Ikaw, Ako At Ang Ating Forever – Chapter 8

IDINIKIT pa ni Divina nang husto ang tainga sa labas ng pinto silid ni Dony Nidora. Kung mortal sin marahil ang pakikinig sa usapan ng iba, siguro ay sinusunog na ang kaluluwa niya sa impyerno dahil makailang beses na siyang “nagkasala.” Gusto lang kasi niyang malaman kung bakit napasugod si Sandra sa mansiyon at hindi na hinintay na bumaba ang donya mula sa silid. Umakyat ang babae sa silid ng matanda habang ngumangalngal. Sino ba naman ang hindi macu-curious? Hindi naman siya mag-iisa sa impyerno kung sakali. Kasama niya si Ate Luming na mukhang mas expert pa sa kanya sa pag-i-eavesdrop.

“I’m going home, Grandma!” ngumangawang sabi ni Sandra kay Donya Nidora.

“Why, hija? Anong nangyari sa date n’yo ni Alden?” Halata sa tinig ng donya ang pagkataranta.

Biglang umatungal nang malakas si Sandra. Nai-imagine niyang naglulupasay na ito sa sahig na parang isang batang hindi nabilhan ng laruang gustung-gusto.

“Hija… hija… tahan na. Tahan na… Tell me what happened.”

Hinintay nila ni Ate Luming hanggang sa unti-unting mapatahan ni Donya Nidora si Sandra.

“He told me…” Humikbi ang immature na dalaga. “He told me…” Muling ngumawa ito.

Makailang ulit na pinatahan at pinakalma ni Donya Nidora ang apo ng amiga. Makailang ulit din silang nabitin ni Ate Luming dahil ilang beses na sasabihin na ni Sandra ang dapat sabihin pero nauudlot dahil ngangawa na naman ito. Parang gusto na ngang pasukin ni Divina ang silid at sumigaw ng “Tumigil ka na sa kakangawa mo, por pabor! Sabihin mo na! Nabibitin kami ni Ate Luming, eh!” Kahit may ideya na si Divina kung ano ang sinabi ni Alden kay Sandra. Gusto pa rin niyang marinig kung ano ang eksaktong sinabi ni Alden.

“He told me… he doesn’t like me anymore! He said he only sees me as a younger sister. And that promise we made when we were younger meant nothing to him. Nothing!” Humagulgol si Sandra.

Medyo naawa si Divina kay Sandra. Pero ganoon talaga ang buhay. Hindi naman kasalanan ni Alden kung hindi nito mahal si Sandra. Si Donya Nidora ang may kasalanan. Hindi dapat nito pinaniwala si Sandra na gusto nang tuparin ni Alden ang childhood promise ng dalawa noon.

“Why, Grandma?” patuloy sa paghihimutok ni Sandra. “Why would he say that to me? I thought he changed his mind and wanted to marry me na! Niloko mo lang ba ako, Grandma?”

“Well… hija… maybe I misunderstood. Napag-usapan ka kasi namin one time and he mentioned about your childhood promise… I thought–”

Lalong lumakas ang ngawa ni Sandra. “Why would you do this to me?”

“Stop crying, for Pete’s sake!” Mukhang miski si Donya Nidora ay naubusan na ng pasensiya sa kakangalngal ng babaeng gustong maging granddaughter-in-law. “Do you like my grandson?”

“I do! I don’t just like him. I love him!”

“If you do, stop crying and just do something to make him fall for you again! Nagustuhan ka niya noon… kaya puwede ka niyang magustuhan ulit ngayon. Bring his old feelings back. I know you can do it.”

Sa wakas ay tumahan si Sandra.

Manghang inalis ni Divina ang pagkakadikit ng tainga sa pinto. Paano kung maakit muli ni Sandra si Alden?

 

“SA TINGIN mo, Ate Luming, mapapabalik kaya ni Sandra ang dating feelings ni Sir Alden para sa kanya?” pabulong na tanong ni Divina sa mayordoma habang nasa loob sila ng library. Kasalukuyang iniinspeksiyon ni Luming ang paglilinis na ginawa ni Neneng doon kanina nang maraanan niya ito. Natukso siyang pumasok sandali para makipag-tsika tungkol sa narinig nila kanina na pag-uusap nina Donya Nidora at Sandra.

“Sa tingin ko, hindi na.” Pinaraanan ni Ate Luming ang daliri sa muwebles at sinipat kung may dumikit sa alikabok roon.

