AlDub Fanfiction,  Book Preview

Ikaw, Ako At Ang Ating Forever – Chapter 9

KANINA ay antok na antok si Divina dahil napuyat siya kagabi kakaisip sa naging “date” nila ni Alden kagabi pero nang dumating ang mag-lola na sina Sandra at Doña Immaculada ay daig pa niya ang naka-droga dahil dilat na dilat ang mga mata niya habang nakatayo sa likod ng marangyang sofa set at pinakikinggan ang usapan ng mga ito at ni Doña Nidora sa sala ng mansiyon. Hindi kasi siya pinaalis ng donya kaya nanatili siya roon.

Pinag-uusapan ng tatlo ang engagement nina Alden at Sandra. Hindi siya makapaniwala sa naririnig dahil kagabi ay kasama sa napagkuwentuhan nila ng binata ang tungkol kay Sandra. Ang sabi ni Alden ay kahit ano ang gawin ni Sandra ay hindi na maaakit ang lalaki sa kababata. Kaya posibleng pinangungunahan na naman ng donya ang apo. Mukhang balak nitong ipakasal si Alden kay Sandra, sa ayaw at sa gusto ng binata.

“I want Michael Cinco to make my wedding gown,” sabi pa ni Sandra.

Wedding gown agad! Gustong mapailing ni Divina. Biglang tumingin sa kanya si Sandra at inirapan siya ng babae. Magmula pa kanina ay nakakailang irap na ito sa kanya.

“Of course, hija,” wika ni Doña Nidora. “You can also consider Vera Wang.”

“Oh, yes! Vera Wang, I love her!” bulalas ni Sandra.

“You have to be very beautiful on that day, hija,” ani Doña Immaculada.

“Of course, Grandma. I will be the most beautiful bride in the world.”

Nagtawanan ang dalawang lola.

Bumungad sa sala si Alden na magkasalubong kaagad ang mga kilay. Inilibot nito ang tingin sa sala. Saglit na nagtama ang paningin nina Divina at Alden.

“Hijo!” bulalas ni Donya Immaculada.

“Honey!” Tumayo si Sandra at lumapit kay Alden. Yumakap ang babae sa binata pero inalis kaagad ng lalaki ang mga braso ni Sandra upang kumawala sa yakap ng huli.

“What the hell is this?” mahinahon ngunit may panganib sa tinig na tanong ni Alden. Mukhang alam na ng lalaki na pinagmi-meeting-an na ng mga naroon ang kasal nito kay Sandra.

“Hijo, watch your language,” nakangiting paalala ni Doña Nidora sa apo. “Immaculada and Sandra are here to talk to us about your engagement with Sandra. As you know, her parents are in the States. But they will go back here soon.”

Kitang-kita ni Divina ang galit na lumarawan sa mga mata ni Alden habang nakatingin sa lola. Pagkatapos ay nagbuga ito ng hangin na at ngumisi nang pasarkastiko.

“When did I ever propose to Sandra? I don’t remember giving her an engagement ring.”

Nahuli ni Divina ang saglit na paniningkit ng mga mata ni Doña Nidora bago muling ngumiti. “Hijo, let’s forget about the tradition. This isn’t a normal engagement anyway. Bata pa lang kayo ay ‘engaged’ na kayo ni Sandra.”

“That is bullshit, Grandma,” mahinahon ngunit puno ng sarkasmong wika ni Alden.

“I said watch your language. Mahiya ka kay Immaculada.” Bumaling si Doña Nidora sa amiga. “Amiga, I’m sorry. Forgive my grandson’s manners.”

Bumaling si Alden sa lola ni Sandra na halatang hindi nagugustuhan ang nangyayari pero tila hindi gustong makialam sa usapan ng mag-lola. “I’m sorry, Grandma Immaculada but I don’t want to marry your granddaughter.”

Napanganga si Doña Immaculada. Sumibi naman si Sandra.

