Ikaw, Ako At Ang Ating Forever – Chapter 7

GALING si Divina sa hardin dahil sinabi niya kay Mang Kulas ang pinapasabi ni Donya Nidora at naglalakad siya pabalik ng bahay nang matanaw niya ang hindi pamilyar na asul na van na paparating. Mukhang may bisita ang donya. Malamang ay isa sa mga amiga. Pero kataka-takang walang nabanggit ang matanda tungkol sa inaasahang bisita. Nagpatuloy siya sa paglalakad para salubungin ang bagong dating at istimahin ito.

Bago pa makalapit si Divina ay binuksan na ng driver ang pinto ng sasakyan na humimpil sa front porch. Umibis mula roon ang isang dalagang sa tantiya niya ay kasing edad lang niya. Maganda, mestisahin at halatang mayaman dahil pusturang-pustura. Pink at purple ang combination ng kulay ng outfit ng dalaga mula ulo hanggang paa. May head dress din ang babae ala-Donya Nidora. Chestnut brown ang kulay ng long locks at perfect ang day makeup nito. Halatang matagal na nagbabad sa beauty salon ang babae.

Mukhang Barbie doll ang bisita. Halatang maarte. Sino naman kaya ito?

Lalapitan na sana ni Divina ang babae pero naunang dumalo rito si Ate Luming.

“Good morning, madam!” masiglang bati ni Ate Luming.

“What?” Medyo OA maka-twitch ng lips ang mayamang babae. “OMG! Don’t you ever call me ‘madam.’ I’m only twenty-two!”

“Sorry, ma’am…” Yumukod si Ate Luming. “Please come in.” Iminuwestra ng mayordoma ang entrada papasok sa mansiyon pero hindi sinunod ng bisita si Ate Luming dahil mukhang natigilan ang sosyaling dalaga.

Suminghap at nanlaki ang mga mata ng bisita. “OMG! My fiancé!” maarteng bulalas nito.

Bigla ang lipad ng tingin ni Divina sa direksiyong tinitingnan ng babae. Natanaw niya si Alden na bumababa sa grand staircase. Nang makababa ang binata ay mukhang natigilan ito nang mapatingin sa front door. Tila nabigla ito nang makita ang bisita.

Fiancé? nasambit ni Divina sa isip. Nanlaki ang mga mata niya nang maalala ang kahulugan ng salitang iyon. Fiancé?!

Bigla na lang tumakbo ang sosyalera patungo kay Alden. “Honey!”

Honey? gagad ni Divina sa isip. Ito ba si Paula? Napanganga siya nang bigla na lang sunggaban ng babae si Alden at hagkan ang lalaki sa mga labi.

Mukhang nabigla rin si Alden sa ginawa ng babae. Mabilis na kumawala sa halik ang binata. “Sandra!”

“Honey, I’ve missed you!” Yumakap si Sandra kay Alden na para bang sawang nililingkis ang lalaki na halatang hindi sang-ayon sa iginagawi ng dalaga.

Walang anu-ano ay napatingin si Alden sa kanya at nagtama ang paningin nila. Nag-iwas ng tingin si Divina. Pakiramdam niya ay hindi niya kayang patuloy na panoorin kung paano nililingkis ng bagong dating na babae si Alden. Fiancé? Bakit bigla-bigla ay may fiancé na si Alden? Ibig sabihin ba ay ikakasal na ang senyorito? Parang bumigat ang dibdib niya sa nalaman.

“What are you doing here?” Narinig ni Divina na tanong ni Alden kay Sandra. Saka lang niya ibinalik ang tingin sa dalawa. Hawak na ng binata sa magkabilang braso ang babae na para bang kailangan nitong gawin iyon upang pigilan si Sandra sa muling paglingkis dito.

“I came back because I’ve missed you,” pabebeng sagot ni Sandra. Para itong si Kris Aquino kung magsalita. Umangat ang mukha ng babae. “Grandma!”

