Ikaw, Ako At Ang Ating Forever – Chapter 6
NAALIMPUNGATAN si Divina at nakaramdam siya ng pagkauhaw. Bumangon siya para salinan ng tubig mula sa pitsel ang baso na nakataob sa side table sa loob ng maid’s quarter kaya lang ay hindi pala nalamnan ang pitsel bago sila matulog. Kaya lumabas na lang siya ng silid at tinungo ang kusina. Nagtaka siya dahil may parte sa first floor na bukas ang ilaw. Ang parte ng bar. Mukhang nakalimutang patayin ng mga kasambahay ang ilaw.
Lumapit si Divina para patayin iyon ngunit natuklasan niyang may tao pala roon. Si Alden na kasalukuyang nakaupo sa stool sa harap ng bar counter at umiinom ng alak mula sa baso. Nawala ang antok niya nang magtama ang paningin nila ng binata. Pasimple niyang pinalantsa ng palad ang buhok dahil baka mukha siyang bruha.
Alas dos na nang madaling araw. Bakit gising pa si Alden at umiinom? Napuna ni Divina na medyo namumungay na ang mga mata nito. Kanina pa ba umiinom ang lalaki? Lasing na ba ito? Itinaas ng binata ang baso na para bang inaalok siyang uminom. Umiling siya. Nagdalawang isip kung iiwan o lalapitan ang lalaki. Baka kasi lasing na nga ito at bigla na lang bumagsak sa sahig sa kalasingan. Nag-alala siya para sa senyorito.
Natitiyak ni Divina na hindi ito umiinom dahil gusto lang nito. Baka umiinom si Alden dahil nagkaroon ito ng pakikipagtalo sa lola kanina. Narinig niya ang pinagtalunan ng dalawa. Nagalit si Donya Nidora kay Alden dahil nagreklamo raw si Juliana pagkatapos ng date ng dalawa. Pinagalitan ng donya ang apo dahil sa kawalang modo ng apo. Nagpakita raw ito ng kawalang-interes kay Juliana. Sa buong durasyon daw ng date ng dalawa ay naglaro lang ng CoC si Alden.
Natatandaan pa ni Divina na online din siya sa CoC nang mga oras na iyon. Humingi pa ng troops sa kanya ang binata sa chatroom. Wala naman siyang kamalay-malay na nakikipagdate pala ito kay Juliana nang mga oras na iyon. Na-imagine niya kung gaano nainis si Juliana. Narinig niya na nag-walk out daw ang babae.
Hindi ma-imagine ni Divina na kayang gawin ni Alden iyon. Oo nga at may pagkapilyo at pagkakulit si Alden. Pero bakit pakiramdam niya ay hindi naman nito kayang gawin ang ganoon sa isang babae? Naniniwala siyang kahit medyo maloko si Alden ay gentleman pa rin ito. Baka may dahilan kung bakit nito nagawa iyon.
“Sir, lasing ka na yata,” sabi ni Divina nang makalapit kay Alden. “Matulog ka na.”
“Hindi pa. Come join me.” Tinapik ni Alden ang stool sa tabi nito.
Nang hindi gumalaw si Divina sa kinatatayuan ay lumarawan ang pagsusumamo sa mga mata ni Alden. “Please. I need someone to talk to.”
Nagpahinuhod na rin si Divina at naupo sa stool sa tabi ng binata. “Hindi ako umiinom. Papakinggan lang kita.”
Uminom ng alak si Alden at nagpakawala ng buntonghininga.
“Dahil ba nagtalo kayo ng lola mo kaya ka naglalasing?” hindi nakatiis na tanong ni Divina. “Pasensiya na. Narinig ko kayong nagtatalo kanina. Pero ‘wag kang magagalit sa sasabihin ko, ha. May mali ka, eh. Hindi mo dapat dineadma ‘yong date mo.”
Muling lumagok ng alak si Alden. “I know. I’ve been rude. Pero alam mo kung bakit ko ginawa ‘yon? I want my grandma ko get mad at me. Gusto kong ma-disappoint siya, mapahiya siya sa amiga niya para tumigil na siya sa pagrereto sa akin sa kung sinu-sinong apo ng amiga niya. I feel sorry for Juliana though. But I had to do it. Or else magpapatuloy si Grandma sa kaka-matchmake sa akin sa kung sinu-sinong babaeng pinipili niya para sa akin.”