“Bakit sa tingin mo?”

“Kasi bata pa sila noon. Ano bang pundasyon ng damdamin nila? Puppy love lang. Wala ‘yon. Saka nakita mo naman, ‘di ba? Noong dumating si Sandra noon at hinalikan si Sir Alden, halatang hindi nagustuhan ni Sir Alden. Napakaganda ni Sandra. Sana kahit paano may konting atraksiyon. ‘Physical attraction’ baga ang tawag do’n? Parang wala, eh.”

“Talaga?” May relief na namang naramdaman si Divina. Gusto niyang isipin na relieved lang siya para sa senyorito dahil ayaw niyang mamanipula ito ng lola at ni Sandra. “Pero dapat ba nating sabihin kay Sir Alden ang binabalak ng lola niya at ni Sandra?”

“Naku. ‘Yan ang ‘wag na ‘wag mong gagawin. Dahil kapag nakarating kay Senyora na nangingialam ka…” Ginuhitan na naman ng pahalang ni Ate Luming ang leeg. “‘Wag mo silang pakikialaman. Tama nang nakasagap tayo ng tsika.”

“Pero unfair naman po para kay Sir Alden na ginagawan siya ng scheme ng sarili niyang lola at ni Sandra.”

“Problema na nila ‘yan. Tagasilbi lang tayo rito. Hindi dapat tayo nakikialam sa isyu ng pamilya.” Umiling-iling si Ate Luming. “Naaawa rin naman ako kay Sir Alden. Pati love life niya ay gustong pakialaman ng lola niya. Huwag naman sana siyang matulad kay Sir Amadoro na ipinakasal ng ina sa babaeng hindi niya mahal. Mabuti na nga lang at natutunan ding mahalin ni Sir Amadoro si Ma’am Lucita. Kung hindi, kawawa siya. At saka gagabaan rin naman ‘yang si Senyora. Kita mo si Sir Amadoro, iniwan ang ina. Inabandona ang kompanya na dapat ay siya ang magmamana sa pamumuno. Pero hayun at nag-doktor at nagtayo ng ospital na galing sa perang minana sa ama. Hindi malayong ganoon rin ang mangyari kay Sir Alden kapag pinilit ni Senyora na ipakasal siya sa babaeng hindi niya gusto. Baka layasan din niya ang lola at ituloy ang pagiging arkitekto. Mabait ‘yang si Sir Alden pero hindi malayong mapuno rin ‘yan sa lola niya.”

 

BUMABABA ng grand staircase si Divina nang mamataan niya si Sandra na naglalakad sa lobby na ang direksiyong tinatahak ay patungo sa bandang pool area ng mansion. Hindi niya alam kung saan sumulpot ang babae at naroon pala ito sa mansiyon. Parang puting kamison lang ang bihis ni Sandra. Baka magsi-swimming.

Magsi-swimming? Sa mansiyon pa ng mga Villagrande? Bakit?

Napasinghap si Divina nang biglang may maisip. Posible kayang nasa swimming pool si Alden? Sasabay ba sa pagsi-swimming ni Alden si Sandra? Malamang! Mukhang dahil hindi nakuha ni Sandra sa santong dasalan ang kababata ay santong paspasan naman ang susubukan nito. Nang mapunta sa liwanag si Sandra ay naaninag niya na ang two-piece swimsuit na suot nito sa loob ng kamison o switsuit cover yata ang tawag roon. Baka magbibilad na ito ng katawan para akitin si Alden.

Noong isang araw kasi ay pumunta sa mansiyon si Sandra na may bitbit na mga pagkain para kay Alden na iniluto raw nito. Ang sabi ni Ate Luming ay malamang na hindi raw talaga si Sandra ang nagluto ng mga iyon dahil nang ihanda raw ng mga kasambahay sa kusina ang mga luto nang pagkaing dala ni Sandra ay napuna ng lahat na masyado raw pulido ang pagkakaluto. Mukhang expert chef daw ang nagluto. Halatang gusto raw magpa-impress ni Sandra kay Alden. Dahil marahil sa kasabihang ‘The way to a man’s heart is through his stomach.’ Kaya handa si Sandra na magpanggap na ito ang nagluto. Wala namang epekto kay Alden ang mga kinain.

