Chapter 4 – 40 Days To Heaven

“WALA ka bang naaalala ni isa sa kanila?” tanong sa akin ni Chen Li.

Nasa harapan ko ang ilang officemates ni Rebecca na lahat ay singkit. Sila raw ang subordinates “ko” bilang marketing head. Siyempre, wala akong maaalala ni isa sa kanila dahil hindi ko naman sila kilala.

Umiling ako. Nakita ko ang simpatya sa mukha ng subordinates ko. Nalungkot siguro sila sa nangyari sa akin. May ilang nagsalita at sa palagay ko, nagpahayag sila ng simpatya sa akin. May sinabi si Chen Li sa kanila. Narinig ko ang salitang “English” kaya nahulaan kong sinabihan sila ng tsinoy na hindi ako nakakaintindi ng Cantonese at English lang ang naiintindihan ko dahil nakalimutan ko maging ang language nila.

Umulan na ng English nang sabay-sabay na nagsalita ang ilang empleyado na hindi ko naintindihan lahat dahil hindi comprehensible ang diction ng iba.

“I’m fine,” sagot ko sa common question nila. “My only problem is my memory loss.”

Naramdaman ko ang palad ni Chen Li na dumikit sa likod ko. “Let me show you to your private office, Becca.”

‘Taray, may private office si Rebecca.

Pagpasok namin sa private office ni Rebecca ay napilitan akong palibutan ng tingin ang buong silid para kunwari ay nag-e-effort akong alalaahanin ang lugar pero ang isip ko ay naroon na sa mga drawer ng desk. Malamang na nandoon ang passport ni Rebecca.

Hinaplos ko ang desk at ang name plate na nakalagay doon.

Rebecca Miranda. Marketing Head.

Hindi pa rin ako makapaniwala na isang pure Pinay ang boss sa marketing department ng isang Hong Konger company. Wala man lang ni isang Pinay sa mga subordinates ni Rebecca.

Pumunta ako sa likod ng desk at umupo sa executive chair na napakakomportable. Kunwari ay pumikit pa ako sandali para i-feel ang silya. Ikinunot ko ang noo ko sabay dilat.

“Did you remember something?” tanong ni Chen Li na mukhang binibili ang acting ko.

Napatingin ako sa tsinoy. Umiling ako. “Wala, eh. Baka kapag kinalkal ko itong mga gamit ko, may maalala ako.”

“All right. Go ahead.” Tumunog ang cellphone ni Chen Li. Habang busy siya sa pakikipag-usap sa kung sinuman ang nasa telepono in Cantonese sa isang sulok ng opisina, ako naman ay sinimulan na ang balak.

Sinimulan kong halughugin ang folders at mga dokumento sa desk ni Rebecca. Binuksan ko ang drawers at binulatlat ang loob ng mga iyon. Pero ang drawer sa pinakaibaba, naka-lock.

Naalala ko ang dalawang susi ni Rebecca na nakita ko sa bag niya. Isa ang sa bahay at ang isa… baka para sa drawer na ito! Inilabas ko ang susi sa bag ko. Sumikdo ang dibdib ko nang isuksok ko ang susi at kumagat iyon. Kaya lang, nang makita ko ang nasa loob ng drawer, nalaman kong safety deposit box ang naroon.

Nandoon kaya ang passport ni Rebecca? Bakit naman niya itatago sa safe ang passport niya?

Anong passcode?

Nakita ko sa birth certificate ni Rebecca na June ten nineteen eighty-nine ang birthday niya. Kaya sinubukan ko ang lahat ng combinations galing sa birthday niya pero kahit j-in-umble ko na’t lahat ang mga numero, walang gumana.

Pumasok si Chen Li at naratnan akong nakaluhod sa likod ng desk. Halatang nabigla siya nang makita ang mga kalat na ginawa ko.

“Alam mo ba ang passcode ng safe ko?” tanong ko agad sa kanya.

Nobyo ni Rebecca si Chen Li at posibleng nabanggit ng babae ang passcode sa nobyo.

“I don’t know, sweetie. We do not share passcodes. We respect each other’s privacy.”

“Kailan tayo naging official couple?”

“Huh? Why’d you ask?”

