[Preview] Haunted Hearts
Hi! It’s me, Kiel. Welcome back to my channel!
For today’s video, I will, or we, will go ghost hunting. I and my cousin, Joe, together with a team of amateur paranormal detectives, will investigate an abandoned mansion that is said to be haunted for over fifty freaking years.
The murder case of the three women who used to live in this house has not only turned into a cold case, it has also been mysteriously erased. And it triggered my curiosity. I know I need to find out what really happened in this house fifty years ago.
A psychic has joined us, and she’s perfect for this. Mikay has this thing called “retrocognition.” She can sense or see past events once she sets foot in a place. Malalaman namin ang mga nangyari sa bahay na ito fifty years ago kaya malulutas namin ang misteryo ng pagkamatay ng tatlong babaeng nagmumulto sa bahay na ito. How cool is that? How awesome it can be… kung hindi lang sana halatang fake psychic ang babaeng ito. I think she’s a scammer. Pero sinasakyan ko na lang, because her made-up stories amuse me. She amuses me kahit ang pikon niya at lagi siyang nakaangil sa akin.
In fact, I think I’m beginning to like her, even though she obviously likes Joe. Feeling ko nga, sumali lang siya sa vlog ko para magpa-cute sa sa pinsan ko. Joe has given up on love, so there’s no way he’d fall for Mikay. Mas interesado si Direk Joe sa ghosts. Kaya nga siya sumama rito ay para magkaroon ng inspirasyon for his next horror film.
Do you think we can pull this thing off? Sa tingin n’yo rin, mai-in love kaya sa akin si Mikay as we stay together inside this haunted house? O maging magkaribal pa kami ng pinsan ko? Do you also think we’ll make it out of here alive? Comment below and tell me your thoughts. And don’t forget to click like and subscribe.
KIEL’S POV
Mula sa labas ng nakakandadong gate ay pinagmasdan ko ang abandonadong mansiyon. Doon mismo sa harap ng bahay na iyon kami nasiraan ng kotse nang gabing iyon habang pauwi mula sa pagha-hike sa Mt. Banahaw.
It’s as if I am watching a stunning establishing shot in a horror film, but in an extra wide shot with artificial fog as special effects. Parang gusto ko tuloy hugutin mula sa loob ng kotse ang Panasonic Lumix GH5 na gamit ko sa vlogging para kuhanan ang view na iyon.
“Dude, look at this house,” kalabit ko sa best friend kong si Rex na iniilawan ang ginagawa ni Joe sa nakabukas na hood ng sasakyan.
“Nakita ko na,” sabi ni Rex habang pirming nakatingin sa kinukumpuni ni Joe. “Haunted house, dude. Ayoko nang tingnan baka mapanaginipan ko pa.”
I blurt out a laugh. “Pussy. Paano mo nalamang haunted ‘yan? Kapag ba abandoned house, automatic nang haunted?”
“Dude, aura pa lang, halata nang haunted. Kita mo nga, walang ibang bahay na naglakas-loob na dumikit diyan. Walang ibang bahay sa paligid. Kinikilabutan na nga ako, eh. Sa lahat ba naman ng lugar na puwedeng masiraan dito pa talaga sa harap ng bahay na ‘to.”
Pareho kaming six-footer ni Rex. Pareho rin kaming physically fit. Mas malaki nga lang ang kaha ng kaibigan ko dahil pang-bouncer ang katawan niya at lean built naman ako. Pero every time na manonood kami ng horror movie, siya ang sigaw nang sigaw sa takot. Palakasan ng sigaw si Rex at ang girlfriend niya.
Rex is into extreme activities and death-defying adventures, but when it comes to ghosts and paranormal stuff, he would become the sissiest man ever. May phobia raw kasi siya sa ghosts. Pabor naman sa akin ang pagiging matatakutin niya sa multo dahil ilang beses ko nang napagkatuwaan siyang i-feature sa vlog channel ko. My seven million YouTube subscribers love to laugh at my friend whenever I do a ghost prank at Rex.
“Bakit ba kasi dito tayo napadpad?” tanong ni Joe na seryoso sa pagto-troubleshoot ng sasakyan. “Bakit hindi sa highway? This place looks isolated. Walang dumadaan, oh.”
Para sa akin ang tanong na iyon dahil ako ang nagmamaneho. Hindi ko nga rin alam kung bakit doon kami itinuro ng Waze.
Nanlaki ang mga mata ni Rex na para bang may biglang na-realize. Tumingin siya sa akin nang may pagbabanta. “Shit, Kiel! If you’re setting me up for another ghost prank, I’m telling you I’m going to beat your ass for real.” Lumikot ang mga mata niya na mukhang naghahanap ng hidden camera. Miski ang loob ng hood ng sasakyan ay hinanapan ni Rex.
Napabulanghit ako ng tawa. “Gago! Wala akong time para i-prank ka. Paano ko mafe-fake ang pagkasira ng sasakyan? Dito tayo dinala ng Waze,” ibinalik ko ang tingin sa mansiyon, “which is weird. Tapos nasiraan pa tayo sa mismong harap ng abandoned house na ‘to.”