“You’re becoming really rude!” Hindi na itinago ni Doña Nidora ang galit.

Nagpakawala ng malakas na buntonghininga si Alden. “All right. I’m sorry if I’m being rude, Grandma Immaculada. But I can’t marry Sandra not because I don’t find her desirable. Obviously, she is desirable but… I already have a girlfriend. Kaya hindi ako puwedeng ma-engage kay Sandra.”

Suminghap nang malakas si Sandra. “What?!”

Si Doña Nidora ay halatang nasopresa. “What did you say?”

Miski si Divina ay napamaang. Bakit hindi sinabi sa kanya ni Alden na may bagong nobya na pala ito?

“May girlfriend na ako,” ulit ni Alden habang nakatingin sa lola. “Kaya hindi mo na ako puwedeng ipa-date o i-engage kung kani-kanino.”

“Is it Juliana?” tanong ni Doña Nidora na mukhang kapag in-oo-han ni Alden ang tanong ay hindi ito magagalit.

“No.”

“Are back with Paula?” muling tanong ni Doña Nidora.

“No.”

“Who is this girl?” tanong ng lola.

Imbes na sumagot ay humakbang si Alden patungo sa likod ng sofa, papalapit kay Divina. Napasinghap siya nang kunin ng binata ang kamay niya at hilahin siya papunta sa harap ni Doña Nidora na nanlalaki ang mga mata.

“She’s my girlfriend. Divina is my new girlfriend.”

Biglang may bumagsak sa gawi ng grand staircase at nang tingnan ni Divina ay nakita niya sina Tekla at Neneng na mukhang naibagsak ang mga dalang kung ano. Mukhang nagulat rin ang mga ito sa narinig.

Halos hindi makagalaw sa pagka-shock si Divina. Naramdaman niya nang ipagsalikop ni Alden ang mga daliri nila. Sila na ba? Kaya ba sila nag-date kahapon at nag-holding hands habang nanonood ng fireworks? Bakit hindi man lang siya na-inform na sila na pala?

Narinig ni Divina ang pagtawa ni Sandra. Mukhang nakabawi rin sa pagkabigla si Doña Nidora at nakitawa na rin.

“You’re just kidding, right?” tumatawang sabi ni Sandra.

“Of course, he is, hija,” si Doña Nidora na ang sumagot para sa apo. “You are so funny talaga, hijo.”

Biglang na-realize ni Divina na hindi talaga “sila” ni Alden. Ginagamit lang siya ng binata para may idahilan sa lola upang hindi na ito ma-engage kay Sandra.

Pinandilatan ng donya si Divina. “Yaya, umalis ka na rito sa sala. Pumunta ka sa kusina at kumuha ka ng tubig. Kailangan ko nang uminom ng maintenance ko.”

Tinangka ni Divina na bawiin ang kamay mula kay Alden para sundin ang donya ngunit hindi siya binitiwan ng binata. Nagtagpo ang mga mata nila. Tiningnan niya nang may pakiusap sa mga mata si Alden. Hindi makakabuti kung ii-involve siya ng binata sa sitwasyon nito. Gusto niyang makatulong dito ngunit hindi sa ganoong paraan. Hindi niya kayang magpanggap na nobya ni Alden para maiwasan nito ang engagement. Kalokohan iyon dahil isang hamak na tagasilbi lamang siya.

Nagulat na lamang si Divina nang hapitin siya ni Alden at sa isang iglap ay sakop na nito ang mga labi niya. Hindi siya nakagalaw sa matinding pagkabigla. Narinig niya ang halos sabay-sabay na singhapan sa paligid ngunit wala roon ang atensiyon niya kundi nasa mga labing nagsimulang sumimsim sa mga labi niya. Naramdaman niya ang pagtungo ng palad ni Alden sa likod ng kanyang ulo at namangha siya nang laliman pa ng lalaki ang halik na tila ba matagal na nitong pinanabikang hagkan ang mga labi niya. Hindi kayang mailarawan sa salita kung gaano kasarap sa pakiramdam ang ginagawa ni Alden sa kanya. Namalayan na lamang niyang nakapikit na siya at ninanamnam ang halik ng senyorito.