“Sinubukan ko ang birthday ko, hindi kumagat. Kaya baka ang anniversary natin ang passcode ko.”

Sinabi ni Chen Li ang date ng anniversary nila.

Pinagpipindot ko ang combination ng numbers na galing sa date na ibinigay ni Chen Li pero walang tumama. Kaya tinanong ko ang tsinoy kung kailan ang birthday niya. Sinubukan ko ulit ang combination ng numbers na galing sa birthdate niya pero wala pa ring tumama.

“Bigyan mo ako ng important dates.”

Hindi sumagot si Chen Li. Nakatitig siya sa akin habang nakakunot ano noo. “Why are you seemed passionate about unlocking that safe?”

“Huh?” Masyado bang halata ang pagkaatat kong mabuksan ang safety box? Dahan-dahan akong tumayo para umupo sa chair habang nag-iisip ng isasagot. “Curious lang ako. Masama bang maging curious akong malaman kung ano ang itinatago ko sa safe box na iyan?”

Kinabahan ako sa tingin ni Chen Li. Naghihinala na ba siya na hindi ako si Rebecca? Pero imposible namang maisip niyang may sanib ang girlfriend niya.

“Don’t you really trust me, Becca?” Seryoso ang mukha niya.

“Ano bang sinasabi mo?”

“Why do you have to search through your stuff to know things about yourself? Nandito naman ako. Hindi mo pa ako gaanong natatanong tungkol sa ‘yo.”

Nahalata ko ang pagtatampo sa himig ni Chen Li. Pero deep inside, nakahinga ako nang maluwang. Hindi naman pala siya naghihinala ng kung ano.

Tumayo ako at nilapitan si Chen Li. Nang malapitan ko siya, saka ko lang nakita ang tampo sa mga mata niya. “I’m sorry. Hindi naman sa hindi kita pinagkakatiwalaan. You must understand na wala akong maalala kaya cautious ako. Kaya mas nagbabase ako sa mga nakikita ko kaysa sa mga sinasabi sa akin. Isa ka sa mga hindi ko maalala, Chen Li. Kaya siguro… cautious din ako sa ‘yo?”

“Don’t you feel anything for me?” tanong niya habang titig na titig sa mga mata ko.

“Huh?” Kapag nagka-amnesia ba ang isang tao, nare-retain sa alaala niya ang feelings para sa isang tao o kasama iyong nabubura? Bakit kasi hindi ko tinapos ang palabas na napanood ko sa TV? Nabigyan sana ako ng ideya kung paano ko ipu-pull off ang pagkakaroon ng amnesia para mas naging kapani-paniwala ako.

Humakbang siya palapit. Napaatras ako on instinct.

“You are in love with me, Becca. Kahit hindi mo naaalala, dapat nararamdaman mo ‘yon.”

Dapat ba ganoon ‘yon? So, a-acting ba akong in love sa kanya?

Nagpatuloy siya sa paghakbang at ako naman sa pag-atras hanggang sa lumapat na ang likod ko sa wall. Wala na akong aatrasan pa. Kumabog ang dibdib ko nang lumapit siya nang husto hanggang sa isang dangkal na lang siguro ang layo ng mukha niya sa mukha ko.

Takot ba ito o excitement dahil kay lapit namin sa isa’t-isa?

“A-Ano kasi…” Napalunok ako. Baka bigla na lang niya akong halikan nang marubdob sa mga labi para ipaalala sa akin ang “feelings ko” para sa kanya!

Bumuntonghininga si Chen Li at dumiretso ng tayo. Hindi ko alam kung mare-relieve ako o madi-disappoint nang ilayo niya ang mukha sa akin.

Biglang nagkaroon ng guilt sa mga mata ni Chen Li nang hawakan niya ako sa mga balikat. “I’m sorry, Becca. I shouldn’t have said that. I should’ve been more considerate. May pinagdaraanan ka at hindi biro ang sakit mo. Dapat mas iniisip ko ang feelings mo kaysa sa sarili kong feelings. So, forgive me, Becca. I promise, iintindihin na kita. If you’re cautious with me, I will understand. I won’t demand anything from you from now on.”

Unti-unti akong ngumiti kahit medyo alanganin. Pero sa totoo lang, na-touch ako sa sinabi niya kahit alam kong hindi naman para sa akin ‘yon.

