Book Preview,  Upcoming Books

[PREVIEW]Between An Old Memory And Us

Be the first to read the excerpt of Heart Yngrid’s upcoming self-published novel slated to be released this October.

NOTE: This preview is raw and unedited.

PROLOGUE

SARAP na sarap si Aera sa isaw na nginunguya. Habang si Bart ay nakahiga sa picnic cloth at nakaunan sa mga hita niya. Nasa parke sila na paborito nilang pagtambayan. Doon sa ilalim ng matandang puno ay naglatag ng picnic cloth si Bart. May dala silang street foods, burgers, soft drinks in can at Cloud9 chocolate bars.

First anniversary nila bilang magnobyo. Iyon lang ang hiniling ni Aera kay Bart—isang picnic date para sa anniversary nila. Ayaw niyang gumastos nang malaki ang boyfriend dahil alam niyang may kailangan itong paglaanan ng perang kinikita mula sa paghahanapbuhay.

At nineteen, marami nang trabaho ang pinasok ni Bart. Naging carwash boy, factory worker, delivery boy hanggang sa maging isang service crew sa isang sikat na fast food chain.

Mahirap lang si Bart. Lumaki kasing walang ama. Binuhay lang ito ng ina sa pagtitinda ng mga pamparegla at anting-anting sa Quiapo habang suma-sideline bilang manghuhula. Pero namatay sa sakit sa baga ang nanay nito three years ago kaya kahit minor pa ay nagsimula nang magbanat ng buto ang lalaki para buhayin at paaralin ang sarili.

Mataas ang pangarap ni Bart. Gusto nitong yumaman balang-araw kaya naman nagsusumikap itong makatapos ng pag-aaral sa kabila ng kahirapan. Pangarap nitong makapagsuot ng business suit someday. Gusto nitong makapagtayo ng sariling negosyo at maging isang magaling na CEO. Oo, hindi naman sobrang talino nito pero madiskarte at masipag ang boyfriend niya. Kaya alam niyang may pag-asang matupad ang mga pangarap nito balang-araw.

Actually, pangarap nila. Si Aera man ay ngangarap ding yumaman balang-araw. O mas tama sigurong sabihing “yumaman ulit.” Lumaki siya sa luho noong bata pa pero noong nine years old siya ay nagbago ang buhay niya.

Nang magkasakit at mamatay ang mommy niya noong nine years old siya ay dumanas ng depression ang daddy niya. At dahil siguro nag-suffer ang mental health ay naging alcoholic ito at napabayaan ang negosyo nila hanggang sa na-bankrupt iyon at nabaon sila sa utang.

Mula sa malaking mansiyon na kinalakihan ni Aera at lumipat sila sa isang maliit na bahay dahil naibentang lahat ng ari-arian nila para maipambayad sa mga utang. Pagkalipas lang ng isang taon, iniwan na rin siya ng ama nang ma-stroke ito.

Kinupkop si Aera ng nag-iisa niyang tiya na kapatid ng kanyang mommy. Gamit ang perang nakuha sa life insurance ng daddy niya, binuhay siya nito. Pero mag-aasawa na si Tita Sally in two months kaya iiwan na siya nitong mag-isa sa buhay.

Tutal naman ay eighteen na siya at hindi na menor de edad kaya hindi naging issue sa kanya kung iiwan na siya ng tiya. Sapat na ang pag-aalagang ginawa nito sa kanya. Pero ang sabi nito ay padadalhan pa rin siya ng allowance buwan-buwan hanggang sa makatapos siya ng pag-aaral. May educational plans si Aera kaya walang problema sa tuition fees niya hanggang sa maka-graduate siya.

Kung masaklap ang buhay ni Bart dahil lumaki ito sa hirap, siya naman ay maagang naulila sa mga magulang kaya pareho lang silang may masaklap na kapalaran.

“`Sarap ba?” tanong ni Bart.

Tumango si Aera habang hinihila ng ngipin ang huling kagat ng isaw. Nang ilapag ang stick ay niyuko niya si Bart at nakitang nakangisi ito habang nakatingin sa kanya. Nanlaki ang mga mata niya nang mapansin ang tatlong patak ng sauce ng isaw sa noo ng lalaki.

“Hala! Sorry!” Mabilis na dinukot ni Aera ang panyo mula sa backpack sa kanyang tabi at pinunasan ang noo ng boyfriend. “Hindi mo sinabi na natutuluan ka na pala.”

“Okay lang kahit mapuno `tong guwapo kong mukha ng sauce ng isaw mo, basta makita kitang masaya at busog,” nakangising sabi nito.

Lumaki ang ngiti ni Aera. “Super sweet naman ngayon ng beb ko. Dahil ba anniversary natin?”

“Sweet naman talaga ako, ah. Gusto mo, subuan kita?” Kahit nakahiga ay nagawang makaabot ni Bart ng tatlong piraso ng kwek-kwek at isinubo ang mga iyon sa bibig niya.

Sinabunutan ni Aera ang lalaking tumatawa habang pinanonood siyang hirap na hirap sa pagnguya ng tatlong piraso ng kwek-kwek. Sa asar niya ay binugahan niya ang nobyo ng nginuyang quail eggs. Hindi naman nandiri si Bart ginawa niya. Bagkus ay mas naaliw pa.

Seven years silang magkaibigan bago naging magkasintahan kaya ganoon sila kakomportable sa isa’t isa. Nakilala ni Aera si Bart noong lumipat sila sa maliit na bahay dahil naging magkapitbahay sila.

Bumangon si Bart at umupo na lang sa tabi ni Aera habang inaalis ang mga ibinuga niya sa mukha nito. “`Wag ka nang ganyan kabalahura kapag nag-celebrate na tayo sa fine dining restaurant sa next anniversaries natin, ah. Kundi nakakahiya ka.”

“Fine dining talaga, ha?”

“Dadalhin kita sa Emillani’s someday,” confident na sabi nito. “Patitikimin kita ng steak doon.”

Sa tuwing dumaraan kami sa sosyal na restaurant na iyon ay palaging natatakam si Bart sa napakamahal na steak.

“Someday…” sabi ni Bart habang nakatanaw sa homeless children na naglalaro sa di-kalayuan, “magiging parang barya na lang sa atin ang pambili ng steak sa Emillani’s. Bibili ako nang marami. Ipapakain ko sa street children.”

Nahagikgik si Aera. “Ganoon kayaman ka magiging someday?”

“Oo. Baka bilhin ko na nga rin `yong Emilliani’s.”

Nagtawanan sila.

“`Tapos, magpo-propose ako sa `yo sa Paris.” Tinutop ni Bart ang bibig. “Shit. Spoiler. Alam mo na tuloy na kapag niyaya kita sa Paris, magpo-propose na `ko ng kasal.”

Hinampas ni Aera sa balikat si Bart habang tumatawa. “Gandahan mo’ng pagpili ng diamond ring ko, ha.”

“Ilang kilo ba ng diamond ang kaya ng daliri mo?”

Humagikgik si Aera.

“Pagagawan kita ng diamond-studded na wedding gown. Saan mo ba gustong magpakasal? Sa Switzerland?”

Hinayaan na lang niya si Bart na magyabang tungkol sa maluhong buhay na nakatakda raw nilang maranasan balang-araw. Humilig siya sa balikat ng boyfriend at tumitig sa suot nitong worn out canvass shoes na fake Converse.

Hindi alam ni Aera kung paano matutupad ang mga pangarap ni Bart kung ni sapatos ay hindi nito mabilhan ang sarili kahit na kumikita na ng minimum wage. Pero sana nga ay matikman nito ang maalwang buhay balang-araw. Saksi kasi siya sa paghihirap na dinanas ng lalaki habang lumalaki.

Noong lumipat si Tita Sally sa bahay na iniwan ng daddy niya ay nagtayo ito ng malaking sari-sari store doon. Madalas papuntahin si Bart ng nanay nito sa tindahan nila para mangutang ng de lata, instant noodles at bigas. Kaya alam ni Aera kung gaano kahirap ang buhay na kinalakihan ni Bart.

Hindi kasi palaging malakas ang benta ng mga pamparegla at may nauuto si Aling Lina na magpahula rito kaya minsan ay walang makain ang mag-ina. Nangungupahan lang sila sa isang maliit na kuwarto. Lumaking salat sa maraming bagay si Bart at kahit sa murang edad ay gumagawa na ng paraan para magkapera. Kaya naiintindihan ni Aera kung bakit ganoon na lang ang paghahangad nitong yumaman.

Ang sabi ni Bart, kapag yumaman ito, bibilhin nito ang mansiyong naibenta noong bata pa siya at ibibigay sa kanya. Iyon din talaga ang goal ni Aera. Gusto niyang bumalik sa kanila ang mansiyong iyon. Kaya lang ay hindi siya confident na magagawa iyon dahil alam niyang mahihirapan siyang maging self-made millionaire. Kaya suportado na lang niya ang pangarap ni Bart dahil may pakiramdam siyang kaya nitong yumaman.

Hinugot ni Aera mula sa backpack ang parihabang kahon na nakabalot ng gift wrapper at inilapag sa kandungan ni Bart. “Gift ko sa ‘yo.”

Ngumisi si Bart. “Hindi halatang sapatos `to, ah.”

“Paano ka nakasiguro? Paano kung pinaglagyan ko lang `yong shoebox na nakatambak sa bahay?”

May hinugot si Bart mula sa bulsa ng sariling backpack. Kinuha nito ang kamay niya at inilapag sa mga palad ang isang maliit na itim na kahon. Ngumiti si Aera at excited na binuksan iyon. Tumambad sa paningin niya ang isang butterfly gold pendant na may manipis na chain. Alam ng lalaki na mahilig siya sa butterflies.

“Ang ganda!” nakangiting bulalas ni Aera habang pinagmamasdan ang kuwintas na kinuha mula sa box. “Hindi halatang gold plated.”

Inagaw ni Bart mula sa kamay niya ang kuwintas. “Anong gold plated? Tunay `to, `no? Twenty-one karat.”

Nanlaki ang mga mata ni Aera. “Bakit bumili ka ng totoong ginto? Eh, `di mahal `yan!” snap niya.

Ngumiti si Bart at nag-lean forward sa kanya para isuot sa kanya ang kuwintas. “Mahal… kasi mahal kita,” sabi nito nang matapos maikabit ang hook ng butterfly necklace.

Hinampas ni Aera sa braso ang lalaki at pinandilatan ito. “Sabi ko sa `yo, ‘di ba, `wag mo `kong bibilhan ng mamahaling regalo?”

Noong minsang binilhan siya ni Bart ng malaking teddy bear na limang daang piso ang presyo ay pinagalitan niya ito. Ang bilin niya sa boyfriend ay huwag nang gagasta nang mahal para sa kanya at ilaan na lang ang pera sa pag-aaral nito at panggastos sa sarili.

Ni hindi nga nito mabilhan ng bagong sapatos ang sarili pero nagawa siyang bilhan ng alahas na ginto.

Nagkamot ng ulo si Bart. Mukhang hindi iyon ang inaasahang reaksiyon mula sa girlfriend na niregaluhan nang gintong kuwintas. “First anniversary natin `tapos gusto mong bigyan kita ng gold plated? Ikaw lang yata `yong babaeng ayaw mabigyan ng ginto.”