Dumilat lamang si Divina nang bitiwan ni Alden ang mga labi niya. Nasalubong niya ang mga mata ng binata. Nakita niya ang pananabik sa mga mata nito na para bang napilitan lang itong tapusin ang halik. Muling hinarap ni Alden ang mga nasa sala. Lahat ay pawang shocked at speechless sa nasaksihan.

Namalayan na lang ni Divina na hinihila na siya ni Alden palabas ng mansiyon. Isinakay siya ng binata sa kotse nitong nakaparada sa front porch at pinasibad ang sasakyan palabas ng gate ng mansiyon.

 

SA BUONG durasyon ng biyahe ay nakatulala lang si Divina habang nagmamaneho si Alden. Hindi pa rin siya makapaniwala sa naganap. Ang akala niya ay itatanan na siya ni Alden pero sa isang bar sila nagpunta ng binata. Sa isang sulok ng mezzanine na may couch sila pumuwesto. Um-order ito ng alak at nagsimulang uminom. Sinalinan rin nito ng alak ang baso niya pero tinitigan lang niya iyon. Mahabang sandaling walang namagitang pag-uusap sa pagitan nila. Tahimik lang itong umiinom habang nakatingin sa kawalan.

“I’m starting to really hate my grandma,” maya-maya ay himutok ni Alden habang nakatingin sa kawalan.

Sa palagay ni Divina ay nagsisimula nang tamaan ng alak si Alden dahil namumula na ang mga pisngi ng binata.

“Ayokong dumating sa puntong wala na talaga akong pakialam kahit mag-isa na lang siya at wala siyang makasama hanggang sa mawala siya sa mundo. Ayokong dumating sa puntong iiwan ko na talaga siya at hindi ko na siya babalikan kahit kailan. I wanted to leave her and just let her die alone. But I can’t. I can’t, dammit! Bakit hindi kaya ng konsensiya ko?”

“Dahil mahal mo siya.”

“Mahal ko siya. Tama ka. Mahal ko ang lola ko. Pero bakit parang hindi niya ako mahal? Bakit kahit anong sabihin ko sa kanya, hindi niya ako pinakikinggan. Ang gusto niya pa rin para sa akin ang gusto niyang masunod. Imagine, ipapakasal niya ako sa babaeng hindi ko mahal? Mapagpapasensiyahan ko pa ang pagpapa-date niya sa akin sa kung sinu-sinong anak ng amiga niya. Pero ang i-engage at ipakasal ako nang labag sa loob ko… that’s too much.”

Nakadama ng matinding pagkaawa si Divina kay Alden. Hindi tuloy niya magawang sitahin ito sa panggagamit sa kanya kanina para sa palabas nito. Hinagkan pa siya nito para lang maniwala sina Doña Nidora, Doña Immaculada at Sandra. First kiss niya iyong kinuha ni Alden nang gano’n-gano’n lang. Kahit pa sabihing nagustuhan niya iyon. Hindi pa rin dapat ginawa ng binata iyon para lang sa palabas nito.

“Agree ako sa ‘yo. Sobra na si Doña Nidora. Miski ako, hindi rin ako papayag sa gusto niyang mangyari kung naging ako ikaw. Pero hindi ka dapat nagsinungaling sa kanya. Hindi ka dapat gumawa ng kuwento para lang malusutan ang panggigipit niya.”

Napuna ni Divina na nakatingin si Alden sa mga labi niya. Natitiyak niyang naalala ng binata ang ginawang panghahalik sa kanya.