Dahan-dahan kong ibinalik ang tingin kay Rex. Halata sa hitsura niya na kinakabahan na siya. Pinigilan ko ang sarili na matawa. Sa tuwing ganoon ang hitsura ni Rex, hindi ko maiwasang maalala na noong teenager pa kami, bigla na lang siyang naihi sa salawal sa takot nang minsang magkatakutan kami ng barkada noon.
“I have a bad feeling about this,” sabi ni Rex na pahapyaw na nilingon ang mansiyon pero mabilis ding nagbawi ng tingin.
Humalukipkip ako. “Kapag hindi naayos ni Joe ‘yan, wala tayong ibang pagpipilian kundi ang makitulog sa bahay na ‘to.”
Isang malutong na mura ang isinagot ni Rex. Hindi ko na napigilan ang magtatawa. Natawa na rin si Joe.
“Matagal pa ba ‘yan, Joe?” tanong ni Rex.
Ngumisi si Joe. “‘Wag kang mag-alala. ‘Di ko hahayaang makitulog ka sa haunted house na ‘yan kaya sisiguraduhin kong maaayos ko ‘to bago pa may magpakitang ghost sa ‘tin dito. Basta ipangako mo lang na e-extra ka uli sa susunod kong project.”
“Sure!” mabilis na sagot ni Rex. “Ano bang next project mo?”
“Horror film.”
Binigyan rin ni Rex ng malutong na mura si Joe. Nagtawanan kaming magpinsan.Ibinalik ko ang tingin sa mansiyon at tinanaw ang madidilim na mga bintana nito. I stared at a window, expecting to see a shadow or something that would move to indicate a ghost’s presence, but there was none. Nope, wala akong third eye at kahit kailan, hindi pa ako nakaranas na pagmultuhan ng kahit anong paranormal entity. Pero naniniwala ako sa existence ng mga espirito at multo. But that house could be just a normal abandoned house.
Dahil walang magawa habang naghihintay na matapos ni Joe ang ginagawa ay kinuha ko na lang ang camera sa loob ng sasakyan. Tinapunan ko ng tingin si Sasa—ang maarteng girlfriend ni Rex—na nakaupo pa rin sa backseat at mukhang naka-live sa Instagram habang nagkukuwento sa exhausting at terrifying experiences daw niya kanina habang nagma-mountain climbing.
Kaya kami ginabi nang husto ay dahil sa kanya na walang ginawa kanina kundi ang mag-inarte habang umaakyat sa bundok. Hindi hiker pero nangulit na sumama. Sumama lang siya sa amin para maging pabigat kay Rex. Rex literally carried her up the mountain.
Pero hindi naman ako naasar sa mga pinaggagawa ni Sasa kanina dahil naisip kong i-highlight sa vlog ko ang mga reaksiyon niya. Sasa would not mind being poked fun at, as long as she got attention. Pitong milyong netizens ba naman ang instant viewers ko kaya instant Internet celebrity ang kahit sinong itampok ko sa bawat videos na ginagawa at ina-upload ko. In fact, may kutob nga akong sumama talaga si Sasa dahil alam niyang gagamitin ko sa vlog ang experiences ko at ng mga kasama sa pag-akyat sa Mt. Banahaw sa Laguna at Quezon.
I am a famous vlogger-slash-influencer. I have been vlogging about my travel stories, parties and events that I hosted or guested, hobbies, sports, workout sessions, adventures, documentaries, pranks, and any random stuff for three years now. Lahat ng videos sa channel ko ay humahakot ng milyon-milyong views. Hindi ako artista pero sikat ako.
Imbes na magtrabaho sa holdings company na pag-aari ng parents ko ay mas pinili kong maging malayang gawin ang kahit anong gusto ko habang kumikita sa pamamagitan niyon. YouTube is paying me as well as my advertisers. Kaya para na rin akong nagtatrabaho.
Noong una, hindi gusto ng parents ko ang pagiging happy-go-lucky ko pero na-realize din siguro nila na ito ang niche ko—ang maging storyteller, reality star, influencer, vlog director, video editor at Internet celebrity all rolled into one. At ang pinakamahalaga, dito ako masaya. ‘Buti na lang at may dalawa pa akong nakatatandang kapatid na lalaki na interesado sa business kaya hindi ako obligadong maging parte ng kompanya kung ayaw ko.
Moments later, nakatutok na sa mansiyon ang lenses ng camera kong naka-attach pa sa gorillapod na hindi ko pinagkaabalahang tanggalin. Habang nakatingin sa display screen ng camera, bigla akong nakaisip ng idea for my next vlog.
How about ghost hunting?
Well, not necessarily this house. Iyong kilalang bahay o building na sinasabing may nagmumulto talaga. Curious din ako kung ano ang magiging reaksiyon ko kung sakaling makaramdam o makakita ako ng multo. Hindi ako natatakot sa mga bagay na iniisip ko pa lang. Maybe I have to actually feel and see them in order to know if I fear them or not.
Ang tanong, sino ang sasama sa akin kung sakali? I have a lot of friends, but most of them are busy with their eight-hour tedious jobs, and some are not willing to be in front of the camera because they chose to be private. At sa theme ng next vlog, siguradong hindi sasama si Rex sa akin. Wala naman akong babaeng idine-date presently. My only hope is Joe.