Lumipad ang tingin ni Divina sa grand staircase at nakita niya si Donya Nidora na bumababa roon. Maaliwalas ang mukha ng donya habang nakatingin sa apo at sa bisita.

Yumakap si Sandra kay Donya Nidora nang tuluyang makababa ang matanda. “I’m so happy to see you again, Grandma!”

“Likewise, hija! Look at you. You have grown so beautiful.”

Humagikgik si Sandra. “Thank you. I hope Alden notices that, too.”

Tumingin si Donya Nidora at Sandra kay Alden na mukhang hindi nasisiyahan. Parang wala namang balak si Alden na pansinin ang iginanda ni Sandra.

Tumawa nang bahagya si Donya Nidora. “I’m sure he noticed it, hija. Sa sobrang ganda mo, he’s lost for words. So, how was your trip?”

“It was really long and tiring. Pero nakapag-beauty rest na ako. I feel refreshed na.” Bumaling si Sandra kay Alden na mukhang hindi na maganda ang timpla. “Honey, aren’t you glad to see me? I thought you wanted to see me kaya bumalik ako dito from the States.”

Bumaling si Alden kay Donya Nidora na para bang nagtatanong kung ano ang pinagsasabi ni Sandra.

“Welcome back. But sorry, I have to go. Marami pa akong gagawin sa office.” Pagkasabi niyon ay itinuloy na ni Alden ang paglakad papunta sa main door kahit tinawag ito ng lola. Saglit pang tinapunan ng tingin ng binata si Divina bago tuluyang lumabas sa pinto at tinahak ang daan patungo sa garage para kunin ang kotse.

Mukhang namangha si Sandra sa pagwo-walk out ni Alden. Maging si Donya Nidora ay napahawak sa dibdib. Natitiyak si Divina na magtatalo na naman ang mag-lola mamaya.

 

ALAM ni Divina na masama ang makinig sa usapan ng ibang tao pero hindi niya kayang pigilin ang sarili na pakinggan ang usapan nina Donya Nidora at Sandra sa loob ng library ng mansiyon dala ng matinding kuryosidad.

“Are you kidding me, Grandma?” Kahit ngumunguyngoy ay maarte pa ring magsalita si Sandra. “He’s not happy to see me!”

“He was just surprised, hija,” pang-aalo ni Donya Nidora kay Sandra. “I didn’t tell him that you’re coming.”

“But you told my grandma that I must come back here because Alden wants to see me again and he wants to marry me na.”

“I don’t think I only misunderstood it, but he’s been mentioning you a lot lately. Ang sabi niya sa akin, hindi niya nakalimutan ‘yong promise n’yo noon sa isa’t-isa noong mga bata pa kayo na magpapakasal kayo balang-araw.”

Tumigil sa pagngawa si Sandra. “Then why was he like that? He walked away like he’s not interested at all.”

“I think he’s just nervous. You know, like a school boy who has seen his ultimate crush again after a long time.” Tumawa ang donya. “Sometimes, natotorpe din ang apo ko.”

Unti-unti nang ngumiti si Sandra. “You think so?”

Tumangu-tango ang donya. “Alden still likes you. Nagpapakipot lang ang apo ko. Palagay ko, nagtatampo pa rin iyon sa ‘yo kasi iniwan mo siya nang magpunta ka sa States noon. You know the male ego. Baka gusto lang magpasuyo niyon sa’yo.”

Bumuntonghininga si Divina. Kung ganoon ay childhood sweetheart pala ni Alden si Sandra. Baka nga matindi ang pagtatampo ni Alden sa kababata kaya umiwas ito nang ganoon kanina. Madalas nga talaga ay mataas ang pride ng mga lalaki at minsan ay daig pa ang babae kung magpasuyo. Baka nga may damdamin pa rin si Alden kay Sandra kaya big deal pa rin sa binata ang pang-iiwan ng kababata noon.

Tinigilan na ni Divina ang pakikinig dahil parang bumigat ang dibdib niya.

