[PREVIEW] The Heroine

CHAPTER ONE

 

JUSKOLORD!” bulalas ng kaibigan ko.

Naunahan lang ako ni Nancy pero iyon din sana ang ibubulalas ko kung wala lang akong isinaksak na pizza sa bibig ko bago binuksan ni Nancy ang TV at bumulaga ang isang segment sa isang showbiz talk show.

Hindi ako makapaniwala sa breaking news. Umamin na raw sina Richmond Bueno at Elise Mendez na sila na! Six months na raw silang secretly dating!

Juskolord. Why, Richmond, why?

Tumingin ako kay Elise na nasa tabi ni Richmond at nahiya akong bigla sa balat ko dahil nagtanong pa talaga ako. Sino nga naman kasing lalaki ang hindi maaakit sa napakagandang babaeng itong bukod na pinagpala? Kahit siguro ako ang lalaki ay pagnanasaan ko ang babaeng ito. Wala yata ni isang flaw. Nakakainis na may mga taong ipinanganak na ganyan kaperpekto.

“Mars, okay ka lang?” tanong ni Nancy na pinaypayan pa ako. “Hindi ka ba nai-stroke?”

Niyon ko lang namalayan na nakatunganga pala ako sa TV at hindi gumagalaw. Stroke kasi ang ikinamatay ng tatay ko five years ago at ang sabi ay namamana daw ng mga anak ang sakit o cause of death ng magulang. Kaya ganoon na lang kung mag-OA si Nancy.

Hindi ako mai-stroke dahil lang nalaman kong ang ultimate crush at idolo kong aktor ay taken na. Mababaliw, puwede pa.

Iniluwa ko ang pizza na isinubo ko. Ngumiwi si Nancy.

“Taken na si Richmond…” sambit ko. Parang gusto kong magngangalngal.

“Oo, six months ago pa. Grabe sila. Pa-deny-deny pa. Iyon pala… hay naku! ‘Yang mga artistang ‘yan talaga. Ang gagaling umarte!”

Dinampot ko ang bote ng wine at tinungga iyon. Inawat ako ni Nancy.

“‘Oy, gaga, ‘wag mong luglugin ‘yan. Hindi alak ‘yan. Tubig lang ‘yan. Sayang ang bote kaya ginamit ko na lang na lalagyan ng tubig sa ref.”

Ibinaba ko ang bote. “Puwes, bumili ka ng beer.”

“Ayoko nga. Magwawala ka na naman at magco-concert dito. Nakakahiya sa mga kapitbahay ko. Tanggapin mo na lang na may minamahal na si Richmond.”

“Hindi,” in denial na sabi ko. “Hindi totoo ‘yang balitang ‘yan. Promo lang ‘yan, ‘di ba? Press release lang dahil ang bali-balita, may gagawin silang movie. Gimmick lang para mapag-usapan sila.”

“Eh, bakit hindi niya ginawa ang gimik na ‘yan noong gumawa sila ng movie ni Noriah Zobel saka ni Mindy Roque o ni Candy Legazpi o ni—?”

Inawat ko na si Nancy sa pagbanggit ng pangalan ng mga aktres na nakatambal ni Richmond sa pelikula na ni isa ay hindi na-link kay Richmond.

Matagal ding hindi nagka-girlfriend si Richmond. Five years ago, nang mag-break siya at ang non-showbiz girlfriend ay hindi na nakipag-commit ang aktor at naging busy sa paggawa ng mga pelikula at teleserye.

“Siguro kasi…”naisip ko, “hindi sila kasing perfect ni Elise.”

“Perfect? Si Elise? Oo nga at sobrang ganda at talented n’ya pero sa ugali naman nagkaroon ng flaw. Baka nakakalimutan mo na ilang beses na siyang na-video-han na may minamalditahang staff at sales lady at marami nang artistang nakabanggaan dahil masama ang ugali. Napaka-bitchy por que maganda at sikat at halos lahat ng lalaki naglalaway sa kanya…”

“Three years ago pa ‘yon, tange. Nagbago na siya. May foundation na nga siya, ‘di ba, na tumutulong sa mga kapus-palad? Wala na rin siyang nakakaaway na artista at marami na siyang friends sa showbiz industry. Hindi na rin siya navi-video-han na nanghahamak ng mga serbidora. Sa katunayan, ang laki nga raw mag-tip. Simula daw ng nagbago ng relihiyon, bumait na siya.”

“Wow, ha. Pinagtatanggol mo pa talaga ang ‘karibal’ mo?”