“Gusto ko rin ng ginto! Pero hindi pa sa ngayon. Gusto ko ilaan mo `yang perang pinagtatrabahuhan mo para sa pag-aaral mo. `Sabi ko sa `yo, hindi mo `ko kailangang bigyan ng mamahaling regalo, `di ba? At saka mai-snatch lang sa `kin `to. Alam mo naman sa lugar natin.”

Halatang nalungkot si Bart. “Hindi ko alam kung dapat akong magpasalamat na hindi maluho ang girlfriend ko.”

Inabot ni Aera ang hook ng kuwintas para tanggalin iyon. “Isauli mo `to bukas sa pinagbilhan mo.”

“Kapag tinanggal mo `yan, iiwan kita rito.”

Natigil siya sa paghuhubad ng kuwintas at sinalubong ang tingin ni Bart. Bihira ang pagkakataong seryoso ang mukha nito dahil palangiti ang lalaki kaya alam niyang hindi nagbibiro ito.

“Para ano pang naging boyfriend mo `ko kung hindi mo `ko hahayaang bigyan ka ng regalong gusto ko para sa `yo? Ilang kasamahan ko `yong c-in-over-an ko ang shift at ilang araw akong nag-overtime para mabili `yan para sa `yo tapos tatanggihan mo lang. Nagtrabaho ako nang extra para diyan. Hindi ako kumuha galing sa allowance ko.”

Bumuntong-hininga si Aera at ibinaba na ang mga kamay. Nakaramdam siya ng guilt habang nakatitig sa mga mata ni Bart na puno ng pagtatampo.

“Okay, fine.” Humawak siya sa braso nito. “Sorry na. Na-appreciate ko naman `yong effort mo kaya lang… ayokong maging pabigat sa `yo. Kaya hindi mo `ko kailangang bigyan ng mga mamahaling materyal na bagay. Ikaw lang ang kailangan ko. `Yong free time mo, `yong parte ng atensiyon mo at pagmamahal mo. Sapat na sa `kin `yon… sa ngayon. Kapag nakatapos ka na ng pag-aaral, kapag may magandang trabaho ka na o negosyo, doon na lang ako mag-e-expect ng mga ganito galing sa `yo.” Hinawakan niya ang kuwintas na suot. “At ng diamond ring na ibibigay mo sa akin sa Paris. Saka `yong mansiyon namin na bibilhin mo para ibalik sa amin ni Mama.”

Unti-unti nang sumilay ang ngiti sa mga labi ni Bart. Ganoon lang kabilis mawala ang tampo at galit nito. Ganoon lang kadaling bumigay sa paglalambing niya. Kapag nagtatalo nga sila ay hindi tumatagal dahil hindi ito nagtatanim ng galit.

“Thank you dito, beb,” tukoy ni Aera sa kuwintas. “Buksan mo na `yong regalo ko sa `yo.”

Sinimulan na ni Bart na sirain ang gift wrapper. Nakita ni Aera ang panlalaki ng mga mata ng lalaki nang mabuksan ang kahon na may tatak na Converse. Manghang bumaling ito sa kanya.

“Authentic `to?” tukoy sa canvass shoes.

Nang tumango si Aera ay tumawa nang pahaw si Bart.

“Ayos ka, beb, ah. Ako, hindi puwedeng magbigay ng mamahalin sa `yo pero ikaw, puwede?” Bumalik ang pagtatampo sa mga mata nito. “Ni wala ka ngang trabaho. Saan mo kinuha `yong pambili dito? Ibinawas mo sa allowance na binibigay ng papa mo?”

“May ipon ako, ‘di ba? Hindi ko talaga ginagastos `yong buong allowance ko kahit noon pa. Doon ko kinuha `yong pambili diyan. Alam ko, matagal mo nang gustong magkaroon ng authentic na Converse shoes pero kailangan mong unahin `yong mga kailangan talaga. Kaya ako na lang `yong bumili para sa `yo.”

Nagbuga ng hangin si Bart at pagkatapos ay tumawa pero halatang hindi natutuwa. “Ang unfair mo, beb. Ikaw lang `yong may karapatang magbigay ng mamahaling regalo. Ako, wala. Gano’n ba talaga ka-helpless ang tingin mo sa `kin dahil mahirap lang ako?”

“Ano ba’ng sinasabi mo? Hindi rin naman ako mayaman, ah.”

“Pero ipinaramdam mo sa `kin today kung gaano ako kahirap.”

Hindi nakasagot si Aera habang nakatitig sa mga mata ni Bart na puno ng pagdaramdam. Ganoon ba ang dating ng pagmamalasakit niya? Kahit kailan ay hindi niya minaliit ito. Hindi nito kasalanan kung bakit mahirap ito. In fact, hinahangaan niya ang pagsusumikap nitong makaahon sa hirap.

“Ipinaramdam mo sa akin na dapat kong kaawaan ang sarili ko,” patuloy ni Bart. “Pakiramdam ko… bumalik ako sa panahong nangangalampag pa ako sa tindahan n’yo para mangutang ng isang lata ng sardinas. Binibigyan mo pa `ko ng libreng candy o tsitsiryang tag-pipiso kasama ng sardinas dahil naaawa ka sa `kin.”

Marahang umiling-iling si Aera habang nagpipigil na maluha. Gusto niyang magpaliwanag dito pero parang hindi niya magawang makapagsalita dahil sa nakitang hinanakit sa mga mata ng kanyang boyfriend.

Bumuntong-hininga si Bart. Inilapag nito ang kahon ng sapatos at tumayo na. Nag-panic na tumayo rin si Aera. Iiwan ba siya nito roon?

“Kailangan ko lang munang magpalamig, Aera.” Humakbang palayo si Bart.

Hindi nito dinala ang backpack kaya alam niyang babalik ito. Pakakalmahin lang siguro ang emosyon tulad ng ginagawa sa tuwing nagtatalo sila. Bago pa makalayo si Bart ay hinabol niya ito at niyakap mula sa likod para hindi na nito ituloy ang pansamantalang paglayo.

“I love you,” sabi niya. “Masyado kitang mahal para maliitin ka lang. Kahit kailan, hindi kita minaliit dahil lumaki ka sa hirap. Sa tingin mo ba, mamahalin kita kung maliit lang ang tingin ko sa `yo? Salat ka sa buhay pero ang dami mong traits na dapat mong ipagmalaki. Mga traits na minahal ko sa `yo….” Nagsimulang tumulo ang mga luha ni Aera.

Beb,” patuloy niya, “ayaw ko lang makadagdag sa mga pasanin mo sa buhay. Instead, gusto kitang tulungang magbuhat ng mga dalahin mo para makarating ka agad sa gusto mong marating. `Di ba `yon naman dapat ang maging role natin sa buhay ng isa’t isa? `Yong maging katuwang natin ang isa’t isa? No’ng tinanggap kita sa buhay ko, ginawa ko na ring goal `yong goal mo. Gusto ko, matupad mo `yong pangarap mo habang kasama mo `ko. Gano’n ka rin naman sa `kin, `di ba? Nandiyan ka rin lagi para sa `kin. Sorry kung ganoon `yong naging dating sa `yo ng pagbibigay ko sa `yo ng sapatos na `yon. Alam ko lang kasi na gustung-gusto mong magkaroon ng authentic Converse na `yon kaya ang akala ko, masisiyahan ka. Naiintindihan ko na kung bakit gusto mo `kong bigyan ng mamahaling kuwintas. Gusto mong ma-appreciate ko na pinaghirapan mo `yon para sa `kin. Sorry kung nag-overreact ako kanina…”

Hindi na napigilan ni Aera ang pumalahaw ng iyak. “At saka… kahit noong nagpupunta ka sa tindahan para mangutang ng sardinas, hindi kita minaliit. Binibigyan kita ng libreng candy o tsitsirya kasama ng de lata, hindi dahil naaawa ako sa sa `yo. `Yong totoo… crush na kasi kita no’n…”

Naramdaman ni Aera ang pagkalas ni Bart sa mga kamay niya para pakawalan ang sarili sa pagkakayakap niya rito. Ang akala niya ay itutuloy ng lalaki ang pang-iiwan sa kanya kaya nag-panic siya pero nakaramdam siya ng relief nang pumihit ito at yakapin siya. Ipinagpatuloy niya ang malakas na pag-iyak habang nakasubsob sa dibdib nito.

“Sorry na,” masuyong sabi ni Bart habang hinahagod ang likod niya, “kung nag-emote ako kanina. Pareho lang tayong OA. `Wag ka nang umiyak, please? Nakatingin na sa `tin `yong mga bata. Baka isipin nila, inaano kita.”

Nang tumahan na si Aera ay nag-angat siya ng mukha at niyuko siya ni Bart. Pinawi nito ang luha sa mga mata niya. Nakita niya ang fondness sa mga mata nito na kaagad na nalangkapan ng panunudyo.

“Crush mo na pala ako no’n, ah. Ba’t ngayon mo lang sinabi?”

Hinampas niya sa dibdib ito. “Kainis ka! Tampo-tampo ka pa kasi, nalaman mo tuloy `yong sikreto ko.”

Tumawa si Bart. “I love you,” malambing na sabi nito. “Ang suwerte ko kasi ako `yong pinili mo kahit maraming may-kaya sa buhay na nanliligaw sa `yo. `Malas nila kasi hindi nila mararanasang magkaro’n ng ganito ka-supportive, undemanding and caring na girlfriend.” Hinaplos nito ang pisngi niya. “Happy anniversary, beb.” 

Sa wakas ay napangiti na si Aera. “Happy anniversary!” Tumingkayad siya para abutin ang mga labi ni Bart.

Ang balak niya ay smack lang pero hindi nito binitiwan ang mga labi niya.


CHAPTER ONE

MUKHA ng isang hindi pamilyar na babae ang nabungaran ni Aera nang imulat ang mga mata. May nurse’s cap ito kaya naisip kaagad niyang nasa ospital siya at nakahiga sa isang hospital bed. Mukhang may neck brace siyang suot dahil hindi niya maigalaw ang leeg. May mga aparato na nakakabit sa kanya. May oxygen tube sa nakapasok sa nostrils niya.

Nagliwanag ang mukha ng nurse nang masalubong ang tingin niya. Humangos ito palabas ng cubicle matapos sabihing tatawagin daw si Doc. Inilibot ni Aera ang tingin sa paligid at natagpuang wala siya sa isang hospital room. Bakit siya nasa ICU? 

Nang maramdamang kumirot ang ulo sa biglaang pagkilos ay sinapo niya iyon at nakapa ang bendang nakapalibot doon.

Ano’ng nangyari sa akin? Naaksidente ba ako?

Nang pumasok ang lalaking doktor ay kaagad nitong ibinuka ang mga mata ko ng dalawang daliri at inilawan ang mga iyon ng maliit na flashlight.

“Kumusta ka, Aera?” tanong ng middle-aged na doktor. “May masakit ba sa `yo?”

“Masakit po `tong ulo ko,” sapo ko sa ulo.

“Gaano kasakit?” tanong nito habang nakatingin sa monitor ng vital stats. “From scale of one to ten?”

“Four?”

“Sundan mo ng tingin ang daliri ko.” Iginalaw ng doktor ang hintuturo sideways at sinunod niya ito.