Buti na lang at hindi rin matatakutin si Joe. Joe is thirty. Dalawang taon ang tanda niya sa akin. My favorite cousin is an indie film director and a screenplay writer at the same time. Kasisimula pa lang niya sa industry dahil ilang taon siyang nag-aral ng filmmaking sa States. Despite that, nakagawa na siya ng tatlong independent films at isa sa mga iyon ay nanalo sa Indie Films Festival just recently.
A few weeks ago, Joe told me he wanted to make a horror film. Pero hinihinog pa niya ang story plot na naisip. Kailangan pa raw niya ng inspirasyon para tuluyang mabuo iyon.
Perfect, sabi ko sa isip. Joe will definitely accompany me. Kailangan niyang ma-expose sa real-life spooky situations at scary places at baka ma-inspire sa istoryang isinusulat.
“Bakit kayo nandito?”
Napapitlag ako sa boses ng matandang biglang nagsalita. As expected, nagulat at natakot si Rex na napasigaw at napatalon sa likod ni Joe.
On instinct ay itinapat ko sa pinaggalingan ng boses ang flash ng camera. May isang matandang lalaking sa tantiya ko ay nasa seventies ang lumalakad palapit sa amin. Halatang nasilaw siya sa liwanag dahil nag-squint at itinaas ang kamay para takpan ang liwanag.
Hindi multo. Iyon agad ang impression ko nang mabistahan ang matanda. Kahit hindi pa ako nakakakita ng multo, alam kong taong buhay ang matandang huminto malapit sa amin. Pinatay ko ang flash ng camera pero hindi in-off ang record niyon.
“Magandang gabi po,” bati ko.
“Hindi dapat kayo nananatili sa lugar na ito,” halatang worried na sabi ng matanda habang pinaglilipat-lipat ang tingin sa amin. “Umalis na kayo.”
“Eh, Lolo,” sabi ko, “nasiraan po kami.”
“Pero malapit na hong maayos,” dugtong ni Joe na tinapunan ng tingin si Rex na mukhang nanginginig sa likuran niya.
“Kung ganoon ay bilisan n’yo.” Tinanaw ng matanda ang mansiyon at pagkatapos ay ibinalik sa amin ang tingin. “Kailangan n’yo nang makaalis agad.”
“Bakit ho?” curious na tanong ko. “‘Wag n’yong sabihing haunted house ‘tong bahay na ‘to.”
Hindi agad sumagot ang matanda. Tinapunan ulit niya ng tingin ang mansiyon bago sumagot.”Oo.”
MIKAY’S POV
“Mami-miss kita, Babs,” sabi ko habang isinisilid sa kahon ang mga gamit ko sa desk na kailangan ko nang i-empty. Kung mamalasin nga naman, nakasama pa ako sa mga ini-lay off na empleyado sa kompanyang pinagtrabahuhan ko.
“Shunga, magkapitbahay lang tayo,” sabi ng bestie kong beki. “Ba’t mo ‘ko mami-miss? Para namang hindi na tayo magkikita. Eh, madalas pa tayong magkasabay ng bili sa tindahan ni Aling Kulasa. Minsan nga nakikialmusal ka pa sa bahay namin. Kapal nga ng mukha mo sa akin ka pa nagpapatimpla ng kape.”
“I mean, bilang officemate. Mami-miss ko ‘yong bonding natin as officemates.”
“Ako ba ang mami-miss mo o ‘yong pantry dito sa office?”
Ang pantry talaga ang ipinapasok ko sa opisina dahil laging may libreng kape at food. Ngayong jobless na ako, wala nang libre. Lahat, kailangan ko nang bilhin. Adulting sucks.
“Babs, seryoso. Sad ako. Gusto kong magpakalasing. Shot puno tayo mamaya sa bahay n’yo.”
“Tse! Tumigil ka. Wala ka na ngang trabaho, magpapakalasengga ka pa. Why don’t you start seeing this unfortunate incident as a blessing in disguise?”
“Paano? Hindi ko pa tapos bayaran ‘yong mga loan ko. Kulang ‘yong severance pay na matatanggap ko para mabayaran lahat ng utang na binabayaran ko buwan-buwan. Buti kung makahanap agad ako ng trabaho? Ang hirap pa namang matanggap sa trabaho ngayon, bukod sa napakatagal na proseso. Lalo na dun sa part na ‘don’t call us, we’ll call you.’ Tapos sasabihin mo, blessing in disguise?”
“It’s about time you pursue your dream to become a writer.”
Iyon talaga ang pangarap ko. Ang maging manunulat. Ang maghabi ng mga kuwento na mababasa ng mga tao. Ang maging isang sikat na nobelista. Pero dahil hindi kami mayaman, kailangan ko ng regular job. Kaya isinantabi ko na lang ang pangarap ko.
“Hindi ako bubuhayin ng pagsusulat. Walang regular income doon, sabi ng kakilala kong writer. Hindi mababayaran ang bills ko buwan-buwan. Lalo akong mababaon sa utang. Sa pagsusulat pa lang, tatagal na ng ilang buwan. Tapos manuscript evaluation, tatagal din ng ilang buwan sa editorial team. Tapos ipapa-revise pa. Kung mamalasin, rejected pa. At kung matanggap naman after forty-eight years, ang tseke naman, postdated pa. Paano ako mabubuhay sa gano’n, Babs? Baka gumagapang na ako sa gutom bago ako magkakuwarta.”