Tumangu-tango si Divina. Sinasabi na nga ba niya at may dahilan si Alden kung bakit ginawa iyon. “Parang pagrerebelde ang ginagawa mo. Naiintindihan kita kung bakit mo nagawa iyon. Pero malay mo, sa kakareto sa ‘yo ng lola mo sa kung sinu-sinong apo ng amiga niya, baka isa roon, magustuhan mo.”
Nagpakawala nang malalim na buntunghininga si Alden. “That’s not the point, Divina. Siya na ang pumili ng course ko noong college, ng career path ko. Pati ba naman sa babaeng mamahalin ko, siya pa rin ang pipili? I hate it whenever she tries to run my life. Wala ba akong karapatang mag-decide kung sino ang gusto kong i-date?” Nagsalin ng alak sa baso ang binata.
Habang pinapanood ni Divina sa pag-inom ng alak si Alden ay naalala niya si Amadoro. Ganoon din ang ginawa ni Donya Nidora sa anak. Nang gumawa ito ng paraan para sirain ang imahe ni Valencia kay Amadoro dahil hindi ang isang hamak na kasambahay ang gusto ng donya para sa anak. Parang inalisan nito ng karapatan si Amadoro na piliin kung sino ang babaeng gustong mahalin. Natitiyak si Divina na sa oras na malaman ni Amadoro ang katotohanan tungkol sa nakaraan ay mangingipuspos ito.
Nakaramdam si Divina ng awa para kay Alden. “Nalulungkot ako para sa ‘yo. Sana hindi mangyari sa ‘yo ang nangyari sa tiyo mo.” Natigilan siya nang bumaling si Alden sa kanya.
“Anong alam mo tungkol sa uncle ko?”
Nag-iwas ng tingin si Divina. Gusto niyang pitikin ang sariling bibig. Hindi dapat niya sinabi iyon.
“Nasabi ba sa ‘yo ni Ate Luming na arranged marriage lang ‘yong sa uncle ko?”
Nakahinga si Divina sa idinugtong ni Alden. “Oo!” Kahit hindi niya alam na arranged marriage pala ang kinahantungan ni Amadoro. “Pasensiya na. Hindi naman intensiyon na sabihin ni Ate Luming ang tungkol doon. Nadulas lang siya,” pagpapalusot niya.
Nanigas ang mga panga ni Alden. “I won’t let that happen to me. Hinayaan ko na si Grandma na saklawan ang isang parte ng buhay ko. Pero hindi ang sa love life. I will marry the woman whom I want to marry. Hindi ako papayag na pakialaman niya ako sa bagay na ‘yon. Kaya nga kami nagtalo kanina.”
“Mali nga ‘yon. Mali ang saklawan niya ang bagay na wala na dapat siyang pakialam. Pero baka naman masyado lang siyang concerned sa ‘yo kaya hindi niya napapansin na masyado na siyang nagiging atribida. Baka kaya ka niya ipinapa-date ay dahil gusto lang niyang tulungan kang makalimutan si Paula.”
Muling bumaling si Alden sa kanya. Nakakunot ang noo ng binata. “Paano mo nalaman ang tungkol kay Paula? Sinabi rin ni Ate Luming?”
Natigilan si Divina. Bakit ba niya nasabi iyon? Parang gusto na niyang sipitin ang sariling bibig para hindi na siya magsalita pa. “Hindi! Narinig ko lang na nabanggit ng lola mo.”
Nagpatuloy sa pag-inom ng alak si Alden. Hinintay ni Divina na magsalita ito tungkol kay Paula pero nanahimik ang binata. Naisip tuloy niya na marahil ay tama siya. Baka nga hindi pa nakaka-move on si Alden sa ex nitong si Paula. Fresh pa siguro ang sugat sa dibdib ng lalaki kaya ayaw pang pag-usapan ang tungkol sa babaeng minahal nito… o baka mahal pa rin?
Naging sunud-sunod ang paglagok ni Alden ng alak. Nagsisi tuloy si Divina kung bakit pa niya nabanggit-banggit si Paula.
“Tama na ‘yan, sir. Baka makasama sa ‘yo ang sobrang alak.”
Halos isang linya na lang ang mga mata ni Alden nang muling bumaling sa kanya. “My life is a mess, Divina. And I hate it.”
Mukhang hindi lang ang tungkol sa pagkabigo na maging isang arkitekto at pakikialam ng lola sa love life ang problema ni Alden. Mukhang pati ang tungkol sa pag-ibig mismo. Hindi niya alam kung ano ang nangyari kina Alden at Paula. Pero mukhang si Alden ang aggrieved party. Parang gustong haplusin ni Divina ang mukha ni Alden. Awang-awa siya sa binata.