“Can you stick your tongue out?”

Inilabas ni Aera ang dila.

“Can you count until ten?”

Nagbilang siya.

Inutusan ng doktor ang nurse na hawiin ang kumot ni Aera at naramdaman niya ang mahinang pagpalo nito ng matigas na bagay sa mga tuhod niya.

“Ramdam mo?” tanong nito.

Tumango siya. Pinalo rin nito ang ankles niya at tinanong din kung ramdam niya at um-oo rin siya.

“Ikuwento mo sa `kin `yong nangyaring aksidente.”

Kumunot ang noo ni Aera. “Aksidente? Naaksidente po ako? Paano?”

“Ano na lang ang huli mong natatandaan?” tanong uli ng doktor.

Ang huli niyang natatandaan ay nag-picnic sila ni Bart sa park para i-celebrate ang first anniversary nila. Napangiti si Aera nang maalala ang halik na pinagsaluhan nila ng boyfriend pagkatapos nilang magkatampuhan dahil sa mga regalong ibinigay nila sa isa’t isa.

“Bakit ka nangingiti?” tanong ng doktor.

Mabilis na inalis ni Aera ang ngiti. “Uhm… first anniversary po namin ng boyfriend ko. Nag-picnic kami.”

“I see. Pero hindi mo maalala `yong aksidente?”

Umiling siya. “Napa’no po ba ako?”

“Ang sabi sa record mo, nabangga raw sa puno `yong scooter na sinasakyan mo. Tumilapon ka. Wala kang helmet na suot, so nabagok ang ulo mo.”

Lalong kumunot ang noo ni Aera. Wala siyang natatandaang sumakay siya sa scooter. At saka wala naman silang scooter ni Bart. Napasinghap siya nang maisip ang boyfriend.

“Naaksidente po kami ni Bart? Ano pong nangyari sa kanya?”

Sabay pang tinapunan ng doktor at nurse ang monitor. Miski siya ay napatingin doon kahit hindi maigalaw ang ulo dahil sa neck brace. Mukhang bumilis ang heart rate niya dahil sa matindi kaba.

“Relax,” sabi ng doktor. “Wala ka namang kasamang naaksidente. Ikaw ang nagmamaneho ng scooter.”

“Ako po? Bakit ako? Hindi naman ako marunong magmaneho no’n. At saka saan ko nakuha `yong scooter?”

Pumikit si Aera para alalahanin ang tungkol sa aksidente pero wala talaga siyang maalala. Ang anniversary kiss nila ni Bart ang huli niyang naaalala.

“It’s okay. Kakagising mo lang from a coma kaya posibleng cloudy pa ang isip mo.”

“Coma?” nanlalaki ang mga matang gagad niya. “Na-comatose po ako?”

Tumango ang doktor.

“I-ilang buwan po akong comatose?”

“Tatlong araw lang naman.”

Nakahinga nang maluwang si Aera. Kung ganoon ay hindi naman siguro magiging sobrang laki ng hospital bill na babayaran ng tiya niya.

Napasinghap siya nang mahulaan ang petsa sa araw na iyon. Tatlong araw pagkatapos ng anniversary nila ni Bart ay start na ng final exams nila.

“Puwede na po ba akong lumabas ngayon? Kasi final exams na po namin today sa school.”

“Ah, so, nag-aaral ka pa. I’m sure, maiintindihan ng professors mo na hindi ka muna makakapag-take ng exams dahil naaksidente ka at kailangan mong magpagaling. I-observe ka lang muna sandali at magra-run kami ng certain tests. Pagkatapos n’on, puwede ka nang mag-transfer sa ordinary room.” Bumaling ang doktor sa nurse. “Tinawagan n’yo na ba `yong guardian niya?”

“Yes, doc. No’ng tinawagan ko, papunta na raw po talaga siya rito.”

Nagpaalam ang doktor pero sinabing babalik rin kaagad. Naiwan ang nurse na lumapit sa dextrose at may pinihit-pihit doon.

“Darating na `yong tita ko?” tanong ko rito.

Mula sa pagtingala sa dextrose ay tumingin kay Aera ang nurse na mukhang nasa early twenties pa lang. Tinapunan nito ng tingin ang medical record na hawak. “Lalaki ang nakasulat dito as your guardian.”

“Ah, boyfriend ko.” Baka si Bart ang nagsugod sa kanya sa ospital kaya pangalan nito ang nakasulat na guardian.

Mukhang natigilan ang nurse. “Boy…friend? Ibig mong sabihin, boyfriend mo `yong dumadalaw sa `yo?”

Tumango si Aera. “Kaka-one year lang namin.”

Halatang napaisip ang nurse. Alangan ba siya sa kaguwapuhan ni Bart para maging ganoon ang reaksiyon nito? O baka naman type nito ang boyfriend niya? Baka nilalandi nito si Bart habang comatose siya!

Awtomatiko ang paniningkit ng mga mata ni Aera sa nurse. Ngayong gising na siya, huwag itong magkakamaling landiin si Bart at baka ang nurse ang pumalit sa kanya sa ICU bed na iyon.

Siguradong alalang-alala sa kanya sina Bart at Tita Sally. Mabuti na ang at nagising na siya at mukhang okay naman siya. Maliban sa makirot na ulo ay wala namang nararamdaman si Aera na iba pang masakit sa katawan niya. Pero paano kasi nangyaring nagmaneho siya ng scooter samantalang hindi naman siya marunong? Hindi siya ganoon ka-reckless para gawin iyon.

Lumipad ang tingin ng nurse sa glass door ng cubicle. “O, hayan na pala `yong boyfriend mo.”

Na-excite si Aera nang marinig iyon. Pilit niyang iniangat ang ulo para makita ang dumating pero nagtaka siya nang makitang hindi si Bart ang pumapasok sa cubicle.

Nakabusangot ang mukha ng lalaking sa tantiya niya ay nasa mid-twenties. Guwapo, makinis ang mukha at mukhang high-maintenance pero nakabusangot ang mukha. Halatang may galit ang bagong dating na lalaki… o lalaki nga ba?

Kasi nang makita ito ni Aera nang malapitan ay napansin niyang umaalagwa ang on fleek na kilay nitong hindi korteng panlalaki.

“Bruha! Akalain mo, nabuhay ka pa pagkatapos mong lumipad at maupog nang bonggang-bongga sa aspalto?”

Confirmed. Isa nga itong beki dahil sa timbre ng boses at manner ng pananalita. Pinakatitigan niya ito. Bakit parang pamilyar ito sa kanya? Parang kamukha ng bading na kapitbahay nilang patay na patay kay Bart noon pero mas may edad nga lang. Kamag-anak ba ito ni Paulo Miranda, or better known as Polly?

“O sinadya mo talaga `yon? Nagpakamatay ka ba talaga pero hindi ka lang natuluyan?” Nagbuga ito ng hangin.

“Sino ka?” naguguluhang tanong ni Aera.

Halatang natigilan ang beki. Natigil din ang nurse sa balak na paglabas sa cubicle. Lumingon ito sa kanila.

“Sino ako?” turo ng beki sa sarili. “Hinu-hu Uhu U mo na lang ako? Ako lang naman ang nagmagandang-loob na tumawag ng ambulansya at pumirma sa records mo as guardian kahit imbyerna pa rin ako sa `yo hanggang ngayon dahil sa pang-aahas mo kay Bart. Pasalamat ka, nagkataong `andun ako no’ng maaksidente ka, kundi—”

“I-imposible…” gulat na gulat na putol ni Aera sa sinasabi nito.

“Ano’ng imposibleng sinasabi mo d’yan?”

“Polly?”

“Sino pa ba ako sa akala mo?”

Mukhang na-relieved ang nurse sa narinig pero hindi pa lumabas ito. Baka curious dahil sinabi niya kaninang boyfriend niya ang guardian niya pero halata namang bading ang dumating. Kaya pala ganoon ang reaksiyon nito kanina. Hindi makapaniwalang may boyfriend siyang beki.

“B-bakit… bigla kang tumanda?” tanong niya kay Polly.

“Ay!” Nagbuga ng hangin ang beki na mukhang nainsulto. “Ay, iba ka talaga, Aera! Kung `di dahil sa `kin, tegi ka nang gaga ka. `Tapos makukuha mo pa akong laiitin. How dare you, bitch!” Bumaling ito sa nurse. “Nurse, pakibalik nga itong gagang `to sa comatose. `Tapos idiretso n’yo na sa cremate sa morgue.”

Hindi itinago ni Aera ang matinding pagkalito. “Hindi ko maintindihan. Last week lang, nakita kita. Dumadaan kami ni Bart sa car wash ng tatay mo. Magka-holding hands kami, sweet na sweet, ang sama pa ng tingin mo sa `min habang nagkukuskos ka ng trunk ng kotse. Sa sobrang gigil mo yata sa `kin dahil selos na selos ka, nanggigil ka rin sa kotse. Tinodo mo `yong pagkuskos na parang mabubura na `yong car paint. Binatukan ka pa nga ng tatay mo. `Tapos biglang ngayon, ganyan na `yong hitsura mo? Mukha ka nang twenty-seven bigla?”

Halata ang pagkatigil si Polly habang nakatitig sa kanya. “`Pinagsasabi mo, girl?” Bumaling uli ito sa nurse na nakatayo pa rin sa tabi ng glass door. “Nurse, hindi ba naapektuhan `yong utak nitong babaeng `to no’ng mabagok siya?”

Lumapit ang nurse. “Paano mo nasabi `yon?”

“Kasi… four years nang tegi ang pudra ko.”

Suminghap ang nurse.

Natigilan si Aera. “A-ano’ng… sinasabi mo? Paanong patay na si Mang Baste? Eh, nakita ko lang siya noong isang araw na nakikitagay sa mga tambay sa kanto? Nagka-riot pa nga doon kasi dumating `yong ex-convict na anak ni Aling Rosing, nag-amok.”

“At `yong…” patuloy na pagkausap ni Polly sa nurse, “sinasabi niyang mga eksena, nangyari `yon… eight years ago.”

“Eight years ago?” natitigilang gagad ng nurse.

“Eight years ago?!” manghang gagad ni Aera.

“At,” dagdag ni Polly sa sinasabi sa nurse, “`yong sinasabi niyang boyfriend niyang sweet na sweet na ka-HHWW niya… halos isang taon na silang break.”

Napabalikwas ng bangon si Aera sa narinig. Tinanggal niya ang oxygen tube sa ilong. “Ano’ng sabi mo?!” manghang tanong niya kay Polly.

“And…” Ang nurse pa rin ang kinakausap ni Polly pero kay Aera nakatingin. “And in fact, ikakasal na `yong ex-boyfriend niya sa ibang babae bukas.”

Parang gusto niyang mahimatay sa narinig. “Noooo!”


TULALA si Aera nang lumabas ang doktor na matapos siyang tanungin ng series of questions sa harap ni Polly ay nag-conclude na nagkaroon siya ng post-traumatic amnesia dahil sa concussion na tinamo sa motorcycle accident. Malaki ang posibilidad na temporary lang iyon pero hindi alam kung kailan babalik ang mga alaalang nawala sa kanya.

“My god,” narinig ni Aera na bulalas ni Polly pero hindi niya tiningnan ng beking umupo sa silyang iniwan ng doktor sa tabi ng kama niya.

