[PREVIEW] Status: Single (But Not For Too Long)
HABANG nakaupo kami ni Jaja sa couch sa sala ng condo unit ko at patuloy ako sa pagngalngal ay panay ang hagod niya sa likod ko. Hinahagod nga ng best friend ko ang likod ko para aluin pero nakatuon naman ang mga mata sa cellphone niya, naghahanap ng best deals sa Lazada.
“I hate him,” sabi ko sa gumagaralgal na tinig habang nakasapo ang mga palad sa mukha kong basang-basa ng luha.
“Okay lang ‘yan, Zoey,” pag-alo ni Jaja na walang tigil sa paghagod sa likod ko at pag-scroll sa Lazada app.
“Sabi niya, he could see us together standing in front of the altar. Pero ngayon, iniwan ako ng gago.”
I was talking about my ex-boyfriend, Wendell. Three years ding naging kami. I met him while I was nursing a broken heart. I fell for him instantly. He was such a sweet guy… and rich but eventually, he started to change. Nanlamig na siya sa akin at hindi ko alam kung ano ang nagawa ko. Ang sabi niya, na-fall out of love lang siya.
He said, not all romantic feelings were bound to last forever. And we were all in search of a love that would last a lifetime. Unfortunately, we did not find it with each other. Buwisit siya.
“Okay lang ‘yan, bes.”
“Bumuo na kami ng pangalan ng future children namin. Ang dami na naming pinlanong magkasama. Kulang na lang, proposal niya. Wala pala akong hinihintay. Pinaasa lang ako ng hayup na ‘yon…”
“Okay lang ‘yan, bes…”
“Ano ka ba?” I snapped at Jaja. Natigil tuloy siya sa paglalagay sa cart ng item na tinitingnan. “Bakit puro ka ‘okay lang ‘yan?’ At saka bakit parang mas binibigyan mo pa ng atensiyon ‘yang flash sale ng Lazada kaysa sa ‘kin? Hindi kita tinawag dito para mag-online shopping.”
Wala man lang guilt sa mukha ni Jaja nang ibaba ang phone. “Kasi after two to three months, may bago ka na ulit love life kaya okay lang ‘yan. Mabilis ka namang maka-move on, eh.” Tinapik niya ako sa likod. “Makakalimutan mo rin agad ‘yang ex mo.”
Natigil ako sa pag-akmang pagsinga at napatitig sa kawalan. Hindi ko alam kung maiinsulto o mare-relieve ako sa sinabi ng best friend ko.
I had one brief and three long-term relationships before Wendell. Sixteen years old pa lang ako, may boyfriend na ako. Tumagal kami ni Justin ng six months. Nang mag-break kami ng first boyfriend, nakilala ko agad ang naging second one ko. Almost four years kaming nagtagal ni TJ. Three months lang akong nag-grieve kay TJ dahil nakipag-date na agad ako kay Erick. Tumagal ang relationship namin ng six years.
Akala ko si Erick na ang makakatuluyan ko dahil mas tumagal kami kaysa sa previous relationship ko pero nagkamali ako. Four months after our breakup, sinagot ko si Wendell na nang malaman na single na ulit ako ay niligawan agad ako. Actually, kahit noong boyfriend ko pa si Erick ay nagpaparamdam na sa akin si Wendell pero dine-deadma ko lang siya. I only entertained him when Erick and I broke up. Ang sabi sa akin ni Wendell, gagamutin daw nito ang sugat sa puso ko. Pero ang walanghiya, susugatan rin pala ako after three years.
Kaya nasabi ni Jaja na madali lang akong maka-move on ay dahil hindi ko nga naman naranasan ang mag-grieve nang matagal over a failed relationship. Hindi ko naranasan ang mabakante. After a breakup, I would soon date someone new and fall in love again.
It was not like I asked for a new love to come along that fast. Sila naman ang nagsidatingan agad, tinanggap ko lang. I must be resilient but that was because a new guy would always help me pick up my pieces every time I was brokenhearted. But people around would look at it negatively. Ang feeling nila, mabilis lang talaga akong maka-move on.
They said I was a serial monogamist. Maybe it was true because I felt uncomfortable being alone. I could not stand being loveless. Kaya rin siguro hindi ko natatanggihan ang maagang pagpasok ng bagong pag-ibig. Maybe I was hopeless romantic. I always wanted to love and be loved. Pakiramdam ko, hindi kompleto ang buhay ko kung walang lalaking nagmamahal sa akin.
Ang sabi ni Jaja, “marupok” ang tawag sa akin. That was coming from a girl na nag-asawa nang maaga. Jaja got pregnant at eighteen and got married early. Nine years old na ang anak niya ngayon. First boyfriend niya si Jed kaya hindi pa niya naranasang maging brokenhearted. Kaya wala siyang experience sa kung paano mag-move on at magmahal muli.
“Zoey,” untag sa akin ni Jaja. “Hoy, bes.” Niyugyog niya ang balikat ko kaya tumingin ako sa kanya.
“You’ve been here before,” patuloy ng best friend ko. “Ilang beses na. Kaya kayang-kaya mo ‘yan.”
Matalim ang tingin na ibinigay ko kay Jaja. Noong unang dalawang beses na na-brokenheart ako, nakikiyak din siya sa akin dahil damang-dama niya ang pain ko. Sa pangatlo, hindi na siya umiyak pero nakisimpatya pa rin. Pero ngayon, nagawa pa niyang mag-online shopping habang umiiyak ako. Like it was a normal phenomenon na lang. Baka sa susunod, ipagkibit-balikat na lang niya ang nangyari sa akin.
“Galit ka, bes?” tanong ni Jaja na mukhang na-guilty na.
“Tse!” singhal ko sa kanya.
Niyakap niya ako. “Sorry na, bes. Kasi naman, alam ko namang kayang-kaya mo ‘yan kaya hindi na ako sobrang nag-aalala para sa ‘yo. Saka hindi naman masyadong kawalan ‘yong si Wendell. To be honest, I didn’t really like him for you. I’m sure makakahanap ka pa ng mas okay kaysa sa kanya.”
“That’s not the point, Ja. Naka-apat na boyfriend na ‘ko.”
Bumitiw sa akin si Jaja. “Pero ‘yong una, puppy love lang ‘yon.”
“Lahat ng relationships ko, hindi nag-work out.”
“Pero ‘yong kay Justin, ‘wag mo nang isama sa bilang kasi nagkapikunan lang kayo sa anime, nag-break na agad kayo.”
Hindi ko inintindi ang sinasabi ni Jaja. “Bes, ano bang mali sa ‘kin? Bakit laging nauuwi sa ganito?”
“Wala! Walang mali sa ‘yo. Sila ang mali para sa ‘yo, okay?”
“You think so?”
Hinagod ni Jaja ang buhok ko at ikinipit ang ilang strands sa likod ng tainga ko. “You’d been a wonderful girlfriend. Maganda, cup C, charming personality, madiskarte, malambing, mapagmahal at medyo smart.”
“Medyo lang talaga?”
“Ayaw ng mga lalaki ng masyadong matalinong babae kasi nai-intimidate sila at saka boring ‘yong mga ganoon kaya perfect ka talaga. Ikaw ang ideal girl ng lahat. Kaya nga hindi ka nababakante, eh. Palaging may nakaabang o dumadating kapag nawawalan ka ng love life. Kasi in demand ang kalibre mo.”
“Talaga ba, bes?”
Tumango nang may assurance si Jaja. “Oo, bes. Kaya wala sa ‘yo ang problema, okay?” Humugot siya ng tissues at siya na mismo ang nagdampi niyon sa mga pisngi kong basa sa luha. “Hindi lang talaga sila ‘yong para sa ‘yo. Hindi mo pa lang talaga nakikita si Mr. Right. Pero darating din siya, okay?”
“Pero twenty-eight na ‘ko, Ja. Tumatanda na ‘ko. Bakit ang tagal-tagal namang dumating ng Mr. Right ko? Bakit ‘yong sa ‘yo, ang bilis?”
“Sa sobrang bilis nga, hindi ko na na-enjoy ang youth ko.” Bumuntonghininga si Jaja. “Although hindi naman ako nagsisisi na dumating sa buhay ko si Jep-jep pero puwede namang na-delay sana siya nang konti ng dating ‘di ba? Iyon ang catch, bes. Ang dami kong hindi naranasan dahil sobrang agang dumating ni Mr. Right. Ikaw naman, dahil matagal dumating, marami ka munang makikilalang Mr. Wrong along the way. Would you rather switch fates with me?”
Marahas ang ginawa kong pag-iling. “‘Di ko type si Jed.”
Itinulak ni Jaja ang ulo ko. “Gaga. Hindi partner, fate lang.”