“Eh, di s-um-ideline-sideline ka in between writing.”
“Ano’ng sideline? ‘Wag mong sabihing gusto mo ‘kong tumanggap ng mga labada habang nagsusulat ako.”
Luminga-linga si Babs sa paligid at pagkatapos ay hinila ako papasok sa loob ng pantry kung saan ay walang tao. Nagkaroon tuloy ako ng opportunity para i-raid ang siliran ng mga pagkain. Pasimple akong dumakot ng ilang sachets ng instant coffee at individually wrapped bread and pastries. Isinuksok ko iyon sa mga bulsa ng cardigan ko. Bakit ba? Souvenirs kaya iyon.
“‘Yong superpower mo, gamitin mo na at pagkakitaan mo.”
Superpower, as in ang supernatural ability kong makakakita ng past events sa mga lugar o bagay na may mataas na energetic imprints ang tinutukoy ni Babs. “Retrocognition” o “postcognition” kung tawagin. Kabaligtaran ng fortunetellers na nakakakita ng future, ako naman ay past ang nakikita. Hindi iyon alam ng ibang mga tao. Ang pamilya ko at si Babs lang ang nakakaalam.
“Sino naman ang magkakainteres na makakita ng past?” pag-alma ko. “Lahat, gustong makita ang future nila. Ang past, usually, gusto nang ibaon sa limot dahil nakaraan na at hindi na mahalagang balikan pa. Lalo na ‘yong mga iniwan ng dyowa nila. Gusto nilang makalimutan ‘yong past heartaches nila, ba’t ko pa ibabalik sa kanila para ipaalala ang nasirang pangakong sila lang ang mamahalin habambuhay?”
“Awit! Naka-relate ka ba sa sinabi mo? ‘Di ka pa rin ba nakaka-move on sa ginawa sa ‘yo ng ex mo?”
“‘Wag mong mabanggit-banggit ‘yong hayup na ‘yon at baka iwanan kita ng black eye bago ako umalis dito.”
“Bakit naman nila ipapabasa sa ‘yo ang past nila na alam nila?” Nakaalagwa ang kilay na komento ni Babs. “‘Yong past na hindi sila aware, syempre. Shunga nito. Like, for example, ‘yong client mo, ipapabasa sa ‘yo ang past ng isang taong bago pa lang niyang kakilala para malaman kung mapagkakatiwaalaan ba ito or may itinatagong madilim na nakaraan.”
Umiling-iling ako. “Ayokong gawin ‘yon. Invasion of privacy ‘yon. At saka parang hindi mo alam na iniiwasan ko nang gamitin ‘yong psychic ability ko. Ayokong mapahamak tulad ng nangyari sa lola ko.”
Minana ko ang supernatural ability na iyon sa late grandaunt ko pero hindi ko ginagamit dahil ayokong matulad sa naging kapalaran niya. Namatay siya nang maaga dahil sa taglay na kakaibang abilidad. Iyon ang nagpahamak dito.
“Sayang naman.” Dinukot ni Babs ang cellphone mula sa bulsa ng pantalon. “Naaalala mo ‘yong sissy kong si Timmy? ‘Yong creative manager ni Kiel Torres? Tumawag siya sa ‘kin. Naghahanap pa naman sila ni Direk Joe Marte ng psychic na makakasama sa vlog nila tungkol sa haunted house–“
“I’m in!” mabilis na sabi ko.
Crush na crush ko si Direk Joe. At noong napanood ko ang episode one ng ghost hunting project vlog ni Kiel Torres kung saan kasama si Direk Joe, kinilig ako imbes na matakot.
“Count me in.” Ito na ang pagkakataon para malaman ni Direk Joe ang existence ko. At kung papalarin, baka magka-develop-an kami habang magkasama sa iisang project.
“Akala ko ba ayaw mong gamitin? Basta pala sa kalandian, okay lang gamitin, ‘no? Kiber na mapahamak, makaharot lang. Wala na ring pakialam sa ghosts ang Mikayla.”
Sadyang hindi ako matatakutin. Kapag psychic ka, hindi ka na gaanong masisindak sa paranormal presence o spirits. Nakakatulugan ko na nga lang ang panonood ng horror movies at nahihikab sa jump scares.
“Kung hindi ako makakahanap ng stable job, maghahanap na lang ako ng bubuhay sa ‘kin. Gusto kong makapangasawa ng direktor na guwapo.”
“Pero okay lang ba sa ‘yo na makakasama mo rin sa project si Kiel? Eh, ‘di ba, hater ka no’n? Minsan nga, b-in-ash mo siya sa YT channel niya. Nag-spam ka ng hate comments.”
Guwapo si Kiel. Malakas ang dating at kuwela pero nakakairita ang pagiging overconfident at maloko niya. Isang viral vlog niya ang hindi ko nagustuhan dahil sa out of line na prank kaya uminit ang ulo ko at b-in-ash ko siya nang matindi gamit ang isang dummy account.
“Hindi naman ako sa kanya didikit. Kay Joe. Kaya tawagan mo na si Acclang Timmy at sabihin mong nakahanap ka na ng isang super galing na psychic na makaka-solve ng misteryo ng haunted house na ‘yon.”