“‘Wag mong sabihin ‘yan. Hindi naman siguro totally na messed up ang buhay mo. Isa sa mga araw na ito, magiging totoong masaya ka rin. Matatanggap mo rin lahat ng nangyari at nangyayari sa buhay mo. Tandaan mo, hindi perpekto ang buhay. May mga bagay na kahit gustuhin mo, hindi mo makukuha. May mga bagay na hindi para sa ‘yo. May mga bagay na nakatakdang mawala sa ‘yo kahit ayaw mo. At minsan, akala mo mali ang tadhana sa paglalagay sa ‘yo sa sitwasyong iyon, pero malalaman mo rin sa kalaunan na iyon ang itinakda dahil iyon ang makakabuti para sa ‘yo. Balang araw, magugustuhan mo ring maging CEO ng kompanya. Mare-realize din ng lola mo na hindi dapat niya pinapakialaman ang love life mo.” At malay mo, bumalik sa ‘yo si Paula… May bahagi sa dibdib ni Divina ang tila bumigat sa huling mga salitang idinugtong niya sa isip. “Magiging masaya ka rin, sir.”
Nakatitig lang si Alden kay Divina. Halatang bangenge na ito pero dama niyang na-grasp nito ang sinasabi niya kahit mukhang babagsak na ito sa dami ng nainom.
KUMUNOT ang noo ni Divina nang sa pagpunta niya sa hagdan na malapit sa lanai ay nakita niya ang isang baby blue box na may yellow ribbon. Naisip niya na baka may nakaiwan roon pero nang tingnan niya ang note ay nanlaki ang mga mata niya.
Pampangiti. At may smiley. Para sa kanya ba iyon? Galing ba iyon kay Alden?
Alas-onse na ng gabi. Madilim na ang paligid at tanging ang mapusyaw na ilaw sa hagdan lang ang nakabukas. Hinanap niya sa paligid si Alden pero hindi niya nakita ito. Baka nagbakasakali lang ang binata na pupunta siya sa paborito niyang tinatambayan bago matulog kaya iniwan doon ang box.
Excited na umupo si Divina sa hagdan at binuksan ang box. Nakita niya ang isang pack ng Hany, Haw-Haw at Mik-Mik. Napangiti siya. Iyong klase ng ngiti na kailanman ay hindi pa gumuhit sa mga labi niya. Pakiramdam niya ay naglulupasay na sa loob ng dibdib ang puso niya sa kilig.
Oo. Inaamin na ni Divina. Hindi na lang simpleng paghanga ang nadarama niya para kay Alden. Gusto na niya ito. Gustung-gusto. Alam naman niyang hindi siya magugustuhan ni Alden sa kaparehong paraan kung paano niya gusto ang binata. Alam niyang para rito ay isa lamang siyang kaibigang nakukulit, nalalambing at nahihingahan ng sama ng loob. Sapat na iyon para kay Divina. Hindi siya umaasang magugustuhan siya ng senyorito bilang babae. Kaya alam rin niya kung paano itago at pakitunguhan ang damdamin niya para rito.
Ngunit sa mga sandaling iyon ay hindi kaya ni Divina na hindi kiligin. Kahit alam niyang maaaring gusto lang ni Alden na bumawi sa mga naibigay na niyang “pampangiti” dito sa tuwing nanghihingi ito. Ito naman ang nagbigay sa kanya ng mga “pampangiti” na hindi lang ngiti ang hatid sa kanya kundi kilig na rin.
“Ang tamis naman ng ngiti mo.”
Natigilan si Divina at nag-angat ng tingin. Nakita niya si Alden na papalapit sa kanya mula sa kanyang gilid.
“Kasing tamis ng mga ‘yan,” turo ni Alden sa box na nasa kandungan niya.
Bumalik ang ngiti ni Divina. “Salamat dito. Pero bakit nag-abala ka pa?”
Umupo sa tabi ni Divina si Alden. “Thank you gift ko ‘yan dahil inasikaso mo ako kagabi nang malasing ako.”
Kung ganoon ay natatandaan ni Alden ang nangyari. Alam pala ng binata na inalalayan ito ni Divina paakyat sa silid nito at pinunasan niya ng basang bimpo sa mukha at leeg ng senyorito. Natatandaan rin kaya ni Alden na hinawakan nito ang kamay niya at sinabihan siya na “‘Wag mo akong iwan”? Kagabi ay inakala pa ni Divina na dahil lasing na si Alden ay inakala na nitong siya ni Paula. Tila nakikiusap ito kay Paula na huwag itong iwan.
