Ikaw, Ako At Ang Ating Forever – Chapter 3

PUMUWESTO si Divina sa paborito niyang spot sa garden na malapit sa lanai. Sa isang bench doon na may katabing malaking paso ng halaman. Doon ay ipinagpatuloy niya ang paglalaro ng CoC. Umidlip si Donya Nidora sa silid nito kaya may libreng oras si Divina para gawin ang gusto niya. Excited siyang tingnan kung online si Alden sa laro.

Kagabi ay nag-chat sila ni Alden sa CoC. Humingi ang lalaki ng mga dragon na mabilis naman niyang ibinigay. Makalipas ang ilang sandali ay nakatunog na si Divina na nagmistulang assistant na siya ng binata dahil maya’t-maya ay nagde-deploy siya ng troops para rito. Siguro, kung nahihingi lang ang coins, elixir at gems ay baka nalimas na ni Alden ang storages niya. Kaya pala gusto nitong mag-join sa clan niya. Gusto nito ng mauuto para maka-level up kaagad ito. Pero naisip niyang kasama iyon sa mga kondisyon na hiningi ng lalaki para hindi siya maisumbong sa lola nito kaya dapat lang na makikinabang ito.

Hanggang sa bigla na lang may tanong na isiningit si Alden sa chat habang nagpaplano sila ng clan war.

Single ka ba, Dubyana22?

Mga ilang seconds yatang natulala si Divina sa cellphone niya. Pagkatapos ay kumurap-kurap siya. Kinuskos ang mga mata at pati na rin ang screen ng cellphone dahil baka nagkakamali lang siya ng tingin. Nagkaroon pa nga siya ng ideya na baka dyslexic na siya.

Bakit naman tatanungin ni Alden kung single siya? Bakit nga ba tinatanong ng isang lalaki ang isang babae kung single ito? Hindi ba dahil interesado ang lalaki sa babae?

Pero matapos ma-realize na nag-o-OA siya ay sinagot ni Divina si Alden ng: Oo, Striker888. Bakit? Imposible naman kasing interesado sa kanya si Alden sa romantikong paraan. Baka gusto lang makitsismis ng apo ng amo. Curious lang kumbaga.

Wala lang. I’m just curious, iyon ang sagot ni Alden.

Biglang may nanunukso nang ilang clanmates sa kanila sa chatroom. Napilitan tuloy mag-log out si Divina dahil nahiya siyang bigla kay Alden. Kung alam lang ng mga ito na langit at lupa ang agwat nila ni Striker888. Hindi dapat sila tinutukso.

Nadismaya si Divina nang malamang hindi naka-online si Alden. Bakit kaya? Sa pagkakaalam niya ay nasa mansiyon si Alden at hindi umalis. Na-curious siya kung ano ang ginagawa ng lalaki at hindi ito naka-online kaya tumayo siya para hanapin ang senyorito.

Wala sa first floor si Alden. Wala sa komedor, kusina, library, entertainment room, et cetera. Nakita ni Divina na nakabukas ang silid ni Alden pero si Let-let ang naabutan niya na siyang nakatokang maglinis sa silid ng senyorito. Nahuli pa nga niya na sinisinghot ni Let-let ang nagamit nang damit sa laundry basket. Napapapikit pa ito na animo ay nasisiyahan sa amoy. Hindi na lang siya nag-react at tahimik na iniwan ang kasambahay. Hindi na siya magtataka kung lahat ng kasambahay ay gumagawa niyon. Baka nga pati si Ate Luming, ayaw lang ipahalata.

Napagpasyahan ni Divina na lumabas sa bahay at namataan niya ang nakatalikod sa direksiyon niyang sina Neneng at Tekla na kapwa nakatago sa likod ng nakabukas na wooden sliding doors at mukhang may sinisilip sa pool area. Naghahagikgikan ang dalawa at nagpapaluan sa balikat habang may tinatanaw sa labas.

“Ang hot niya talaga!” mahinang sabi ni Neneng.

Agad na nahulaan ni Divina kung ano ang ginagawa ng dalawang kasambahay. Sinisilip ng mga ito si Alden na nagsi-swimming sa pool.

“Ang yummy niya!” sabi naman ni Tekla. “Sana akin na lang siya.”

