalyn is a year younger than I am.

“After another year, my dad married Lucinda. When I finished my degree, bumalik ako rito para dito na ulit mag-stay. Pero nanibago ako sa bahay na kinalakihan ko. Lucinda redesigned the house, wiped out all my mom’s memories in our house. I was disappointed but I tried to understand. Nagbago na ang pamilya ko. Wala na ang mommy ko, may ibang asawa na ang daddy ko at may stepsiblings na ako.

“Sinubukan kong tanggapin ang bagong pamilya ko, ang bagong buhay ko pero halata namang hindi ako gusto ng stepsiblings ko. Hindi nila gusto ang pagbabalik ko. Parang inangkin na kasi nila ang dad ko at pakiramdam siguro nila, nagkaroon sila ng kakompetisyon nang bumalik ako. Ako ang tunay na anak kaya dapat lang na ako ang paborito ng daddy ko pero hindi nila iyon naintindihan dahil gahaman sila. They got jealous of me, of the attention my dad was giving me. Hanggang pati si Lucinda, nagselos na rin sa akin.”

Inggit. Selos. Iyon marahil ang naramdaman ng mag-iina sa pagbabalik ni Ava sa mansiyon. Sa palagay ni Azrael ay hindi maganda sa pakiramdam ang damdaming iyon. Isa iyon sa mga emosyong kapag naramdaman ng isang tao ay nakakapag-isip o nakakagawa ito ng hindi maganda.

“Lucinda had always been nice to me and I thought she was really nice. Kung hindi ko pa aksidenteng narinig ang pakikipag-usap niya sa kaibigan niya sa phone, hindi ko pa malalaman na pina-plastik lang pala niya ako at ayaw niya talaga sa akin. Ipinapakita niya lang pala sa dad ko na mabait siya sa akin. Palagi lang siyang nakangiti pero secretly, nag-aalburuto pala siya sa pagbabalik ko sa mansiyon. They probably knew how much my dad loved me and they felt threatened about it. I tried to live with the fact that nobody liked me in that house, except for my dad. Kaya nakatagal ako ng ilang taon doon bago ako nagdesisyong umalis ng mansiyon at bumukod. As much as I didn’t want to leave my dad alone with those people, but I came to a point that I got tired living with his second family.”

Sa maraming taong pananatili ni Azrael sa mundo ay nalaman niya na hindi lahat ng pamilya ay buo at nagmamahalan. Hindi lahat ng magkakapamilya ay blood-related, ang iba ay pinagbuklod lamang ng matrimonya ng kasal. Ang pamilya ni Ava ay isa marahil sa halimbawa ng isang komplikadong pamilya.

“Then I met this guy, Dion, who had given meaning to my monotonous life. Tatlong taon ko siyang nakasama at ang akala ko, siya na ‘yong lalaking para sa akin. He even proposed marriage to me. We were about to get married but…” Sadyang tumigil ang babae.

Nakita ni Azrael ang pait sa mga mata ni Ava. Iiyak na naman ba ito?

“But Jonalyn…” Marahas na bumuntunghininga si Ava. “That bitch snatched my fiancé two months before my wedding. Sinira niya ang relasyon namin ni Dion. Iniwan ako ni Dion nang dahil sa kanya.”

Hindi lang pala suliranin sa pamilya ang mayroon ang babae. Pati pala sa pag-ibig. Tama si Azrael nang isipin niyang walang lalaking nagmamahal sa dalaga pero hindi lang pala ganoon kasimple iyon. May nobyo pala si Ava dati ngunit inagaw iyon ng mismong kapamilya nito. Kung may isang bagay na pinakatumimo sa kanyang isip sa mga nalaman tungkol sa pag-ibig, iyon ay ang walang katiyakang pananatili niyon sa puso ng isang tao.

Nagbabago ang damdamin ng mga tao. Madalas ay hindi pang-habangbuhay ang pag-ibig sa puso ng mga ito para sa iisang tao. Kaya kahit nakatali na sa matrimonya ng kasal ay mayroon pa ring mga naghihiwalay. Ang masama, hindi sabay na nawawala ang damdamin ng isa’t-isa. Halos parating may isang umiibig pa rin kaya may nagdurusa sa pagkasira ng isang relasyon.

“Nang makipaghiwalay sa akin si Dion, sinugod ko si Jonalyn. Nag-away kami. Nagsakitan. Nang makita kami ng dad ko na nagsasakitan at nalaman na hiniwalayan ako ng fiancé ko dahil kay Jonalyn, it broke his heart… literally. Inatake siya sa puso dahil sa sobrang sama ng loob at galit kay Jonalyn at pagkaawa para sa akin. He died. He died two months ago.”