Doon na-realize ni Divina na hindi na lang crush ang damdamin niya para sa guwapong senyorito. Nasaktan kasi siya nang maisip na si Paula ang iniisip nitong umaasikaso sa binata habang lasing ito. Nakaramdam siya ng pagseselos na alam niyang hindi niya dapat maramdaman.
“Wala ‘yon!” masiglang wika ni Divina. “Alam mo kung anong mas dapat mong ipagpasalamat? Iyong ako ang nakakita sa ‘yo kagabi sa bar habang naglalasing ka at naghatid sa ‘yo sa kuwarto mo. Kasi kung sina Ate Tekla at Neneng ang nakakita sa ‘yo kagabi, malamang napikot ka na ngayon.”
Tumawa si Alden. Aware naman ang binata na pinagpapantasyahan ito ng dalawang kasambahay.
“Kaya ‘wag na ‘wag kang maglalasing dito. Kung ayaw mong mapikot ng maid.” Sinimulan niyang buksan ang pack ng Mik-Mik pero nang maalala ang nangyari noong humigop sila ni Alden ng Mik-Mik ay nag-init ang mga pisngi niya. Kaya ang pack na lang ng Hany ang binuksan niya. Inalok niya ang binata na kumuha naman ng isa.
“I could imagine the look on my grandma’s face kung sakaling napikot ako ni Ate Teklao ni Neneng.” Halatang aliw na aliw si Alden.
Tumangu-tango si Divina habang kumakain ng Hany. “Nai-imagine ko rin.” At natakot siya sa hitsura ni Donya Nidora na tila nag-transform sa pagiging isang halimaw sa imagination niya. “Baka talupan niya ng buhay si Ate Tekla o si Neneng o ibitin ng patiwarik habang ibinababa’t-taas ang lubid at nasa ibaba ang dalawang Doberman.”
Muling tumawa si Alden. Mukhang wala namang balak kumontra na kayang gawin ng lola ang mga nabanggit niya. Binuksan nito ang Hany at inumpisahang kagatan.
“Alam mo buti talaga hindi ka nagmana sa lola mo. Mabait ka. Malamig lagi ang ulo. Masiyahin kahit may problema.” At guwapo pa, dugtong ni Divina sa isip habang nakatingin sa profile ng binata.
Bumaling si Alden kay Divina. Seryoso na ang mukha ng binata. “Naalala ko ‘yong mga sinabi mo sa akin kagabi. And you know what? I think you are full of wisdom.”
Ngumiti si Divina. “Salamat. Pero sana i-consider mo ang mga sinabi ko. Balang-araw, matatanggap mo rin ang kapalaran mo. Magiging totoong masaya ka rin.”
Nagkibit-balikat si Alden. “Sana. Anyway, madami ka nang alam tungkol sa akin. Pero sa ‘yo, wala pa akong gaanong alam. Did you go to college? I noticed matalino ka naman. Bakit ka pumasok dito bilang alalay?”
Muling kumuha si Divina ng Hany upang makaiwas ng tingin kay Alden. Hindi dapat malaman ng binata kung bakit siya naroon o magduda man lang ito sa motibo niya. “Malaki kasi ang sahod ng pagiging alalay sa lola mo kaysa sa pagiging hairdresser. Libre pa ang tirahan at pagkain. At saka hindi ako nakapag-college. Vocational course lang ang kinuha ko. Kapos sa perang pampaaral. At saka matagal pa akong makakapagtrabaho kapag nag-aral ako. Kailangan ko na agad makatulong sa gastusin sa bahay. Kailangan kong matulungan ang tatay ko. Hindi lang naman kasi ako ang binubuhay niya noon. Pati ang lolo at lola ko na dahil matatanda na, sakitin na rin at kailangan ng maintenance meds. Kaya nagmadali akong makatulong sa kanya. Wala siyang katuwang sa pagtaguyod sa pamilya dahil wala akong nanay. Namatay sa panganganak sa akin ang nanay ko.”
Nasilip ni Divina ang simpatya sa mga mata ni Alden habang nakatitig sa kanya.
“I’m sorry to hear that. Hindi mo pala nakasama ang nanay mo.”
“Oo nga, eh. Ang lungkot. Hindi ko man lang siya nakilala.”