Pagkatapos sumalang ni Aera sa MRI at ilan pang tests ay inilipat na siya sa cheapest private room at doon siya kinausap ng doktor tungkol sa kalagayan niya pagkatapos makita ang results ng tests na ginawa sa kanya.

“Akala ko sa movies lang nangyayari `tong mga ganitong eksena na nagkaka-amnesia pagkatapos maaksidente. I can’t believe nawala `yong eight years mong memory! Eight long years, na-wipe out! Nakakaloka! Pati mga natutunan mo during those years, wala kang recollection kaya wala ka ring knowledge. Para ka na ring hindi gr-um-aduate ng college kasi wala kang maalala sa mga itinuro sa school! So, ibig sabihin, hindi ka na muna makakabalik sa work mo dahil paano ka mag-balance ng balance sheets kung hindi ka marunong mag-balance, gets? So, you are practically jobless now. What a pity.”

Twenty-twenty-one na pala. Twenty-six years old na pala si Aera. Ang huling eksenang naaalala niya ay twenty-thirteen pa nangyari kung saan ay eighteen pa lang siya. Ibig sabihin, lahat ng mga ginawa niya at nangyari sa kanya sa nakalipas na walong taon ay hindi niya alam dahil wala siyang maalala. At lahat ng na-acquire niyang knowledge at wisdom sa loob ng mga taong iyon ay naglaho na rin sa isip niya.

Kasama na rin pala ng mga magulang niya si Tita Sally na nag-iisa niyang malapit na kamag-anak at nag-alaga sa kanya nang halos walong taon. Nasawi ito sa isang car accident eight months ago. At si Bart… break na sila. Almost seven years daw ang itinagal ng relasyon nila pero nauwi lang iyon sa wala.

Namalayan na lang ni Aera na puno ng luha ang mga mata niya habang nakatitig sa kawalan.

“Hindi ko alam kung ano’ng uunahin kong iyakan. `Yong pagkawala ni Tita Sally o ni Bart sa buhay ko…” Sarili ko lang talaga ang kinakausap ko pero sumagot si Polly.

“Si Tita Sally mo, hindi mo na siya nakikita o nakakasama pagkatapos niyang mag-asawa dahil pinetisyon siya no’ng hubby niyang US registered nurse. After one year siguro na maikasal siya, nag-migrate siya sa States at kinalimutan ka na. Kaya hindi na siya masyadong relevant sa buhay mo for the past eight years. Nagkaroon na siya ng sariling buhay. Technically, pinabayaan ka na niyang mag-isa. Kaya unahin mong iyakan si Bart dahil ang laki mong gaga, teh! Pinakawalan mo si Bart kung kailan yumaman na siya!”

Parang biglang nagsara ang tear ducts ni Aera sa narinig. Sa wakas ay inalis niya ang tingin sa kawalan para ilipat iyon kay Polly, sabay pawi ng mga luha gamit ang likod ng palad. “Ano’ng sabi mo?”

Nag-smirk si Polly. “`Yong ex mo, bilyonaryo na ngayon!”

Manghang napatitig lang siya kay Polly. Ibig sabihin… nagkatotoo ang pangarap ni Bart na yumaman?

“Paano nangyari `yon? Nanalo ba siya sa lotto?” Alam niyang minsan ay tumataya sa lotto si Bart para magbakasakaling manalo at maging instant millionaire.

“Hindi. Pero mayaman pala siya since birth! Dahil siya pala ang long-lost grandson ng mall magnate na si Federico Almendarez.”

“Ha? Pero patay na `yong tatay niya.”

“`Yon ang akala nating lahat. Dahil si Aling Lina pala, dating chambermaid sa isang hotel. Syempre hindi ko alam kung paano nangyari, `no? Pero mukhang nagtsuktsakan sila nang hindi sinasadya isang gabi at nabuo si Bart. `Taray, `di ba? Billionaire’s son ang naka-one night stand? Obviously, inilihim ni Aling Lina kay Bart `yong tunay na identity ng tatay niya. Mukhang hindi rin alam ng daddy ni Bart na nagkaanak sila no’ng chambermaid. Hanggang sa magtagpo ang landas ng maglolo. Kamukhang-kamukha daw ni Bart `yong daddy niya kaya na-curious si Federico Almendarez kay Bart hanggang sa matuklasan ng matandang bilyonaryo na biological son ng unico hijo niya si Bart pagkatapos na sikretong ipa-DNA ang hair. Parang isa lang sa DNA stories sa KMJS, `di ba? Pero bongga `to dahil bilyonaryo ang tunay na ama.”

“KMJS?”

Kapuso Mo, Jessica Soho.”

“Hanggang ngayong twenty twenty-one meron pa rin no’n?”

“Oo. At medyo payat na si Jessica. Anyway, going back, isa na ngayon si Bart sa mga tagapagmana ng angkan ng Almendarez. Kaya napakalaki mong gaga para pakawalan siya! Ang tagal mong pinagtiisan na poorito siya pero kung kailan yumaman siya, saka mo siya binitiwan.”

“Binitiwan ko siya? Ibig sabihin, ako ang nakipaghiwalay sa kanya?”

Halatang natigilan si Polly. “Actually… hindi ko alam kung bakit kayo nag-break pero bigla na lang, hindi na namin nakikita `yong mamahaling kotse ni Bart na nakaparada sa tapat ng bahay mo. `Tapos, may iba nang lalaking naghahatid sa `yo.”

“Sino `yong lalaking `yon?”

“Hindi namin knows. Pero, in fairness, guwapo din naman at saka may kotse din pero mas mamahalin nga lang `yong kotse ni Bart. Pero after a while, hindi na rin namin siya nakita. Obviously, hindi kayo nagtagal.”

Siya ba ang dahilan kung bakit sila nagkahiwalay ni Bart?

“Hindi kami makapaniwalang ipinagpalit mo si Bart kung kailan rich na siya. Nakakapagtaka lang na hinayaan mo siyang mawala sa `yo kahit nandoon ka noong nagbagong bigla `yong buhay ng dyowa mo. Nahahanggian ka na rin siguro ng grasya ngayon kung kumapit-tuko ka sa kanya at `di siya pinaalpas.”

Muling sumungaw ang luha sa mga mata ni Aera. Masaya siya para kay Bart dahil natupad ang pangarap nitong yumaman pero nagdurugo ang puso niya dahil hindi na pala siya parte ng buhay nito. At baka siya pa ang may kasalanan kung bakit nawala ito sa kanya.

“Mahal na mahal ko si Bart kaya hindi ako makapaniwalang kaya ko siyang ipagpalit sa iba. Baka friends lang kami ng lalaking `yon.”

“Paano mo na-sure? Hindi mo nga naaalala halos lahat ng pinagsamahan n’yo.”

Iyon ang masaklap. Wala siyang maalala sa anim na taon sa pitong taon nilang pinagsamahan nila ni Bart bilang magnobyo. Ang isang taon lang doon ang naaalala niya.

“Actually…” patuloy ni Polly, “hindi mo na rin siguro naaalala na hindi mo na siya love ngayon.”

 “Puwede ba `yon?” sumisinghot-singhot na tanong ni Aera. “Kasama ba sa nakakalimutan `yong feelings kapag nawala `yong alaala mo?”

“Puwede. Kasi `yong feelings naman, nasa utak. Eh, nagkatama `yong utak mo, kaya nakalimutan mo rin na wala ka nang feelings kay Bart kasi ang naaalala mo `yong masaya pa kayo together.”

“Hindi totoo `yan!”

“So, gusto mong palabasin na si Bart `yong may kasalanan kung bakit kayo naghiwalay?” Umirap si Polly sa kanya. “Kahit imbyerna ako sa `yo, inaamin ko na sobrang haba ng hair mo dahil nakita ko kung gaano ka kamahal ni Bart. Seven years niyang pinagtiyagaan `yang intrimitida mong ugali. Kahit no’ng yumaman siya bigla, walang nagbago sa kanya. Hinahatid-sundo ka pa rin from work with his luxurious wheels. Naaalala ko, isang gabi, sinundo ka niya kasi ipapakilala ka sa new family niya. Kitang-kita ko kung gaano siya ka-excited no’ng gabing `yon. Akala ko nga no’n, ang susunod ko nang makikita, bridal car na `yong sumusundo sa `yo para ihatid ka sa altar papunta sa lalaking mahal ko… Buti na lang, hindi nangyari.”

Patuloy sa pag-agos ang mga luha ni Aera. Saka na niya sisitahin si Polly kung bakit parang masyado itong maraming alam tungkol sa kanila ni Bart samantalang hindi naman sila close at mukhang hanggang ngayon, may galit pa rin ito sa kanya dahil halatang patay na patay pa rin ito kay Bart. Baka nag-set-up ito ng CCTV sa harap ng bahay niya.

Pakiramdam ni Aera ay nagsisikip ang dibdib niya sa matinding pighati. Hindi lang memory ang nawala sa kanya, nawala din sa kanya ang mga taong mahalaga sa kanya.

Parang kahapon lang nangyari ang first anniversary celebration nila ni Bart sa park. Damang-dama pa niya ang mga labi nito sa mga labi niya. Ramdam pa rin niya ang mahigpit na yakap nito. Pero hindi na siya mahal ni Bart ngayon dahil mukhang may iba na itong mahal.

“Pero tingnan mo nga naman ang turn of events…” patuloy ni Polly. “Kahit hindi kayo nagkatuluyan, ikakasal pa rin si Bart sa iba.” Parang gusto na ring umiyak ng beki. “At least ikaw, natikman mo si Bart. Napagsasaan mo ang yumminess niya nang seven years. Naranasan mo ang mahalin niya. Pero ako… hindi ko na talaga matitikman si Bart forever…”

Hindi na napigilan ni Aera ang mapahagulhol. Tuluyan nang mawawala sa kanya si Bart. May iba nang babaeng magmamay-ari dito. Paano na ang mga pangarap nilang dalawa? Paano na ang proposal sa Paris, ang mabigat na diamond ring at diamond-studded wedding gown?

Hindi kaya nagka-amnesia rin si Bart? Nakalimutan din yata nitong siya dapat ang pakakasalan nito at hindi ang ibang babae.

Imbes na aluin siya ni Polly ay sumabay pa ito sa pagngawa niya. Mas malakas pa yata ang atungal sa kanya ng beki.

Baaaaaart…” iyak ni Polly. “Bakit kasi hindi na lang ako ang minahal mo?”

Nataranta ang nurse na pumasok sa silid nang maratnan silang nagpapalakasan ng iyak.


CHAPTER TWO

“MISS,” tawag kay Aera ng driver ng taxi na pinara niya sa labas ng ospital kanina. “Ako ay likas na hindi mausisa sa mga pasahero ko. Hindi ako palatanong na taxi driver. `Di tulad ng iba. Pero sa pagkakataong ito, puwede ba akong magtanong sa `yo?”

Mula sa bintana sa backseat ay inilipat niya ang tingin sa rear view mirror kung saan nakita niyang nakatingin sa kanya ang driver. Natigil din siya sa wala sa loob na pagngatngat ng kuko. “Ano po `yon?”