Saksi ako sa hirap na dinanas ni Jaja noong nabuntis siya nang maaga. Sobrang disappointed sa kanya ang parents niya. Hindi siya kinausap ng daddy niya nang seven months. Ang mommy niya, na-depress dahil sa kanya. Nag-iisa lang kasi siyang anak at may pangarap para sa kanya ang mga magulang pero ganoon ang kinahinatnan niya.
Hindi kami sabay gr-um-aduate ni Jaja dahil nag-skip siya ng three years. Ayaw kasi niyang iwan ang pag-aalaga sa anak. Nakatapos naman siya ng college at sa ngayon ay siya ang nagma-manage ng coffee shop business nila ni Jed habang ang asawa niya ay nagtatrabaho sa isang malaking telecom company. Maayos na ang buhay ni Jaja ngayon pero alam kong may regrets pa rin siya.
“Wendell is just another Mr. Wrong. You’re going to meet your Mr. Right soon. Malay mo, ‘yong next mo, siya na.”
Ako naman ang yumakap kay Jaja. Gumanti siya ng yakap. Masakit pa rin sa akin ang nangyari sa amin ni Wendell pero iyong thought na isa lang siyang Mr. Wrong na dumaan lang sa buhay ko, medyo nabawasan ang sakit sa dibdib ko.
“Ja, dito ka muna matulog ngayon. I need you. Kailangan ko ng kasama.”
“Alam mong hindi puwede. Paano ‘yong anak ko? Baby pa rin ‘yon kahit na hanggang kili-kili ko na.”
“Dalhin mo na lang dito si Jep-jep.”
“Tapos, ano? Maririnig niya ‘yong mga atungal at pagmumura mo sa ex mo?”
Sumibi ako. “Ayokong mag-isa…”
“Tawagan mo si Lottie,” tukoy niya sa younger sister ko. “Sabihin mo, samahan ka muna uli.”
Noong nag-break kami ni Erick, pinatira ko muna sa condo unit ko ang kapatid ko dahil ayokong mag-isa. Pero noong time na iyon ay single si Lottie. Ngayon ay may boyfriend na ito.
Umiling ako. “Ayoko. Kasi kapag pinatira ko rito ‘yon, pupunta rin dito ‘yong dyowa niya. Tatambay dito o susunduin siya, maiirita lang ako. Ayokong makita silang naglalampungan at baka maingudngod ko sila sa isa’t-isa ganitong brokenhearted ako.”
Umigtad si Jaja nang marinig ang pagtunog ng cellphone. Mukhang alarm clock.
“Bes, kailangan ko nang umalis,” paalam niya. “Patapos na ‘yong klase ni Jep-jep. Kailangan ko na siyang sunduin. Sorry, ha. Bukas na lang, labas tayo.”
Tumango na lang ako. Alam ko namang pamilyada na si Jaja at may mga responsibilidad siyang hindi puwedeng iwan nang dahil lang sa akin. Simula noong nabuntis siya, alam kong hindi na magiging tulad ng dati ang lahat na halos siya lang ang kasama ko.
Pagkatapos magbilin ni Jaja ay nagpaalam na siya. Nang marinig ko ang pagsara niya ng pinto ay muling binalot ng matinding lungkot ang dibdib ko. Itinaas ko ang mga paa sa couch at niyakap ang mga binti.
I was all alone. I was alone again.
————————————————————–
NAGPALIT lang ako ng relationship status sa Facebook, bumulwak na ang comments sa life event ko. Ano, artista lang? Na kapag nag-announce ng breakup o nag-switch back to single ang status, dumog na ng reactions and comments?
In-scroll ko ang comments at nakita ko ang pangalan ng old classmates and schoolmates, mga dating barkada, dating manliligaw, officemates at mga kamag-anak.
OMG. Nag-break na kayo? Akala ko kayo na ang magkakatuluyan kasi nakita ko parang sobra ka niyang love, sabi ng classmate ko noong college na laging naka-like sa tuwing may post ako about Wendell kaya updated siya sa love life ko kahit hindi naman kami talaga close.
Sayang. Rich kid pa naman ‘yon, sabi ng tita kong mukhang pera.
Okay lang ‘yan, Zoey. It’s his loss, sabi ng officemate ko.
Wow! Single ka uli? Baka naman…
Umiling ako nang makita ang smiley emoticon sa sinabi ni Sonny na sa tuwing single ako ay nagpaparamdam kahit ilang beses ko nang binasted. Kung puwede akong mag-reply, sasabihin ko sa kanya na “No, Sonny, marupok nga siguro ako pero hindi desperada.”
It’s okay, Z. He’s just not the right one for you, sabi ng dati kong ka-barkada noong high school na nasa States na ngayon.
You’re too pretty for that guy, anyway, sabi ng pinsan kong nagtatrabaho sa Canada.
Single again? But I guess it won’t be for too long.
Binalikan ko ang pangalan ng huling comment na binasa ko. Leah Dimaano? Automatic na naningkit ang mga mata ko. Hindi ko naman ito friend pero bakit nag-comment sa timeline ko? Ito iyong coursemate kong classy kontrabida ala-Cherie Gil ang aura noong college. Simula nang dumating kami sa isang school gathering nang accidentally ay pareho ng outfit, ang tingin na yata sa akin ay second-rate trying hard copycat.
Ang sabi sa akin ni Jaja, insecure lang sa akin si Leah dahil ligawin ako at ito ay hindi. In fact, sa pagkakaalam ko, isa lang ang naging boyfriend ni Leah na nakilala nito noong nagtatrabaho na ito. Last year, sinabi sa akin ni Jaja na break na raw si Leah at ang boyfriend kahit hindi naman ako interesadong malaman. Hindi na nagka-boyfriend pa ang babae pagkatapos niyon. In fact, single siya ngayon.
Kung hindi ko kilala si Leah, iisipin ko na tiwala siya sa beauty ko kaya sinabi niya iyon. Pero dahil alam kong hindi niya ako bet, insult ‘yong sinabi niya. Siguradong updated siya sa akin kahit hindi kami friends dahil tsismosa ang mga tao sa Facebook. Kaya alam ko, isa siya sa negatibo ang tingin sa pagiging serial monogamist ko.
Malamang, isa rin siya sa masama ang tingin sa akin dahil mabilis akong mag-move on. Mabilis akong makahanap ng kapalit. Hindi ako naggi-grieve nang matagal over a failed relationship. Hindi ako makatagal nang walang boyfriend. Malandi siguro ang tingin niya sa akin.
Kung malandi ako, sana hindi nagtatagal ang relationships ko. Serial dater dapat ako at hindi isang serial monogamist.
How dare she try to mock me just because I could easily find a new relationship. What was the use of prolonging the grief over something that was over? If you had the chance to start over with another love, why wouldn’t you grab that chance? Not everything could be replaced. So if you could replace it, why not do it?
Bumuntunghininga ako nang maalala ang nanay kong nag-abandona sa akin noong bata pa ako. Sa tuwing natatapos ang relasyon ko, naaalala ko siya. Five years old ako noong dalhin ako ng mama ko sa isang bahay na hindi pamilyar sa akin. Ang sabi niya sa akin, ipapakilala niya ako sa biological father ko. Hindi niya sinabi sa akin na iiwan na niya ako sa bahay na iyon.
Apparently, hindi alam ng daddy ko na nagkaanak ito kay Lilian Galvez na dating girlfriend kaya nagulat din ito sa existence ko. That same day, ibinigay ako ng mama ko sa daddy ko. Araw-araw ay umiiyak ako noon sa paghihintay sa pagbabalik ni Mama pero hindi niya ako binalikan. Dahil walang alam si Daddy sa pag-aalaga sa bata, kumuha si Lolo Teo ng yaya na mag-aalaga sa akin.
After two years, nag-asawa ang daddy ko. Fortunately, hindi wicked stepmother si Tita Sandy pero dahil ayokong maging istorbo sa kanilang mag-asawa at maging pabigat kay Tita Sandy, hindi ako sumama sa kanila nang bumukod sila. Nanatili ako sa bahay ng lolo ko. Walang nagawa si Daddy kundi ang iwan ako kay Lolo dahil ayaw ko talagang sumama.
Noong eleven years old ako, saka ko lang nalaman na namatay na pala ang mama ko isang taon matapos akong iwan sa daddy ko. Hit and run ang ikinamatay. Pero hindi ko na nalaman pa kung bakit iniwan niya ako sa ama ko. Ang sabi sa akin ni Lolo Teo, hindi ako dapat magtanim ng sama ng loob sa mama ko dahil obligasyon din naman talaga ako ng daddy ko. Huwag ko raw isiping iniwan ako dahil karapatan din ng ama ko na makasama ako. Hindi lang sila puwedeng magkasama dahil hiwalay na sila.
Still, hindi ko pa rin maisip kung paano nakaya ng mama ko na malayo sa akin. Actually, hindi ko na maalala kung paano niya ako inalagaan o kung minahal ba talaga niya ako. Ang alam ko lang, siya lang ang mundo ko noon. Kaya nang iwan niya ako sa isang taong hindi pamilyar sa akin, parang nagunaw ang mundo ko. I felt devastated and alone.