“Iyong… iyong kanina…”

“Hindi ako nagagalit sa ginawa mo kanina,” agap ni Divina bago pa man humingi ng paumanhin si Alden. “Hindi kita masisisi kung naisipan mong gamitin ako para lusutan ang sitwasyon. Pero siguro ngayon, na-realize mo ring mali ang ginawa mo. Kailangan mong bawiin sa lola mo ang sinabi mo. Hindi tayo mag-on. Sabihin mo sa lola mo ang totoo. Maiintindihan ka naman siguro niya.”

Nanatiling nakatitig kay Divina si Alden at nagsimula na siyang mailang kaya nag-iwas siya ng tingin. Hinawakan ng binata ang kamay niya kaya ibinalik niya ang tingin dito. Matiim ang pagkakatitig sa kanya ng lalaki.

“Be my girl, Divina.”

Napamaang si Divina. “Huh?”

“Be my girl for real.”

“B-Bakit?”

“Because I like you. I like you so much.” Mukha namang sincere si Alden ngunit hindi kayang paniwalaan ni Divina na alam nito ang sinasabi. Baka ang alak ang nagsasalita para sa binata.

“Lasing ka lang.” Nag-iwas ng tingin si Divina.

Ipinaling ni Alden ang mukha ni Divina paharap dito at sinakop ng binata ang mga labi niya. Masuyo siyang hinagkan nito at nagparaya siya dahil wala siyang kakayahang tanggihan ang halik nito. Habang hinahagkan siya ni Alden ay naisip niyang mas matindi pa sa alak ang mga labi ng binata dahil pakiramdam niya ay nalalasing na agad siya. Ngunit nang matauhan ay kumawala siya sa halik ng binata. Hindi lang lasing si Alden nang mga sandaling iyon, galit pa ito, masamang-masama ang loob kaya siguro nagagawa ang mga bagay na iyon. Baka nagrerebelde lang ito.

“Alam mong magagalit ang lola mo kung magkakaroon ka ng girlfriend na kasing hirap ko, ‘di ba?” wika ni Divina habang hindi nakatingin kay Alden. “‘Wag mo akong gamitin sa pagrerebelde sa lola mo.”

“Ano bang sinasabi mo? Totoong gusto kita, Divina. And I know you like me, too.” Muling ipinaling ni Alden ang mukha niya paharap dito. “You like me, too, right?”

“Alden…” ‘Wag kang umamin, Divina! utos ng tinig sa isip niya. ‘Wag mong patulan ang lasing.

“Tell me you like me,” nakikiusap na ang tono ni Alden.

Kumibot-kibot ang mga labi ni Divina. Pilit niyang pinigilan ang sarili na umamin sa nararamdaman. “K-Kailangan kong… magbanyo,” paalam ni Divina at tumayo na.

Sa ladies’ room ay umupo lang sa toilet bowl si Divina at tumunganga roon. Paano kung totoong gusto siya ni Alden? Hindi pa rin sila maaaring magmahalan ni Alden kahit sakaling totoong gusto siya ng lalaki. Hinding-hindi niya uulitin ang istorya ng kanyang ina. Hindi siya papasok sa komplikadong buhay.

Pagbalik ni Divina sa mesa nila ni Alden ay nakasandal na ang binata sa backrest ng couch. Tulog. Nakahinga siya nang maluwang. Nag-isip siya kung ano ang gagawin sa binata hanggang sa mapagdesisyunang gawin ang dapat gawin. Tinawagan niya ang mansiyon at si Ate Luming ang nakasagot.

“Divina! Naku! Buti tumawag ka. Hinimatay si Señora pagkaalis n’yo ni Sir Alden. Pero gising na siya ngayon. Galit na galit siya. At si Sandra, naglupasay sa sahig sa kaiiyak. Ano ba kasing nangyari? Paano nangyari na magkasintahan na kayo ni Sir Alden? Ba’t hindi mo sinasabi sa akin? At nasaan ba kayo ngayon? Nagtanan ba kayo?”