Ah, this man is a perfect boyfriend… and a future husband, I guess. Napakasuwerte naman talaga ni Rebecca. Kaya kailangan ko nang ma-accomplish ang kailangan kong ma-accomplish bago ang araw ng kasal niya kay Chen Li. Kailangan ko siyang ibalik sa groom niya. Kailangang siya ang maikasal kay Chen Li at hindi ako.

“Basta nandito lang ako. I will help you regain your memory.”

“Thank you.”

“And your feelings toward me,” patuloy niya habang titig na titig sa mga mata ko.

Binitiwan ni Chen Li ang mga balikat ko at kinuha ang mga kamay ko. Dinala niya ang mga iyon sa mga labi niya at dinampian ng halik ang bawat isa.

Bumilis ulit ang tibok ng puso ko. Jusko… kinikilig ba ako?

May tumikhim at pareho kaming tumingin ni Chen Li sa bandang pintuan. May isang matandang tsinitong nakatayo roon.

Ye ye,” sabi ni Chen Li na parang hindi inaasahang makikita ang matanda.

“I’m sorry to interrupt your romantic moment,” sabi ng matanda. “But I want to see my future granddaughter-in-law.”

Ito ang lolo ni Chen Li? Ang chairman ng kompanyang iyon?

Nakita ko ang simpatya sa mga mata ng matanda habang nakatingin sa akin. Huminto siya sa tapat ko at hinawakan ako sa magkabilang balikat.

“I’m so sorry about what happened to you, Becca. I felt really sad when my grandson told me about your condition.”

Wow. So, tanggap na tanggap pala si Rebecca ng pamilya ni Chen Li. Halata ang pag-aalala sa mukha ng matandang tsinito.

“It’s so unfortunate that this happened to you, syun neui. Especially now that the wedding is near.”

Alanganin akong ngumiti. “Thanks, sir.”

“Sir?” gagad ng matanda. “Oh, yes. I haven’t introduced myself yet. I’m Chiu Liu Qi, Chen Li’s grandfather and the founder and chairman of this company and you used to call me ‘ye ye’ when we we’re not in front of the other employees. I learned from my grandson, your fiancé, that you’ve forgotten Cantonese as well so you might not know what ‘ye ye’ means. It means ‘grandfather.’”

Ye ye?”

Ngumiti ang matanda pero halatang malungkot pa rin. “Yes, that’s right. Please recover really quick, syun neui. I don’t want your wedding to be postponed. I can’t wait for you to become a real part of our family.”

 

 

 

 

 

“YOU ARE very close with my grandfather. He really, really likes you,” sabi sa akin ni Chen Li habang naglalakad kami papunta sa kung saan. Ang sabi niya ay dadalhin niya raw ako sa isa sa memorable places para sa akin.

“Talaga?”

Tumango si Chen Li.

“Bakit?”

“May utang na loob siya sa ‘yo.”

“Sa akin? Ano naman ‘yon?” Na-curious ako.

“He believes he owes his life to you. You saved his life once.”

“Talaga? Paano?”

“Almost three years ago, naabutan mo siya isang araw sa private office niyang nakahiga sa sahig at habol ang paghinga. Inaatake siya sa puso. Nasa errand ang assistant niya nang time na iyon. You were the one to call the ambulance for him. Kung hindi ka dumating, wala na siguro siya.”

Tumangu-tango ako habang nakanganga. Kaya pala ganoon na lang ang fondness ng matanda kay Rebecca. Kaya pala botong-boto ito kay Rebecca para sa apo. Na-realize ko tuloy kung bakit naging marketing head agad ang babae sa kabila ng pagiging pure Pinay at tatlong taon pa lang na pagtatrabaho sa kompanya at sa edad na twenty-seven. Mukhang ang chairman ang nag-promote sa kanya sa posisyong iyon. Napakasuwerte pala talaga ni Rebecca.

“My grandmother is also fond of you, not because she’s also a pure Filipina like you, but because she’s thankful of you for saving her husband’s life.”

“Pure Pinay ang lola mo?”

“Yes. Kaya half-Filipino at half-Chinese ang father ko. At coincidentally, ganoon din ang mother ko. Both of them are Filipino-Chinese.”