I wished I could get myself another biological mother when she left me but that would be impossible. Kaya siguro hanggang ngayon, sa tuwing naalala ko siya, nasasaktan pa rin ako. Kasi alam kong irreplaceable siya. Hindi katulad ng boyfriend na puwedeng palitan kapag iniwan ako. Puwedeng magsimulang muli at magmahal muli.
Tumayo ako mula sa kama at lumabas sa balcony ng condo unit ko para lumanghap ng hangin. Nang mamatay ang lolo ko noong twenty years old ako, ginamit ko ang perang minana ko sa kanya para makabili ng condo unit. I had been alone in this place for eight years. Kahit na may daddy ako, hindi ko naman siya nakasama sa iisang bahay habang lumalaki ako. Madalas ko man siyang nakikita at nakakausap at hindi ako pinabayaan sa lahat ng mga pangangailangan ko, pakiramdam ko ay mag-isa pa rin ako. Alam ko kasi na kahit kailan, hindi ako magiging parte ng pamilya niya.
Anak pa rin ako sa labas kahit alam kong ayaw nilang iparamdam sa akin iyon. I did not have a family of my own. I was alone.
And I was literally alone right now. No one was beside me at all. Hindi bale. Love would soon knock at my door once more. And I knew it would not be long until I was not alone again.
————————————————————–
Six months later…
ISANG baldeng pawis na yata ang inilabas ng pores ko pero hindi pa rin ako tumitigil sa kaka-burpees. Ang dami kong energy ngayon. Halos mamatay-matay na ang mga kasabay ko sa gym pero ako, parang lumaklak ng anabolic steroids sa tindi ng endurance.
Natigil lang ako nang bigla akong sunggaban ni Jaja na nakalawit na ang dila at habol na ang paghinga. Nai-insecure na raw siya sa bilbil niya kaya nang malamang maggi-gym ako ngayon ay sumama siya.
“Bes… may balak… ka bang… sumali… sa Olympics?” hingal-kabayong tanong niya.
Tiningnan ko siya nang matalim. “Sinira mo ‘yong momentum ko.”
“Tama na… Magpahinga ka naman…”
Umupo na rin ako sa mat. Ang ibang mga kasama namin ay nakahiga na. In-announce ng fitness instructor na may ten minutes break kami. Lahat ay nagsialisan sa mat para siguro kumuha ng tubig o magbanyo. Kami na lang ni Jaja ang natira sa mat. Pinunasan ko ng towel ang pawis ko.
“Bes, ano bang nakain mo?” puna niya. “Bakit sobrang hyper mo?”
“Kailangan kong magbawas ng timbang.”
“Hindi ka naman mataba, ah.”
“Anong hindi? Nag-gain ako ng three pounds.”
“Parang three pounds lang.”
“I need to stay in shape.”
“Tapos kahapon, buong maghapon ka sa derma. May pinagawa ka ba?”
“Wala! Gusto ko lang ipaalaga ang skin ko.”
“Buti ka pa, madaming time. Ako, gusto ko rin sanang magpa-derma kaya lang, sobrang busy ngayon. Kundi mo nga lang ako ipinagpaalam kay Jed ngayon, hindi ako makakawala.” Bumuntonghininga si Jaja. “I just realized I’ve been juggling three jobs.”
“Three jobs?”
“I’ve been juggling being a café manager, a wife and a mother. ‘Yong time ko lang for myself—breaktime. Short breaks. Halos wala na akong time para sa sarili ko. Kaya i-enjoy mo lang ‘yan, bes. Habang wala ka pang asawa at anak. Ang sarap ng buhay ng single.”
Pagkarinig sa salitang “single” ay parang nagpanting ang mga tainga ko. Naramdaman ko na lang ang pagtigas ng mga panga ko.
“Single…” I said in between gritted teeth. “Sa tingin mo talaga, masarap ang buhay ng mga single?” Tinapunan ko siya ng matalim na tingin.
Nanlalaki ang mga mata ni Jaja na halatang nagulat sa biglang pag-iiba ng timpla ko.
Hinarap ko siya at nagsalita sa kontroladong tinig. “Six months na, Ja! Six months na akong single. Hindi ako nasasarapan.”
“Oo nga pala. Six months na pala ang nakalipas?” Parang gulat na gulat si Jaja. “Ngayon ko lang na-realize na umabot ka ng six months na wala pa ring bagong dyowa!”
“Shhh!” saway ko sa kanya. “Hinaan mo lang.” Wala namang mga tao sa kalapit pero ayoko pa ring marinig ng mga tao sa paligid na wala akong dyowa.
“Pero ‘di ba lumalabas ka naman with some guys noong mga nakaraan? Nagse-send ka pa nga ng pictures nila sa ‘kin. Wala ka pa bang napipili sa kanila?”
Totoo iyon. Pumupunta ako sa bars, parties at social gatherings para makakilala ng eligible bachelors nang pasimple. May ilan akong naka-date para maka-get to know each other.
“Hindi ko naramdaman na gusto kong makarating sa next level with them. Parang hindi sila relationship type. Hindi sila boyfriend-material. Mukhang gusto lang nila ng hookup. Eh, alam mo namang ayoko ng gano’n. Until lately, wala na talagang nanliligaw o nagpapa-cute man lang sa ‘kin. As in, wala na.”
Kaya binuhos ko na lang muna sa trabaho ko ang panahon ko dahil sa frustration sa mga lalaking nakikilala ko. Madalas akong mag-overtime at mag-take home ng trabaho para i-distract ang sarili ko. Mukhang nagbunga naman ang pagpapaka-busy ko sa work dahil napansin ako ng accounting head. Nasali tuloy ako sa candidates na pagpipilian para sa promotion.
Currently, isa akong junior financial analyst sa isang malaking food company. Nakakatawa. Kung hindi pa ako naging single, hindi pa yata ako magkakaroon ng chance na maging isang senior financial analyst.
“Anong wala? Eh, ano si Sonny?”
Parang gusto kong umatungal. “Si Sonny? Should I be relieved na nandiyan si Sonny? Eh, tuwing nagiging single ako, nandiyan naman talaga ‘yon?”
Schoolmate namin si Sonny noong high school. Hindi ko alam kung sinundan talaga niya kami ni Jaja kaya nag-enroll din siya sa university na pinag-enroll-an namin ng best friend ko. Basta madalas siyang magpa-cute sa akin kapag wala akong boyfriend. Pero hindi nakatapos ng college si Sonny. Masyado kasing naadik sa gaming. Sa ngayon ay mayroon siyang sariling mid-range computer rental shop na kung ipagyabang niya sa akin iyon ay para bang ka-level na niya si Henry Sy as a businessman.
“Alam mo ang kalibre ng mga naging boyfriend ko. Isang school heartthrob varsity player na PBA player na ngayon, isang consistent dean lister na naging suma cum laude na lawyer na ngayon, isang talented architect at isang rich and successful businessman. Si Sonny… let’s be honest. Dumi lang siya sa kuko ng exes ko.”
“Grabe naman sa dumi lang sa kuko. Sabihin mo na lang na fuckboy siya.”
“Bagsak sa looks, bagsak sa talino, bagsak sa talent at career, bagsak sa financial capacity at lalong-lalo na sa personality. Sana man lang kahit isa sa mga department na ‘yan, may kalagyan siya kaso wala ni isa. Hindi pa ako desperada, bes. Nagpa-panic na ako pero hindi pa ako desperada.”
“Alam mo, baka nga kaya parang lagi kang nagmamadaling maging taken uli, eh, para mawala na agad sa paningin mo si Sonny.”
“Bes, pangit na ba ‘ko? Mukha na ba akong matanda? Hindi na ba akong mukhang fresh? Nabawasan na ba ‘yong alindog ko? Twenty-nine na ‘ko. Isa na lang thirty na. Paano kung hindi na ako makapag-asawa?”
“Shhh!” saway sa akin ni Jaja. “Ano ba ‘yang mga pinagsasabi mo? Kaya ba puspusan ‘tong paggi-gym mo at pagpapa-beauty mo kasi nai-insecure ka na sa hitsura mo dahil lang tumagal ka nang six months nang walang boyfriend?”
Bumuntonghininga ako. “Nagpa-panic na ‘ko, Ja. Hindi ako sanay na maging single nang ganito katagal.”
Pinakatitigan ako ni Jaja. “Pero naka-move on ka na ba kay Wendell?”
“Do you really think I’d spend six months crying over him and wishing he’d come back to me?”
Liar, sita ng isip ko. I still thought of Wendell everyday. His memories lingered in my condo and the places we had been. And just a week ago, I cried when I heard a song that reminded me of him. Pitong buwan na ang nakakalipas. Ngayon lang nangyari sa akin na tumagal nang ganoon ang pag-grieve ko sa isang ex. Kahit doon sa six-year relationship namin ni Erick, naka-move ako roon after four months lang.