“Anong sa ‘yo? Walang sa ‘yo, Tekla. Akin lang ang senyorito ko!” intense na pagke-claim ni Neneng. Mas intense pa sa pagkaka-deliver ni Angel Locsin sa The Legal Wife.

Kitang-kita ni Divina kung paano napanganga si Tekla sa sinabi ni Neneng. “I’m not gonna gib up Senyorito without putting a goddamn payt!”

Si Divina naman ang napanganga sa dialogue ni Tekla. Aba’t uma-Anne Curtis sa No Other Woman pa ang isang ito. Parang gusto niyang pag-untugin ang dalawa. Pero baka siya ang mapulaan kapag nakialam siya sa pamboboso ng mga ito sa senyorito. Kaya umakyat na lang siya sa second floor at pumunta sa verandah para silipin si Alden sa swimming pool. Curious lang siya kung ano ang nakikita nina Neneng at Tekla at bakit kailangang magbatuhan ng maaanghang na linya sa telebisyon at pelikula ang dalawa para sa senyorito.

Patagong sinilip ni Divina ang pool area kung saan nakita niya si Alden na paahon na galing sa pool. Napatutop siya ng bibig. Naka-black cyling shorts lang ang lalaki. Walang suot pang-itaas. Nanlaki ang mga mata niya nang matuon ang tingin sa abs ni Alden. Kaya naman pala ganoon ka-intense kung magpalitan ng dialogues sina Neneng at Tekla. Kung naka-expose ba naman nang ganoon ang six-pack abs ng senyorito.

At kung makahagod naman ng basang buhok patalikod si Alden gamit ang mga daliri ay parang nasa shooting ito ng isang sexy beach scene. Sigurado si Divina na tumutulo na ang laway ng dalawang kasambahay na namboboso.

Natigilan si Divina sa naisip. Na-realize niyang nakaupo siya sa floor ng veranda at nakasilip sa open space ng carved balustrade ng verandah. Hindi ba at namboboso rin siya sa ginagawa niya?

Curious lang ako, depensa ni Divina sa isip.

Dapat ay umalis na si Divina doon dahil nasagot na ang curiosity niya pero parang hindi siya makagalaw at patuloy na inibsan ang “curiosity.” Dahil twenty-twenty ang vision ni Divina, kitang-kita niya kung paano naglalandas ang ilang butil ng tubig sa malapad na dibdib ng senyorito papunta sa abs nito at pababa pa.

Pinagtatampal ni Divina ang mga pisngi. Hindi dapat niya ginagawa iyon. Hindi siya nagpunta sa mansiyon na iyon para panoorin ang pagsi-swimming ng apo ni Donya Nidora. May misyon siya. At hindi makakatulong ang abs ni Alden sa misyon niya.

“Yaya Dub!”

Biglang napatayo si Divina nang marinig ang pagtawag ni Donya Nidora. Nataranta siya dahil baka mahuli siya ng donya na pinapanood ang apo nitong half-naked. Sa pagkataranta niya ay hindi niya agad namalayan na nakatayo na siya at wala nang balusters na nakaharang sa kanya. Pagbalik niya ng tingin sa swimming pool ay nasalubong niya ang tingin ng nakatingalang senyorito. Nanlaki ang mga mata niya at mabilis na umupo ulit upang magtago. Nang muli niyang silipin si Alden sa puwang ng balusters ay nakita niyang nakatingala pa rin ito. Gumuhit ang ngiti sa mga labi ng binata.

Napangiwi si Divina. Mukhang nagka-ideya si Alden na sinisilip niya ito. Gumapang na lang siya palabas ng verandah para daluhan ang gising nang donya.

 

“TONTA!”

Napangiwi si Divina nang pingutin ni Donya Nidora ang tainga niya na para siyang isang batang nahuling naglalaro sa kanal ng masungit na lola. Ang akala niya ay nakalimutan na ng donya ang atraso niya kanina nang mabitiwan niya ang baso sa kandungan ng matanda. Dahilan para mabasa ng tubig ang magarang damit nitong galing pa sa Italy. Nagpigil lang pala ito hanggang sa makauwi sila sa mansiyon dahil ayaw ipakita sa mga amiga kung paano ito mag-transform sa pagiging isang goblin. Mukhang nag-ipon ng lakas para mabulyawan siya nang makabasag-eardrums.