“Bakit nakasuot ka ng damit na pang-pasyente sa ospital? At saka may gasa ka pa at suot na bracelet na tag? Tumakas ka ba kasi wala kang pambayad sa bill mo sa ospital?”

“Ho?”

“Naniniguro lang na may ibabayad ka sa `kin. Baka kasi wala kang pera at takbuhan mo lang din ako. Ikaw pa naman ang buena mano ko.”

“May pera po ako!” Itinaas ni Aera ang one thousand peso bill na kinupit niya sa wallet ni Polly.

Nang bumalik ang beki nang araw na iyon ay may kasama itong kapwa bading na hairdresser daw sa beauty salon nito. Si Carrie daw ang magbabantay sa kanya habang nasa ospital siya. Kasalukuyang suspendido raw si Carrie sa parlor dahil nakagupit ng tainga ng customer. At dahil walang raket ay magsisilbi raw munang caregiver sa kanya hanggang sa makalabas siya para raw kahit paano ay may pansustento pa rin sa dyowa.

Nalaman ni Aera na wala pala siyang kaibigan na puwedeng magbantay sa kanya sa ospital dahil ang kaisa-isa niyang friend ay dalawang taon nang nakatira sa Seoul, Korea dahil nakapag-asawa ng oppa na nakilala sa Tinder. Ni hindi niya kilala kung sino ang kaibigang iyon dahil kasama itong nabura sa alaala niya.

Habang nasa hospital room ni Aera ang dalawang beki ay nagkuwentuhan ang mga ito tungkol kay Bart at sa magaganap na kasal ng lalaki sa araw na iyon. Nalaman niyang sa San Agustin Church ang venue ng kasal ng kanyang ex at isang oras na lang ay tuluyan nang matatali si Bart sa ibang babae.

Sa isang babaeng ang sabi ni Polly ay mas lamang kay Aera nang sampung paligo dahil bukod sa napakaganda ay mayaman at matalino pa. Ipinakita pa talaga ng beki ang pictures ng bride sa kanya mula sa cellphone nito. Nanlumo siya nang i-scroll ang pictures ng babae at makita ang kalibre ng ipinalit sa kanya ni Bart.

Anak ng isang mayamang businessman na may-ari ng isang kilalang pharmaceutical company at kilalang socialite si Samantha De Ramos. Nagtapos ng B.S. in Chemistry with honors at isang philanthropist. Samantalang siya raw ay accounting graduate pero pasang-awa at dalawang beses nag-take ng CPA board exam bago nakapasa. Wala raw siyang ambag sa lipunan at isa lang pabebeng girlfriend kay Bart noon.

Junior accountant pa rin daw si Aera sa edad na twenty-six. Nauna pa raw ma-promote sa kanya ang officemate niyang mas bata sa kanya. Hindi niya alam kung paano nalaman ng dalawang beki pati ang sitwasyon sa workplace niya. Mukhang hindi lang CCTV ang ikinabit ni Polly sa tapat ng bahay niya, naglagay din yata ito ng wiretapping device sa ilalim ng desk niya sa opisina.

Wala nga siguro talaga siyang panama sa bride ni Bart at handa na sana siyang tanggaping hindi sila ang magkapalad nito pero nang mabanggit ni Carrie na halatang marriage for convenience  lang ang magaganap na kasalan at kagagaling lang ni Samantha sa isang failed long-term relationship ay nabuhayan ng pag-asa si Aera.

Hindi love ang nagbuklod sa dalawang ikakasal! Kaya ibig sabihin ay may posibilidad na may feelings pa rin sa kanya si Bart at napipilitan lang na magpakasal dahil inobliga ito ng lolo bilang isa sa mga tagapagmana ng mga Almendarez. Ganoon din si Samantha na malamang ay mahal pa rin ang ex-boyfriend.

Right there and then ay nagdesisyon si Aera na pigilin si Bart sa pagpapakasal kay Samantha. Hindi siya makapapayag na masayang ang pitong taong pinagsamahan nila ni Bart at magpakasal ito sa babaeng hindi mahal.

Kaya naman nang lumabas si Carrie para kumuha ng hot water sa nurse station at si Polly naman ay pumasok sa banyo para dyuminggel ay pinakialaman ni Aera ang bag ni Polly para hanapin ang wallet nito.

Mabuti na lang at inalis na kahapon ang neck brace niya, pati ang nakabalot na gasa sa ulo niya. Maliit na lang ang gasang nakadikit sa noo niya. Kaya ang tusok na lang ng dextrose ang inalis niya sa sarili bago umeskapo sa ospital para pumunta sa kasal ni Bart.

Yes. She would snatch the groom!

Halata ang relief sa mukha ng taxi driver. “Pero bakit ganyan ang hitsura mo? Mukhang hindi pa dapat lumabas.”

“May… may kailangan lang po akong puntahan sandali. Babalik din ako sa ospital.”

“Ah…” tumatangu-tangong sambit ng driver. “Pero bakit sa simbahan? Magdarasal ka ba? Magnonobena na sana ay gumaling ka na?”

“Hindi po.”

“Mangungumpisal?”

“Hindi rin po.”

“Eh, ano’ng gagawin mo roon?Alangan namang magsimba ka, eh, wala namang misa nang ganitong oras.”

“May…” May guguluhin lang akong kasal. “May imi-meet lang po ako sa simbahan.”

“Sa ganyang hitsura? Bakit hindi ka muna nagbihis ng normal na damit nang lumabas ka sa ospital o kaya naman ay pinapunta na lang sa ospital ang taong kakausapin mo? At saka bakit kailangan mo akong pagmadaliin sa pagda-drive kanina na para bang may hinahabol ka?”

Aalanganin ang ngiting ibinigay ni Aera sa driver. “Hindi pa po kayo palatanong nang lagay na `yan, ano?”

Tumawa ito. “Nandito na tayo sa San Agustin Church.”

Mula sa taxi driver ay napatingin si Aera sa façade ng malaking simbahan. Matapos magbayad at kumuha ng sukli ay umibis agad siya sa taxi bago pa makapag-followup question ang driver.

Sarado na ang pinto ng simbahan. Ibig sabihin ay tapos nang magsipasukan ang entourage. Ang sabi ni Polly ay alas-diyes ng umaga ang kasal. Bago bumaba si Aera sa taxi ay nakita niya sa orasan sa metro na alas-diyes kinse pa lang. Kaya malamang ay kapapasok pa lang ng bride.

May dalawang lalaking mukhang bouncers na nakatayo sa labas ng malalaking door panels ng simbahan kaya imposibleng makapasok siya sa front entrance. Pero kung sa ospital nga na guwardiyado ang entrance at exit ay nagawa niyang makaeskapo, dito pa kaya?

Naghanap siya ng ibang mapapasukan sa mga gilid ng simbahan. Wala ngang nakatayong bodyguards pero nakakandado ang ibang mga entrada. Kasi naman ay mga mayayamang tao ang nasa loob kaya siguro ganoon ka-secured ang lugar. Kaya ang ginawa niya ay hinanap niya ang pasukan at labasan ng mga pari at sakristan at doon siya pumasok.

Dahil espesyal na pasukan iyon ng mga naglilingkod sa simbahan ay diretso ang labas niyon sa altar. Dinig na dinig ni Aera ang boses ng pari na nagsasabi ng paunang salita. Sinilip niya ang labas ng altar at nakita ang bride at groom na nakatayo na sa harap ng pari.

Awtomatiko ang pagtuon ng tingin ni Aera kay Bart na napakaguwapo sa suot na tuxedo. Nang makita niya ang present pictures nito sa Internet sa cellphone ni Polly ay napanganga siya sa nakitang improvement sa looks ni Bart. Guwapo naman talaga ito noon pa pero mas gumuwapo ito ngayon.     

Bumagay kay Bart ang pagdagdag ng edad. Ang huling naaalala niya ay dugyutin pa ito. Pero ngayon, para na itong fashion model sa magagandang bihis na noon ay pinapangarap lang nitong maisuot. Mukhang alaga na sa Belo ang kutis nito at may pang-gym na kaya tumikas ang pangangatawan.

Ibang-iba na si Bart pero alam niyang ito pa rin ang lalaking minahal niya at sigurado siyang minamahal pa rin hanggang sa mga sandaling iyon. Kaya napakasakit sa kanyang makita itong ibang babae ang katabi sa harap ng altar ngayon.

Siya dapat ang nakatayo roon!

Namuo ang luha sa mga mata ni Aera. Hindi siya papayag na makasal ito sa ibang babae. Hindi siya papayag na tuluyan na itong mawala sa buhay niya.


“IF anyone can show just cause why this couple cannot lawfully be joined together in matrimony, let them speak now or forever hold their peace.”

Pinanood ni Bart ang kaliwa’t kanang paulit-ulit na pagpihit ng ulo ng officiating priest na para bang nag-e-expect talaga itong may isa mula sa audience ang magtataas ng kamay para pigilan ang kasal nila ni Sam.

Nakita niya ang paglingon ni Sam sa nakapinid na main door ng simbahan. Was she expecting her ex-boyfriend to come rushing through that door and stop the wedding? Hindi naman lingid sa kanya na mahal pa rin nito ang ex kahit pitong buwan na ang nakalipas nang maghiwalay ang mga ito.

Alam ni Bart na pareho lang sila ni Sam na ayaw ng kasal na ito pero wala silang magawa para sumuway sa utos ng elders. Lalo na siya dahil isa lang siyang illegitimate son ng isa sa dalawang anak ng kilalang mall magnate na si Federico Armendarez. Wala siyang karapatang tumanggi sa “pakiusap” ng kanyang long-lost grandpa.

He and Sam were not marrying for love, but for the expansion of wealth and power of their families. Hindi niya akalaing totoong nangyayari ang ganitong klaseng marriage for convenience setup sa mga miyembro ng alta sosyedad hanggang sa yumaman siyang bigla.

Who would have thought that this boy who grew up in slums was the long-lost unico hijo of Federico’s only son, Andrew Armendarez?

Buhay pa ang tatay niya. May lolo siya. May tiyahin at mga pinsan. At may nakababatang half-sister sa legal wife ng ama. When he thought he had no family at all, he actually had!

Wala pang asawa ang kanyang ama nang maka-one night stand ang nanay niya na noon ay nagtatrabaho bilang chambermaid sa isang hotel sa Makati. Ang sabi sa kanya ng kanyang daddy ay nakainom ito ng gabing iyon at hindi sinasadya ang pangyayari.

Mukhang nagkamali raw ito ng napasukang hotel room ng gabing iyon at may naratnan roong isang chambermaid na nag-aayos ng kama sa isang unoccupied room. Hindi nito akalaing nagbunga ang isang gabing iyon dahil wala namang babaeng lumapit dito para ipapanagot ang dinadala.

Sigurado si Bart na hindi kilala ng nanay niya si Andrew Almendarez dahil kung alam nitong napakayaman ng lalaking naka-one night stand ay imposibleng hindi ito kumuha ng sustento sa lalaking nakabuntis dito. Aminado siyang mukhang pera ang nanay niya at may pagka-manggagantso dahil hindi naman totoong nakapanghuhula ito.

Ang sabi sa kanya ng yumao niyang nanay ay patay na ang tatay niya. Mukhang nagpanggap lang itong galit kunwari sa “dating boyfriend” para hindi na siya mangulit na makita kahit sa larawan ang ama. Wala rin naman kasi itong maipapakita dahil mukhang hindi nga talaga nito kilala ang nakabuntis dito.