 

“GRANDMA’S just bluffing.”

Nakadama ng relief si Divina nang marinig ang komento ni Alden nang ikuwento niya sa binata ang narinig niyang pag-uusap nina Donya Nidora at Sandra.

Nagulat kanina si Divina nang habang naglalakad siya sa hardin ay may humila sa braso niya. Si Alden pala iyon. Iginiya siya ng binata sa isang sulok ng hardin, sa ilalim ng mayabong na puno. Madilim roon at tanging ang buwan lang ang nagbibigay-liwanag sa paligid. Doon daw sila mag-usap para walang makakita sa kanila. Magkatabi silang naupo at sumandal sa malaking trunk ng puno.

“Totoong napag-usapan namin ni Grandma during one dinner ang tungkol sa childhood promise namin ni Sandra noon pero si Grandma ang nagbanggit noon kaya naalala ko,” patuloy ni Alden. “Pero minsan lang iyon. Hindi ko na nababanggit si Sandra, sa kanya o kahit kanino.”

“Ibig sabihin… wala ka nang gusto kay Sandra?”

Tumawa si Alden. “Ang tagal na no’n. Mga bata pa kami. Parang puppy love lang ‘yon. Wala na ngayon.”

“Pero nangako kayo sa isa’t-isa na magpapakasal balang-araw, ‘di ba?”

“She was only nine and I was about to turn thirteen then. Biruan lang ‘yon. Sineryoso niya. Umalis siya papuntang States noong eleven years old siya, fifteen ako. Sabi niya babalik siya at magpapakasal kami. I just shrugged my shoulders. Wala na akong crush sa kanya noon. In fact, may girlfriend na ako noong time na ‘yon, hindi lang niya alam dahil bihira kaming magkita at hindi alam ni Grandma na may girlfriend na ako noon. Noong bumalik si Sandra, eighteen na siya. Dumalaw lang siya kasi nag-aaral siya sa States. Grandma wanted me to catch things up with Sandra. Pero wala na talaga akong nararamdamang special para kay Sandra. Ang akala ko nagkaintindihan na kami. Wala na kaming naging communication since then. Kaya nagulat na lang ako nang bumalik siya at umaktong parang fiancé niya ako. I realized it was my grandma’s doing. Baka pinaniwala niya si Sandra na nagbago ang isip ko at gusto ko nang tuparin ang childhood promise namin ni Sandra.”

“Ibig sabihin… hindi mo siya pakakasalan?”

“Hindi. Hindi ako magpapakasal nang dahil lang sa isang childhood promise.” Umiling-iling si Alden. “My grandma’s becoming really desperate to pair me up with women of her choice it’s starting to drive me crazy.”

Napaisip si Divina. Bakit ba ganoon na lang ang pagnanais ni Donya Nidora na i-matchmake ang apo? Concerned lang ba talaga ito kay Alden dahil pinaniniwalaan nitong hindi pa nakaka-move on ang apo sa dating kasintahan? O baka naman natatakot ang donya na mauwi si Alden sa isang babaeng hindi papaboran para sa apo kaya ito na ang kusang naghahanap ng bride para sa binata.

Alam naman ni Donya Nidora na ayaw ni Alden ang pinakikialaman ang love life nito pero sige pa rin ang matanda sa pakikialam. Hindi talaga niya masisisi ang binata kung mapipikon ito sa lola.

“Paano na si Sandra, kung gano’n? Umaasa siya na pakakasalan mo siya. Kung hindi mo siya pakakasalan, sabihin mo na sa kanya kaysa umasa siya.”

Tumango si Alden. “I think I really have to do that.”

Ngumiti si Divina.

“Anong ibig sabihin ng ngiting ‘yan?” tanong ni Alden na bagaman hindi nakangiti ay nakalarawan ang amusement sa mga mata habang nakabaling sa kanya.