“Hindi, Ate Luming. Nandito kami sa Avenue Bar. Pasundo kami kay Mang Kanor. Magsama kamo ng isa sa mga boduguard para may umalalay kay Sir Alden. Nakatulog siya sa kalasingan. Ngayon na, Ate Luming, ha. Sige, bye.” Pinutol na kaagad ni Divina ang tawag dahil alam niyang hindi siya tatantanan ng tanong ni mayordoma.

Pinagmasdan ni Divina si Alden habang natutulog ang binata. Hindi niya naiwasang haplusin ang buhok nito. Alam niyang maaaring magtampo o magalit sa kanya si Alden sa gagawin niya pero iyon ang dapat niyang gawin. Labag man sa kanyang loob ay kailangan niyang sundin ang sinasabi ng kanyang isip.

 

NAG-ANTANDA muna ng krus si Divina bago pumasok sa silid ni Doña Nidora. Nasa labas pa lang kasi ng pinto ay dama na niya ang pagkapaso dahil alam niyang nag-aapoy sa galit ang donya sa mga sandaling iyon. Hindi malayong mangyari na batuhin kaagad siya ng vase ng matanda pagkapasok niya.

Nakaupo si Doña Nidora sa costum-made chair nito nang mabungaran ni Divina. Kaagad na lumipad sa kanya ang tingin nito. Para siyang hinagisan ng kutsilyo sa kung gaano katalim ang tingin ng matanda sa kanya.

“Ang lakas ng loob mong magpakita pa sa akin!” bulyaw ni Doña Nidora.

“Señora…”

“Hinding-hindi kita matatanggap para sa apo ko!”

Hindi magtataka si Divina kung lalabasan ng apoy ang bibig ng donya.

“Alam ko po,” aniya sa mababang tinig. “Kaya nga ako nandito. Kaya ipinabuhat ko kay Kuya Armando pabalik sa mansiyon si Sir Alden. At kaya sasabihin ko sa inyo ang totoo. Hindi ho totoong kami ng apo n’yo. Nasabi lang niya iyon dala ng parerebelde. Gusto lang niya akong gamitin para malusutan ang panggigipit n’yo sa kanya kanina. Nagpanggap lang po siya. Wala kaming relasyon. Hindi ko nga alam na gagawin niya iyon. Miski ako nagulat sa sinabi at ginawa niya kanina.”

Napatayo si Doña Nidora. Unti-unting humupa ang emosyon nito. “Totoo ba ‘yan o gusto n’yo lang akong utuin at lokohin?” May pagdududa sa mga mata ng matanda.

“Totoo po ang sinasabi ko. Dahil kung totoong kami ni Sir Alden, makikipagtanan na ako sa kanya para pagbalik namin rito, hindi na ako isang hamak na alalay n’yo lang, granddaughter-in-law n’yo na ako. Señorita na ako.”

“‘Wag kang ilusyunada!”

“Kaya nga ho. Hindi ako ilusyunada. Kasi kung ilusyunada po ako, pinikot ko na sana si Sir Alden. Lasing pa naman siya. Puwedeng-puwede ko siyang dalhin sa isang motel at—”

“Tumahimik ka!” Nagtakip ng mga tainga si Doña Nidora.

Bumuntong-hininga si Divina. “Kaya dapat kayong maniwala sa akin. Kung may masama akong intensiyon, pinagsamantalahan ko na sana ang sitwasyon ni Sir Alden. Pero ibinalik ko siya rito at ipinagtapat ko sa inyo ang totoo.”

Hindi umimik si Doña Nidora. Bagaman bahagyang magkasalubong pa rin ang mga kilay ay mukhang humupa na ang galit ng matanda. Muling umupo ito at nag-iwas ng tingin sa kanya.

“Alam kong posibleng magalit sa akin si Sir Alden dahil sinabi ko sa inyo ang totoo. Pero hindi ko po kayang magpanggap at lokohin kayo. Oo, medyo mahirap kayong pakisamahan…”

Lumipad ang tingin ni Doña Nidora kay Divina. Bahagyang nandilat ang matanda.