Naisipan ni Divina na pumunta na lang sa verandah para silipin kung ano ang magaganap sa pool area. Gusto niyang makita ang reaksiyon ni Alden kapag nakitang kakapiranggot na lamang ang suot ni Sandra. Habang nakaupo sa sahig ay sumilip siya sa puwang ng mga baluster at nakita niya si Alden na kasalukuyang nagsi-swimming at tila hindi alintana si Sandra na nakatayo sa gilid ng pool habang nakahalukipkip at pinapanood ang binata.

Sa wakas ay tumigil sa paglangoy si Alden at mukhang napansin na may nakamasid dito sa gilid ng pool na tiningala ang nakatayo roon.

Mukhang may sinabi si Sandra kay Alden pero dahil medyo out of earshot ang pinagtataguan ni Divina ay hindi niya narinig ang sinabi ng babae.

Kung anuman ang sinabi ni Sandra ay parang wala namang reaksiyon si Alden. Nagsimulang maghubad ng swimsuit cover si Sandra at nalantad ang pink skimpy bikini ng dalaga. In fairness ay sexy ang babae kahit halos likod lang ang nakikita ni Divina. Pinagmasdan niya ang reaksiyon ni Alden. Nakita niya ang paghagod ng binata ng tingin sa kababata pero wala siyang nakitang bumangong interes sa mukha ng lalaki. Parang karaniwan lang ang nakita.

Lumusong sa pool area si Sandra. Kitang-kita ni Divina sa mukha ni Alden na hindi nagugustuhan ng binata ang ginagawa ng kababata. Lumangoy si Sandra papunta kay Alden at humawak sa mga balikat ng lalaki. Hindi naririnig ni Divina ang mga sinasabi ni Sandra pero malamang ay mapang-akit ang mga salitang binitiwan ni Sandra.

Nakita ni Divina ang paggalaw ng mga labi ni Alden na mukhang may sinasabi. Pagkatapos ay lumayo na ang binata sa kababata at umahon na sa pool. Halatang nabigla si Sandra at nagtangkang humabol kay Alden. Yumakap si Sandra sa likod ng lalaki at may sinabi. Inalis ni Alden ang pagkakapulupot ng mga braso ng kababata at hinarap ito. May sinabi ulit at pagkatapos niyon ay umalis na.

Naiwang nakatulala si Sandra. Pero ilang saglit pa ay nakita ni Divina ang paniningkit ng mga mata ng dalaga. Nakita niya ang determinasyon sa mukha ni Sandra na para bang mas lalo pa itong naging determinadong mapabalik ang pagtingin ni Alden sa sarili. Mukhang hindi papayag ang babae na hindi magtagumpay sa plano. Pero mukha namang hindi ito magtatagumpay kay Alden. Naniniwala si Divina na kayang panindigan ng binata ang sinabi sa kanya sa ilalim ng puno.

Ayaw ni Divina na magtagumpay si Donya Nidora sa pagmamanipula sa buhay ng apo. Ayaw niyang matulad ito kay Amadoro na napagtagumpayan ng donya na pakialaman ang love life. Marami nang frustrations si Alden sa buhay. Kaya gusto niyang maging masaya ang binata kahit man lang sa love life.

 

HABANG nakatayo sa gilid ng lanai ay lihim na pinagmamasdan ni Divina si Sandra na nakaupo sa sofa sa lanai at nakatingin sa cellphone. Kausap ito ni Donya Nidora kanina ngunit nagpaalam ang donya na pupunta saglit sa banyo. Hindi na siya pinasunod ng matanda kaya nanatili siyang nakasandal sa poste ng lanai.

Halatang wala sa mood si Sandra dahil nakasimangot ang babae. Narinig ni Divina sa pag-uusap ng dalawa na patuloy na dine-deadma ni Alden sa pagpapapansin ng dalaga. Si Donya Nidora ay mukhang hindi na rin natutuwa. Si Divina naman ay lihim na nagdiriwang ang loob.

Biglang lumipad ang tingin ni Sandra kay Divina. “Get me something cold to drink. An iced tea or a diet Coke,” utos ng babae.

Tumango si Divina at tinungo ang kusina. Pagbalik niya ay may dala siyang orange juice dahil ubos na ang iced tea sa kusina. Wala ring diet Coke o kahit regular Coke. Mukhang hindi nagustuhan ni Sandra ang dala niya.

“Did I tell you to bring orange juice?” nandidilat na tanong ni Sandra.