Ang akala pa man din ni Divina ay nagbago na si Donya Nidora. Dahil simula nang bumalik ang apo nito ay halos hindi na ito nagsusungit at madalas na in good mood.

“Ipinahiya mo ako sa mga amiga ko!” bulyaw ng matanda. “Napaka-clumsy mo talaga!” Binitiwan nito ang tainga niya.

Nakipagtsika-tsika kasi si Donya Nidora sa mga amiga sa mansiyon ng isang amiga. Narinig kasi niya ang pag-uusap ng mga tanders tungkol kay Alden. Binabalak ni Donya Nidora na i-matchmake ang apo sa apo ng isang amiga. Na-sidetrack siya sa narinig kaya ang iniaabot na isang basong tubig kay Donya Nidora ay naitapon niya sa kandungan ng matanda.

“Sorry na po,” paumanhin ni Divina. “Hindi ko naman po sinasadya.”

“Palagi na lang hindi mo sinasadya! Paano kung mapatay mo ako nang hindi sinasadya? Sorry na lang, gano’n?”

“Senyora naman, eh. Hindi nakakamatay ang isang baso ng tubig.”

Inambaan siya ng abaniko ni Donya Nidora. “Aba’t! Sumasagot ka pa, eh!”

Iniharang ni Divina ang mga braso, sabay sibi.

“Ibabawas ko sa suweldo mo ang damit na ‘yon.”

“Hindi naman po nasira. Nabasa lang. ‘Yong pampa-dry clean na lang po ang ibawas n’yo sa suweldo ko.”

“At tumatawad ka pa!” Dinuru-duro ni Donya Nidora si Divina na pilit na iniiwas ang mukha. “Binabalaan kita. Kapag ipinahiya mo pa ulit ako sa mga amiga ko—”

“Grandma!”

Napatingin si Divina sa pinagmulan ng tinig ni Alden. Saglit lang na nagtama ang paningin nila ng binata. Lumapit ito sa lola.

“Hijo…” Biglang nawala sa beast mode si Donya Nidora. Lumambot ang mukha nito pagkakita sa apo.

Umakbay si Alden sa lola. “Grandma, calm down,” pagpapakalma ni Alden sa lola. “Sabi ko naman sa ‘yo, cool ka lang dapat, eh. Kaka-botox mo lang ‘di ba? Malulukot na naman ang face mo nyan, eh.”

“Ito kasing babaeng ito. Masyadong tonta,” tukoy ng donya kay Divina.

“Tama na ‘yan,” cool na cool na awat ni Alden sa lola. “Manood na lang tayo ng movie. Para lumamig-lamig ang ulo mo.” Ipinihit ng lalaki ang matanda paiwas kay Divina at ipiniling nito ang ulo na para bang sinesenyasan siya na umeskapo na. Iginiya ni Alden ang lola palayo sa kanya.

Imbes na umeskapo ay nanatiling nakatayo si Divina habang sinusundan ng tingin ang paglayo ng mag-lola. Diyata’t iniligtas siya ni Alden sa panenermon ng lola nito? Napangiti siya. Pakiramdam niya ay isa siyang damsel in distress na iniligtas ng kanyang knight in shining armour. Sinaway rin kaagad niya ang sarili sa tinatakbo ng isip. Baka naman ayaw lang ni Alden na ma-highblood ang lola nito sa kanya kaya ginawa iyon. Inaalala lang ng apo ang kalusugan ng lola. Hindi dapat siya mag-ilusyon na nagke-care sa kanya ang guwapong senyorito.

 

UMUPO si Divina sa isang baitang ng hagdan na malapit sa komedor paharap sa hardin at nangalumbaba. Naho-homesick na naman siya. Narinig na naman kasi niya ang boses ng tatay at lolo niya sa cellphone nang tumawag siya sa bahay nila sa Palawan. Nami-miss na niya ang mga ito. Ayaw kasi siyang bigyan ng mahabang day-off ni Donya Nidora.

Nagtataka ang tatay ni Divina kung bakit hindi pa siya makauwi ni isang beses gayong isang buwan na siya sa Maynila. Hindi ba raw siya binibigyan ng day-off ng amo niya sa salon. Walang kaalam-alam ang pamilya niya na hindi siya sa isang sosyal na salon nagtatrabaho. Walang ideya ang mga ito na pumasok siya bilang alalay ng taong minsang naging dahilan ng pighati ng kanyang ina at hinahayaan itong pagmalupitan siya sa tuwing naka-beast mode ito.