“Pero,” patuloy ni Divina, “kayo ang amo ko. Loyal ako sa inyo. Iginagalang ko kayo bilang matanda. Kaya kayo ang papanigan ko. Ganunpaman, hindi ibig sabihin na kayo ang tama. Nagawa lang ni Sir Alden ang ginawa niya kanina dahil na rin sa inyo. Dahil ginigipit n’yo siya. Kaya nagrebelde siya nang ganoon.” Pinaglapat niya ang mga palad. “Pakiusap po, Doña Nidora… ‘wag n’yong pilitin si Sir Alden na magpakasal sa taong alam n’yong hindi niya mahal. May sarili po siyang puso. Hayaan n’yo siyang magdesisyon kung sino ang gusto niyang mahalin, at gusto niyang makasama sa habangbuhay.”

“Para ano? Para mapunta siya sa isang babaeng hindi karapat-dapat? Ayokong mapunta ang apo ko sa kung sinu-sinong babae lang.”

“Naiintindihan ko ho kayo. Iniisip n’yo lang ang kapakanan niya. Pero sa ginagawa n’yo, parang inaalisan n’yo siya ng karapatan sa sarili niyang buhay. Hinayaan na niya kayong kontrolin ang isang bahagi ng buhay niya pero ‘wag n’yo po sanang saklawan ang kabuuan. Alam n’yo ba kung ano ang sabi niya sa akin kanina? Ang sabi niya iiwan na niya kayo. Kapag umalis siya, hindi na siya babalik,” pagsisinungaling ni Divina para takutin ang matanda.

Halatang natigilan ang donya. “Hindi ‘yan magagawa ng apo ko. Hindi niya ako kayang iwan.”

Kaya pala malakas ang loob ni Doña Nidora na gawing puppet si Alden. Alam ng matanda na hindi ito kayang iwan ng apo.

“Iyon ang sabi niya kanina. Sobrang nahihirapan na siya. Mahal niya kayo kaya lang ay napupuno na rin siya. Gusto niya ng buhay na tahimik at walang nagdidikta sa kanya. Gusto niyang mabuhay sa isang mundong malaya siyang magdesisyon para sa sarili niya. Gusto niya raw i-pursue ang pagiging isang architect. Magtatayo raw siya ng sarili niyang architectural firm. Iyon ang plano niya kapag iniwan na niya kayo.”

Napuna ni Divina ang paninigas ng mga panga ng donya. Kapagkuwan ay nasilip niyang nangingilid na ang luha ng matanda.

“Iiwan niya ako… tulad ng ginawa ni Amadoro, gano’n ba?”

“Mukhang mas masahol pa ho roon ang gusto niyang gawin. Nagpapakita pa raw sa inyo si Sir Amadoro at nakikipag-communicate pero si Sir Alden daw, gusto niyang ‘wag nang magpakita sa inyo kahit kailan.”

Humawak si Doña Nidora sa tapat ng puso. Wala namang sakit sa puso ang matanda kaya hindi nag-alala si Divina na baka atakihin sa puso ang donya. Dama niya na unti-unti na niyang napapasok ang kaibuturan ng damdamin nito. Iyon ang goal niya. Kailangang matakot at mabahala ang donya. Kailangang ma-realize ni Donya Nidora na kailangan na nitong itigil ang masyadong panghihimasok sa buhay ng apo.

“Hindi… hindi totoo ‘yan…”

“Totoo po ang sinabi ko,” patuloy ni Divina sa paggawa ng kuwento. “Sa katunayan, kung hindi siya nalasing, baka iyong kanina na ang huli n’yong pagkikita. Balak na niyang hindi umuwi. Buti na lang nalasing siya kaya naiuwi ko siya.”