“Kaya ka naging half-Filipino, half-Chinese din.”

Tumango si Chen Li. “My mother was born in the Philippines though. Chinese ang mother niya at Filipino ang father niya. She went here in Hong Kong for work at dito na sila nagkakilala ng father ko. Noong eight years old ako, natira ako sa Philippines pero bumalik din kami after seven years dahil kailangan na ang father ko sa company ng grandfather ko. My grandfather was also born here in Hong Kong even though he is pure Chinese. He’s a Hong Kong citizen even though his roots are from Beijing.”

Tumangu-tango ako. Kaya pala okay lang sa lolo ni Chen Li na sa isang Pinay magpakasal ang apo dahil pure Pinay pala ang asawa nito. Hindi ko alam kung saan nanggaling ang stock knowledge ko na ang mga Chinese ay istrikto sa pagmamantini ng lahi. Kapag Chinese, dapat ay Chinese din ang mapangasawa. Pero baka sa Hong Kong ay hindi uso ang ganoong kaugalian.

“My father died eleven years ago. Mom remarried a pure Chinese man and she’s now in Beijing living with him. I chose to live here because my grandparents need me.”

“Ikaw lang ba ang kaisa-isang apo ng chairman?”

“No. Dalawa kami. May isa akong pinsan sa father’s side. Actually, tatlo kaming magpipinsan. One died when he was young. Kaya dalawa na lang kami ng kapatid niyang natira. Dalawa lang ang anak ng grandparents ko sa father side. My father and their mother.”

“Interesting ang family background n’yo,” sabi ko.

Huminto si Chen Li sa paglalakad kaya huminto rin ako at humarap sa kanya.

“It feels like we’re getting to know each other for the first time all over again,” sabi niya. “Except that, previously, I didn’t have to tell you about my family background. Alam mo na iyon bago pa tayo nagkakilala dahil one year ka nang nagtatrabaho noon sa kompanya ng lolo ko.” Bumuntonghininga siya. “Fine. Let’s just go back to day one, Becca. We’ll get to know each other again and…” Hinawakan niya ang kamay ko. “I’ll make you fall in love with me again.” Ngumiti siya.

Unti-unti akong napangiti habang nakatitig ako sa mga mata niya pero nang ma-realize kung bakit ako napapangiti at parang gusto kong batukan ang sarili ko. Hindi puwedeng magtagumpay ang guwapong tsinitong ito sa pagpapa-in love sa akin dahil hindi ako si Rebecca. Delikado kapag na-in love ako kay Chen Li.

Patay na ako. Hindi ako puwedeng ma-in love sa isang buhay na tao. Kaya kahit gaano pa ka-charming at ka-sweet si Chen Li, kailangan kong hawakan ang puso ko para hindi ako mahulog sa kanya.

On that note, nakakatawang isipin na puwede pang ma-in love ang isang kaluluwa. Kunsabagay, nakakapag-isip pa nga ako, eh. Kaya hindi imposibleng ma-in love pa rin ako. Katawan lang ang wala ako pero buhay na buhay ang kaluluwa ko. Kaya nang makasapi ako sa isang katawang buhay, para rin akong buhay talaga na nakakapag-isip at nakakadama.

Nagpatuloy kami sa paglalakad. Niyon ko lang naisipang magtaka kung bakit hindi kami nakasakay sa kotse. Puro lakad at commute ang ginagawa namin. Napansin kong walang kotse si Rebecca dahil wala akong nakitang remote keyless entry o susi ng kotse sa bahay niya. Wala rin siyang kotseng minamaneho nang makita ko siya nang gabing iyon bago ko siya nasaniban. Nag-commute at naglakad lang siya.

Nakakapagtaka na walang kotse si Rebecca dahil nakita ko ang payslips niya sa mga papel na nakaipon sa bahay niya. Malaki ang sahod niya at kayang-kaya niyang mag-loan ng above-average na kotse. Pero ang mas nakakapagtaka, may kotse naman siguro si Chen Li pero hindi niya iyon ginagamit sa paghatid sa akin sa ospital at opisina.

“Teka nga,” sabi ko. “Wala ka bang kotse?”

“Meron.”

“So, bakit ba tayo naglalakad? Bakit tayo nagco-commute?”