“Hindi siya ang ipinagtatanggol ko, si Richmond. Hindi kasi ako naniniwalang mamahalin niya ang isang babae based lang sa hitsura. Hindi ganoon si Richmond. Hindi niya magmamahal ng babaeng masama ang ugali. Sigurado akong bukod sa looks, may nakita siyang maganda kay Elise.”

“Parang sa ‘yo?” Nakataas ang isang kilay na sabi ni Nancy. “Ano bang nakita niyang maganda sa ‘yo noon?”

Naniningkit ang mga mata ko nang titigan ko si Nancy. “Tse! Hindi pa gaanong mataas ang standard niya noon dahil bata pa kami! At saka noon, attractive pa ang mga kulot, ngayon salot na.” Hinimas ko ang buhaghag kong buhok na bumalik na naman ang kulot. Kanina lang umaga ay straight iyon. Nawala na ang bisa ng pamplantsa ng buhok.

Si Nancy lang ang nakakaalam na childhood friend-slash-sweetheart ko si Richmond. Five years ago ay naisipan kong ipagtapat kay Nancy ang nakaraan namin ng sikat na aktor pero pinaghinalaan niya akong nagdo-droga daw siguro ako.

Pero totoo naman. Hindi lang iyon ilusyon o halusinasyon. Totoong noong twelve years old ako at thirteen naman si Richmond ay nagkakilala kami sa isang subdivision sa Antipolo. Doon nakatira si Richmond at ang pamilya niya. Caregiver ang nanay ko sa isang mayamang matanda na nakatira sa katabing bahay nina Richmond.

One summer, doon ako naki-stay in sa bahay ng amo ng nanay ko. Lumabas ako ng bahay at nakita ko si Richmond na lumabas din sa gate ng bahay nila na may bitbit na bola ng basketball. Ngumiti siya sa akin at doon na nagsimula na maging magkaibigan kami.

Dahil may dalawa akong kuya na tinuruan akong mag-basketball kaya marunong akong maglaro. Madalas kaming naglalaro ng basketball ni Richmond sa court ng subdivision. One on one. Minsan ay kasama ako sa maramihang players. One of the boys, kumbaga. Medyo boyish kasi ako noon. Pero kahit pa-tomboy-tomboy ako noon, ang musmos kong puso ay may crush na kay Richmond noon.

Isang araw, hinawakan ni Richmond ang kamay ko at simula noon, naging special na ang treatment niya sa akin. Hanggang sa sabihin niyang paglaki namin, liligawan niya raw ako. Pero hanggang doon lang ang “love story” namin. Isang summer lang ang duration. The end agad.

Namatay na kasi ang amo ng nanay ko kaya hindi na ako nakabalik pa sa Antipolo next summer gaya ng ipinangako ko kay Richmond bago ako umalis ng end of summer. Hindi ko na siya nakita pa simula noon. Hanggang sa makita ko na lang siya sa TV five years ago. Artista na siya.

Noon pa mang thirteen years old si Richmond, cutie pie na siya. Kaya hindi nakakapagtakang lumaki siyang ubod ng guwapo, matangkad at may bulto ng katawang puwedeng lumaban sa Hollywood hunks. In short, perfect siya. PERFECT.

Nang makita ko siya sa personal, pakiramdam ko, hihimatayin ako. Nang magpa-autograph ako sa kanya, akala ko, maaalala niya ako kapag nakaharap ko siya. Pero hindi.

Hindi ako naalala ni Richmond. Kunsabagay, ilang taon na ang lumipas. Maalala pa ba niya iyong sandaling panahon na nagkasama kami? At kahit siguro ni-remind ko siya nang sandaling iyon na ako ang batang babaeng sinabihan niya noon na liligawan niya kapag lumaki na kami ay malamang hindi siya maging interesado.

Hello? Sino ba naman me? Ako lang naman si Francisca Dimayuga. Kaya nga hindi ko nasabi sa kanya noon ang buong pangalan ko dahil nanlumo ako sa ganda ng pangalan niya.

Richmond. Pangalan pa lang yummy na. Eh, ako? Francisca. Kaya siguro hindi rin ako ganoon kaganda. Hindi naman ako pangit pero hindi nga lang kasing ganda ng mga naging leading lady ni Richmond. At never magiging kasing ganda ni Elise.

Idagdag mo pa ang apelido ko. Jusko. Kaya masisisi mo ba ako kung hindi ko sinabi kay Richmond ang tunay kong pangalan? “Isay” lang na palayaw ko ang sinabi ko kay Richmond noon.