JOE’S POV
“I don’t know, but ever since I saw this abandoned mansion, I started having recurring dreams.There was a woman, a beautiful slender woman in her twenties, running through the wide corridors of a mansion in a long white Victorian nightgown. Her long, wavy hair flailed with her every movement. She was laughing, smiling, and I was chasing after her. I heard my own laugh and even saw myself in the mirror as I passed by it. I grabbed her arm and pulled her by the waist. Then I gathered her in my arms and kissed her…”
Umiling-iling si Kiel sa sinabi ko. “That sounds bad, dude.”
Kumunot ang noo ko. “What do you mean? Do you think it has something to do with this haunted house?”
“What? No!” Tinapik ni Kiel ang balikat ko. “Tigang ka na. It’s been so long since you dated a woman. Puro na lang paggawa ng pelikula ang inaatupag mo. You need to get laid, Joe. Para hindi ka na nagwe-wet dreams.”
My eyes widened. “What? No, Kiel. I’m serious.”
“Yes, you seriously need to get laid. Do you want me to set you up on a date with a hot chick who’s game for anything? Puwede mong ipa-reenact sa kanya ‘yang panaginip mo.”
“Back off,” I scoffed.
ELENA’S POV
Nakaramdam na naman ako ng matinding kalungkutan habang nakatitig sa canvas na may hindi tapos na painting at nababalot ng mga agiw at alikabok. Kalahati pa ang natitirang dapat na ipinta roon.
Pinagbawalan ako ni Tiya Amelia na pumasok sa silid na ito dahil sa tuwing nakikita ko ang painting na ito ay ganito ang damdaming lumulukob sa dibdib ko. Matinding lungkot at panghihinayang dahil hindi ko ito natapos ipinta bago ako pumanaw. Ngayon ay kahit ano ang aking gawin, hindi ko na mahahawakan pa ang brush at palette.
Hindi ko na kailanman matatapos ang painting na ito. Habambuhay na itong ganoon. Hindi tapos. Ni hindi ako nagkaroon ng pagkakataong masilayan ang kabuuan nito.
Parang ang buhay kong bigla na lamang naputol. Hindi ko man lamang natamasa ang kabuuan ng aking buhay. Isang araw ay nagising ako na isa na lamang akong kaluluwa. Beinte singko anyos pa lamang ako. Marami pa akong pangarap. Marami pang gustong maranasan sa buhay.
Gusto ko pang maging isang sikat na pintor. Sa katunayan ay isasali ko sana sa isang prestihiyosong patimpalak ang painting na ito. Ito dapat ang natatangi kong masterpiece na potensyal sanang makilala nang buong bansa.
Gusto ko pang magkaroon ng sarili kong pamilya, magpakasal sa lalaking itinitibok ng aking puso, at magkaroon ng mga malulusog na supling.
Gusto kong umibig at tumandang kasama ng lalaking mahal ko, ang kasintahang naiwan ko. Bago pa lang kaming magnobyo pero naputol kaagad ang pagmamahalan namin dahil kay aga kong binawian ng buhay. Ni hindi ko matandaan kung paano ako namatay. Basta ang alam ko lang, imbes na mahimlay sa kabilang buhay, nanatili ang mga kaluluwa namin sa mansiyong ito.
Kasama ko roon ang kapatid ng aking ina na si Tiya Amelia. Siya ang kumupkop sa akin nang sabay na namayapa ang mga magulang ko noong ako ay kinse anyos pa lamang. Kuwarenta anyos siya, walang anak, at dalawang taon nang nabibiyuda noong kasabay kong pumanaw.
Naroon din ang kasambahay sa mansiyong iyon na si Inday. Beinte anyos pa lamang siya pero tatlong taon nang naninilbihan sa amin bago kami sabay-sabay na namatay. Gaya nang hindi namin alam kung paano kami nagsimatay ay wala rin kaming ideya kung bakit naroon pa rin kami.
Taong mil novecientos sesenta y kuwatro namin napagtanto na hindi na kami buhay at hindi namin alam kung gaano na kami katagal na namamalagi sa bahay ni Tiya Amelia. Basta ang alam ko, napakatagal na naming narito pero hindi pa kami kinukuha ng langit o sinusundo man lang ng angel of death.
Sinubukan kong haplusin ang canvas pero tumagos lang ang mga daliri ko roon. Mabuti pa si Inday. Kaya niyang makahawak o makagalaw ng mga konkretong bagay kapag mataas ang kanyang emosyon.
Nabasa ko sa isang libro noon ang tungkol sa iba’t ibang klase ng mga multo. Isang “poltergeist” si Inday kaya kaya niyang makapagpagalaw ng mga bagay. Kami ni Tiya Amelia ay nabibilang sa ghosts na kung tawagin ay “interactive personality.” Ang kaya lamang namin ay ang magparamdam o magpakita sa mga buhay na tao.
Kaya naman si Inday ang pananggalang namin laban sa mga buhay na taong nagnanais na pasukin ang mansiyong iyon. Sa pinto pa lamang ng mansiyon ay kaagad niyang naitataboy ang mga mapangahas na mga buhay. Nagagawa niyang matakot ang mga ito sa paggalaw at at pagbagsak ng mga kagamitan o pagbukas at sara ng pinto. Kaya naman matagal nang walang gumagambala sa amin dito.