Pumatak ang butil ng luha mula sa mga mata ni Doña Nidora. Lihim na nagdiwang si Divina.

“Iniuwi ko po siya kasi naniniwala ako na hindi n’yo naman hahayaan na tuluyang iwan kayo ni Sir Alden. Na puwede n’yo naman siyang bigyang laya kahit papaano. Na hindi n’yo na siya pipilitin na ma-engage sa babaeng hindi niya mahal para hindi siya tuluyang lumayo sa inyo.”

Tuluyan nang nalukot ang mukha ni Doña Nidora at malayang umiyak. Natatarantang nilapitan ni Divina ang matanda. Binigyan niya ng tissue ito. Nagdalawang-isip pa siya kung hahagurin niya ang likod ng donya habang inaalo ito sa pag-iyak. Nagulat na lamang siya nang hawakan ng donya ang kamay niya.

“Ayokong mag-isa…” wika ni Doña Nidora habang umiiyak.

Wala dapat epekto kay Divina ang pag-iyak ng masungit na donya. Dapat nga ay matuwa siya dahil nakikita niya ang matanda sa miserableng tagpo. Ngunit sa hindi niya malamang kadahilanan ay parang naantig ang puso niya sa pag-iyak ng donya at sa salitang binitiwan nito. Hindi niya akalaing makikita niya ang matanda sa ganoon ka-helpless na hitsura.

Ayaw mag-isa ni Doña Nidora. Alam ni Divina iyon pero niyon lamang niya na-realize na iyon talaga ang isang bagay na kinatatakutan ng donya. Ayaw nitong mag-isa sa buhay. Namatayan na ito ng asawa, namatayan ng anak, iniwan ng isa pang anak at tanging si Alden lamang ang natitirang kapamilyang kasama nito. Kaya nang malamang “iiwan” na rin ito ng apo ay nag-breakdown ang matanda. Lumabas ang kahinaan nito.

“Ayokong mag-isa…” ulit ng donya.

Hinagod ni Divina ang likod ng matanda. “Hindi po kayo iiwan ni Sir Alden… basta ‘wag n’yo siyang piliting ma-engage kay Sandra. Iyon lang ang gusto niya. Gusto niyang ‘wag n’yong pakialaman ang love life niya.”

Hindi sumagot si Doña Nidora ngunit bahagyang tumahan ito.

 

NAGBUNGA ang ginawang pagsisinungaling ni Divina kay Doña Nidora dahil hindi na nito pinilit si Alden na ma-engage kay Sandra. Nagkaroon ng heart to heart talk ang mag-lola noong umagang magising si Alden mula sa kalasingan. Mukhang totoong natakot ang donya na iwan ng apo.

Payapa na ulit ang kalooban si Doña Nidora pero si Divina naman ang hindi payapa ang dibdib. Hindi kasi siya kinakausap ni Alden. Halatang nagtatampo sa kanya ang binata. Mukhang disappointed ito sa kanya dahil sinabi niya sa donya na hindi totoong mag-nobyo sila.

Kailangang sabihin ni Divina kay Doña Nidora ang totoo dahil kung hindi ay mapapalayas siya sa mansiyon. Siyempre ay hindi hahayaan ng matanda na manatili siya sa tabi nito kung nakipagsabwatan siya kay Alden. Kailangan niyang manatili sa mansiyon para sa misyon niya. Ginawan naman niya ng paraan para hindi na pilitin ng donya na magpakasal si Alden kay Sandra. Ang akala niya ay maiintindihan ni Alden ang ginawa niyang pagtatapat ng totoo sa lola nito ngunit mukhang isang traydor ang kinalabasan niya. Naiintindihan naman niya kung nagtatampo ang binata sa kanya.