Hindi ako kasing ganda ng mga naggagandahang aktres na pakalat-kalat lang sa paligid ni Richmond. Kaya imposibleng magustuhan niya ako. Kaya hindi na lang ako nagtangkang magpakilala sa kanya hanggang sa mga sandaling ito. Hanggang TV at sine na lang ako. Hanggang alaala na lang ng nakaraan.

At least naman kahit sandali, naranasan ko ang pagtuunan ng pansin ng isang lalaking tulad ni Richmond. Isang lalaking mapapasaakin lang sa pamamagitan ng milagro o kulam.

“Bumili ka na ng beer,” utos ko kay Nancy.

“Hindi ka puwedeng maglasing. Kailangan mong magsulat mamayang gabi. Maraming nag-aabang sa ending ng Miss Taken.”

Ang “Miss Taken” ay ang ongoing online chick lit novel ko sa Wattpad na may over forty million reads na. Two parts na lang ang kulang at magtatapos na ang kuwento niyon sa Watty.

Kuwento iyon ng adventures ng isang babaeng serial monogamist na kasing bilis ni Taylor Swift mag-move on. Kung magpalit ng boyfriend ang bidang babae na si Winona ay parang nagpapalit lang ng damit. Pero sa likod niyon ay may dahilan kung bakit niya ginagawa iyon. Minahal siya ng readers ko sa kabila ng imperfections niya. Always taken ang drama ng heroine kaya siya Miss Taken.

Sa totoo lang, tapos ko nang sulatin ang ending niyon. Binibitin ko lang ang pag-post ng updates. Nasa RJL Books Publishing na ang manuscript niyon at two weeks from now ay available na sa bookstores ang Miss Taken.

“cheekygirl” ang username ko sa Wattpad at author name sa libro at walang nakakaalam ng tunay kong pangalan. Hello, ikaw ba naman ang may ganitong pangalan. Ipagkakalat mo ba?

“Tanggapin mo na lang, Isay,” sabi ni Nancy. “Tinanggap mo na naman na hindi na madudugtungan ang nakaraan n’yo ni Richmond, ‘di ba? Kaya dapat tanggapin mo na rin na may nagmamay-ari na sa kanya ngayon. Tutal, eh, sabi mo naman, nagbago na si Elise at mukhang hindi ka naman bitter sa kanya, eh di hayaan mo nang maging masaya si Richmond sa piling niya. Matagal-tagal na ring walang love life si Richmond dahil natakot na yatang masaktan ulit sa pag-ibig kaya ang tagal niyang tinigang ang sarili niya. Pero ngayong ready na siyang magmahal ulit, suportahan mo na lang siya.”

Tama si Nancy. Kailangan kong tanggapin na may babae nang minamahal si Richmond ngayon. Sino ba naman ako para tumutol, ‘di ba? Ni hindi na nga ako kilala ni Richmond. Magiging masaya na lang ako dahil masaya siya.

Dinampot ko ulit ang slice ng pizza na hawak ko kanina at kinagatan iyon.

Sana lang hindi saktan ni Elise ang damdamin ni Richmond sa bandang huli tulad ng ginawa ng previous girlfriend ng lalaki. Dahil kapag nangyari iyon, ako mismo ang sasabunot sa straight na straight at silky smooth long hair ni Elise.

 

 

 

“AFTER Miss Taken, ano na?” tanong ng publisher kong si Mr. Eddie Bernal nang tawagan niya ako sa phone.

Ano na nga ba? Eh, di ngangabels. I feel uninspired. Wala ako sa mood magsulat.

“Pahinga muna, sir.” Binuksan ko ang laptop ko at in-open ang Facebook.

“Pahinga? Are you out of your mind? Hindi nagpapahinga ang top writers. Kailangang may bago kang mailabas. Kahit teaser lang muna.”

“May writer’s block ako ngayon, sir.”

“Do you need help?”

Help? As in psychiatric help? Baka nga. May kinalaman sa balita tungkol kina Richmond at Elise recently kaya ako parang depress-depress-an lately pero hindi talaga dahil doon, eh. Feeling empty lang ako. Feeling ko, kailangan ko na ring magka-love life.

May isang nanliligaw sa akin. Si Tony na isang insurance agent. Okay naman sana siya kaso masyadong corny ang jokes. Ang sarap bigwasan minsan kapag nagtatatawa na siyang mag-isa sa jokes niya. Hindi naman sa choosy ako—ako pa ba? Ako pa ang magchu-choosy? Pero kasi ayokong pumasok sa isang bagay na hindi ko naman talaga gusto one hundred percent, or at least ninety percent.