Natitiyak ni Azrael na hindi siya ang sumundo sa kaluluwa ng ama ni Ava. Ibang angel of death ang sumundo sa mga magulang ng babae. Kung siya siguro ang sumundo sa mga ito, nalaman kaagad niya ang dahilan kung bakit lumuluha ang babaeng nakita niya sa isang silid sa mental health care facility.

“It seemed like all my nightmares came true at once. It was too much for me to take. I was diagnosed with clinical depression later. But my symptoms eventually became severe that I could not function well with my job as a marketing director anymore. Itinago ko ang diagnosis sa akin but my stepmom has accidentally found out about it when she saw me in a psychiatric clinic. She encouraged me to confine myself in a certain mental health care facility. Mahigpit sa privacy ang facility na iyon at kaya ako pumayag na doon magpa-confine ay dahil ayokong malaman ng ibang tao na nagpa-confine ako sa isang mental facility. At first, I was willing. Gusto kong gumaling. Gusto kong tuparin ang pangarap ng daddy ko para sa akin. Gusto niyang ako ang mag-succeed ng position niya balang-araw. I didn’t know it would come that soon. Gusto kong gumaling para maging CEO ng Villamor Food Corporation, hindi lang dahil iyon ang gusto ng daddy ko. Kung hindi dahil ayokong kay Jonathan mapunta ang posisyong iyon. He’s a strong candidate to replace my father. Finance director siya at gamit niya ang shares na minana nilang mag-iina galing kay Mr. Gutierrez.

“That guy was so ambitious to the point na lahat ng pagpapasikat ay ginawa niya para ma-please ang board of directors. I didn’t want him to hold the highest position in our company because I know how rotten his attitude was. I really wanted to get treatment and be completely healed, pero na-realize ko na hindi talaga nila ako gustong pagalingin sa lugar na iyon. My stepmom brought me there, not because she wanted me to recover like what she told me. She wanted me to be detained in that place until I completely lose my head. Dahil gusto niya akong mawala sa kompanya para hindi ako ang maging CEO at para ang anak niya ang maupo.

“Everyone in the board of directors has been eyeing me as the next CEO even while my father was still alive. Threatened siguro si Lucinda at Jonathan na kapag gumaling ako, mawawalan na ng chance si Jonathan na makuha ang posisyon dahil pangalawa lang siya sa napupusuan ng board. When my father died, a deputy CEO took over his position while they wait for me to recover. The board was considerate to give me time to recover from my dad’s death, na sila mismo ang nag-suggest na mag-sick leave ako. They didn’t even know I was mentally sick. Ang alam lang nila, nagluluksa pa rin ako sa pagkamatay ng dad ko at sa pagkaka-call off ng engagement ko. Ako lang ang hinihintay nila para makapagbotohan na ng mauupo. That must be the reason why my stepmom detained me in that place. Sigurado akong binayaran niya ang facility na iyon hindi para gamutin ako, kung hindi para lalo akong magkaproblema sa isip. Gusto niya akong mabaliw nang tuluyan. Kung mapapatunayan kasi na wala ako sa tamang pag-iisip at hindi na ako fit para maging lider ng kompanya pagkatapos ng dalawang buwang sick leave ko, pipili na ang board of directors ng iluluklok at hindi na ako kasama sa pagpipilian.

“Perhaps because she’s bitter because even though she automatically got half of my father’s wealth as his legal wife, sa akin napunta ang pinakalamaking controlling shares sa kompanya. Hindi lang iyon, my father gave me forty-eight percent of his wealth as his compulsory heir, while his stepchildren only got one percent each of that fifty percent allotted for us. Kahit na mas malaki pa kaysa sa akin ang nakuha ni Lucinda, bitter pa rin siya dahil maliit lang ang nakuha ng mga anak niya.”

Greed, bulong ni Azrael sa isip. Kasakiman. Isa iyon sa ugali ng mga tao na karaniwang nagpapasama sa mga ito. Ang walang hanggang paghahangad ng mga bagay na sobra-sobra para sa mga ito, tulad ng kayamanan, ambisyon, kapangyarihan at kung anu-ano pang gustong makamkam ng mga ito.