“Iyon naman pala, eh. Ibig sabihin, you’re doing well even without a rebound boyfriend.”
Natigilan ako sa sinabi ni Jaja. Just in time na bumalik ang instructor namin para sabihing magsibalik na kami sa puwesto.
————————————————————–
HINDI na kami nakapag-usap ni Jaja pagkatapos ng gym class namin dahil nagmamadali na siyang umuwi nang tumawag ang asawa. Nilagnat daw kasi bigla si Jep-jep. Dapat ay yayayain ko siya sa isang bagong bukas na healthy restaurant sa Tomas Morato pagkatapos naming mag-gym pero next time na lang siguro kapag puwede na ulit siya. Ako na lang muna sa ngayon.
Charred shrimp and avocado salad at berry iced tea with ginger and mint ang in-order ko. Hindi muna ako kakain ng fast food at iinom ng milk tea. I needed to stay fit. Mamayang gabi, matutulog ako nang maaga. I needed to sleep for eight to nine hours every night for my skin and health. I could not afford to look old and fat. Otherwise, baka hindi na ako makapag-asawa.
I realized, while I was sipping on my healthy iced tea, that I was slowly drifting away from my youth. I never imagined myself in this situation. Hindi kasi ako nawawalan ng love life kaya hindi ko in-expect na darating ako sa ganitong edad na single pa rin. Ang inaasahan ko noon, mag-aasawa ako by the age of twenty-six. Sinong mag-aakala na aabot ako ng twenty-nine nang hindi pa kasal and in fact, loveless, as of now?
I still could not believe it had been six months since the last time I had someone beside me. Kung kami pa rin ni Wendell, malamang ay kasama ko siya ngayon dito. Baka tinitikman ko ang in-order niya. Malamang ay siya ang magbayad ng meal namin. Baka pagkatapos dito, yayayain ko siyang manood ng sine dahil palabas na iyong pelikulang gusto kong mapanood.
I could not go to the movie house alone. I was not even used to eating alone in a restaurant. Kung hindi lang talagang gustung-gusto kong subukan ang mga pagkain dito, hindi ako kakain nang mag-isa rito ngayon.
It sucked being alone and doing things alone. And it had been seven months. Seven months na akong mag-isa. I had been very lonely. I did not like this feeling.
“You’re doing well even without a rebound boyfriend…”
Bumalik sa isip ko ang sinabi ni Jaja kanina. Did jaja realize what she said? She called all my ex-boyfriends after Justin as rebound boyfriends. She knew I hated hearing those words because the terms sounded insulting.
Maybe I was insulted because I was guilty. Maybe I really could not survive a breakup without a rebound boyfriend. At kaya siguro ang iba sa mga lalaking nakilala ko a few months ago ay hindi na pinalawig ang pagkakakilala namin dahil nalaman nilang kaka-break ko lang sa recent boyfriend ko. Only a few guys would not mind being a rebound. Iyon lalaking sobrang attracted sa isang babae kaya wala nang pakialam kung emotionally broken ang babae.
On that note, maybe I was not that attractive anymore as when I was younger.
Sa biglang pagsulak ng sama ng loob sa dibdib ko ay naibagsak ko ang tinidor sa plato ko na lumikha ng ingay. Nagtinginan sa akin ang mga tao sa kalapit na table. Bigla tuloy akong na-conscious. Ano kayang iniisip nila habang nakatingin sa akin? Iniisip ba nila kung bakit mag-isa lang akong kumakain? Curious ba sila kung bakit ako single? Iniisip ba nila na malungkot ang buhay ko?
Parang nawalan na ako ng gana sa kinakain ko. I could not keep living like this. Lulunukin ko na ang pride ko. Magda-download na ako ng Tinder app. Ayoko sanang patulan ang Tinder dahil hindi ko kinailangan ng kahit anong dating app para makahanap ng boyfriend o manliligaw ni minsan. Saka mukhang maraming fuckboy doon at bihira ang naghahanap ng serious relationship sa app na iyon. Nasa age pa naman ako na hindi na ako naghahanap ng potential boyfriend lang. Potential husband na ang kailangan ko.
Huhugutin ko na sana ang cellphone ko para mag-download ng Tinder agad-agad pero natigilan ako nang makita ko ang babaeng palapit sa akin. Mukhang hindi siya makapaniwala habang nakatingin sa akin.
Kung minamalas ka nga naman. Sa ganitong pagkakataon na mag-isa lang akong kumakain ko pa nakita si Leah. After a lot of years of not seeing this bitch, ngayon pa talaga. Ngayon pang single ako! Ngayon pang single ako nang anim na buwan na!
“Zoey?” kumukurap-kurap na paniniguro pa ni Leah nang makalapit sa akin. Hindi ko alam kung hindi lang talaga siya makapaniwalang nagkita kaming muli o shino-show off lang niya ang fake eyelashes niyang on fleek. “Is that really you?”
Ang OA. May patanong-tanong pa na para bang taga-ibang planeta ako at imposibleng mapadpad sa earth kaya hindi siya makapaniwalang nakikita niya ako ngayon.
Kunwari ay ngumiti na lang ako. “Hi!” Hindi naman talaga kami iyong tipong magkaaway talaga noon. Nagmamalditahan nang very subtle pero walang pormal na declaration of war. At saka matagal na iyon para hanggang ngayon ay dalhin pa namin ngayong mature adults na kami. Ayokong gawing big deal ang comment na iniwan niya sa life event ko tungkol sa pagpapalit ko status dahil baka isipin niyang affected at guilty ako.
Ngumiti nang maluwang si Leah. “I didn’t expect to see you here!”
Ako rin naman pero hindi ko na kailangang sabihin iyon. Sino ba ang mag-e-expect na magkikita kami rito? What a bad day.
“Are you alone?” tanong ni Leah na luminga-linga pa sa paligid na parang hinahanap kung may kasama ako.
Pagkarinig sa ‘alone’ ay nagpanting ang tainga ko pero hindi ko lang ipinahalata. I hated hearing that word. Siguradong alam niyang wala pa akong bagong boyfriend dahil mukhang updated siya sa relationship status ko sa Facebook kahit hindi kami friends.
“I am. Naraanan ko kasi itong newly opened na resto with healthy foods. Na-curious ako kaya t-in-ry ko.”
“So, how do you find it?” nakangiting tanong ni Leah pagkatapos tapunan ang kinakain ko.
“It’s good.”
“Really?” Halatang nasiyahan siya. “I’m glad that you liked it.”
Nabawasan ang ngiti ko nang ma-realize kung bakit siya nagtanong at nasiyahan sa sagot ko. This new restaurant… was this Leah’s? “Is this place… yours?”
Halatang proud siya nang tumango. “So, hindi mo pala alam.” Sumungaw ang amusement sa mga mata niya. “I’ve been promoting this on Facebook.”
Umiling ako. “We’re not friends there.”
May kakaiba sa tingin at ngiti ni Leah. “Coincidence lang pala na nandito ka ngayon. Sana man lang dinala mo ‘yong new boyfriend mo.”
Alam kong alam niyang wala akong boyfriend kaya malamang ay gusto lang ipasok ang topic tungkol sa relationship status ko.
“O… don’t tell me wala kang bagong boyfriend?”
Sasagutin ko ba itong bruhang ito o lalayasan ko na lang dahil naaasar na ako? “Wala akong boyfriend ngayon.” Sinagot ko na rin dahil isa akong mature adult.
Namilog ang mga mata ni Leah. “Really? Ikaw, mawawalan ng love life?”
“Hindi ba puwedeng magpahinga muna ang puso ko?”
Lumarawan na naman ang amusement sa mga mata ni Leah habang nakatitig sa akin. “Interesting.” Tinapunan niya ang silya sa harapan ko. “Do you mind if I sit here?”
I do! “I don’t.” Bakit ba kasi ako napadpad dito? Dinampot ko na uli ang tinidor para bumalik sa pagkain at nang makalayas na roon.
“Hindi ka talaga naghananap ng new love?” tanong ni Leah na halatang naiintriga.
Bakit ganoon siya makatanong? Na para bang alam niyang pumupunta ako sa bars at parties noong mga nakaraan para makakilala ng potential boyfriends at ngayon nga ay magda-download na ako ng Tinder. Gusto yata ng babaeng ito na ipamukha sa akin na hindi ako ang tipo ng babaeng kakayanin ang walang lalaki sa buhay.
Hindi ko alam kung ano ang problema ni Leah sa mga tulad kong hopeless romantic at serial monogamist. Bumalik sa isip ko ang iniwan niyang comment sa life event ko tungkol sa change of status.
“Bakit naman masyado ka yatang curious?” Imbes na sagutin siya ay tanong ko.