Natigilan si Chen Li. “Oo nga pala. Nabura rin pala sa alaala mo ang tungkol sa phobia mo sa pagsakay sa kotse.”

“May phobia ako sa kotse?”

Tumango si Chen Li. “Pero mas mabuting huwag mo na lang malaman kung bakit.”

“Bakit?”

“Basta.”

Na-curious ako. Alam kong hindi ko dapat masyadong panghimasukan ang buhay ni Rebecca pero hindi ko mapigilan ang curiosity ko.

“Sabihin mo sa akin kung bakit.”

“Pero baka hindi makabuti sa ‘yo. Mas magandang huwag mo na munang malaman. Kung merong isang advantage ang pagkawala mo ng memory, ito siguro ‘yon.”

Lalo lang akong na-curious. “Baka kapag narinig ko ‘yan, makatulong sa pagbabalik ng alaala ko.”

Halatang nag-isip si Chen Li.

“Sabihin mo sa akin. I deserve to know.”

Nagpakawala ng buntonghininga si Chen Li na mukhang tanda ng pagsuko. “You’ve been in a car accident seven years ago. It killed your parents. Ikaw lang ang nabuhay. Simula noon, hindi ka na sumasakay sa kotse o kahit sa taxi dahil nagkakaroon ka ng panic attack.”

Napanganga ako. May psychological problem pala si Rebecca.

“Palagi ka lang sumasakay sa public transport. Iyong hindi kasing laki ng kotse or something resembling a car. Bus or MTR lang ang sinasakyan mo.”

Kawawa naman pala si Rebecca. Kaya siguro ngayon siya sinusuwerte.

Naramdaman ko ang pagpisil ni Chen Li sa kamay ko. Iniisip siguro niyang nagkakaroon ng epekto sa akin ang sinabi niya. Ngumiti ako para ipaalam sa kanya na okay lang ako.

Iniisip ko kung magre-react pa rin ang katawan ni Rebecca kung sakaling sumakay ako sa kotse ngayon. Hindi siguro. Walang kamalayan ang kaluluwa ni Rebecca sa mga sandaling iyon na sakop ko ang katawan niya kaya hindi magagawang gumana ng isip at emosyon niya. Isip at emosyon ko ang naghahari sa katawan niya ngayon. Kaya puwede siguro akong sumakay sa kotse.

Lumingon ako at tiyempong may nakita akong taxi na paparating. Sinenyasan ko ang taxi.

“Sumakay tayo sa taxi ngayon,” baling ko kay Chen Li. “Masakit na ang mga paa ko.”

“Huh? P-Pero—”

“Wala akong maalalang phobia. Kaya puwede siguro tayong sumakay sa kotse.”

Hinila ko na ang tsinoy pero kahit halatang tutol siya, nagpatangay siya. Binuksan ko ang pinto ng kotse at sumakay sa taxi.

Nagsalita ang taxi driver sa wikang Cantonese. Tinatanong siguro kung saan kami ihahatid. Si Chen Li na nakabawi na sa pagkabigla ang sumagot.

“Victoria Harbour.”

Natigilan ako. Victoria Harbour? Napatingin ako kay Chen Li na natagpuan kong nakatingin sa akin. Biglang bumigat ang dibdib ko nang maalala ang eksena kung saan nakita ko ang walang buhay kong katawan na nakalutang sa dagat ng Victoria Harbour.

“Are you… are you starting to have panic attack?”

Umiling ako. “Parang may bigla lang pumasok sa isip ko.” Shemay, hindi ko dapat sinabi iyon.

“May naaalala ka? Ano? Sabihin mo sa akin.”

Hindi ko puwedeng sabihin sa kanya ang naalala ko. Wala iyong kaugnayan kay Rebecca.

“Iyong eksena habang nasa loob kami ng kotse ng mga magulang ko,” paghabi ko ng kasinungalingan.

Nanlaki ang mga mata ni Chen Li. “Nakakaalala ka na!”

Umiling ako. “Wala na. Parang nagdaan lang.”

“At least, nakaalala ka ng kahit kaunti. Nakita mo ang mukha ng parents mo?”

Tumango na lang ako.

“There’s hope, Becca. Unti-unti nang babalik ang mga alaala mo.”

