All I Want For Christmas Is You – Chapter One

UMIKOT ang mga mata ni Moana nang marinig na naman ang pamaskong awitin na pumailanlang sa opisina. Gusto na niyang sakalin si Mattie, ang praning niyang officemate na may abnormal penchant sa Pasko dahil nang tumuntong ang unang araw ng Septiyembre, araw-araw na ay nagpapatugtog na ito ng Christmas songs. Araw-araw siyang nakukulili.

Hindi naman hate ni Moana ang Pasko. Gusto niya ang Pasko sa maraming kadahilanan: birthday ni Jesus Christ, Christmas bonus, thirteenth month pay, working holiday with double pay, pa-raffle ng gadgets sa Christmas party, may excuse ang paglaki ng bilbil dahil okay lang lumamon sa holiday season, boss na pansamantalang bumabait for the spirit of Christmas at marami pang iba. Everything about Christmas seemed to be blissful. Everyone seemed to be happy about Christmas. Si Moana lang yata ang hindi gaanong masaya kapag paparating na ang Pasko.

Para sa kanya, parang Valentines’ Day lang din ang Pasko. Ang mga pesteng magso-syota ay walang habas sa pagfo-flaunt na hindi malamig ang Pasko nila. Sweet-sweet-an na naman ang mga ito na akala mo ay Valentines’ Day. Walang pasintabi sa mga single… na tulad niya. At sa mga taong simula nang ipinanganak sa mundo ay palaging malamig ang Pasko… na tulad niya.

Perpetually single ang drama ni Moana. Hindi niya pa rin alam kung paano nangyari na sa kanyang twenty-six years of existence sa mundo ay hindi pa siya nagkakanobyo ni isang beses. Hindi nga mala-diyosa ang ganda niya pero hindi naman siya pangit. Cute naman siya, gaya ng sabi ng mga tao sa paligid niya. Hindi nga slim ang figure niya pero hindi siya mataba. In fact, “seksi” ang tawag sa kanya ng mga tambay sa kanto na akala mo ay parating may nakapasak na pito sa mga bunganga sa tuwing nagdaraan siya. Makinis ang maputi niyang kutis. Five six ang height niya. Hindi naman siya baduy manamit. Maayos naman ang fashion sense niya.

Mabait naman si Moana. Magaling makisama. Masarap magluto. Medyo sablay lang ang boses pero magaling sumayaw. Medyo madaldal nga lang siya pero sa tingin niya ay hindi naman iyon kapintasan dahil ang characteristics niyang iyon ang dahilan kung bakit walang nabo-bore kapag siya ang kasama. Witty raw siya. Maraming funny antics. Medyo makapal ang mukha niya pero mas mainam na iyon kaysa mahiyain. Sweet at pasensiyosa siya. Kung magtataray man siya ay may dahilan naman.

Kaya hindi maintindihan ni Moana kung ano ang ayaw sa kanya ng mga lalaking napusuan niya at bakit madalas na walang nanliligaw sa kanya. Kung magkaroon naman siya ng manliligaw ay madalas na may sabit at gusto lang siyang gawing number two o kaya naman ay playboy at gusto lang siyang gawing fling o di kaya naman ay mukhang kuhol o tambay at walang kakuwenta-kuwentang kausap.

Hindi maintindihan ni Moana kung paano nangyaring si Mattie na malditang lumba-lumba ay may dyowang macho at si Cristy na tsismosang mukhang ewan ay may asawang guwapo. Maging ang ma-okray na transgender na si Michie—Michael sa tunay na buhay—ay may fafang foreigner. Bakit siya na mabait, cute, sexy at may matris ay walang boyfriend? Life is so absurd.

Dumating si Moana sa point ng kanyang buhay na nasanay na siyang hindi naghahangad ng nobyo dahil masaya naman siya kahit wala siyang partner. Kapag dumarating lang ang Valentine’s day at Pasko siya naghahangad na sana ay magkanobyo siya para naman hindi siya magmukhang tanga sa mga holiday na iyon. Pagod na rin siya.

Pagod na si Moana na tumunganga sa lovers na nakikita niyang naglalampungan sa publiko. Pagod na siyang i-celebrate ang Pasko nang ang mga magulang ang kasama at palagi siyang third wheel. Hindi tuloy makapagtukaan ang dalawang tanders nang dahil sa presensiya niya. Miski kasi ang nakababatang kapatid niyang si Marvin ay may girlfriend na. Daig pa siya ng maid nilang si Inday na may dyowang textmate gabi-gabi. Pati nga ang alaga nilang asong si Minny ay may asawa na. In fact ay buntis na nga ang bitch.