Ngumiti si Leah. “Kasi… alam naman ng lahat na mabilis kang maka-move on. After a breakup, may bago ka uling boyfriend. So I’m sure, hindi ka sanay maging single nang matagal. But don’t get me wrong. I’m not judging you or anything. I’m just curious why it took you so long this time to get yourself a new boyfriend.”
Bakit parang alam talaga ni Leah na nag-i-struggle ako na makahanap ng bagong boyfriend?
“‘Wag mong sabihing walang nanliligaw sa ‘yo,” patuloy ni Leah. “I mean, I’ve known you in college. Palagi kang may admirers at suitors.”
Nakakabasa ba ng isip ang bruhang ito? Bakit niya alam na wala nang nanliligaw sa akin ngayon?
“Meron naman,” sagot ko. Iyong buwisit na si Sonny na chat nang chat sa akin kahit hindi ko sinasagot ang mga PM niya at malapit ko nang i-block at i-‘report profile’ pero hindi ko sasabihin. “Pero contrary sa iniisip ng mga tao, hindi naman ako basta-basta pumapatol na lang sa mga nanliligaw sa ‘kin. Wala naman akong pinatulan na kung sino lang. Lahat may sinasabi.”
Lihim akong nasiyahan nang hindi agad nakaapuhap ng sasabihin si Leah dahil siguro aminado siyang lahat ng naging boyfriend ko ay hindi basta-basta.
Sumubo ako ng salad at ngumuya habang nakatitig kami sa isa’t-isa. Yes, hindi dapat ako ma-intimidate kay Leah. I was not what she thought I was. Hindi ako desperate for love.
“Are you telling me na wala nang may sinasabi na nanliligaw sa ‘yo ngayon?”
Natigil ako sa balak na pagsipsip sa iced tea. “Huh?”
“Walang nanliligaw sa ‘yo ngayon na hindi basta-basta kaya wala ka pang ipinapalit sa ex mo? Kunsabagay, we’re not getting any younger. Most eligible bachelors nowadays would date younger women.”
Wait lang. Hindi na lang ang pagiging serial monogamist ko ang iniinsulto ni Leah, pati ang nalalanta kong beauty at charm?
“Sabi ko nga kanina, nagpapahinga lang ang puso ko. But don’t worry, I would soon have a boyfriend again or a potential husband. Ikaw rin. Dapat siguro, maghanap ka na rin ng potential husband kasi nga we’re not getting any younger.”
Oo, hindi lang naman ako ang nagkaka-edad na, pati siya. Kaya bago sana niya pakialaman ang love life ko, dapat siguro unahin muna niyang maghanap ng boyfriend o potential husband para… Natigilan ako nang mapatingin sa kumislap sa kamay ni Leah na nakapatong sa mesa.
Was that… an engagement ring?
Mukhang napuna ni Leah na nakatingin ako sa singsing niya. Itinaas niya ang kamay.
“Oh, yes. I’m engaged.”
Nakangiti siya nang mula sa singsing ay ilipat ko sa kanya ang tingin. Ngiting tagumpay.
Ni hindi ko nabalitaan na may boyfriend si Leah. Pagkatapos ngayon ay malalaman kong engaged na siya?
————————————————————–
HABANG gumagawa ng draft for balance sheets sa desk ko sa office, makailang beses na nag-flash sa isip ko ang kinang ng engagement ring ni Leah. Ilang beses ko nang pinangarap na makapag-suot niyon. I had always dreamed of starting my own family and be a good wife and the best mother. Lahat ng naging boyfriend ko, pinangarap kong maging asawa. Pero lahat sila, nawala lang sa buhay ko.
And now, it seemed like fate was mocking me. Ako iyong ligawin at hindi nawawalan ng love life pero si Leah na hindi ligawin at madalas na single ang engaged na ngayon at malapit nang ikasal. And here I was, single at twenty-nine. Six months nang tigang sa pag-ibig.
This was unbearable.
“Flowers!”
Napatingin ako kay Lani na may hawak na isang malaking bouquet of flowers. Bumangon ang antisipasyon sa dibdib ko. Sino ba ang madalas na nakakatanggap ng flowers sa accounting department? Ako, ‘di ba? Kahit noong mga panahong brokenhearted ako ay may dumadating na flowers galing sa suitor o secret admirer. Napatayo ako nang wala sa loob pero nilagpasan lang ako ni Lani. Nakita ko kung kanino niya inabot ang bouquet—kay Tina.
Si Tina ang pinaka-hindi kagandahan sa amin sa department. Just two weeks ago, nalaman ng lahat na may boyfriend na ang no-boyfriend-since-birth na si Tina. Isa ako sa mga masaya para sa junior accountant dahil kahit hindi man physically attractive si Tina ay mabait ito at deserving na lumigaya. Pero ngayong nakita ko na inabot dito ni Lani ang bouquet na madalas ay ako ang nakakatanggap sa office, bumigat ang dibdib ko. Hanggang tainga ang ngiti ni Tina habang tinutudyo ni Lani at ng ibang mga kalapit na officemates. Halatang kilig na kilig ito.
Mabilis akong umupo at bumalik sa ginagawa. Hindi ako makapaniwalang darating ang panahon na maiinggit ako kay Tina. Buti pa siya, nakakangiti nang ganoon. Kinikilig nang ganoon. Samantalang ako, nagdurugo ang puso for the past six months.
“Magli-leave ka raw?” nakarating sa pandinig ko ang sinabi ni Kara na nasa kabilang cubicle. “So, approved na ‘yong visa n’yo?”
“Yup.” Boses ni Maggie iyon. “Gagamitin ko ang max ng VL ko.”
Hindi personal na sinabi sa akin ni Maggie na may balak siyang mag-Switzerland kasama ang boyfriend pero dahil nasa kabila lang sila ni Kara, naririnig ko ang tsismisan nila.
“Mauuna ang honeymoon kaysa kasal?” biro ni Kara.
Humagikgik si Maggie. Napasibi ako. Buti pa si Maggie, makakapunta na sa Switzerland. Ang tagal ko nang gustong pumunta roon pero pinu-put off ko lang dahil iyon ang gusto kong honeymoon destination. Akala ko kasi, hindi ako aabot ng twenty-nine nang hindi pa kasal. Kaya naman ng savings ko na pumunta roon ngayon pero hindi kaya ng feelings ko na mag-isang pumunta roon. That place was not meant to be enjoyed alone.
“Kayo ng hubby mo, kailan ang second honeymoon?” tanong ni Maggie kay Kara.
“Baka next year. Medyo nagi-guilty pa ako na iiwan si Junior para kaming dalawa lang ng asawa ko ang magbabakasyon. At least next year, seven years old na siya. Medyo big boy na kaya mas maiintindihan na niya na need din namin ng papa niya na magbakasyon nang kami lang.”
Buti pa si Kara, may Junior na. Samantalang ako, egg cell pa rin hanggang ngayon si Junior na ilang beses nang nag-mature at naging menstruation.
Napalingon ako nang tawagin ako ni Anna. Inabot niya sa akin ang mga dokumentong hinihingi ko sa kanya.
“Ang bilis mo naman,” puna ko.
“Mag-e-early out kasi ako.” Inilapit niya ang bibig sa tainga ko para bumulong. “May date ako with my boyfie.”
Wala sa loob na napahigpit ang hawak ko sa folder. Sana all malakas ang loob na mag-early out para lang makipag-date sa boyfriend. Sana rin all may boyfie.
Actually, lahat naman doon ay may boyfriend, girlfriend o asawa na, ngayong may boyfriend na si Tina. Ako lang ang loveless sa department na ito. Ako lang. The irony.
Nang umalis na si Anna ay natagpuan ko na lang ang sarili kong nakatunganga sa computer screen at nag-e-emote. How did I end up like this? How did I end up being alone?
Wala nang nagbibigay ng flowers sa akin. Wala na akong kasamang kumain at mag-food trip sa favorite restaurants ko, manood ng sine with the movie of my choice, pumunta sa concerts na ako lang ang nag-e-enjoy at magbakasyon sa malalayong lugar na gusto kong puntahan.
You know, only a boyfriend would accompany a woman anywhere she liked and let her do anything she desired while with him. A mere friend would not do that. Jaja would seldom let me take the wheel unless she would enjoy, too. A boyfriend was someone who would make a woman felt special and good about herself. That was why I loved having one. But now I had none and it sucked.
Wala nang nagpapakilig sa akin. Wala nang nagte-text o tumatawag sa akin para itanong kung kumain na ako. Wala nang humahalik sa mga labi ko. Wala nang yumayakap sa akin. Nobody was making me feel desired. I was not used to this.
I felt so miserable.
Napatingin ako sa royal blue envelope na yari sa specialty paper na inilapag ng kung sino sa table ko. Tiningala ko ang may-ari ng kamay at nakita ko ang nakangiting si Stella.
“Wedding invitation ko.”