“Wala na po kasing–”

“I hate orange juice!” bulyaw ni Sandra.

Tumayo ang babae at sa pagkabigla ni Divina ay itinaas nito ang baso ng orange juice sa tuktok ng ulo niya at ibinuhos ang laman niyon sa kanya. Mabilis niyang pinawi ng mga daliri ang juice na muntik nang pumasok sa mga mata.

“Sandra!” tinig iyon ni Alden.

Luminga si Sandra. “Hi, honey!”

Busy si Divina sa pagpawi ng likido sa mukha kaya nabigla na lang siya nang alisin ni Alden ang mga kamay niya at punasan ng binata ang mukha niya ng mabangong panyo nito. Napatanga na lang siya sa ginawi ng senyorito. Kitang-kita niya ang pag-aalala sa mukha nito.

“Are you okay?” marahang tanong ni Alden kay Divina. “Hindi ba pumasok sa mga mata mo?”

Umiling-iling lang si Divina. Hindi niya magawang makapagsalita. Kinuha ni Alden ang kamay niya at ipinahawak sa kanya ang panyo na para bang sinasabing ituloy niya ang pagpupunas sa sarili. Pagkatapos ay binalingan ng binata si Sandra. Bigla ay lumarawan ang munting galit sa mukha ng lalaki. Si Sandra ay nakanganga. Mukhang namangha sa nasaksihang pagpapakita ng concern sa alalay ng lola.

“What was that?” asik ni Alden kay Sandra. “Bakit mo pinaliguan ng juice si Divina?”

“I didn’t tell her to bring orange juice. Pero orange juice ang ibinigay niya.”

“Wala na po kasing ibang inumin—” pagtatangka ni Divina na magpaliwanag pero sinansala siya ni Sandra.

“Shut your mouth!”

“No, you shut your mouth,” mahinahon pero may bahid ng galit sa tinig na sabi ni Alden kay Sandra. “She’s not your maid para gawin mo sa kanya ‘yan. And besides, she’s not even a maid here. Yaya siya ni Grandma. Ang dami naming maids dito. Sila dapat ang inutusan mong kumuha ng inumin mo.”

Sumibi si Sandra na para bang gustong umiyak. “Honey… this is just a misunderstanding.”

Binalingan ni Alden si Divina. “Go fix yourself.”

Tumango si Divina at pumihit na para humakbang palayo. Nang makalabas sa lanai ay nakasalubong niya si Donya Nidora na nakatayo sa pathway at base sa hitsura ng matanda at sa tinging ibinigay sa kanya ay nasaksihan nito ang naganap sa lanai. Hindi marahil makapaniwala ang donya na ipinagtanggol ng apo ang isang tagasilbi sa bisita.

“M-Magbabanlaw lang po ako at magpapalit ng damit,” paalam ni Divina at ipinagpatuloy na ang paglalakad.

Nag-isip ba ng malisya si Donya Nidora sa ginawa ng apo? Bakit kasi kailangan pa siyang punasan ni Alden ng sarili nitong panyo? Hindi iyon gagawin ng isang amo. Nakagat ni Divina ang pang-ibabang labi sa nerbiyos. Siguradong malilintikan siya sa matanda mamaya.

 

NAPAPIKSI si Divina nang biglang may tumabi sa kanya sa ilalim ng puno na may nakaukit na A loves V.

“Hi,” bati ng nakangiting si Alden.

“Bat hindi ko naramdaman na papalapit ka?” tanong ni Divina.

“Because you were busy thinking about me. Kaya hindi mo narinig na may dumarating na pala.”

“Hindi, no!” mabilis na kontra ni Divina kahit ang totoo ay iniisip nga talaga niya si Alden. Iniisip niya ang ginawa nitong pagtatanggol sa kanya kanina kay Sandra. Pinunasan siya nito ng sariling panyo na para bang nagke-care ito sa kanya. Hindi iyon gagawin ng isang amo o apo ng amo sa isang tagasilbi. Pero ginawa iyon ni Alden sa kanya.

Ang totoo ay kinilig si Divina sa ginawa ni Alden. Sa hitsura kasi nito kanina ay para itong isang boyfriend na nag-alala para sa girlfriend nito. Pero ayaw niyang maniwala na ginawa nito iyon dahil may pagtingin sa kanya ang binata. Itinuturing siyang kaibigan ng lalaki kaya concerned na ito sa kanya. At saka sa tingin niya ay hindi talaga ang tipo ni Alden ang magsasawalang-kibo sa ganoong sitwasyon. Hindi kasi matapobre ang lalaki. Sa palagay niya ay may compassion ito sa mga mahihirap na tulad niya.