“Ganoon siya kagahaman. Ganoon sila kawalang-puso para magawa sa akin ito. That witch and his children would do anything to take away everything I have. My dad, my fiancé, my future position in the company and even my sanity… They want to ruin me completely. Maybe they even wish me to die… I used to want to recover from this mess. Noong nakakulong ako sa mental facility, ang dami kong gustong gawin para ayusin ang buhay ko. Gusto kong protektahan ang kompanya sa kasakiman ng stepmom at stepbrother ko. Gusto kong bawiin si Dion sa stepsister ko dahil alam kong kapag nakita niya ang tunay na kulay ni Jonalyn, babalik din siya sa akin. Gusto ko silang labanan…. Pero…” Nagsimula na namang pumatak ang mga luha ni Ava.

Sinundan ng mga mata ni Azrael ang paglandas ng luha ni Ava sa makinis nitong pisngi. Pati sa likidong iyon ay curious siya. Bakit may likidong lumalabas sa mga mata ng mga tao sa tuwing nalulungkot o nasasaktan ang mga ito?

“Pero… nang makatakas ako sa mental facility, na-realize ko na hindi ko pala kaya…”

Hinintay ni Azrael na dugtungan ng babae ang sinasabi pero ilang saglit ang lumipas na nakatitig lang ito sa kawalan habang may luha sa mga mata.

“Bakit?” hindi nakatiis na tanong ni Azrael. “Bakit hindi mo kaya?”

“Dahil wala akong pupuntahan at walang tutulong sa akin. Nilayuan na ako ng mga kaibigan ko dahil siguro naniwala silang nabaliw na ako nang tuluyan. Dahil sa oras na makita ako ng stepmom ko, siguradong ibabalik niya ako mental facility na pinagkulungan niya sa akin kahit ayaw ko. Siguradong gagamitan niya ako ng dahas. At kapag nagtagumpay siya na maikulong ulit ako roon, malamang na hindi na niya ako hayaang makatakas ulit. Dahil walang laman ang bulsa ko ngayon. Malaking pera at maraming ari-ariang iniwan sa akin ng daddy ko pero hindi ko iyon maa-access sa mga oras na ito. Ni hindi ako makauwi sa bahay ko dahil bukod sa wala akong pamasahe, wala akong hawak na susi. Ni pambayad ng motel na matutuluyan ngayong gabi, wala ako…”

Bumaling kay Azrael ang dalaga.

“I have nowhere to go. I am hopeless.”

“Wala ka nang mapupuntahan. Kaya gusto mo na lang pumunta sa kabilang buhay, gano’n ba?”

Marahang tumango ang babae. “Gano’n na nga. Mag-isa na lang ako at may mental health issues pa. Sa tingin mo ba, kaya ko silang labanan?”

Hindi nakasagot si Azrael. Matagal-tagal na siyang nasa mundo at sa tuwing wala siyang sinusundong kaluluwa ay naglalakbay siya upang panoorin ang mga tao at obserbahan ang buhay ng mga ito. Kaya alam niyang magkakaiba ang personalidad ng bawat tao. May mga taong sadyang matapang at kayang tumindig sa sariling mga paa at mayroon ding mahihina ang loob at kailangan ng kasama o tulong mula sa kapwa tao.

Marahil si Ava ay nabibilang sa huling personalidad. O baka dahil nawalan ito ng tiwala sa sarili dahil sa mental disorder na dinaranas.

“So… hahayaan mo na ba akong magpakamatay?” tanong ni Ava na may munting pag-asam sa mga mata.

“Ha?”

“Ngayong nalaman mo na kung gaano kamiserable ang buhay ko, lulubayan mo na ba ako? Hahayaan mo na ba akong ituloy ang gusto kong gawin?”

Miserable? Sana ay lubusang naiintindihan ni Azrael ang sitwasyon ni Ava. Kaya lang ay hindi niya alam kung ano ang pakiramdam ng maging miserable. Kung sana ay kaya niyang makaramdam ng emphaty sa babae, marahil ay mauunawaan niya ang nadarama nito sa mga oras na iyon. Ang alam lamang niya ay natabunan na ng matinding kalungkutan ang kakayahan nitong mag-isip nang maayos.

“Hindi,” tugon ni Azrael.

Halatang hindi nagustuhan ni Ava ang sinabi niya.

“May pag-asa ka pang maging muling masaya habang nabubuhay ka. May pag-asa ka pang gawin ang mga sinabi mong gusto mong gawin para malabanan ang mga taong umargabyado sa ‘yo at ayusin ang buhay mo na sinira nila. Pero kapag pinatay mo ang sarili mo ngayon, hindi mo na maibabalik pa ang buhay mo at ang pinalagpas mong pagkakataong maging masaya ulit. Alam kong may sakit ka pero kailangan mong tulungan ang sarili mo na gumaling. Palagi kong naririnig sa mga tao na ‘habang may buhay ay may pag-asa’ at mukhang totoo iyon kung patuloy ka lang lalaban sa buhay.”