Binura ni Divina ang ngiti. Bakit nga ba siya napangiti nang ganoon? Dahil ba walang feelings si Alden kay Sandra at hindi magpapakasal sa childhood sweetheart ang binata? “Masama bang ngumiti?”

“It looks like you are happy.”

“Masama bang maging masaya?”

“Bakit ka masaya?”

Nasilip ni Divina ang panunudyo sa mga mata ni Alden na para bang natutunugan nitong masaya siya dahil hindi magpapakasal ang binata kay Sandra. Nanunudyo na naman ito. “Masaya ako dahil ayokong maging malungkot.”

Masaya ako dahil magkatabi tayo rito sa ilalim ng puno na parang magkasintahang nagde-date sa park. Gustong mapahagikgik ni Divina sa naisip pero kaagad siyang kinontra ng isang parte ng kanyang isip. Tumigil ka! Tigilan mo ‘yang ilusyon mo. Hindi ka papatulan niyan dahil bukod sa langit at lupa kayo, mahal niya pa rin si Paula. At kung patulan ka man niya gaya ng ginawa ni Amadoro sa nanay mo, hindi kayo magkakatuluyan dahil kay Donya Nidora. Walang forever!

“Aray!” Pumiksi si Divina nang maramdamang parang may kumagat sa likod niya. Inabot niya ang likod at kinamot sabay linga sa sinasandalang trunk ng puno. Binuksan niya ang flashlight ng cellphone at itinapat sa sinandalan para tingnan kung may langgam na gumagapang doon pero iba ang nakita niya. Natuon ang tingin niya sa nakaukit na hugis puso sa katawan ng puno. Sa magkabilang side ng puso ay may nakaukit na mga letrang A at V.

Nanlaki ang mga mata ni Divina. A as in Amadoro at V as in Valencia? Namalayan na lamang niyang hinahaplos na ng mga daliri ang letter V.

Mukhang naintriga din si Alden sa nakaukit sa puno. “A loves V?” Tila napaisip ito. “Sino kaya ang umukit niyan?” Ngumisi ang binata. “Mukhang may love story na nabuo sa punong ito a long time ago.”

Nahulaan ni Alden na matagal nang naiukit iyon. Halata naman kasing hindi na bagong ukit ang nasa katawan ng puno at marahil ay wala nang gumagawa nang ganoong bagay sa makabagong panahon. Kaysa nga naman iukit pa sa puno, iti-tweet na lang o gagawan ng meme.

“Probably two of the former house helpers,” patuloy ni Alden na halatang naaaliw.

Ang tiyo mo ang umukit nito. Inukit niya ito para sa nanay ko, gusto sanang sabihin ni Divina kay Alden ngunit hindi maaari. Na-touch si Divina sa naisip. Minahal talaga ni Amadoro ang kanyang ina. Parang gusto niyang mapaluha. Bakit kailangang magwakas ang ganito ka-dalisay na pag-ibig?

“Madalas talaga walang forever, ‘no?” bigla na lang lumabas sa bibig ni Divina habang pinagmamasdan at hinahaplos pa rin ang nakaukit sa puno. “Minsan kahit gaano katotoo at katindi ang isang pag-ibig, darating din ang panahon na matatapos din. Minsan kusang nawawala ang damdamin, pero madalas… dahil sa mga hadlang kaya nagwawakas.”

Hindi masaya si Divina na hindi minahal nang buo ni Valencia ang kanyang amang si Dodong dahil hanggang sa pumanaw ang ina ay si Amadoro pa rin ang nagmamay-ari ng malaking parte ng puso ni Valencia. Ngunit marahil kung nagkatuluyan sina Amadoro at Valencia ay hindi magtatagpo ang landas nina Dodong at Valencia. Ibang babae ang minahal siguro ni Dodong. Iyong babaeng tinumbasan marahil ang pag-ibig nito. Naging masaya sana si Valencia at Dodong sa kani-kaniyang love life.