Daig pa ni Bart ang nanalo sa lotto sa biglaang pagbabago ng kapalaran. Bigla, isa na siyang tagapagmana ng isang mayamang angkan. Hindi na niya kailangan pang kumayod-kalabaw at palaging magpa-impress sa boss para ma-promote nang ma-promote sa trabaho hanggang sa makaipon nang malaki at makapagpatayo ng negosyong balak niyang palaguin para magsimulang yumaman.

At twenty-seven, he was now one of the directors of BWD Holdings na siyang may-ari at nagpapatakbo ng Bestwind chain of malls at isa sa subsidiaries ng Almendarez Group of Companies.

In other words, hindi na lang siya guwapo ngayon, he was also a rich man. All along, may dugong bughaw pala siya.

Napakalayo na ng buhay ni Bart sa dating buhay. Isang taon na siyang nabubuhay sa luho. His dad was quite generous. Mukhang bumawi sa mga panahong hindi siya naalagaan kaya pinaliguan siya ng pera sa nakalipas na isang taon.

He now had a huge penthouse in a luxurious condominium building in Makati. He had six cars—tatlo roon ay luxury sports cars. He had traveled around Europe last Summer. Lumilipad siya sa Paris para lang magkape. Minimeryenda na lang niya ang steak ngayon at ipinanlilimos sa street children ang one thousand peso bill.

He was a big deal now. A great catch. Kaya hindi pa rin makapaniwala si Bart na kung kailan mayaman at makapangyarihan na siya ay saka siya iniwan ng kaisa-isang babaeng minahal niya sa buong buhay niya.

Tinapunan din ni Bart ng tingin ang main door ng simbahan kahit alam niyang imposibleng pumasok doon si Aera para pigilin ang kasal niya sa ibang babae. Hindi na siya mahal nito. Itinapon na lang nito nang basta ang maraming taong pinagsamahan nila.

Sa mismong araw na ipina-announce sa public ang kasal nila ni Sam, natukso siyang bisitahin ang Facebook ni Aera at nagbakasakaling makitaan niya ng pagsisisi ang babae base sa public post nito. Pero bumulaga sa kanya ang status nitong may picture na kumakain ng isaw na mukhang sarap na sarap ito at may “feeling happy” pang nakalagay sa tabi ng pangalan nito.

That witch. Muntik na niyang kontakin ang kakilala sa Facebook Philippines para ipa-suspend ang account nito nang araw na iyon sa sobrang galit niya.

Oo, galit na galit siya kay Aera. At ayaw na niya itong makita pa kahit kailan.

“Father, ako po.”

Mabilis na pumihit ang ulo ni Bart sa pinanggalingan ng pambabaeng boses na parang nasa altar mismo. Mukhang sabay pa silang nagulat at napapitlag ng pari nang makita ang babaeng nakatayo sa tabi nito at nakataas ang isang kamay na may nakasuot pang hospital tag.

It was Aera! Nakasuot ito ng hospital gown at may gasang nakadikit sa noo nito. Kinusot ni Bart ang mga mata dahil baka namamalikmata lang siya pero nang tumingin si Aera sa kanya nang may luha sa mga mata ay nasiguro niyang hindi iyon ilusyon lang. Totoong naroon ang ex niya!

Halatang namangha rin si Sam habang nakatingin kay Aera nang nakaawang ang mga labi. At kahit hindi tingnan ni Bart, alam niyang nagulat din ang mga tao sa likuran nila sa biglang pagsulpot ng babae sa altar.

 “H-hija…” sambit ng pari na nakahawak sa dibdib. Mukhang nagulat talaga ito dahil bigla ay may katabi na sa likod ng altar table. “A-ano’ng…?”

“Tumututol po ako sa kasal na `to,” mariing sabi ni Aera.

Narinig ni Bart ang singhapan ng mga tao sa simbahan.

Holy… shit?


CHAPTER THREE

“MAHAL ko po si Bart. At alam ko, mahal pa rin niya `ko. Seven years po kaming nagkasama, Father. Hindi basta-basta mawawala `yong pagmamahal namin sa isa’t isa.”

Napatanga si Bart sa sinabi ni Aera sa paring halatang hindi pa rin nakaka-recover sa pagka-shock.

Ano ang nangyari kay Aera? Nabagok ba ito at nagka-brain damage kaya wala sa sarili nang mga oras na iyon? Ano ang pinagsasabi nitong mahal pa rin siya? Pagkatapos ng ginawa nito sa kanya?

At saka paano ito nakapunta sa harap ng altar nang hindi namamalayan ng lahat? Bakit bigla na lang itong sumulpot doon? Paano nagkalakas ng loob si Aera na pigilin ang kasal niya na para bang wala itong pakialam sa kalibre ng mga taong naroon ngayon?

Nang lingunin ni Bart ang kinuupuan ng pamilya ay hindi na nakaupo ang daddy at lolo niya. Halata ang panic sa mukha ng mga ito.

“Uhm…” Tumikhim ang pari. “Hija—”

“Hindi ako papayag na mawala siya sa `kin, Father,” putol ni Aera sa sinasabi ng pari. “Ang dami naming pangarap na binuo nang magkasama. Kasama do’n `yong pagpapakasal. `Sabi niya sa `kin, wala siyang ibang babaeng gugustuhing makasama habambuhay kundi ako lang. At alam ko, hanggang ngayon, gano’n pa rin ang gusto niyang mangyari. Alam kong napipilitan lang siyang magpakasal ngayon sa ibang babae dahil siguro gusto ng pamilya niya. Arranged marriage lang `to. Walang love involved. Kaya hindi n’yo sila puwedeng ipakasal, Father. Dahil dapat ang ikinakasal n’yo ay `yong nagmamahalan talaga. `Di po ba?”

“Ha?” Speechless ang pari.

Bumaling si Aera kay Bart nang walang marinig sa pari.

“Nagulat ka ba, beb?”

Beb? And she had the nerve to call him ‘beb’ again after what she had done to him?

“Sorry,” Aera continued, “kung bigla na lang akong sumugod dito para pigilin ang kasal mo. Please, `wag kang magpakasal sa iba…” Nagsusumamo ang mga mata nito.

“W-what…?” Hindi naituloy ni Bart ang sasabihin dahil mabilis na bumaling si Aera kay Sam.

“Miss… feeling ko, mahal mo pa rin `yong ex mo. Baka nagrerebelde ka lang sa kanya kaya magpapakasal ka kay Bart. Ni hindi mo pa nga yata lubusang kilala si Bart. `Wag kang magpapakasal sa taong hindi mo mahal dahil hindi ka magiging masaya. Kaya, please, `wag mo nang ituloy ito.”

Mukhang speechless din si Sam.

Babalikan pa yata ni Aera ang pari para kumbinsihin ulit itong huwag ituloy ang kasal pero may mga bodyguards nang lumapit sa babae para pigilan ito sa ginagawang panggugulo.

Halatang nag-panic si Aera. Nagpumiglas ito sa pagkakahawak ng dalawang bodyguards. “Bitiwan n’yo `ko! Kailangan kong pigilan `tong kasal na `to.” Tumingin ito kay Bart, mukhang nanghihingi ng tulong. “Beb…”

Pinigilan ni Bart ang sariling may gawin habang hinihila ng bodyguards si Aera paalis sa altar. She had a lot of time to do something to convince him to not get married. Bakit kung kailan kasal na niya ay doon pa ito umeksena nang ganoon para mag-eskandalo? Maybe she really wanted to ruin his life.

Nang lumingon si Bart ay nakita niya si Aera na hinihila ng dalawang bodyguards sa aisle papunta sa main door ng simbahan. Umiiyak ito habang nagpupumiglas. May pumiga sa puso niya habang pinanonood ito.

Was she okay? Bakit ito naospital? Nasasaktan ba ito sa pagsaklit ng bodyguards sa mga braso nito? Paano kung saktan ito ng boduguards sa labas? Nakita niya ang paghangos palabas ng lalaking assistant ng kanyang lolo. Paano kung ipahatid nito sa mga pulis si Aera para ipakulong dahil sa pag-e-eskandalo?

Naggiritan ang mga ngipin ni Bart. Bakit kailangan niyang mag-alala para kay Aera? Didn’t he hate her? He hated her so much.

“Shit!” he muttered and stepped down the altar to go after her.


HINDI makapaniwala si Bart sa ginawa. Hinila niya si Aera mula sa bodyguards ng lolo niya at isinakay ito sa grooms car para ilayo ang babae mga ito. Hindi siya tumigil sa pag-drive hanggang sa makarating sa isang lugar na walang gaanong tao.

Technically, he ran away from his own wedding!

Nag-iigtingan pa rin ang mga bagang ni Bart kahit nakahinto na ang sasakyan sa gilid ng daan. Nang balingan niya si Aera ay may luha pa rin sa mga mata nito pero halatang tears of joy na. She looked triumphant and full of hope. Nagtagumpay kasi ito sa panggugulo sa kasal niya. 

“What the hell is your problem, Aera?” he almost snapped at her. Padabog niyang tinanggal ang seatbelt kahit walang balak na lumabas ng kotse.

Nag-alis din ng seatbelt si Aera at pumihit sa kanya. “Nag-iba ka na nga talaga. Pati English mo… ang ganda na ng diction. Hindi na tunog trying-hard tulad nang dati.”

Nagbuga siya ng hangin. “Pagkatapos mong sirain `yong kasal ko, pupunahin mo lang `yong English diction ko?”

Lumarawan ang pagsisisi sa mga mata ni Aera. “Sorry… sorry sa ginawa kong panggugulo sa kasal mo. Pero dapat lang naman na hindi matuloy `yon dahil hindi kayo nagmamahalan ng babaeng `yon.”

Naningkit ang mga mata ni Bart. “Paano mo nasiguro?”

“Nakita ko `yong prenup pictures n’yo ni Samantha De Ramos. Parehong walang glow `yong mga mata n’yo. Halatang napipilitan lang kayong dalawa. At saka sabi ni Carrie, kaka-break lang ni Samantha sa ex niya. Kaya siguradong hindi pa siya nakaka-move on sa lalaking `yon.”

Nahampas ni Bart ang manibela sa galit at frustration. “You ruined my wedding, Aera! You ruined a hundred million wedding! Hindi mo ba alam kung gaano kabigat `yong ginawa mo?”

She looked at him with puppy eyes. “Ayokong mawala ka sa `kin nang tuluyan. Mahal na mahal kita, beb. Kaya hindi ako papayag na makasal ka sa iba.”

Napanganga si Bart. Hindi pa rin siya makapaniwalang naririnig niya mula kay Aera ang mga salitang iyon.

“Hindi mo na ba ako mahal? Wala ka na ba talagang feelings para sa `kin? `Di ba, sabi mo, ako lang `yong babaeng mamahalin mo habambuhay?”

Tinapunan niya ng tingin ang gasa sa noo ni Aera. “Did you damage your head or something?”

“Huh?”

“Kasi imposibleng sabihin mo sa `kin `yang mga sinasabi mo kung wala kang sira sa ulo sa mga oras na `to.”