Ayaw naming magambala kaya namin iyon ginagawa. Itong mansiyong ito ang aming mundo. At mukhang dito na lamang kami mananatili habambuhay.
Natigilan ako nang may marinig na mga yabag at hindi pamilyar na boses mula sa labas ng silid. Hindi yata at may nakapasok na mga buhay na tao sa mansiyon?
Sino ang nangahas na pumasok sa aming tahanan?
Humakbang ako para sana lumabas ng silid pero nakita ko si Tiya Amelia na humahangos na pumasok doon. Matindi ang pag-aalala sa kanyang mukha.
“Elena! Nandito ka na naman pala sa silid na ito. Kaya mukhang hindi mo alam na mayroong mga buhay na nakapasok sa mansiyon!”
“Paano po nangyari iyon, Tiya? Nasaan na si Inday? Bakit hindi siya nagtagumpay na maitaboy ang mga buhay?”
“Hindi ko nga rin alam. Samantalang kanina ay pinagbilinan ko pa siya nang makita ko mula sa bintana ang mga pumaradang malalaking sasakyan sa tapat ng mansiyon.”
Kumunot ang aking noo. “Sa tagal nang walang nagtatangkang manloob dito, baka nakaligtaan na niya kung paano manakot ng mga buhay.”
“Hindi maaari ito!” Nagpalakad-lakad si Tiya Amelia sa silid habang nanggigirian ang mga ngipin.
“Ano po ang gagawin natin, Tiya?”
“Kung pumalya na ang kakayahan ni Inday, kinakailangan na nating kumilos para maitaboy ang mga buhay. Wala silang karapatang galugarin ang bahay ko. Sa akin ang bahay na ito! Minana ko ito sa aking asawa! Kailangan natin silang takutin at nang magsilayas kaagad sila sa pamamahay ko!” nandidilat na wika niya.
“Pero hindi po natin kayang magpagalaw ng mga kagamitan na tulad ni Inday.”
“Kailangan nating magparamdam sa kanila. At kung hindi uubra ay kailangan nating magpakita.”
Nakaramdam ako ng kaba. Kahit kailan ay hindi ko pa nagagamit ang kakayahan kong magpakita sa buhay na tao. Ang tanging nagawa ko pa lamang ay ang humaplos sa braso ng isang buhay na nagdulot dito ng napakalamig na sensasyon.
Si Tiya Amelia ay nasubukan nang magpakita ngunit isang beses pa lamang. Dumungaw siya sa bintana at nagpakita sa isang lalaking nakatanaw sa mansiyon mula sa labas ng gate niyon. Tahimik na umalis ang lalaki matapos manlaki ang mga mata at mapanganga sa nakita. Hindi na niya iyon inulit dahil nahapo raw siya pagkatapos gawin iyon. Kaya si Inday talaga ang aming inaasahan sa pagtataboy at pananakot sa mga buhay.
Napansin ko ang pagguhit ng ngiti sa mga labi ng aking tiyahin.
“Mukhang sa ikalawang pagkakataon ay kinakailangan kong ipakita ang aking alindog sa mga buhay. Pero sa iyong palagay ay matatakot ba sila sa ganda kong ito?” Pinalipad ni Tiya Amelia ang mahaba at alon-alon niyang buhok at hinaplos ang kurba ng katawan.
Napangiti na lang ako nang alanganin. Kahit kaluluwa na lamang ay gandang-ganda pa rin ang Tiya Amelia sa kanyang sarili.
“Hindi nga natakot ang lalaking nakakita sa akin noon. Bagkus ay namangha siya sa angkin kong ganda at umalis kaagad upang ako ay mapagpantasyahan nang pribado.” Humagikhik ito.
Pilit ang pagtawang pinakawalan ko mula sa aking bibig.
“Mukhang hindi ka rin katatakutan ng mga buhay,” wika niya habang nakatitig sa akin. “Nakuha mo ang genes namin ng iyong ina kaya ganyan ka rin kaganda. Baka sa halip na matakot ay mabighani pa sila sa atin. Kaya tanging si Inday ang pag-asa natin.”
Biglang sumulpot sa aming tabi si Inday na tila ba narinig ang pangalan nito. Hindi ko maintindihan kung bakit sa halip na mataranta ito dahil hindi nagtagumpay sa pagtataboy sa mga buhay ay nakangiti pa ang kawaksi.
“Ano ang inginingiti-ngiti mo riyan?” nandidilat na asik ni Tiya Amelia kay Inday. “Bakit hindi mo nagawang maitaboy ang mga buhay na nangahas na manloob sa mansiyon ko?”
Ni hindi natinag ang kasambahay sa galit ng amo. “Napakaguguwapo po kasi ng mga buhay na nagsidating. Hindi sila mukhang manloloob at pangit tulad ng mga nagtangkang magsipasok dito noon. Bagkus ay mukha silang mga bisitang pandangal.”
Umusok ang ilong ni Tiya Amelia. “Ano ‘ka mo? Bisitang pandangal?”
“Opo, senyora.” Ikinipit ni Inday ang buhok sa likod ng tainga. “Kaya nahiya akong pagbagsakan sila ng pinto at batuhin ng mga kagamitan. Sa halip, nais ko silang pagsilbihan at hatiran ng tsa.” Humagikhik ito na tila ba kinikiliti.