Nagbuga ng hangin si Ava. Halatang hindi sang-ayon sa sinabi niya. “Sana ganoon lang kadaling gawin ang sinasabi mo. Pero hindi mo maiintindihan ang nararamdaman ko dahil wala ka sa posisyon ko at wala kang depression.”

“Hahayaan mo na lang bang magtagumpay nang tuluyan ang mga taong may kagagawan ng nangyari sa ‘yo? Nang dahil sa kanila, nagkaroon ka ng depression. Nang dahil sa kanila, nawala sa ‘yo ang lalaking mahal mo at ang ama mo. Hahayaan mo na lang bang pati ang posisyon sa kompanya na gusto ng iyong ama na upuan mo ay makuha nila? Hahayaan mo bang tuluyan nilang sirain ang buhay mo? Hindi mo dapat hayaang magtagumpay ang kasakiman. Kaya kailangan mong mabuhay. Protektahan mo ang mga naiwan ng ama mo… ang kompanya niya, ang mga ari-ariang ipinagkatiwala niya sa ‘yo. Protektahan mo ang sarili mo. May obligasyon kang protektahan ang buhay na ibinigay sa ‘yo ng Panginoon.”

Nanatiling nakatitig lang kay Azrael si Ava. Nakita niya ang saglit na kalituhan sa mga mata nito. Biglang tumayo ang babae kaya tumayo rin siya. Ang akala niya ay naipaunawa na niya sa dalaga ang tamang gawin nito kaysa ang kitlin ang sariling buhay pero umiling ito nang sunud-sunod.

“I can’t. Marami at masasamang tao ang mga kalaban. Hindi ko sila kayang mag-isa at sa ganitong psychological condition ko. My dad will understand if I chose to abandon his physical possessions. They don’t matter to him now because he’s dead. They won’t matter to me anymore, too, when I die. Afterall, kapag namatay ako, hindi naman mapupunta sa stepmom at stepsiblings ko ang kayamanang nasa pangalan ko dahil hindi ko naman sila compulsary heirs o kahit intestate heirs. Wala silang mapapala sa kayamanan ko dahil hindi ko sila kadugo. After I die, those money and properties will be decided by the government kung saan mapupunta dahil wala akong iniwang last will. Maaaring mapunta sa distant relatives ko ang kayamanan ko o i-amass ng government themselves. I don’t care anymore. Basta sigurado akong hindi makikinabang ang step family ko.

“I think God will also understand because He’s the one who has put me in this mess. It won’t matter to me anymore kung magpa-party pa sa sobrang saya ang stepmom at stepsiblings ko pagkatapos kong mamatay. Hindi ko na makikita iyon dahil patay na ako. I think I will also be happy if I don’t see them anymore.” Pinawi ni Ava ng likod ng mga palad ang mga luha sa pisngi. “Kaya lubayan mo na ako at ‘wag mong pakialaman ang gusto kong gawin sa sarili ko.”

Pagkasabi niyon ay bigla na lang tumakbo ang babae papunta sa gitna ng kalsada. Mukhang balak nitong magpasagasa sa paparating na malaking truck. Siguradong mamamatay ang babae kung mahahagip ng malaking sasakyan.

Kailangan ko na lang siyang hayaan, wika ni Azrael sa isip. Karapatan ni Ava na gamitin ang free will. Hindi na niya problema kung magdusa ito sa limbo.

Muli ay natanaw niya si Kushiel na paparating. Ibinalik ni Azrael ang tingin sa babae at muli ay tila may puwersang nagtutulak sa kanya para sagipin si Ava.

Palapit na ang rumaragasang truck. Bago pa niyon mabangga si Ava ay tinakbo na ni Azrael ang patungo sa kinatatayuan ng babae. Mabilis niyang hinagip ang babae at ang sumunod na tagpo ay pangko na niya ito. Naiiwas niya si Ava sa rumaragasang truck. Nilakad niya ang patungo sa sidewalk habang pangko pa rin ang babaeng nakanganga sa pagkamangha. Hindi siguro makapaniwala ito kung paano siya nakarating nang ganoon kabilis at nabuhat at naiiwas ito sa truck.

Wala na ulit si Kushiel nang marating nila ni Ava ang sidewalk. Nang ibalik ni Azrael ang tingin sa mukha ng babae ay wala nang malay ito.