Kasama ba sa ipinagtatampo ni Alden ang tungkol sa pagtatapat nito ng damdamin na hindi niya tinugunan? Hindi nga ba at inalok siya nitong maging nobya? Pero sino ba naman ang seseryoso sa isang lasing na nagtatapat ng damdamin? Sa palagay niya ay nasabi lang ni Alden ang mga iyon dahil wala ito sa tamang wisyo. Ang gaga naman niya kung aasa siya. Gayunpaman ay nalulungkot si Divina dahil parang natapos na roon ang pagkakaibigan nila ni Alden.

Natigil sa pagpipiga ng oranges sa squeezer si Divina nang makita ang pagpasok ni Alden sa kusina. Nagtama ang paningin nila. Ang akala niya ay hindi na naman siya papansinin ng binata ngunit ngumiti ito. Gayunpaman ay napuna niyang hindi kasing saya ng dating ngiti nito ang nakapaskil sa mga labi ng senyorito.

“Para kay grandma ba ‘yan?” tanong ni Alden.

“Oo. Gusto mo ipag-squeeze din kita?” Pilit itinago ni Divina ang pagkailang.

“Kay Let-let ko na lang iuutos.” Lumapit sa ref si Alden matapos kumuha ng baso mula sa cupboard.

“Pasensiya ka na,” kapagkuwan ay naisipang sabihin ni Divina habang umiinom ng tubig si Alden. “Siguro nagtatampo ka sa akin dahil ipinagtapat ko sa lola mo ang totoo na hindi tayo… hindi tayo mag…”

“Hindi tayo,” si Alden na ang sumalo sa sinasabi ni Divina. “That’s fine. Hindi naman talaga tayo, eh, ‘di ba?” Tila may pagka-sarkatiko ang pagkakasabi ng lalaki.

Naalala ni Divina ang pag-aalok ni Alden sa kanya na maging nobya nito. Masama kaya ang loob ni Alden dahil parang tinanggihan niya ang relasyong inalok nito? Pero wala ito sa tamang wisyo ng gabing iyon. Hindi kaya… totoo sa loob nito ang mga sinabi ng gabing iyon?

Lumapit si Alden kay Divina at huminto sa harap niya. “I’m sorry kung nagamit kita para galitin si Grandma. Tama ka, nagrebelde lang ako. Alam kong magagalit siya kung gagawin kong girlfriend ang alalay niya. Gusto ko lang siyang galitin. Sorry kung pati ikaw, nadamay sa gulo namin ng lola ko.”

Pilit na ngumiti si Divina. Mabuti na lamang at hindi siya umasang seryoso si Alden sa mga sinabi nang gabing iyon. Sobrang sakit siguro kung umasa siya at pagkatapos ay sasabihin sa kanya ng binata ang mga sinabi ngayon lang. Mabuti na lang at isip ang pinairal niya at hindi ang puso kundi ay na-hopia lang siya at nagmukhang ilusyunada.

“Okay lang ‘yon,” kunwari ay bale-walang sabi ni Divina. “Alam ko namang hindi mo ginustong gawin iyon. Nagipit ka lang. Kaya hindi mo na inisip ang consequences ng mga aksyon mo. Naiintindihan kita.”

“Thank you for understanding.”

“Sana maintindihan mo rin na sinabi ko lang sa lola mo ang totoo dahil iyon ang totoo.”

Tumango lang si Alden at lumabas na ng kusina.

Wala nang mapipiga sa oranges pero sige pa rin sa pagpiga si Divina. Hindi niya alam kung bakit nasasaktan siya gayong hindi naman siya umaasang magugustuhan talaga siya ni Alden bilang babae. Hinagkan lang siya nito nang unang beses para sa palabas at sa pangalawang beses dahil lasing ito. Siguro kaya siya nasasaktan ay dahil habang tumatagal ay tumitindi na ang lihim na nadarama niya para sa binata. Kailangan niyang alisin sa dibdib ang damdaming iyon dahil alam niyang walang patutunguhan iyon.

 

Previous: An AlDub Fanfiction – Chapter 8

About Author

23 Comments

So, what can you say?

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.