Right. Stella was getting married in less than three weeks. Ibinalik ko ang paningin sa envelope at dinampot iyon. Tinitigan ko ang print ng initials ni Stella at groom nito sa seal ng envelope. Bakit ganoon? Hindi ko naman ex ang pakakasalan ni Stella pero parang kumirot ang dibdib ko.
Everyone around was happy and in love and had someone who loved them. Ako lang ang hindi masaya. Ako lang ang walang nagmamahal.
“Are you okay, Zoey?” tanong ni Stella na halatang nagtataka.
I realized I was teary-eyed. Ngumiti ako. “I’m just happy for you.”
————————————————————–
UMABOT uli ako ng glass of wine mula sa roving waiter sa reception ng kasal ni Stella. Sa akin na nakatingin ang lahat ng kasama ko sa mesa. Pang-apat na baso ko na kasi iyon simula nang maupo kami roon sa reception.
Hindi kasi nila naiintindihan na alak lang ang puwede kong makapiling sa gabing iyon dahil lahat sila, may kasamang dyowa o asawa. Ako lang ang nag-iisa sa table na iyon. Ako lang ang single and lonely. Kung alam ko lang na pupunta ang officemates ko na may dalang kasama, pumunta sana ako roon na karay-karay si Jaja para kahit paano ay may kasama ako at hindi ma-OP sa magkakaparehang ito.
“Baka malasing ka niyan, Zoey,” malumanay na sabi sa akin ni Tina na nasa kaliwa ko at katabi ang boyfriend. Halata ang worry sa mukha ng junior accountant.
Nginitian ko si Tina. “Hindi ‘yan. Mataas ang alcohol tolerance ko, don’t worry.”
Actually, sa next ikot ng waiter sa gawi namin, baka manghingi na ako ng isang buong bote. I could not stand this. The wedding alone was distressing. Pagkatapos ay ako lang ang single sa grupo ko. Kung hindi lang baka magtampo si Stella ay baka kanina pa lang sa wedding ceremony nang makita na lahat ng officemates ko ay may partner ay umeskapo na ako. Gusto ko nang bumilis ang oras at matapos na ang gabing ito.
“Last mo na ‘yan, ha,” bilin sa akin ni Lani na nasa kanan ko. “Alalahanin mo, magda-drive ka pa pauwi.”
Right. Magda-drive pa ako pauwi. Nobody would drive me home. Wala akong boyfriend na puwede nilang tawagan kung sakali para ipag-drive ako pauwi. Nobody would look after me if I got drunk tonight. I would die alone and lonely in a car crash if I would not stop drinking. Malungkot na inilapag ko ang baso.
Mukhang nakita ni Lani ang lungkot sa mga mata ko kaya hinawakan niya ako sa braso.
“Are you okay, Zoey? Pero kanina ko pa napansin na parang mababa ang energy mo.”
Ngumiti ako. “I’m okay.”
“You look sad.”
Nahalata siguro ni Lani na ang pag-agos ng mga luha ko kanina habang nakikipagpalitan ng wedding vows si Stella sa groom nito ay hindi dahil masayang-masaya ako for the bride. Hindi naman kami super close friends ni Stella pero parang dinaig ko pa yata ang mother of the bride sa pagluha kanina.
“Hindi ka pa rin ba nakaka-move on sa ex mo? Mahal mo pa rin siya?” sympathetic na tanong ni Lani.
Mahal ko pa ba si Wendell? Was I still grieving for him? Actually, it was more like I was grieving for my being alone, not specifically because Wendell was not with me anymore. I was mourning about the fact that I had lived alone for the past seven months.
Tumingin lang ako kay Lani. Mas matanda siya sa akin ng three years. Kasal na siya sa lalaking nasa tabi niya. He was Lani’s first and last love. Kaya sa tingin ko, gaya ni Jaja ay hindi niya ako maiintindihan. Hindi niya maiintindihan ang nararamdaman ko. She had never experienced to be alone.
Tumango lang si Lani na parang nakaunawa na ayaw kong pag-usapan ang tungkol sa bagay na iyon sa lugar at oras na iyon. Hinagod niya ang braso ko. “If you need anyone to talk to, you can talk to me about it anytime.”
Gusto ko sanang mag-open up kay Lani pero naalala ko iyong isang incident na itsinismis niya sa amin na nagkaroon ng affair ang marketing head sa isang dating empleyado sa department namin. Mabait naman si Lani pero ayoko siyang pagkatiwalaan tungkol sa mga sensitibong bagay dahil baka kumalat na sa buong kompanya ang bitterness ko sa buhay.
Tinanguan at nginitian ko si Lani. “Thanks.”
“Cheer up na muna. Maya-maya, ibabato na ni Stella ‘yong bouquet niya. Dapat ikaw ang makasalo n’yon, ha.”
Sana nga, ako ang makasalo ng bridal bouquet ni Stella. Sana nga, ako na ang susunod na ikakasal. Pero sana muna, makakilala ako ng potential boyfriend man lang.
“Tina,” tawag ni Lani sa nasa kaliwa ko, “sino ‘yong guwapong ‘yon na naka-gray polo and rugged curly hair?”
Pagkarinig sa ‘guwapo’ ay sinundan ko ang tinutumbok ng tingin ni Lani. Nakita ko agad dahil sa curly hair. Nakaupo ang lalaki sa table ng groom’s men pero hindi ito kasama sa entourage dahil nakita ko ang lahat ng mga abay kanina. Bakit hindi ko ito nakita kanina? In fairness, guwapo nga. Bagay rito ang buhok na ala-Noah Centineo ang style pero walang-wala si Noah sa hitsura ng lalaki. Kahit nakaupo ay mukhang matangkad at matipuno. Sa palagay ko, magkasing-edad lang kami. Single kaya ito?
“Siya ‘yong sinasabi ko sa ‘yo, Ate Lani,” sabi ni Tina. “Kaibigan yata ni Rey.” Rey ang pangalan ng groom ni Stella.
“Ang guwapo nga, ‘no? Ruggedly handsome. Single ba?” Tinapunan ako ng tingin ni Lani at nahuli yata akong nakatanaw sa lalaking busy sa pakikipag-usap sa mga kasama sa table. “Ipareto natin kay Stella for Zoey.”
Hindi ko ipinahalata na medyo na-excite ako sa narinig.
Mukhang kinilig si Tina. “Bagay nga sila ni Zoey. Pero hindi ko alam kung single. Basta ang alam ko lang, fitness instructor siya.”
Fitness instructor? Medyo na-disappoint ako. Akala ko kasi ay kasing level ito ni Rey na isang engineer. Medyo nabawasan ang bumangong interes ko sa lalaki.
Taliwas sa iniisip ng mga tao sa paligid ko, hindi ako naa-attract sa looks lang. Initially, magiging interesado ako kung guwapo pero mas naa-attract ako sa career o educational attainment ng isang lalaki. Gusto ko ng mga lalaking masikap at may mataas na pangarap. Doon ko kasi nalalaman na magiging maganda ang future namin kung sakali. Lahat ng naging boyfriend ko ay maganda ang career. Kahit ang puppy love kong si Justin na na-foresee kong magiging professional basketball player balang araw ay PBA player na ngayon.
“Kaya pala mukhang hunk,” sabi ni Lani. Bumalik sa akin ang tingin ni Lani. “Type mo, Zoey?”
“Malamang may girlfriend ‘yan,” sabi ko habang pinagmamasdan ang lalaki. “Hitsura pa lang, mukha nang playboy. What kind of guy would sport a hairstyle like that if he’s not Noah Centineo? Malamang ginagamit niya ‘yang sexy hairstyle niya para maka-attract ng mga marurupok.”
Walang nagsalita sa mga kausap ko. Nang ipaling ko nang left and right ang ulo ko para tingnan sila ay nakita ko na parang natitigilan sila sa narinig mula sa akin.
“J-in-udge mo na siya dahil sa buhok niya?” tanong ni Lani.
“Based din sa work niya,” sagot ko. “‘Yong gym instructor doon sa fitness gym kung saan ako member, ume-extra sa mga matronang members doon outside the gym.”
Narinig ko ang pagsinghap ni Tina. Namimilog ang mga mata nito.
“Hindi naman siguro siya gano’n, Zoey,” sabi ni Lani. “Mukhang matino naman ‘yong husband ni Stella kaya siguro matino rin naman ang friends niya.”
Tumawa na lang ako nang ma-realize ang mga sinabi ko. Hindi naman ako usually ganito ka-judgmental. Hindi ko alam kung bakit ganoon agad ang naisip ko sa lalaking iyon. “Malamang hindi nga. Baka advance lang ako mag-isip.” Sana ay hindi nga.
Nang ibalik ko ang tingin sa lalaki ay nabigla ako nang makitang nakatingin ito sa akin. Mabilis kong inalis ang tingin sa lalaki. Hindi naman siguro nito narinig ang mga sinabi ko tungkol dito dahil malayo ang distansiya ng mga mesa namin. Baka naman hindi sa akin nakatingin. Baka sa nasa likuran ko.