“Simberguenza!” bulyaw ni Tiya Amelia.
AMELIA’S POV
“Simberguenza!” bulyaw ko kay Inday na napapitlag. Muntik ko nang hablutin ang kanyang buhok kung hindi ko lamang napigilan ang aking sarili.
Kung maaari ko lang sisantehin ang kawaksing ito ay malamang na ginawa ko na. Akalain mo at hinayaan pala talagang makapasok ang mga buhay na nangahas na galugarin ang aking mansiyon!
“Isa kang haliparot, Inday! Hinayaan mong makapasok ang mga buhay dahil lang kaakit-akit ang kanilang mga hitsura?”
“At mukhang nagmula sa de buena familia dahil Ingles-an sila nang Ingles-an.” Bakas sa mukha ng kasambahay ang pagkamangha.
Naningkit ang aking mga mata. Isa talagang social climber ang bruhang ito!
“Bumalik ka roon ngayundin!” Itinuro ko ang pinto ng silid na gamit ni Elena sa pagpipinta. “Itaboy mo sila at takutin. Ibukas at sara mo ang pinto, magtatakbo ka sa pasilyo at iparinig ang mga yabag mo sa kanila, magbagsak ka ng mga gamit o ihagis sa kanila! O kaya naman ay umiyak ka at iparinig sa kanila. Umiyak ka nang malakas. Ngayon na! Impronto!”
Natitiyak kong gustong ariin ng mga taong buhay na iyon ang aking mansiyon. Hindi ako makapapayag. Akin lang ang bahay na ito at hindi kailanman mapupunta sa iba.
Hindi natinag si inday sa kinalulutangan nito. Nakatingin lang siya sa akin habang nakataas ang isang kilay. Halatang walang balak sumunod ang delinkuwente kong muchacha.
“Hindi ka ba kikilos diyan?”
Umiling ito. “Hindi mo na ako tagasilbi, Senyora. Hindi mo na ako pinapasahod dahil hindi ko na kailangan ng pera. Kaya wala kang karapatang utusan pa ako.”
Kusang naggirian ang mga ngipin ko sa inis. “Hindi na nga kita pinasasahod pero nakatira ka pa rin sa pamamahay ko. Kaya dapat lang na sumusunod ka pa rin sa akin!”
“Na para ho bang kaya kong umalis sa bahay na ito. Kahit palayasin n’yo ako ay hindi naman ako makakaalis dito.”
Totoo ang sinabi nito. Matagal nang gustong magsaalsa-balutan ni Inday. Gusto nitong pumunta sa pamilya nito. Kaya lang ay hindi ito makalabas sa mansiyon. Kaming tatlo ay hindi kayang lumabas doon na para bang may nakaharang sa palibot ng bahay. Tila kami nakakulong doon.
“Tama ka,” nandidilat na wika ko kay Inday. “Hindi nga kita kayang palayasin ngunit bahay ko pa rin ito. At dahil naririto ka sa pamamahay ko, dapat lang na tumbasan mo ng serbisyo ang pananatili rito.”
“Lintik namang buhay ito,” pagmamaktol ni Inday na padabog na nagkamot. “Patay na nga ako, kailangan ko pa ring magsilbi? Hindi na ako nakapagpahinga.”
Magsasalita pa sana ako pero inawat ako ni Elena.
“Tama na, Tiya. Hindi natin puwedeng piliting pasunurin si Inday kung tutol sa kanyang loob.”
Tumirik ang mga mata ko sa iritasyon. “Kung ganoon ay wala akong magagawa kundi ang magpakita sa kanila. Ang pangamba ko ay kung paano ko sila matatakot kung ganito ako kaganda.”
Nahuli ko ang pag-ikot ng mga mata ni Inday na para bang may pagtutol sa sinabi ko. Inggiterang hampaslupa.
Alam kong maganda, seksi, at sariwa pa rin ako sa edad na kwarenta. Hindi mahahalata ang aking edad sa aking hitsura. Kaya nga naakit ko ang isang mayamang businessman na nagpakasal sa akin at ako ang nagmana ng lahat ng ari-arian noong yumao ito. Pero sa kasamaang-palad, saglit ko pa lang natatamasa ang kayamanang iniwan ng asawa ko nang bawin din ako ng buhay. Napakasaklap.
Itong mansiyon na lang ang natira sa akin ngayon. Kaya hindi ako makapapayag na pati ito ay mawala pa sa akin.
“Tiya,” tawag-pansin ng aking pamangkin. “Walang garantiyang makikita ka nila. Sa pagkakaalam ko, kailangang may third eye ang isang tao para makakita siya ng isang kaluluwa.”
“Gano’n ba ‘yon? Ibig sabihin, iyong lalaking nakakita sa akin sa bintana ay may third eye kaya niya ako nakita?”
Tumango si Elena.
“Puwes, hihipuin ko na lang sila.” Nakapagdudulot ng napakalamig na sensasyon ang haplos namin. Kahit walang third eye ay mararamdaman iyon.
Bigla at nasa harap ko na si Inday na nandidilat ang mga mata. “Hindi ako makapapayag na tiyansingan mo ang makikisig na kalalakihan, Senyora!”