Sa halip na sumagot ay pumihit si Aera paharap sa windshield at isinandal ang likod sa backrest ng passenger seat. Suddenly, she looked troubled. Nagsimula itong ngatngatin ang mga kuko na tulad ng ginagawa ng babae sa tuwing nagpa-panic noong teenager pa ito.

Pinagsisisihan na ba ni Aera ang ginawa sa kanya? Na-realize ba nitong siya talaga ang mahal nito? Pagkatapos ng halos isang taon, babalik ito na para bang walang nangyari?

“Aera… baka nakakalimutan mo kung ano’ng ginawa—?”

“Wala akong maalala sa past eight years ng buhay ko, Bart,” putol nito sa sinasabi niya.

Natigilan si Bart. “Ano’ng sinasabi mo?”

“Naaksidente ako. Paggising ko, may amnesia na `ko.”

Nalaglag ang mga panga niya sa narinig.

“Ang huli kong naaalala, `yong first anniversary natin. Noong nag-picnic tayo sa park na madalas nating puntahan. Binigyan kita ng sneakers, binigyan mo ako ng kuwintas na may butterfly pendant. Nagkatampuhan tayo nang slight pero nag-make up din agad. `Tapos, nag-kiss tayo…”

He was speechless. So, iyon ang dahilan kung bakit ang lakas ng loob ni Aera na sumugod sa kasal niya para pigilin iyon. Dahil wala itong maalala sa mga nangyari sa nakalipas na walong taon!

Bumalik sa kanya ang tingin nito. “Paggising ko, wala ka na sa `kin. `Tapos nalaman ko pa, ikakasal ka na sa iba. Hindi ko alam kung ano’ng nangyari sa `tin. Kung bakit tayo naghiwalay. Kung sino ang may kasalanan kung bakit nasira `yong relasyon natin na tumagal daw nang pitong taon… Ang alam ko lang, hindi ko kayang mawala ka nang tuluyan sa `kin. Alam ko, damang-dama ko sa dibdib ko, na mahal pa rin kita. Kaya hindi na `ko nag-isip, tumakas ako sa ospital para pigilin ka sa pagpapakasal sa iba.”

Hindi makapaniwala si Bart. No wonder, she seemed different. Para siyang nakikipag-usap sa dating Aera. Kaya pala nginangatngat nito ang mga kuko kanina. She had outgrown that habit over the years. Did she forget even how she had matured mentally over the years?

“Okay lang naman ako. Wala naman daw akong serious brain damage, sabi ng doktor. Nawala lang `yong alaala ko. Malamang, temporary lang daw. Babalik din pero hindi alam kung kailan. Pero… `yon nga. Wala akong maalala sa mga nangyari sa `tin. Kaya hindi ko alam kung bakit ka nawala sa `kin.”

Bakit kailangan niyang makaramdam ng relief sa narinig na para bang concerned pa rin siya kay Aera? Siguro ay maawain lang talaga siyang tao. In fact, kapag nakakakita si Bart ng pulubi ay nililimusan niya ng one thousand peso bill. Tama, compassionate lang talaga siya at hindi siya talaga concerned kay Aera. Iyon din ang dahilan kung bakit nag-abala siyang “tumakbo” sa kasal niya para mailayo ito sa bodyguards at sa posibilidad na pagkakakulong sa police station.

But she was okay and her memory loss was temporary. Kaya hindi niya dapat i-set aside ang galit dahil sa awa sa nangyari rito.

“So,” finally ay nakaapuhap na si Bart ng sasabihin, “you don’t remember how you cheated on me.”

Nakita niya ang panlalaki ng mga mata ni Aera. Hindi siguro makapaniwalang nagawa talaga sa kanya ang ganoong bagay. Miski siya ay hindi iyon inaasahan pero nagawa nito sa kanya ang kasuklam-suklam na bagay na iyon.


CHAPTER FOUR

NAKATITIG lang sa puting pader ng hospital room si Aera habang si Polly ay patuloy sa pagputak. Mga five minutes na siyang kinagagalitan ng beki dahil sa ginawa niyang pagtakas sa ospital kanina.

Nalagasan daw ito ng buhok kanina dahil sa stress nang malamang nawawala siya. Pagkatapos ay malalaman nitong nanira siya ng kasal. Naghinala raw sina Polly at Carrie kung bakit siya umeskapo at kung saan siya pumunta. Nang pumunta ang dalawang beki sa simbahan ay naabutan ng mga itong nag-aalisan na agad ang guests sa kasal at umalis nang mag-isa ang bride sakay ng bridal car.

“At saka ang lakas ng loob mong gaga ka!” singhal ni Polly. “Alam mo bang puwede kang ipakulong ng mga iyon dahil sa ginawa mo?”

“Ano’ng ikakaso sa kanya?” tanong ni Carrie. “Theft o robbery? Kasi nagnakaw siya ng groom, eh.”

“Gaga! Alarm and scandal. At saka hindi naman niya na-take home `yong groom. Nilayasan din siya.”

Tulala si Aera nang ihatid siya ni Bart sa ospital kanina para ibalik doon. Pagkatapos nitong sabihin ang dahilan kung bakit sila naghiwalay, para na siyang nawala sa sarili. Hindi niya matanggap na siya ang may kasalanan kung bakit nasira ang pitong taong pinagsamahan nila.

She cheated on him. Siya—si Aera Mae Nicolas—ay nagawang mangalunya!

“Nagtaksil ka sa `kin, Aera. Pumunta ako sa bahay mo nang walang pasabi kasi balak kitang i-surprise. Pero ako `yong na-surprise kasi nakita kitang may katabi sa couch. Nakaakbay sa `yo `yong officemate mong lalaki. Nakahilig ka sa dibdib niya habang nagne-Netflix and chill kayo. May unused condom packs sa coffee table. Hindi ka naman nag-deny na may affair kayo… na matagal n’yo na `kong niloloko.”

Hindi siya makapaniwalang naging ganoon siyang klaseng babae. Ni sa hinagap, hindi naisip ni Aera na makakaya niyang gawin iyon kay Bart.

“Eh,” hirit ni Carrie, “para ano pang may patanong-tanong pa si Father kung may tumututol sa kasal kung bawal naman palang mag-interfere sa kasalan at puwedeng makasuhan ng alarm and scandal?”

“Okay lang sanang pumunta ro’n,” sagot ni Polly, “at tumutol kung presentable ang ayos at may grace habang sinasabing, ‘father, I disagree to this wedding!’ Eh, gaga `tong si Aera, pumunta ro’n nang naka-hospital gown na may suot pang hospital tag! May gasa sa noo, gulu-gulo pa ang buhok! Sa tingin mo, pakikinggan siya roon? Pagkakamalan lang siyang nakawala sa mental na nangugulo lang sa kasal. Nakakahiya! `Pag kumalat `to sa social media, maba-bash kang bruha ka!”

“Kawawa naman si Aera…”

“Ano’ng kawawa?” kontra ni Polly sa sinabi ni Carrie. “Kasalanan niya `yan. Hindi siya nag-iisip kaya magdusa siya.”

“Pero,” hirit uli ni Carrie, “bakit ka ba nanggagalaiti diyan, Mamshie? `Di ba dapat happy ka? Kasi hindi natuloy `yong kasal ni Bart? Ibig sabihin, single pa rin siya.”

Narinig ni Aera ang pagsinghap ni Polly. “Oh my god! Oo nga! Single pa rin ang baby ko!”

“Hindi siya natali ni Samantha, hindi rin siya nakuha pabalik ni Aera. Kaya ibig sabihin… para sa `yo talaga siya, Mamshie!”

Nagtilian ang mga beki. Naabala tuloy ang pakikipagtitigan ni Aera sa pader. Nang ilipat niya ang tingin sa dalawa ay nagtatalunan na ang mga ito habang magkahawak ang mga kamay.

Tumigil sa pagtalon si Polly nang magtagpo ang mga mata nila ni Aera. “Fine. Hindi na `ko galit. Kasi napakinabangan ko naman `yong kagagahang ginawa mo.”

Mabilis na namuo ang luha sa mga mata ni Aera. Kanina pa niya gustong umiyak pero ngayon lang lumabas ang mga luha niya.

Dinaluhan siya ni Carrie. Naupo ito sa gilid ng kama niya. “Okay ka lang, ses?”

Umiling siya nang mabagal. Mabilis na pumatak ang mga luha niya.

“Anong pagdadrama `yan?” sita ni Polly na tumayo sa harap ng kama niya. “Ano ba kasing nangyari sa kasal kanina? Ano’ng ginawa mo? Bakit imbes na sumama sa `yo `yong groom, eh, inihatid ka lang dito?”

“Oo nga,” sabi ni Carrie. “Spill the tea!”

“Tama ako, `no? Na ikaw talaga `yong may kasalanan kung bakit kayo nag-break. At saka malamang, hindi ka na niya mahal. Kasi kung mahal ka pa rin niya, malamang nag-runaway na `yong groom kasama ka.”

Hindi na napigilan ni Aera ang mapahagulhol. “Napakasama kong babae…”

“Pa’no mo nasabi `yan, ses?” tanong ni Carrie.

Atungal lang ang isinagot ni Aera rito habang nakasubsob sa mga binti.

“Oh… my god!” malakas na sabi ni Polly. “Nag-cheat ka kay Bart! Hindi mo lang siya basta ipinagpalit! Nagtaksil ka! Nag-two time ka! `Yong lalaking pumupunta sa bahay mo pagkatapos n`yong mag-break ni Bart… `yon ang ka-affair mo! Malandi ka!”

“Pa’no mo nasabi `yan, Mamshie?” tanong ni Carrie.

“Hayun na nga `yong clue, eh. Napakasama niya raw na babae. Malamang sinabi sa kanya ni Bart `yong ginawa niya kaya nagkakaganyan siya ngayon. Hindi siguro siya makapaniwala that she’s a filthy two-timing bitch!”

Suminghap si Carrie. “Sana all!” Mukhang binatukan ito ni Polly kaya um-aray.

“Anong ‘sana all’ ka diyan? Sana all cheater?”

“Sana all maraming boys.”

“Hindi ko `yon gagawin kay Bart,” sabi ni Polly, “kapag napasaakin siya. I will handle him with care and I will never break his heart.”

Lalong lumakas ang iyak ni Aera. She broke Bart’s heart. Iyon mismo ang iniiyakan niya. Hindi niya matanggap na sinaktan niya ang lalaking pinakamamahal niya. Nakita niya sa mga mata nito kanina kung gaano ito nasaktan sa ginawa niya. Pakiramdam niya ay nadurog ang puso niya.

“`Wag mo na `kong guluhin, Aera. Masaya na `ko sa buhay ko ngayon na wala ka na rito.”


PINAGMASDAN ni Aera ang tatlong magkakatabing establisimento sa harapan niya. Sa left side ay isang beauty salon. Sa right side naman ay isang milk tea shop. At sa gitna ay ang dating car wash ni Mang Baste pero improved version na. Kasalukuyang may isang kotse na nililinis doon ang isang car wash boy.

Lahat ng iyon ay mga negosyo ni Polly. Kaya naman taas-noo ang beki habang ipinangangalandakan sa kanya ang pagiging isang successful “businesswoman” nito. 