Naghihiwa na pala ng cake ang newly weds. Napatitig ako kay Stella. Her face was glowing. I had never seen her look that beautiful and graceful. Maybe it was true that when a woman was in love and loved, she became the most beautiful version of herself. I was not in my most beautiful form now. I wished I could achieve that kind of glow in Stella’s face right now.
Nang alisin ko ang tingin sa bagong kasal ay napadpad uli ang mata ko sa mesa ng groom’s men nang hindi ko sinasadya. Nakasalubong ko na naman ang tingin ng lalaking kulot. Iniisip ko pa lang kung ako talaga ang tinitingnan nito nang ngumiti ang lalaki. Bakit ako nginingitian nito? At saka bakit ang sexy ng ngiti ng lalaki? Na-detect ba nitong marupok ako?
Inalis ko ang tingin sa lalaki bago pa nito isiping initeresado akong makipag-hookup. Siya namang pagtunog ng cellphone ko. Mabilis kong dinukot iyon mula sa clutch bag sa kandungan ko. Bakit tumatawag sa akin si Lottie? Alam naman niyang a-attend ako ng kasal dahil nagtanong ako sa kanya kung ano sa dalawang dress na binili ko ang mas bagay kong isuot sa okasyon na iyon. Basag ang boses ni Lottie nang tawagin niya akong ‘ate.’
“Bakit ganyan ang boses mo?” Kinabahan ako. Tumayo muna ako at lumayo nang bahagya sa kasiyahan para mas marinig ko siya.
“Ate…”
“Umiiyak ka ba? May nangyari ba? ‘Wag mong sabihing break na kayo ni Andre?”
Suminghot si Lottie. “Ate… I’m pregnant.”
“Anong sabi mo?” manghang tanong ko.
“Buntis ako, ate… Alam na nina Daddy. Gusto niyang magpakasal kami ni Andre…”
Pakiramdam ko ay nanigas ang buong katawan ko. “What?!”
————————————————————–
SUNOD-SUNOD na marahas na paghinga ang pinakawalan ko pagkatapos luglugin ang isang bote ng wine na ipinuslit ko mula sa buffet table at dinala sa isang parte ng garden venue na malayo sa reception area. Sa isang bench doon ako naupo habang nagngingitngit sa balitang natanggap ko.
My younger sister—who was only twenty—was about to get married. Actually, hindi ang pagkadisgrasyada niya at masisirang pag-aaral ang iniinom ko ng alak ngayon. That little rascal… was about to get married before me! Naunahan pa ako ng bruha.
Ang sabi nila, kapag nalampasan ng kapatid na mas bata, hindi na raw makakapag-asawa pa! I felt miserable all the more. Did this mean I would be single for the rest of my life?
No!!! I could not be single forever. I need to have a boyfriend immediately. I need to find a potential husband!
Tumunog ang Messenger sa phone ko. Padaskil na dinukot ko iyon mula sa bag.
Sonny sent a photo
Hindi ko sana papansinin ang pagpapapansin ni Sonny pero na-curious ako sa picture na pinadala niya kaya binuksan ko.
Picture iyon ng isang bungkos ng bulaklak at… Z-in-oom in ko ang katabi ng bulaklak at nanlaki ang mga mata ko sa nakita. Engagement ring ba ito?
May pumasok na bagong message.
Will you marry me, Zoey?
Napanganga ako. Sinong baliw na lalaki ang magpo-propose ng kasal sa isang babaeng hindi naman nito girlfriend at sa Facebook Messenger pa gagawin ang proposal? Only Sonny could do this.
Kakasabi ko lang na kailangan ko nang maghanap ng asawa tapos ay biglang magpo-propose si Sonny online? Para bang sinasabi na patulan ko na si Sonny. Come to think of it, he had been wooing me since I was fifteen. Nanliligaw sa tuwing matatapos ang relationships ko sa mga naging boyfriend ko dahil nagkakataong single din ito. Paano kung si Sonny pala talaga ang kapalaran ko?
Parang gusto kong umatungal. “No!!!” Na-pindot ko tuloy ang ‘block’ dahil sa takot na baka nga si Sonny ang destiny ko.
What if I only have two choices in this life—to be single forever or to marry a psycho?
Tinungga ko uli ang boteng hawak ko. Both would ruin my life. I would rather drink until my liver gets inflamed and I die.
Umiikot na ang paningin ko. Umeepekto na ang alak sa akin. Ibinaba ko ang bote sa tabi ko at nag-type ng message para kay Jaja para ipaalam dito ang nangyari kay Lottie. Natigil ako sa pagta-type nang maramdaman kong may umupo sa bench na inuupuan ko. Bumaling ako at pinakatitigan ang lalaking tumabi sa akin.
That curly hair ala-Noah Centineo. Bakit nandito siya? Sinundan ba niya ako rito? Baka hindi makapaniwalang hindi ko ginantihan ang killer smile niya kanina kaya gustong kompirmahin kung talaga bang hindi ako na-attract sa kanya.
May epekto na ang alak sa akin pero malinaw pa rin ang paningin ko. At kitang-kita ko kung gaano kaguwapo ang lalaking ito sa malapitan. Those eyes staring at me were gorgeous. Nakita ko ang pagbaba ng tingin niya sa bote sa pagitan namin.
“Kaya pala wala nang mainom doon, sinolo mo na,” kaswal na sabi ng lalaki. Dinampot niya ang bote at sinalinan ang hawak na empty glass.
Pinanood ko ang pag-inom niya ng wine. Pinuntahan ako ng lalaki rito para lang manghingi ng wine. Actually, hindi pa nga nanghingi. Basta na lang kumuha. Kunsabagay, hindi naman sa akin ang alak. Ipinuslit ko lang din. Pero sana marunong pa rin siyang magtanong kung gusto kong i-share sa kanya ang kinuha kong alak.
He gave me a slight smile. This guy had no manners at all. Maybe because he was too good-looking so he could always get away with everything. Kung pangit ito, malamang pinukpok ko siya ng bote sa ulo dahil binawasan pa ang iniinom ko. Pasalamat talaga siya at guwapo siya.
“Are you friends with the bride?” tanong ng lalaki.
Mukhang wala siyang balak na umalis pagkatapos makakuha ng alak. He definitely went here to start a small talk with me. Right. Maybe I needed someone to talk to tonight. Kanina pa ako halos walang makausap at OP na OP kahit may mga katabi at kasama ako.
“Officemates,” sagot ko. “Ikaw?”
“Highschool friends with the groom.”
“Hindi kayo close? Otherwise, kasama ka sa entourage.”
“Nagkahiwalay kami. Matagal na walang communication. Kaka-reunite lang namin.”
“I see.”
“What are you doing here drinking and isolating yourself?”
Oh. Inglesero at maganda ang diction, ha. Baka maraming sosyal na matronang client kaya nasanay nang mag-Ingles. Pang-first class naman kasi ang kalibre niya. Oh, shut up Zoey. Stop judging this man. Hindi naman siguro siya tulad ng fitness instructor ko.
“Wala ka bang interes sa bridal bouquet?” patuloy niya. “Tinatawag na ‘yong single ladies.”
Pagkarinig sa bridal bouquet ay parang gusto kong tumayo at bumalik sa reception. I needed to catch that bouquet! Kailangang ako na ang sumunod na ikakasal. Kaya lang ay pinigilan ko ang sarili dahil baka isipin ng lalaki na atat na atat akong mag-asawa.
Teka nga. Bakit mahalaga sa akin ang iisipin ng lalaking ito?
“You don’t wear a ring so I guess you’re single.”
Bumaba ang tingin ko sa mga daliri ko. Would I be able to wear a ring? Bumalik sa isip ko ang singsing na inaalok ni Sonny. Or would I end up wearing that ring? Dinampot ko ulit ang bote at niluglog iyon. No, please…
“Hindi ka interesadong makiagaw sa bouquet?”
Bumalik ang tingin ko sa lalaki. He looked curious. Halata ba sa hitsura ko na desperada na akong mag-asawa?
“Totoo ba na kapag nakasalo ang isang babae ng bridal bouquet, siya na talaga ang susunod na mag-aasawa?”
Ngumisi ang lalaki. “I don’t believe in those stuffs. I don’t even believe in marriage.”
Napamulagat ako sa sinabi niya. Confirmed. Totoong playboy ang lalaking ito. Hindi husband-material. Malamang na maraming babae na ang sinira niya ang pangarap na maging bride. Tama lang na hindi ako nagpaakit nang tuluyan sa sexy hair niya.
Pumihit ako para hindi mangawit ang leeg ko. “Why? Bakit hindi ka naniniwala sa kasal?”
“A lot of marriages don’t work,” he said casually. “So, I don’t see why people need to sign up for a lifetime commitment kung wala namang kasiguruhan na habangbuhay talaga kayong magmamahalan.”