Sa isiping iyon ay parang gustong sabunutan ni Divina ang sarili. Bakit nga ba siya pumapayag na pagmalupitan ni Donya Nidora? Mabait kasi siyang bata, iyon ang laging sinasabi ng kanyang yumaong lola. Madali siyang magpatawad. Hindi siya mapagkimkim ng galit. Mapagparaya siya. Matiisin. Mababa ang loob. Magalang at compassionate siya sa mga matatanda dahil pinalaki siya ng mga matatanda. Kaya siguro kahit nabubuwisit na siya kay Donya Nidora ay hindi niya ito kayang kasuklaman nang totoo.

Pero parang napapagod na si Divina. Naiinip na siya sa pagbabalik ni Amadoro. Kung hindi lang niya inaalala ang ina ay aalis na talaga siya roon. Naumpisahan na niya kaya kailangan na niyang tapusin iyon. Konting tiis pa. Sa isang buwan ay kaarawan daw ni Donya Nidora kaya siguradong uuwi si Amadoro para sa selebrasyon ng ika-walumpung taong kaarawan ng ina. Makikita na ni Divina sa wakas si Amadoro. Masasabi na niya rito ang totoong nangyari twenty six years ago.

‘Nay… konti na lang. Konting tiis na lang. Malilinis ko na rin ang pangalan mo, kausap niya sa ina sa isip.

Namalayan na lang ni Divina na lumuluha na siya. Hanggang ngayon ay naluluha pa rin siya sa tuwing naiisip ang katotohanan na siya ang naging dahilan ng pagkawala nito sa mundo dahil mas pinili nito na mabuhay siya kaysa sa sarili nito.

Magtitiis ako para sa ‘yo, ‘Nay. Kahit mamatay ako sa kunsumisyon kay Donya Nidora, malinis ko lang ang pangalan mo sa taong naging mahalaga sa buhay mo…

Napapitlag si Divina nang maramdamang may umupo sa tabi niya sa hagdan. Nasalubong niya ang tingin ni Alden na umupo one seat apart sa kanya. Nakakunot ang noo ng binata habang nakatingin sa mukha niya.

“Umiiyak ka?” tanong ni Alden.

Mabilis na pinunasan ni Divina ang mga luhang nagkalat sa pisngi. “B-Ba’t gising ka pa? Wala ka bang pasok bukas?”

Ala-una na nang madaling araw. Hindi makatulog si Divina sa pagka-homesick kaya lumabas siya sa maid’s quarter at nagpahangin sa labas. Ang pagkakaalam niya ay tulog na ang lahat sa mansiyon, pati ang senyorito dahil ang alam niya ay may pasok ito sa opisina kinabukasan.

“Hindi ako makatulog, eh. Ba’t ka umiiyak? Dahil ba pinagalitan ka ni Grandma kanina?”

“Huh?”

“Ako na ang humihingi ng pasensiya para sa lola ko,” kaagad na patuloy ni Alden. “I admit she’s indeed cranky. Ang sama niyang magalit. Hindi uso sa kanya ang magpasensiya.”

“Kaya ko naman siyang pagpasensiyahan, eh.”

“Bilib nga ako sa ‘yo, eh. Paano mo natitiis ang lola ko? Alam mo bang ikaw lang ang nagtagal na assistant niya? One month, natagalan mo? One week maximum lang ang itinatagal ng mga assistant niya. Umaalis agad. Ang tatag mo.”

Hinding-hindi aaminin ni Divina kay Alden na matagal na niyang gustong layasan ang lola nito pero kailangan niyang manatili dahil sa kanyang misyon.

“Mahaba lang talaga ang pasensiya ko sa mga matatanda. Ang lolo at lola ko kasi ang nag-aalaga sa akin noon. Pero mababait ang lolo’t-lola ko. Malayong-malayo sa ugali ng lola mo. Pero simula noong dumating ka, napansin ko, medyo bumait na ang lola mo. Bihira na siyang magalit. Kaya siguro dapat hindi mo siya iniiwan. Kailangan ka niya dahil parang ikaw na lang ang pamilya niya. Balita ko kasi nasa Amerika ‘yong isa pa niyang anak at apo. Feeling ko, malungkot siya kapag wala siyang kasamang kapamilya. Kaya sa pagsusungit at pagtataray niya inilalabas ang lungkot niya. Iyon ang nagiging outlet niya.”