Ngumisi si Alden, halatang nanunudyo lang. “Bakit mo ako pinapunta dito?”

Nag-DM si Divina sa Twitter ni Alden kanina para sabihin na kung hindi busy ang binata ay puntahan siya sa ilalim ng puno dahil may ibibigay lang siya saglit.

“Ito.” Inabot ni Divina ang nakatuping panyo ni Alden na nalabhan na niya at naplantsa. “Thank you kanina, ha. Hindi mo naman kailangang gawin ‘yon, eh. Pero ginawa mo.”

Tinanggap ni Alden ang panyo. “That’s one of the reasons why I won’t ever get to learn to like Sandra again. She’s a brat. Ayoko ng ganoong ugali. Sorry sa ginawa niya sa ‘yo. Pinagalitan ka ba ni Grandma?”

Iyon na nga ang ipinagtataka ni Divina. Hindi siya pinagalitan ni Donya Nidora kanina. Walang binanggit ang donya tungkol sa nasaksihan nito. Sigurado siyang nagsumbong si Sandra sa matanda. Pero kataka-takang hindi siya sinita ng donya. “Hindi.”

Tumango si Alden. “Sinabi ko sa kanya ang nangyari. I’m glad naintindihan niya.”

Napangiti si Divina. Miski pala kay Donya Nidora ay ipinagtanggol siya ni Alden. Lalo siyang na-touch. “Salamat.”

“Salamat lang? Gusto ko ng kapalit.”

“Ano namang kapalit?”

Ngumiti si Alden. “Treat. Sa off mo, ilibre mo ako sa labas.”

Hindi nakapagsalita si Divina. Treat? Lalabas sila nang magkasama? Kakain sila sa labas nang silang dalawa lang? Napalunok siya. Date ba ito?

 

“ITO ba ‘yong tinatawag nilang pinakamalaking mall sa Asia?” tanong ni Divina habang magkaagapay silang naglalakad ni Alden sa open-air area ng SM Mall Of Asia.

Ngumiti si Alden. “Not really.”

Tumingin-tingin si Divina sa mga tao sa paligid. Kahit malayo sa mansiyon ang lugar na iyon ay medyo kinakabahan siya na baka may makakilala kay Alden at malaman ni Donya Nidora na magkasama sila ng apo nito sa day-off niya. Nagkita lang sila ni Alden sa labas. Isinakay siya ng binata sa kotse nito at doon sila napadpad sa MOA. Kung malalaman ng donya na magkasama sila ng apo ay siguradong palalayasin siya nito.

“Four o’ clock pa lang,” wika ni Alden matapos tapunan ng tingin ang wrist watch. “Maaga pa for dinner. Manood muna tayo ng sine.”

“Sine?” gagad ni Divina.

“Yeah. May gusto akong panoorin, eh. Comedy ‘yon. Nanonood ka ba ng comedy?”

Tumango si Divina. Tuwing day-off niya ay nanonood talaga siya ng sine. Pero mag-isa lang siya palagi. Kaya medyo na-excite siya na may kasama na siyang manood ng sine sa pagkakataong iyon. Si Alden ang nanlibre ng movie ticket at popcorn at sinabi niyang siya na lang ang bahala sa dinner mamaya.

Sa sinehan ay tawa sila nang tawa. Halos mabulunan si Divina sa popcorn sa katatawa. Hindi lang marahil siya sa pelikula nag-enjoy. Nag-enjoy din siya dahil may kasama siyang tumawa. Dahil siguro sa sobrang enjoyment ay hindi niya napunang hindi pala ang papercup ng softdrinks niya ang nadampot niya kundi ang kay Alden.

“I think that’s mine,” turo ni Alden sa papercup na sinisipsipan niya ng straw.

“Ay, sorry!” Ibinigay ni Divina kay Alden ang papercup at nang maisip na nasipsipan na niya ang straw ay kinuha niya ang tissue. “Teka, pupunasan ko na lang ang—” Hindi na niya naituloy ang sinasabi dahil naisubo na ni Alden ang dulo ng straw na kanina ay nakaipit sa mga labi niya.