Hindi agad ako nakasagot dahil may point naman siya. Marami nga naman ang nagpapakasal pero naghihiwalay lang din. Tinitigan ko ang lalaki. Siguro ay iyan ang ginagamit niyang dahilan para hindi mag-demand sa kanya ng kasal ang mga naging girlfriend.
“So, dahil hindi naman sure na forever ang love, dapat hindi na magpakasal, gano’n ba?” tanong ko.
“It’s still your choice if you want to get married despite the uncertainty.”
Hindi naman pala siya namimilit na huwag nang magpakasal ang lahat ng tao pero na-disappoint pa rin ako sa paniniwala niya.
“Wala namang kasiguruhan lahat ng bagay sa mundo, eh,” pabuntonghiningang sabi ko habang nakatingin sa kawalan.
Ngumiti ang lalaki. “You’re right.”
“You’d have to take the leap in order to know if something will last forever or not.”
Nang balingan ko ang lalaki ay nakita kong nakatingin siya sa akin. Halata ang amusement sa tingin at ngiti niya.
“Hopeless romantic ka, ‘no?”
I twitched my lips. “Ikaw, commitment phobic ka, ‘no?”
“Commitment phobic agad? Hindi ba puwedeng realistic lang?”
“Realistic? ‘Wag mong sabihing produkto ka ng broken marriage kaya ganyan ka ka-realistic?”
Inagaw niya sa akin ang boteng hawak ko at nagsalin muli sa baso niya. Sisitahin ko sana ang lalaki dahil nakakarami na siya ng kuha sa bote ko pero natigilan ako nang ma-realize kung bakit imbes na sumagot ay lumagok siya ng alak. Galing siguro talaga sa broken family ang lalaki kaya ganoon ang pananaw tungkol sa kasal. Bigla, naunawaan ko kung bakit hindi siya naniniwala sa kasal. Nagdusa siguro ang lalaki sa paghihiwalay ng mga magulang. I had a different story but I knew how he felt.
It must have been hard for him to attend a wedding. Siguro habang pinanonood sina Stella at Rey na nagpapalitan ng vows, naaalala niya ang masaklap na kinasapitan ng pagmamahalan ng mga magulang niya.
Namalayan ko na lang na nakaisod na ako palapit sa kanya at hinahagod ang upper arm niya. “It’s okay. Naiintindihan kita…”
Halatang nasorpresa siya sa ginagawa kong paghagod sa biceps niya. Hindi ko na lang binigyang pansin ang nakakapa kong matitigas na muscles dahil damang-dama ko sa dibdib ko ang simpatya para sa kapalaran ng lalaki. Nagpalit-lipat ang tingin ng lalaki sa mukha ko at sa kamay kong humahagod sa kanya.
“Pero ‘wag mong isipin na mangyayari din sa ‘yo ‘yong nangyari sa parents mo,” sabi ko habang nakatingin sa kawalan. “You will be all right. You might have a different fate.”
I wanted to have a different fate myself. My daughter would not have the same fate as me. Aalagaan ko ito at mamahalin hanggang sa paglaki nito. Hinding-hindi ko aabandonahin ang anak ko. Magkakaroon ito ng buong pamilya at lalaking parte ng isang pamilya.
Nang ibalik ko ang tingin sa lalaki ay nakita ko ang amusement sa mga mata niya. Nakataas ang isang sulok ng kanyang mga labi. Doon ko lang na-realize na napakalapit namin sa isa’t-isa at ang mga mukha namin, kaunting lean forward lang ay magkakadikit na. On top of that, na-realize kong nakapisil na ako sa braso niya.
Biglang uminit ang mga pisngi ko at hindi iyon dahil sa alak. Inagaw ko mula sa kamay niya ang bote bago umisod palayo sa kanya.
“So, hindi ka produkto ng broken marriage?” paniniguro ko.
“Curious ka ba sa ‘kin?” parang nanunudyong tanong ng lalaki.
“Not really. You’re not that mysterious anymore. Alam kong fitness instructor ka.”
Halatang nasorpresa ang lalaki dahil alam kong fitness instructor siya. “Paano mo nalaman ‘yan?”
“Narinig ko lang sa tabi-tabi. Saang fitness gym ka nagtatrabaho?”
Halatang naaaliw ang ngiti ng lalaki. “Bakit mo tinatanong? Gusto mo bang magpa-member sa gym namin?”
“Hindi. Natanong ko lang.”
“Sasabihin ko lang kung magpapa-member ka sa amin.”
Napairap ako. “Siguro wala kayong gaanong customer kaya ganyan ka makapanghikayat ng potential members.” Although I doubted that. Marami sigurong members sa fitness gym kung saan siya instructor. Puro babae… at matrona.
Ngumisi ang lalaki.
“Marami ka bang matronang sina-sideline-an?” tanong ko pagkatapos lumagok ng wine.
“Huh?” halatang nabigla siya sa tanong ko.
It was too late to cover my mouth. Lasing na yata ako kaya wala nang preno ang bibig ko. Tumawa ako. “Sorry. I shouldn’t have said that. ‘Yong fitness instructor ko kasi sumi-sideline sa mga matrona niyang students.”
Ngumisi ang lalaki pero nahalata akong medyo nainsulto siya.
“Do you think, pumapatol ako sa mga matrona in exchange of money?”
Naglandas ang tingin ko sa mukha ng lalaki at inabot ang buhok niya. “Nice skin and professionally maintained hair.” Pinaraanan ko ng palad ang balikat ng lalaki para damhin ang tela ng polong suot niya. “Your dress shirt feels expensive.” Bumaba ang tingin ko sa relo ng lalaki. “Your watch is definitely expensive.” Bumaba pa ang tingin ko sa paanan niya. “Your shoes look pricey, too. And I saw you a while ago, you were holding a Samsung Galaxy Fold.” Sininghot-singhot ko siya. “Even your perfume smells expensive. You look high-maintenance. Kung hindi ko lang nalaman na fitness instructor ka, iisipin kong ikaw ang may-ari ng isang chain ng fitness gym.”
Tumawa ang lalaki. Hindi ko alam kung naiinsulto o naaaliw sa pagkaprangka ko.
“Mataas lang ba magpasahod ang fitness gym na pinagtatrabahuhan mo?”
Imbes na sumagot ay kinuha niya sa kamay ko ang bote at muling nagsalin sa baso niya. Marahas kong inagaw ang bote. Halos wala nang laman iyon nang i-shake at silipin ko.
“Hey! Inubos mo ang wine ko,” sita ko sa lalaki.
“That’s not yours,” sabi niya matapos uminom ng wine.
“But I took this here!” nakasimangot na sikmat ko sa kanya. Tinungga ko ang bote at sinaid ang laman niyon.
“May balak ka talagang magpakalasing sa kasal ng officemate mo?”
Natigilan ako nang ma-realize na hindi nga dapat ako naglalasing sa kasal. This was too impolite. Tinitigan ko ang lalaki. Posibleng may sugar mommy pero hindi naman siya mukhang rapist. Kaibigan naman siya ni Rey na matinong lalaki dahil hindi papatol si Stella sa hindi matino.
“Do you want to go outside and drink with me?” I did not want to drink alone. Malulungkot lalo ako.
Halatang hindi inasahan ng lalaki ang pagyayaya ko.
“You don’t like weddings and I don’t think I want to stay here anymore. Wala na ako sa mood na mag-cheer for the newly weds. Kaya samahan mo na lang akong uminom sa labas. Don’t worry, ako ang magbabayad.”
Tumango ang lalaki. “All right.”
Ngumiti ako. “Good.” Ibinaba ko ang bote sa bench at kinuha mula sa bag ko ang cellphone. “But before we go, ano munang name mo?”
“Kenzo.”
“Full name.”
Ngumisi ang lalaki. “Kenzo Madrid.”
Itinapat ko sa lalaki ang phone ko at pinicture-an siya nang walang permiso. Halatang nabigla ang lalaki. Mabilis kong i-s-in-end kay Jaja ang picture at nag-type ng message.
Will drink with this guy tonight. Kenzo Madrid.
“What’s that?” tanong ng lalaki.
“S-in-end ko sa friend ko ‘yong face mo para kung sakaling may gawin ka sa ‘kin, ipapakita na lang niya sa pulis.” Tumayo na ako. “Come on.”
“Wow.” Tumayo na rin si Kenzo and gosh, he was very tall. “First, you implied na nagbebenta ako ng aliw sa mga matrona. Ngayon, iniisip mo na puwede kitang gawan ng masama.”
Inabot ko ng palad ang pisngi ni Kenzo at marahang tinapik-tapik iyon. “Don’t be offended. Protocol talaga ito every time I go out with a guy I just met. Naniniguro lang ako. Come on?”
Hindi nawala ang ngisi ng lalaki at pagkalibang sa mga mata niya habang nakatitig sa akin.
“Come on?” nakangiting yaya ko sa kanya.
One Comment
Kris
It’s interesting.. and curious with Kenzo.