Nakaka-guilty dahil kailangan kong manloko ng tao pero kailangan kong tiisin ang guilt na ito.

“Mukhang tama ang psychiatrist mo. We have to expose you to memorable places para ma-trigger ang pagbabalik ng alaala mo. This is a memorable place, Becca. Inside a car. This is the start. Sana magtuluy-tuloy ang pagbabalik ng memory mo.”

Tumango na lang ako. Sana nga bumalik ang memorya ko—bilang ako at hindi si Rebecca para malaman ko na ang sagot sa mga tanong ko.

 

 

 

 

ANG BIGAT ng dibdib ko habang nakatanaw sa Chinese junk. Never mind kung Aqua Luna man iyon o iba. Nagkukuwento si Chen Li habang nasa likod kami ng baluster ng viewing deck tungkol sa memorable moments namin sa lugar na iyon pero wala sa sinasabi niya ang atensiyon ko.

Kaya mabigat ang dibdib ko sa tuwing nakikita ko ang dagat at ang bangka ay dahil pala hindi ko tanggap na namatay ako sa ganoong paraan. Hindi ko matanggap na kinitil ko ang sarili kong buhay. Kailangan kong malaman kung bakit ko ginawa iyon. Kailangan ko nang makabalik sa Pilipinas.

Pero nasaan kasi ang passport ni Rebecca? Kung naroon iyon sa loob ng safe, bakit nandoon iyon? Anong passcode niyon?

Kailangan kong bumalik sa opisina para subukan ang lahat ng combination ng numero at mabuksan ang safety box. Hindi ko na kailangan pang magpasama kay Chen Li dahil alam ko na ang papunta roon. Mas mabuti ngang hindi niya malaman na pupunta ako roon dahil baka magtaka na naman siya kung bakit mas interesado akong mabuksan ang safe kaysa malaman mula sa kanya ang lahat ng tungkol sa pagkatao “ko.” Magkaiba ang department namin. Nalaman kong sa finance department siya kaya posibleng hindi kami magkita kahit magpunta ko sa private office ko.

“Come on,” yakag ni Chen Li. “Let’s ride the boat.”

Natigilan ako nang bigla akong makaramdam ng takot. “S-Sasakay tayo sa… Chinese junk?”

Tumango siya. “Baka kapag sumakay ka roon, maalala mo ang eksena kung paano ako nag-propose sa ‘yo.”

Isa ba iyon sa mga ikinuwento ni Chen Li habang busy ako sa pag-iisip kanina? Sa Chinese junk siya nag-propose ng kasal kay Rebecca?

“Let’s go?” Kinuha niya ang kamay ko pero binawi ko.

Umiling ako. “Ayoko.” Ayoko talaga. Hindi ko gusto ang pakiramdam na sasakay ako sa mismong boat kung saan ako namatay. Kung nakakaramdam din ng panic attack ang mga kaluluwa, ito na siguro iyon.

Kumunot ang noo ni Chen Li. “Why?”

Sinapo ko ang ulo ko. “Medyo nahihilo ako. Feeling ko magsusuka ako kapag sumakay ako sa boat.”

“Hindi ka prone sa motion sickness. Hindi kita nakitang nagsuka ni minsan.”

“Siguro nga. Pero nahihilo ako ngayon. Baka lalong lumala ang hilo ko kapag sumakay ako sa mauga.”

Tumango si Chen Li. Mukhang nakaunawa. “Baka nahilo ka nang sumakay ka ng taxi kanina. Hindi ka nga siguro nakaramdam ng panic attack kanina dahil nawala ang alaala mo pero mukhang nag-materialize pa rin siya sa pagkahilo. That’s the best theory I could think of.”

“Hindi na tayo sasakay?”

“Yes. Hindi muna. Sa ibang araw na lang. Iuuwi na kita. Kung nahihilo ka, magpahinga ka na lang muna. Baka masyado kang napagod.”

Tumango na lang ako kahit sa ang totoo ay nangangati ang mga paa kong bumalik sa opisina ngayundin para subukang mabuksan ang safety box. Nanghihinayang ako sa oras na lumilipas. Dapat ay nasa Pilipinas na ako by now kung hindi dahil sa passport na iyon.

So, what can you say?

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.