Natigilan si Divina. Speechless. Naramdaman niya ang pag-iinit ng mga pisngi nang maisip na para silang nagsalo ng “indirect kiss” sa nangyari. Mukhang napuna ni Alden na nakatitig siya kaya bumaling ito sa kanya. Mabilis niyang iniwasan ang tingin nito. Hindi na tuloy siya gaanong nakapag-concentrate sa panonood dahil ginulo na ang isip niya ng kaisipang para silang magnobyo ni Alden na nagsasalo sa iisang straw habang nanonood ng sine. Para siyang kinikiliti pero panay ang lihim na pagsaway niya sa sarili.

Nang dinner time na ay nahiya na si Divina na sabihing sa McDonald’s lang niya kayang ilibre si Alden. Napadpad sila sa isang mamahaling restaurant at para siyang aatakihin sa puso nang makita ang presyo sa menu na inabot sa kanila ng waiter. Mukhang mapapahugas siya ng pinggan sa restaurant na iyon dahil kukulangin ang pera niya.

Lalo na nang magsimulang um-order si Alden ng mga pagkaing gusto nito. Bawat sabihin nitong putahe ay hinahanap ni Divina sa menu ang presyo at napapahawak siya sa dibdib. Parang gusto niyang magpaalam sa binata na sasaglit lang sa banyo at pagkatapos ay eeskapo na siya’t uuwi sa mansiyon.

“Anong gusto mong kainin?” tanong ni Alden kay Divina matapos magbigay ng mga order sa waiter.

Parang gustong sabihin ni Divina na ‘tubig na lang’ pero baka ma-offend si Alden kaya pumili na lang siya ng pinakamura.

“Are you sure iyon lang ang gusto mong kainin?”

Tumango si Divina. “Oo, iyon lang. Nabusog kasi ako sa popcorn kanina.” Hindi niya alam kung para saan ang nakikita niyang pagkaaliw sa mga mata ni Alden.

“Kailangan mong kumain nang marami. Ako na lang ang pipili para sa ‘yo.” At nagsimula nang magbigay ng panibagong orders si Alden sa waiter habang panaka-naka ay tinatanong si Divina kung wala siyang allergy sa ganito at ganoon o kumakain ba siya ng ganito o ganoon.

Parang gusto nang lumubog ni Divina sa kinauupuan. Malamang ay mas malaki pa sa suweldo niya ang presyo ng bill nila mamaya. Kaya nang dumating ang pagkain ay parang halos hindi siya makanguya kahit masarap ang pagkain habang si Alden naman ay maganang kumain. Nang maisip na puwede naman siguro siyang umutang kay Alden at babayaran na lamang niya sa pagsahod niya ay doon lang siya nakakain nang maayos.

Marami silang napagkuwentuhan ni Alden. Marami siyang nasabi rito tungkol sa personal niyang buhay. Ganoon rin ito. Para talaga silang nagde-date na nasa “getting to know each other better” stage. Pigil na pigil ang kilig niya upang hindi mahalata ng binata na nag-iilusyon sila na nagde-date talaga sila. Hanggang sa dumating ang bill. Nakalimutan niya ang itinatagong kilig.

Nanlaki ang mga mata ni Divina nang makita ang bill. Parang gusto niyang iluwa ang lahat ng kinain niya. Natulala siya kaya hindi niya namalayang kinuha ni Alden ang bill sa kamay niya. Dinukot nito ang wallet at kinuha mula roon ang isang card ay ibinigay iyon sa waiter. Mukhang nakatunog si Alden na wala siyang ganoon kalaking halaga kaya nagkusa na itong magbayad.

“‘Wag kang mag-alala,” sabi ni Divina nang makalayo na ang waiter. “Babayaran kita kapag sumahod na ako.”

Ngumisi si Alden. “Keep your money. Balak ko talagang ilibre ka ng dinner.”

“Pero ‘di ba… treat ko dapat ‘yon? ‘Di ba kaya tayo lumabas ngayon kasi ililibre kita?”

“Sinabi ko lang ‘yon para sumama ka sa ‘king lumabas.”

Natigilan si Divina. Kahit hindi niya nakikita ay alam niyang nag-blush ang mga pisngi niya.