Kaya masisisi ba si Moana kung gusto niyang upakin si Mattie sa araw-araw ay pagpapatugtog ng Christmas songs? Parang ipinapaalala ng mga awiting iyon na ilang araw na lang ay mapapa-walling na naman siya dahil malamig na naman ang Pasko niya.

Napapitlag si Moana nang may tumawag sa pangalan niya. Nilingon niya si Aira, ang closest friend niya sa opisina. And yes, taken din si Aira. Kunsabagay ay mas maganda sa kanya ang kaibigan kaya hindi siya bitter na may nobyo ito at in fact ay engaged na.

“Dinner tayo mamaya. Tayong dalawa lang. May sasabihin ako sa ‘yo.”

Tumango na lang si Moana at ipinagpatuloy ang ginagawa sa Microsoft Excel. Maya-maya ay nakaramdam siya ng panlalamig. Kinuha niya ang coat na nakasaklob sa backrest ng swivel chair at isinuot iyon. Lumamig nga lang ba ang aircon o sadyang nagsisimula na niyang maramdaman ang malamig niyang pasko?

Lifetime membership ba siya sa Samahan ng mga Malalamig ang Pasko? Hindi na ba niya mararanasan ang may yumakap sa kanya upang bigyan siya ng init sa malamig na panahon?

Tila nag-cue in na tumugtog ang lumang Christmas song mula sa Sexbomb dancers.

Pasko na naman. Bitin pa rin ako… sa pag-ibig na pinapangarap ko…

Putchang buhay ‘to, asik ni Moana sa isip. Kusang kumuyom ang mga palad niya. Hindi na napigilan ni Moana ang sarili dahil pakiramdam niya ay punung-puno na siya. Tumayo siya at tinawag si Mattie nang malakas na nakapagpalingon sa kanya sa lahat ng nasa opisina.

“Patayin mo ‘yan!” singhal ni Moana with gritting teeth. “Ayokong marinig ‘yang kantang ‘yan! I hate that song!”

Suminghap si Mattie at lahat ng mga naroon ay napanganga sa inakto ni Moana. Nang ma-realize na nag-overreact siya ay mabilis siyang umupo at nagtago sa loob ng kanyang cubicle.

 

“HINDI kita inimbitahang mag-dinner para maglasing sa harap ko.”

Marahas na pinawi ni Moana ang alak sa ilalim ng mga labi na tumulo nang lumagok siya ng beer at pagkatapos ay ngumiwi kay Aira.

“San Mig light lang ito,” tukoy ni Moana sa hawak na lata. “Hindi ito nakakalasing. At saka sabihin mo nga sa akin, ha. Pagkatapos ng nangyari kanina sa office, hindi ba ako dapat maglasing?” Ngumiwi siya at parang gustong magngangawa. Hiyang-hiya siya sa nangyari kanina.

Matapos sigawan ni Moana si Mattie ay hindi iyon pinalampas ng mataba. Nilapitan siya nito at sinabing, “Bakit? Anong problema sa kanta, Moana? Nakaka-relate ka ba?”

At doon na nagsimula ang diskusyon ng officemates ni Moana tungkol sa pagiging no-boyfriend-since-birth niya at loyal member ng SMP. Mahinahon man ang naging diskusyon ay ipinangalandakan pa rin ng mga ito ang masakit na katotohanang siya lang ang nag-iisang single sa department nila. Nasugatan nang husto ang kanyang pride. Kaya naman sinabi niya sa officemates na hindi magiging malamig ang Pasko niya sa taong iyon.

“Bakit mo kasi sinabi ‘yon?” banayad na paninisi ni Aira. “Parang nakipagpustahan ka pa sa kanila.”

“Nasaktan ang pride ko, girl! Ano sa tingin mo ang gagawin ko? Hahayaan ko na lang silang alipustahin ang beauty ko samantalang mas maganda pa ako sa kanila?”

“Well, you better do what you said. Kailangang magka-boyfriend ka bago mag-Pasko.”

Muling ngumisi si Moana at lumagok ng beer. “Paano ako magkaka-boyfriend? Wala namang nanliligaw sa akin kundi si Baldo.” Si Baldo ay ang kapitbahay niyang engineer pero mukhang tukmol at chain smoker. “Ayoko namang sagutin ‘yon para lang magka-boyfriend. Hindi pa ako desperada. You know I won’t settle for less just because hindi ko pa nararanasang magka-boyfriend at twenty-six. Magpapakatandang-dalaga na lang ako kaysa patulan ‘yon.”