Nang mag-quit ako sa trabaho ko bilang nurse para maging nobelista, ang daming nanghinayang. Sayang daw ang kurso ko. Sayang daw ang kikitain ko sa abroad kapag nagtrabaho ako overseas. Gaano daw ba kalaki ang suweldo ko sa pagsusulat para iwan ko ang pagiging nurse.

Malaking desisyon ang career switch na ginawa ko pero ginusto ko naman ito. Gusto kong magsulat. Too late ko lang na-discover na kaya ko palang magsulat nang minsang mapagkatuwaan kong mag-post ng story sa Wattpad two years ago ay bumongga sa dami ng reads, favorites at comments ang unang nobela ko.

Hindi naman ako nagkamali ng desisyon. Masaya naman ako sa pagsusulat kaysa noong nasa ospital ako. Ganoon din sa love. Hindi puwedeng pumasok na lang basta dahil lang kailangan ko nang magka-love life. Gusto kong ma-in love dahil naramdaman ko at hindi dahil pinilit ko lang just for the sake of being in a relationship.

In love lang ako sa idea ng love pero hindi ko pa talaga nararanasan ang ma-in love. Gusto kong maranasan iyon. Iyong hindi ko kailangang magdesisyon kasi kusa na akong tatalon doon.

“Kailangan mo ba ng plot?” tanong ng publisher. “Concept? Ideas for lead characters?”

Kailangan kong ma-in love.

“Ah! Why don’t you try to create an anti-hero this time?” patuloy niya.

“Anti-hero?”

“Anti-hero or anti-heroine. Depends on you. Itong Miss Taken, medyo may paka-anti-heroine itong lead character, eh, pero nabigyan mo ng justification kung bakit siya ganoon kaya nalusaw ang pagka-anti niya. The readers sympathized with her. Doon mo sila nahuli. Pero this time, create something extreme.”

“Extreme? Ano, mad killer, gano’n?”

Tumawa si Mr. Bernal. “Why not?”

Oo, una kong gagawing biktima ay isang panot na sadistang publisher. Fifty eight stab wounds.

“Basta ba you’ll be able to turn it into a hit kahit gory. Anyway, may meeting pa ako. Let’s talk later. Sabihin mo sa akin kung kailangan mo ng brainstormers, okay?” At nawala na siya sa linya. Thank God.

Nag-scroll down ako sa newsfeed ng Facebook ko at nahinto sa isang shared link na may photo.

Richmond and Elise caught holding hands in public.

Napabuga ako ng hangin. Pati ba naman pagho-holding hands ibinabalita pa?

Natigilan ako nang maalala ang moment na hinawakan ni Richmond ang kamay ko noon. Nalungkot ako sa alaala. Hindi talaga kami itinadhana. Kasi kung itinadhana kaming dalawa, hindi dapat kami nagkahiwalay. O kung itinadhana man kami, dapat nang magkita ulit kami, nakilala niya ako. O kaya kusang pinagkrus ng tadhana ang landas namin. Dapat ginawa rin akong artista ng tadhana para may chance na magkaroon kami ng proximity at maibalik o maipagpatuloy ang nakaraan.

Natagpuan ko na naman ang sarili kong nanonood ng clips sa YouTube ng behind the scenes ng mga shooting at taping ni Richmond. Ultimo mga katuwaang video clips na in-uploaded sa social media accounts ng mga kaibigan niya kung saan kasama siya. Mas gusto kong manood ng mga ganoon kaysa sa mga pelikula at teleserye. Kasi doon, nakikita ko kung sino talaga si Richmond, ang totoong siya. Kung paano niya magsalita nang hindi scripted, kung paano siya tumawa at ngumiti nang hindi umaarte, kung paano siya kumilos nang hindi iniuutos ng direktor.

Totoong tao. Hindi artista. Ang naaalala ko lang kasi sa kanya ay kung paano siya magsalita, tumawa at kumilos noong thirteen years old siya.

Hay, grabe. Ang guwapo talaga niya. Bagay na bagay talaga sila ni Elise. Puwedeng-puwede silang maging hero at heroine sa nobela.

Actually, matagal ko nang alam na hero-material si Richmond pero for some reason, ayoko siyang gawing hero sa nobela ko. Madamot kasi ako. Ayoko siyang ipamigay sa kahit sinong heroine na nilikha ko. Gusto ko noon na akin lang siya. Ambisyosa much, ‘no?