Mapera si Polly kaya naman nagawa nitong mabayaran ang hospital bill niyang hindi lahat ay sinagot ng health card at Philhealth niya. Wala siyang health insurance kaya malaki pa rin ang kinailangang bayaran sa ospital.

Umabot sa four hundred sixty thousand pesos ang bill ni Aera sa ospital. Wala pang kalahati ang sinagot ng HMO at Philhealth. Kaya paglabas niya ay may utang siyang two hundred ninety thousand pesos kay Polly.

Confident naman si Aera na may ipon siya dahil matipid siyang tao at mahilig mag-save kaya paglabas sa ospital ay kinalkal agad niya ang mga gamit sa bahay para hanapin ang passbook niya.

Pero one hundred fifty thousand pesos lang ang laman ng kanyang passbook. May nakita pa siyang isang ATM card na mukhang pinagbabagsakan ng sahod niya at sinubukan niyang hulaan ang pin code niyon. Nahulaan naman niya pero nanlumo siya nang makitang sampung libo lang ang laman ng ATM card.

Kaya ngayon ay may utang pa si Aera kay Polly at hindi ito pumayag nang sabihing babayaran na lang niya ang natitirang utang sa oras na bumalik na ang alaala niya. Ang sabi nito, since hindi na siya makakabalik pa sa trabaho dahil wala siyang kapasidad na maging accountant sa mga panahong iyon ay magtrabaho muna siya sa negosyo nito. Pagtrabahuhan daw niya ang utang niya para makabayad siya nang paunti-unti hanggang sa bumalik siya sa dating sarili.

Pumayag na lang si Aera dahil wala rin naman siyang mapagkukuhanan ng kakainin kung kinuhang lahat ng bruhang bakla ang pera niya.

“Papipiliin mo ba ako kung saan ko gustong magtrabaho?” tanong ni Aera sa beki. Tumuon ang tingin niya sa kanan. “Sa milk tea shop na lang. Turuan mo na lang akong magtimpla ng milk tea.”

Eight years ago ay mayroon nang milk tea pero hindi pa ito ganoon kasikat. Hindi tulad sa kasalukuyang panahon na halos lahat ng maraanan ay may milk tea shop na.

Umigkas ang kilay ni Polly. “Anong papipiliin? Hindi kita pinapapili. Magtatrabaho ka sa lahat nang `yan.”

Napanganga si Aera. “Ha?”

“Monday and Tuesday, doon ka sa parlor. Magwalis-walis ka roon ng ginupitang buhok, magsa-shampoo ng customer, tatayo sa counter…” Itinuro nito ang milk tea shop. “Wednesday and Thursday, doon ka sa milk tea shop. Mag-a-assist ka kay Jelay sa pagtimpla ng milk tea at maglilinis ng shop. Friday and Saturday, dito ka sa car wash.”

“Ano’ng gagawin ko sa car wash?”

“Ano pa? Eh, di maglilinis ng kotse!”

“Paglilinisin mo `ko ng kotse?” hindi makapaniwalang pagkumpirma niya.

“Ano’ng gusto mo? Ikaw na lang ang ipanglinis sa kotse?”

Bumalik ang tingin ni Aera sa car wash boy na may hawak na malaking sponge na ikinukuskos nito sa car door.

Ni wala siyang nakitang kotse sa garahe niya. Wala siyang sasakyan kundi ang scooter na naibangga niya kaya malamang ay hindi rin siya marunong maglinis ng kotse. At saka sa ganda niyang iyon, gagawin lang siyang car wash girl ng malditang beking ito?

“Baka naman… puwedeng sa parlor na lang, saka sa milk tea shop ako—”

“Hindi puwede! Kung hindi ka papayag sa gusto ko, ibalik mo ngayundin ang perang ipinambayad ko sa hospital bill mo.” Inilahad ni Polly ang palad habang may pagtataray ng kilay. “Kung hindi, idedemanda kita ng fraud.”

“Fraud?”

“Dahil t-in-rick mo `kong bayaran `yong hospital bill mo by telling me na siguradong malaki ang savings mo at mababayaran mo ako paglabas mo sa ospital.”

Hindi nakaimik si Aera.

Halatang naligayahan si Polly dahil hindi siya makalaban dito. “Ilang taon kang nagtrabaho, one hundred fifty K lang ang naipon mo?”

May ipon naman talaga siya. Nang tingnan kasi niya ang previous entries ng kanyang passbook ay malaki-laki naman ang pera niya a few months ago. Umbot sa mahigit six hundred thousand ang ipon niya pero nag-withdraw siya nang malaking halaga two months ago. Saan kaya niya ginamit iyon?

“Poor Aera…” patuloy ni Polly habang nakatingin sa kanya na parang naaawa pero alam niyang nagdiriwang ito internally. “Wala na ngang memory, wala nang dyowa, wala pang pera.”

Oo nga. Poor her. Hindi sana siya nagdurusa ngayon kung hindi siya isang napakalaking gaga.

Hindi pa rin talaga lubos maisip ni Aera kung bakit niya nagawa iyon kay Bart. Kung paano niya naatim na sirain ang pitong taong pinagsamahan nila nang dahil sa ibang lalaki. Ni hindi niya maalala kung sino ang lalaking iyon at halatang wala na ito sa buhay niya sa kasalukuyan.

Kailangan niyang alamin kung ano ang mga nangyari sa kanya sa loob ng walong taon. Lalong-lalo na ang mga kaganapan bago sila naghiwalay ni Bart. Pero paano niya gagawin iyon? Saan siya magsisimula? Alam niyang wala siyang tiyagang magsulat ng diary kaya imposibleng mayroon siyang written memories.

Wala na ang tiya ni Aera na makakatulong sana sa kanya—hindi lang sa monetary problem niya kundi sa memory retrieval. Baka sinabi niya sa tiya ang dahilan kung bakit nagawa niyang ipagpalit si Bart sa ibang lalaki.

 Biglang naalala ni Aera na mayroon pala siyang nag-iisang close friend ayon kay Polly. Siguradong marami itong nalalaman sa kanya. Baka matulungan siya nito sa pagpapabalik ng mga alalang nawala sa kanya. At baka pati sa problema sa salapi ay ma-rescue siya nito.

“Hihingi ako ng tulong sa friend ko!” bulalas ni Aera. “`Di ba, sabi mo, nasa Korea siya? Baka mapera `yong Koreano niyang asawa.”

“Kay Maris? Do you even remember her? Mukhang nakilala mo siya noong twenty ka na. Kaya kasama siyang nabura sa alaala mo.”

“Hindi ko siya maaalala pero maaalala niya `ko. Tutulungan niya akong makaalala. Marami akong gustong malaman tungkol sa walong taon ng buhay ko.”

“Paano mo siya kokontakin? Alam mo ba `yong number niya? Ni wala kang phone.”

Kasama sa hinalughog ni Aera sa bahay ang cellphone pero wala siyang nakita. Imposible namang wala talaga siyang mobile phone. Ang sabi ni Carrie, baka raw noong naaksidente siya ay kasama niyang lumipad ang cellphone niya pero nahulog iyon sa imburnal o kaya naman ay nasalo ng snatcher.

“Baka naman meron akong contact notes sa bahay ko, hindi ko pa lang nakikita. Kung wala, hahanapin ko siya sa Facebook!”

Noong binabantayan siya ni Carrie sa ospital ay nalaman niya mula rito na lahat ng tao sa mundo ay may Facebook na ngayon. Wala pa siyang Facebook account noong twenty-thirteen dahil hindi siya mahilig sa ganoon noon. Kaya naman ipina-search niya kay Carrie ang pangalan sa app. May lumabas namang account niya pero kaunti lang ang posts na visible.

“Naaalala mo ba `yong password mo sa FB?”

 Iyon lang. Ni hindi nga niya mabuksan ang account niya sa Facebook dahil failed ang lahat ng hula niyang passwords. Baka rin iba ang ginamit niyang e-mail address doon. Baka hindi ang huling naaalalang e-mail address ang gamit niya sa account na iyon kundi bago kaya wala nawala rin sa memorya niya.

“Eh, di gagawa ako nang bago tapos hahanapin ko `yong Maris na `yon para i-message siya.”

“Eh, di go! Pero habang hindi mo pa nako-contact si Maris, magbanat ka na nang buto para nauumpisahan mo nang makapagbayad. By the way, kukuhanin kong lahat ng pera mo sa dalawang bank accounts mo. Titirhan lang kita ng five K kasi kawawa ka naman. Baka wala kang pambayad ng bills.”

Lihim na naikuyom ni Aera ang mga palad. Napakalupit ni Polly. Wala man lang itong konsiderasyon sa kalagayan niya. Mukhang nakahanap ng tiyempo para pahirapan siya nang husto. All because siya ang minahal ng lalaking pinagpapantasyahan nito noon pa man. 

Pero si Polly pa rin ang naroon nang mangailangan siya ng tulong kahit hindi niya hiningi. Kung wala ito, baka sa kangkungan siya pulutin. Hindi siya magagamot noong naaksidente siya at makakalabas ng ospital dahil wala siyang pambayad sa malaking hospital bill. Baka na-tegi na siya nang tuluyan. Kaya malaki pa rin ang utang na loob niya sa beki. Ito pa rin ang sumagip sa kanya.

Napabuntong-hininga na lang si Aera. “Bigyan mo muna ako nang dalawang para halughugin ang bahay ko. Baka sakaling bumalik ang alaala ko bigla kapag nakahanap ako ng mga makakapagpaalala sa akin sa nakaraan ko. Hayaan mo rin muna akong magdalamhati sa kinasapitan ko. Hindi pa ako nakaka-recover sa katotohanang wala na si Bart sa buhay ko. Kaya bigyan mo muna ako ng time para iyakan lahat ng `to.”

Umingos si Polly. “Ang drama. As if naman hindi ka nag-cheat kung maka-emote ka nang ganyan. Naku, pasalamat ka talaga, hindi kumalat sa socia media `yong ginawa mo kundi isa pa `yan sa poproblemahin mo ngayon dahil maba-bash ka talaga nang todo. Nakakahiya. Mukhang nagawan ng paraan ng pera ng mga Armendarez at De Ramos na ma-block ang paglabas ng balita tungkol sa tunay na dahilan kung bakit hindi natuloy ang pagsasanib ng dalawang tagapagmana. Kaya walang nakakaalam na isang luka-lukang babae ang dahilan. Pero malay mo, one of these days, makatanggap ka na lang ng subpoena dahil idindemanda ka nila sa ginawa mong panggugulo sa kasal nila at pagkasayang ng milyones na ginastos sa kasal na `yon.”

Magagawa ba talaga sa kanya ni Bart iyon? Ramdam ni Aera na malaki ang galit sa kanya ng ex-boyfriend pero alam niyang hindi ganoong klaseng tao ito. Alam rin nitong kaya niya nagawa iyon ay dahil may amnesia siya kaya wala sa tamang sarili nang mga oras na iyon.

“Hindi magagawa sa `kin ni Bart `yon.”

“Hindi ka na niya mahal. Kaya puwede ka niyang idemanda, lalo na kung ang family niya ang mag-initiate ng law suit.”

Parang gustong mapaluha ni Aera.

Hindi na siya mahal ni Bart. Wala nang sasakit pa sa mga salitang iyon.

About Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.