Aba at talaga namang tampalasan itong si Inday. Imbes na protektahan ang aking mansiyon ay ang mga trespasser pa ang gustong protektahan.
Tinapalan ko ng palad ang mukha ng entremetidang kasambahay at dumiretso sa pagtagos sa pinto ng silid.
Paglabas ko ay nakita ko agad ang mga lalaking tinutukoy ni Inday. Lahat ay may bitbit na camera, ilaw, at kung anu-anong kagamitan na tila ba may balak ang mga ito na pag-shooting-an ang mansiyon ko. Madilim pero dahil sadyang may night vision kaming mga kaluluwa ay kitang-kita ko ang mga kalalakihan.
Napanganga ako nang masilayan ang kanilang mga mukha at tindig. Tama si Inday. Tunay na kay guguwapo at kay titikas ng mga lalaking ito. Napakatangkad pa na hindi karaniwan sa mga Pilipino. Hindi ko napigilan ang mapasinghap habang pinararaanan ng mga mata ang maskuladong mga braso at malalapad na mga balikat at dibdib.
Bumalik ako sa silid kung saan ay nakita kong hawak ni Elena ang braso ng nagpupumiglas na kasambahay na tila pinipigilan niyang lumabas ng silid.
“Ano ang nangyari, Tiya?” tanong ni Elena.
“Ano ang ginawa n’yo sa kanila, Senyora?” asik ni Inday na kung sa ibang pagkakataon ay baka nasampal ko dahil kung makatingin sa akin ay tila ba gusto akong lapain.
“Ahhh…” Umilap ang aking mga mata at kusang kumilos ang kamay ko para ikipit ang buhok sa likod ng aking tainga. “Hayaan na lang muna natin sila sa ngayon. Baka naman umalis din sila.”
Mukhang nakahinga nang maluwang si Inday na binitiwan na ni Elena ang braso.
Pinakapigilan ko ang mapangiti habang inilalarawan sa aking diwa ang posibleng hitsura ng hubad na dibdib ng tatlong nagguguwapuhan at nagkikisigang kalalakihang nakita ko sa labas ng silid. Nais ko sanang gawin ang balak ko kanina–ang hipuan sila. Gusto kong hipuin ang kanilang mga masels. Ngunit baka magsitakbuhan sila palabas kaya pingilan ko ang ang aking sarili.
Mukhang hindi ako nagtagumpay sa pagsupil sa aking ngiti dahil nakita ko ang ekspresyon ng mukha ni Elena. May pagdududa sa mga mata niya.
“Mukhang tulad ni Inday ay nabighani ka rin sa mga guwapong kalalakihan.”
Hindi ako makatingin nang diretso sa aking pamangkin dahil totoo ang kanyang tinuran.
“Hindi naman sa ganoon, Elena. Naisip ko lang na paminsan-minsan marahil ay puwede naman tayong tumanggap ng mga bisita.” Bumaling ako kay Inday. “Hindi ba, Inday?”
“Tama ka riyan, Senyora! Matagal-tagal na ring walang bumibisita sa atin dito kaya dapat nating tanggapin ang mga bisitang pandangal.”
Tumango-tango ako. “Bisitang pandangal.”
Namalayan ko na lang na hawak na namin ni Inday ang mga kamay ng isa’t isa at nagbubungisngisan na kami. Hindi ko akalaing sa wakas ay may pinagkasunduan kami ng aking mutsatsa.
“Hindi natin sila dapat hayaang gambalain ang ating tahanan,” seryosong wika ni Elena. “Kailangan nilang magsialis. Kung hindi kayo kikilos, ako na lang ang gagawa ng paraan.”
Mabilis na nakalabas ng silid si Elena bago pa namin siya mapigilan.
“Kailangan natin siyang pigilan, Senyora!” natatarantang wika ni Inday.
Kilala ko ang aking pamangkin. Ayaw niya ng nagagambala. Kahit noong nabubuhay pa si Elena ay ayaw niya ng maingay at magulo. Kaya tiyak akong kahit ayaw niyang manakot ay mapipilitan siyang gawin iyon para mapaalis ang nagtatangkang gumambala sa amin.
“Sundan natin siya,” wika ko kay Inday.
Paglabas namin sa silid ay natagpuan namin si Elena na nakalutang di-kalayuan mula sa mga buhay na tao. Nakahinto lamang siya habang nakatitig sa mga bisita. Nagtaka ako nang makita ko ang pagkamangha sa kanyang mukha.
“Juanito…” sambit ni Elena.
Juanito? Binanggit ba ng aking pamangkin ang pangalan ng dati niyang nobyo? Nang sundan ko ang tinitingnan ni Elena ay nakita ko ang isang lalaking may malaki ngang pagkakahawig kay Juanito. Hindi ko iyon napansin kanina dahil namangha ako sa angking kaguwapuhan at kakisigan ng mga buhay na dayo.
PRE0RDER PERIOD: Until November 20, 2022 only
0rder form link: heartyngrid.com/hybooks
NOTE: This is a self-published book and won’t be available in bookstores. This book is FOR PRE0RDER ONLY.
FOR MORE DETAILS ABOUT THE BOOK, VISIT MY FACEBOOK PAGE.