 

HABANG naglalakad sa open-air area ng mall kaagapay si Alden ay napatingin si Divina sa magkasintahang magka-holding hands na nauunang maglakad sa kanila. Kanina pa siya may nakikitang magkaparehang nagde-date. Pero hindi ba at para na rin silang nagde-date ni Alden? Silang dalawa lang ang magkasama, nilibre siya nito sa sine at ng dinner at ngayon ay naglalakad sila sa ilalim ng buwan. Kulang na lang siguro ay mag-holding hands sila.

Pero bakit nga ba ginagawa iyon ni Alden? Bakit kailangang siya pa ang isama nito sa panonood ng sine at pagkain sa labas? Ayaw ni Divina na mag-isip ng malisya. Mahirap na kung magmamaganda siya at iisiping gusto talaga siyang i-date ni Alden. Baka bored lang ang senyorito at sawa na sa company ng mga taong kasing-level nito. O gusto lang siyang pasiyahin dahil alam nitong hindi pa niya nararanasan na makakain sa isang mamahaling restaurant.

“Gabi na. Hindi pa ba tayo uuwi? Baka pagalitan na ako ng lola mo.”

“Hintayin natin ‘yong fireworks.”

“Fireworks?” Manonood sila ng fireworks na magkasama? Hindi ba at ang romantic niyon? Napapanood niya sa pelikula ang ganoong eksena.

“Oo. May fireworks display dito kapag Sabado.” Tinapunan ni Alden ang wrist watch. “Malapit na ‘yon. Upo muna tayo.” Itinuro ng binata ang isang malaking plantbox na inuupuan ng mga tao ang edges.

Umupo si Divina at tumabi sa kanya si Alden. As in tabing-tabi. Iyong wala man lang iniwan ni kaunting espasyo. Baka naman na-miscalculate lang ng binata ang pag-upo at hindi na nagawang umisod palayo dahil naroon na. Nailang tuloy siya. Pero hindi niya maipagkakaila sa sarili na kinikilig siya. Langhap na langhap niya ang bango ng senyorito.

“Ang guwapo n’ong guy, o!” Narinig ni Divina na sabi ng isang babaeng dumaan.

“Ang swerte n’ong girl,” sabi naman ng kasama ng babaeng dumaan.

Parang gustong tawagin ni Divina ang dalawang babae at sabihing hindi sila magnobyo ni Alden. Nahihiya siya sa binata. Nakangisi si Alden nang balingan niya. Halatang narinig nito ang sinabi ng dalawang babae.

“Ang suwerte mo raw.” Nakuha pang manudyo ni Alden.

“Ang guwapo mo kasi.” Nakalimutan ni Divina ang ‘raw’ kaya parang imbes na ni-relay lang niya ang sinabi ng babaeng dumaan ay parang lumabas na sinabi niya mismo sa lalaki na guwapo ito.

“Talaga?” Kung makangiti si Alden ay parang niyon lang nasabihan na guwapo. “Actually, kanina ko pa gustong sabihin na… you look really pretty today.” Kung makatitig ang binata kay Divina ay parang totoong gandang-ganda ito sa kanya.

Napatanga si Divina. Marami namang nagsabi sa kanya na maganda siya pero niyon lang niya totoong na-appreciate ang papuring iyon dahil galing iyon kay Alden. Pakiramdam niya ay umabot ang hair niya mula Pasay hanggang Q.C. At ramdam rin niya ang pagba-blush ng mga pisngi. Pilit niyang pinanormal ang pagngiti kahit parang gusto niyang hampasin sa kilig ang binata. “Salamat.”

Tumingala si Alden. “Umpisa na.”

Nabigla si Divina nang kunin ng binata ang kamay niya at hilahin siya patayo. Hinila siya ni Alden sa gitna ng pavement, sa parteng may open sky kung saan nagsisimula nang kumulay sa madilim na langit ang napakagandang fireworks.

Oo, maganda ang fireworks at kung sa ibang pagkakataon ay baka napatanga talaga si Divina sa ganda niyon pero wala roon ang atensiyon niya nang mga sandaling iyon kundi nasa kamay niyang hawak pa rin ni Alden habang nakatingala ito sa langit.

Magka-holding hands sila!

Para iyong isang panaginip. Siya at ang lalaking espesyal sa kanya ay magkahawak-kamay habang nanonood ng fireworks display. Pakiramdam niya ay may fireworks din sa loob ng dibdib niya nang mga sandaling iyon.

 

Previous: An AlDub Fanfiction – Chapter 7

Next: An AlDub Fanfiction – Chapter 9