Tumawa si Aira. May dinukot na papel mula sa bag ang kaibigan at ibinigay sa kanya. “Heto. Kaya kita niyaya ng dinner, dahil diyan. Sakto naman na nag-meltdown ka sa opisina at nakipagpustahan sa officemates natin. Baka matulungan ka niyan sa problema mo.”

Binasa ni Moana ang naka-print sa flyer. “Speed-dating event?”

Tumango si Aira. “Sa hotel na pinagtatrabahuhan ng sister ko gaganapin ang event na ‘yan kaya may bitbit siyang flyer pag-uwi niya kahapon. Para sa mga ayaw magkaroon ng malamig na Pasko ang event na ‘yan. You know, in the hope na bago mag-Pasko, eh, makahanap ang mga single ng makakasama sa darating na Pasko. Naisip kita kasi September pa lang, nagmamaktol ka na sa akin dahil magiging malamig na naman ang Pasko mo. At saka naisip ko rin na baka kailangan mo nang maghanap. Palagi ka lang naghihintay. Baka kailangang i-expose mo ang sarili mo sa kung nasaan ang mga searching din for partners para makakita ka rin. Kaya hayan. Mag-participate ka. Malay mo, diyan mo mahanap si Mr. Right.”

Tinitigan ni Moana ang mga numerong naka-print sa flyer kung saan puwedeng magparehistro. “Baka naman puro mga pangit ang mag-participate dito.”

“Pangit ka ba?”

“Hindi, no!”

“Magpa-participate ka, ‘di ba? Sabi mo nga, hindi lahat ng single ay pangit at walang kuwenta dahil ikaw ang isang patunay niyon. I’m sure, mayroon doong lalaki na tulad mong nahihirapan ding makakita ng match nila kaya single.”

“Pero alam mong hindi ako pumapatol sa mga ganitong klaseng dating event. Hindi nga ako nakikipag-blind date, eh.” Sa tingin kasi ni Moana ay para sa mga desperado ang mga ganoong klaseng dating event.

“May choice ka ba? Kailangan mo ng lalaking maihaharap sa officemates natin bago mag-Pasko.”

“Kaasar talaga ‘yong mga taong ‘yon!” Umangil si Moana at bahagyang ginulo ang buhok. “Okay, fine. Susubukan ko.”

Ngumiti si Aira. “Goodluck, girl.”

Biglang nabuhayan ng loob si Moana nang ma-realize na posibleng makakita talaga siya ng potential boyfriend sa speed-dating event na iyon. Tama si Aira. Naghihintay lang siya at hindi siya naghahanap. Panahon na nga siguro para maghanap.

“Sa tingin mo, may mga guwapo kaya talaga sa speed-dating event na ‘yon?”

“Oo. Mayroon ‘yon, feeling ko.”

“Mayroon kaya doong mga tipong Kirst Verna?” Ngumisi si Moana. Ang crush na crush niyang top male fashion model ng bansa ang tinutukoy niya.

Kirst Verna was a god. Maybe an exaggeration, but for her that man defined perfection. Nakita na ni Moana ang modelo sa Cosmo Bachelor Bash na rumarampa sa katiting na topalodo at para siyang namatanda hanggang sa pag-uwi sa bahay. Mula ulo hanggang paa ay walang pangit dito. She had a huge crush on him. In fact, nakadikit sa dingding ng kanyang silid ang pinilas niyang pahina ng magazine kung saan naka-print ang lalaki. And sometimes, she would just stare at him and even sing for him like an idiot. She was that smitten by him.

Tumawa si Aira. “Alam mo… ‘yan! ‘Yan siguro ang dahilan kung bakit wala ka pa ring boyfriend hanggang ngayon. Ang hinahanap mo, eh, tipong Kirst Verna!”

“‘Oy, hindi naman! Crush ko lang naman ‘yon. Alam ko namang hindi ako papatulan no’n o kahit sino na nasa ganoong level. Pero kailangan ko ng lalaking mukhang tao naman. Presentable at puwede kong iharap sa officemates natin.”

“I agree. Okay na may maiharap ka sa kanila. Pero mas okay kung mai-impress sila sa ihaharap mo sa kanila.”

“Makikita ng mga iyon,” tukoy ni Moana sa officemates. “Makikita nila. May makakasama ako sa Pasko. Hindi na magiging malamig ang Pasko ko. And who knows, baka mainggit pa sila sa akin dahil mas macho sa boyfriend ni Mattie, mas guwapo sa asawa ni Cristy at mas madatung sa fafa ni Michie ang lalaking magpapainit ng Pasko ko.” Humalakhak siya, sabay lagok ng beer.