Hatalang napaisip si Alden sa mga sinabi ni Divina. “I need to break free sometimes. Kaya ako umaalis. Minsan kasi nag-aaway din kami ni Grandma kapag sumosobra na siya sa pagmamando sa akin. Sometimes she thinks she owns my life just because she’s been my guardian since I was thirteen when my parents both died.” Umiling-iling ang binata at tumingin sa malayo. “I wanted to be an architect pero tumutol siya. Gusto niya akong maging businessman para may magmana ng kompanya niya. I wanted to build houses but she wanted me to be a corporate leader. Pinagbigyan ko siya dahil nga naman walang magmamana ng leadership sa kompanya niya, because my uncle chose to disobey him. Pero habang nagte-train ako sa kompanya, nabo-bore ako. Wala doon ang puso ko kaya hindi ko maibigay ang best ko. I feel like I’m trapped now. And even if I can escape from it… I shouldn’t do it.” Nagpakawala ng bumtong-hininga ito.

Nakadama ng pagka-awa si Divina para kay Alden. Nauunawaan niya ang sitwasyon nito. Kinalimutan ng binata ang sariling pangarap para pagbigyan ang lolang nag-aruga rito. Hindi niya akalain na sa likod ng masiyahing personality ni Alden ay may itinatago pala itong lungkot at matinding frustrations sa buhay.

“Naiintidihan kita,” wika ni Divina. “Mahirap nga ang nasa sitwasyon mo. Mahirap din palang maging mayaman, no? Mahirap din palang maging tagapagmana.”

“You have no idea how I sometimes wish I was not this rich.”

“Pero bilib din ako sa ‘yo. Kasi puwede mo namang gawin ‘yong ginawa ng uncle mo, eh. Apo ka lang naman. Siya, anak. Pero hindi mo ginawa. Ibig sabihin, mahal mo talaga ang lola mo. Mabuti kang apo.”

Wala sa loob na dumako ang kamay ni Divina sa bulsa at nakapa ang ibinulsa niya kanina bago siya lumabas ng silid. Dinukot niya ang dalawang maliit na parihabang peanut-chocolate bar na nakabalot at may label na Hany at inalok ang isa ay Alden. “Gusto mo?”

“Ano ‘yan?”

Inaasahan na ni Divina na hindi alam ni Alden ang local chocolate brand na iyon dahil halata namang ang alam lang nito ay mga mamahalin at imported brands ng chocolate bars. “Pampangiti.” Ngumiti siya.

Halatang curious si Alden nang tanggapin ang maliit na chocolate bar at ininspeksiyon ang label.

“Masarap ‘yan. Tikman mo. Noong bata ako kapag malungkot ako, binibigyan lang ako ng ganyan ng tatay ko at napapangiti na ako.”

“Talaga?” Sinimulang buksan ni Alden ang balot ng tsokolate. Mukhang hindi inaasahan ng binata na malambot iyon kaya nabali iyon nang tangkain nitong hawakan iyon.

“Malambot lang talaga ‘yan.” Pinanood ni Divina kung paano kainin ni Alden ang Hany. Hindi pa man siya kumakain ng Hany, napangiti na siya nang makitang ngumiti ang binata matapos tikman ang tsokolate.

“In fairness, masarap nga.”

Humagikgik si Divina. “Sabi ko sa ‘yo. Napangiti ka, ‘di ba?”

Tumangu-tango si Alden habang nakangiti. “Magpapabili ako kay Ate Tekla ng ganito bukas kapag nag-grocery siya.” Tinitigan siya ng lalaki. “Thank you.”

Hinampas ni Divina ang hangin sa pagitan nila. “Maliit na bagay. Saka mura lang ‘yan. One-fifty lang ‘yan sa tindahan.”

“Thank you for listening. I’m happy na may nakakausap na ako dito sa bahay.”

Parang may humaplos sa puso ni Divina sa sinabi ni Alden. Pakiramdam niya ay close na sila. Hindi pa man niya nakakain ang Hany niya ay napapangiti na siya.

 

Previous: An AlDub Fanfiction – Chapter 2

Next: An AlDub Fanfiction – Chapter 4