“Masuwerte pa rin pala ako na nakasama ko ang mommy ko ng thirteen years ng buhay ko.”
Si Divina naman ang tumingin kay Alden nang may simpatya. Masuwerte pa rin siya dahil kasama pa rin niya ang kanyang ama hanggang ngayon. Samantalang si Alden ay wala nang mga magulang at may dominante pang lola. “Nalungkot ako nang malaman ko na wala ka nang mga magulang.”
Bumuntonghininga si Alden. Halatang nalungkot din ito. “Sabi mo nga, may mga bagay na nakatakdang mawala sa akin kahit ayaw ko. It was a long time ago. I have accepted it. Even though I miss them so much. I just hope they are happy wherever they are right now. Pero sa tingin mo, masaya kaya sila sa nangyayari sa akin ngayon? Masaya kaya sila na hindi ko natupad ang pangarap kong maging architect? Masaya kaya sila na hinahayaan ko ang lola ko na kontrolin ang buhay ko?”
“Siguro malungkot sila dahil hindi mo natupad ang pangarap mo at nai-stress ka sa lola mo. Pero sa palagay ko, proud sila sa ‘yo. Kasi kahit ganoon, hindi mo iniwan ang lola mo. Kahit may sarili kang pera dahil may minana ka sa mga magulang mo at kayang-kaya mo sigurong pag-aralin ang sarili mo ng architecture at magtayo ng sarili mong architectural firm. Pero hindi mo ginawa dahil hindi mo pa rin kayang pabayaang mag-isa ang lola mo. Hindi mo pa rin siya kayang biguin. Masaya na rin siguro sa langit ang mga magulang kahit paano kasi nakikita nila na isa kang mabuting apo.”
Dahan-dahang gumuhit ang ngiti sa mga labi ni Alden. Halatang na-touch ito sa sinabi ni Divina. Ginantihan ni Divina ang ngiti ng binata. Hanggang sa mapuna niyang masyado nang nagtatagal ang pagngingitian at pagtititigan nila.
Nag-iwas ng tingin si Divina kay Alden. Ano ba ang ginagawa niya? Hindi ba at sinabi niya sa sarili na kailangan na niyang lumayu-layo sa senyorito? Paano kung makita siya nina Neneng at Tekla? Bago siya pumunta roon ay alam niyang tulog na ang dalawa pero paano kung biglang magising at makita sila ni Alden na magkatabi roon at nagngingitian nang ganoon? Siguradong isusumbong siya ng dalawa kay Donya Nidora.
Pero bukod pa roon ay may isa pang ikinababahala si Divina. Ayaw niyang ma-in love sa senyorito. Kung patuloy siyang makikipaglapit kay Alden ay hindi malayong mahalin niya ang lalaki. Hindi naman siya mamahalin ng isang tulad nito kaya masasaktan lang siya kapag na-in love siya rito.
“Kailangan ko nang matulog, sir. Kasi maagang gigising si Senyora bukas kasi schedule niya ng Zumba.” Tumayo na si Divina. “Thank you ulit dito,” tukoy niya sa kahong hawak at hinakbang na ang dalawang natitirang baitang.
“Divina,” tawag ni Alden na nakapagpalingon kay Divina.
“‘Wag mo na akong tatawaging ‘sir’ kapag tayong dalawa lang. Call me by my name.”
“Pero–”
“Kasama ‘yon sa mga kondisyon.”
Napangiti na lang si Divina.
Ngumiti si Alden. “Goodnight, Divina.”
“Goodnight… Alden.” Hindi nawala ang ngiti ni Divina hanggang sa makarating siya sa hallway na patungo sa maid’s quarter. Niyakap niya ang box ng ‘pampangiti’ na ibinigay ni Alden.
Burahin mo ‘yang ngiti mo, Divina! wika ng tinig sa isip niya. Ilayo mo sa dibdib mo ‘yang box na ‘yan. Tigilan mo ‘yang kilig-kilig na ‘yan. Kung ayaw mong mapahamak. Baka gusto mong ikaw ang talupan ng buhay at ibitin sa mga Doberman ni Donya Nidora!
Previous: An AlDub Fanfiction – Chapter 5
Next: An AlDub Fanfiction – Chapter 7
One Comment
Carina
OMG!!! Nakakakilig po. Hindi ko maiwasang makita sa isipan ko yung mga characters habang binabasa ito. Maraming maraming salamat po sa pag-share niyo ng fanfic niyo. God bless and more power to you!!!