Kasalanang lahat iyon ni Donya Nidora. Kung hindi sana pinaglayo ng donya sina Amadoro at Valencia ay masaya siguro ang lahat. Baka nga hindi pa namatay sa panganganak si Valencia. Wala nga lang sigurong nag-exist na Divina Ursula Bukbukova kung nagkatuluyan sina Amadoro at Valencia pero at least ay naging masaya sina Dodong at Valencia sa magkaibang buhay.

Napapiksi na lang si Divina nang maramdaman ang daliri ni Alden na pumawi sa luha niya. Niyon lang niya namalayang may butil na pala ng luha na pumatak mula sa mga mata niya. Nagtama ang paningin nila ng binata. Nagtatanong ang mga mata nito. Nagtataka marahil kung bakit napaluha siya.

Inalis ni Divina ang kamay sa ukit sa puno at pinatay ang flashlight ng cellphone. Nag-iwas siya ng tingin kay Alden na mukhang nakikiramdam sa kanya.

“Have you been hurt before?” marahang tanong ni Alden na mukhang hindi nakatiis.

Lihim na napangiwi si Divina. Ano ang sasabihin niya?

“Ang sabi mo sa ‘kin, hindi mo pa nararanasang ma-in love. Pero parang…”

“Kakapanood ko lang kasi ng teleserye kanina. Sobrang nadala ako. Ang sakit!” Pinaghahampas ni Divina ang dibdib.

May pagdududa sa mga mata ni Alden habang nakatitig sa kanya.

“Hindi ko pa nararanasang ma-in love. Totoo ‘yon. At kapag na-in love ako, gusto ko siya na makatuluyan ko. Sana siya na ang ‘forever’ ko.” Kaya tigil-tigilan mo ang pagngiti-ngiti sa akin, pigilan mo ‘yang paglabas ng dimple mong ‘yan kapag kaharap kita, ‘wag mo na akong tinutukso-tukso… dahil baka ma-in love ako sa ‘yo. Imposibleng makatuluyan kita. Imposibleng ikaw ang makasama ko forever.

Ngumiti si Alden. Napatingin si Divina sa dimple ng binata na kita pa rin niya sa gitna ng dilim. Napabuntonghininga na lang siya at nagpasya nang magpaalam.

“Kailangan ko nang bumalik. Baka hinahanap na ako ng lola mo.” Tumayo na si Divina ngunit hindi siya nakahakbang dahil biglang hinawakan ni Alden ang kamay niya.

“Dito ka lang muna, please. Kahit five minutes lang,” marahang pakiusap ni Alden.

Hindi nakakilos si Divina. Hindi siya makapaniwala na hawak ni Alden ang kamay niya nang mga sandaling iyon. Bumilis ang tibok ng puso niya.

“Please?”

Napalunok si Divina. May kahulugan ba kay Alden ang paghawak sa kamay niya nang ganoon? Baka gusto lang siyang pigilin nito sa pag-alis kaya hinawakan ang kamay niya. Hindi dapat siya mag-assume na gusto hawakan ng binata ang kamay niya. Pero kinikilig siya. At naiinis siya sa kanyang sarili.

Tumigil ka, Divina! Umalis ka na! Loko ka, sige, baka ma-in love ka, sigaw sa isip niya. Binawi ni Divina ang kamay at kunwari ay sinulyapan ang wrist watch bago tingnan ang lalaki. “Kailangan ko nang bumalik sa lola mo dahil oras na ng pag-inom niya ng maintenance niya. Hindi puwedeng ma-delay ang pag-inom niya ng gamot.”

Halatang na-disappoint si Alden pero hindi na tumutol. “Goodnight then.”

“G-Goodnight.” Nagmamadali nang humakbang palayo si Divina dahil baka magbago pa ang isip niya at pagbigyan ang pakiusap ni Alden na manatili siya sa tabi nito.

 

Previous: An AlDub Fanfiction – Chapter 6

Next: An AlDub Fanfiction – Chapter 8