Pero ngayong may nagmamay-ari na sa kanya, wala na akong karapatang angkinin siya sa pangarap. Puwede ko na siguro siyang gawing hero this time. Pero hindi ko puwedeng gawing heroine si Elise kasi kahit gaano pa siya kaganda, hindi siya pasadong maging heroine. Bakit? Kasi…

An ideal heroine must possess the following:

  1. A nice name.
  2. Good looks, preferably.
  3. An exciting personality.
  4. An interesting background.
  5. Some imperfections.

Check si Elise sa lahat, except sa huling requirement. Walang flaw ang babaeng ‘yon! Isa siyang diyosa.

Sa totoo lang, isa siya sa mga aktres na sobrang nagagandahan ako at pinangarap kong makamukha sa second life ko. Pero ngayon, decided na ako. Siya na talaga ang gusto kong makamukha sa next lifetime ko para sa akin naman ma-in love si Richmond sa second life niya.

Kaka-search ko sa YouTube, napadpad ako sa old viral video ni Elise kung saan ay minamalditahan at sinisigaw-sigawan niya ang isang babaeng makeup artist sa set ng shooting ng pelikula niya. Isang camera phone mula sa hindi kilalang tao ang pasekretong kumuha niyon at nag-upload sa YT.

Nabasa ko ang old comments ng netizens sa uploaded video at grabe, ang hard nila kay Elise. Kung ako siguro ang makakatanggap ng ganitong mga comment ay baka umalis na ako sa pag-aartista at hindi na nagpakita pa sa mga tao.

Kahit paano, bilib ako kay Elise for handling the controversies well. Matapang na babae. Iyon siguro ang nagustuhan ni Richmond sa kanya. Ang pagiging palaban niya.

Baka hindi lang naiintindihan ng mga tao ang naging ugali ni Elise noon. Baka na-misjudge lang siya. Baka sadyang malakas lang ang personality niya at hindi papayag na maargabyado. Malay natin at baka talagang sinabotahe ng makeup artist ang makeup niya kaya siya nag-melt down. Tao lang naman siya at may kakayaha ring sumabog sa galit. Big deal lang sa mga tao dahil celebrity siya at sikat siya.

Tama. Tao rin si Elise. Imposibleng wala siyang imperfections. Mukhang ang short temper niya at ang pagiging warfreak ang flaw niya. Pero naialis na niya iyon sa sarili dahil nagbago na siya. Pero may mga tulad ni Nancy na hindi naniniwala kahit maraming ebidensiyang nagpapakita na nagbago na si Elise.

People’s first impressions usually last. Aware ako na marami pa ring bashers si Elise hanggang ngayon. Lalo na nang lumabas ang balitang sila na ng well-loved ng lahat na si Richmond. Hindi raw sila bagay dahil para silang anghel at demonyita. Hindi raw maintindihan ng fans kung bakit na-in love si Richmond sa isang tulad ni Elise na ang taglay na ganda ay hanggang pisikal na kaanyuan lang. Sisirain lang daw ni Elise ang image ni Richmond.

Sigurado akong hindi masaya si Richmond sa mga sinasabi ng mga tao laban sa girlfriend niya. Ramdam ko siya. Malamang pinipigilan lang niyang magkomento tungkol doon dahil pinipigilan siya ng management niya pero siguradong gusto niyang ipagtanggol ang babaeng mahal niya. Na-frustrate siguro siya tungkol doon.

Nahigit ko ang paghinga nang biglang may ideyang pumasok sa isip ko.

Miss Understood. Miss Judged.

Elise could be the inspiration for my next “Miss.”

Ang gagawin kong nobela tungkol sa character ni Elise ang tutulong sa kanya para ma-realize ng mga tao na baka nagiging masyadong mapanghusga na sila.

Sa pamamagitan ng nobelang gagawin ko ay maimumulat ko ang mga tao tungkol sa kahalagahan ng pagpapatawad, pagtitiwalang muli at paglaya sa muhi. At sa huli ay makaka-benefit din si Richmond dahil hindi na niya kailangan pang ma-frustrate dahil hindi niya maipagtanggol ang girlfriend niya.

Elise is my next heroine. Ire-redeem ko siya sa nobela ko. Gaya ni Winona, maiintindihan rin siya ng mga tao sa kabila ng imperfections niya.

Oo. Ako na ang martir! Gagawin ko ito para sa kanila. Para maging masaya na sila.

Para kay Richmond. Para sa aking puppy love.

 

NOTE: This preview is unedited.