Ikaw, Ako At Ang Ating Forever – Chapter 5

NAGHAHALO ng kape si Divina sa mug sa center counter ng kusina nang biglang bumungad si Alden sa entrada. Kaagad na ngumiti ang binata nang makita siya. Nag-iwas siya ng tingin at nagkunwaring busy sa pagtitimpla ng kape. Pinaalalahanan niya ang sarili na lumayo-layo na sa senyorito. Kung gusto niyang hindi masayang ang ipinunta niya sa mansiyong iyon.

Naramdaman ni Divina ang pagtabi ni Alden sa kanya. “Hindi ka pumunta kagabi para ibigay ang Hany ko.”

“Ah, kasi nakatulog na ako agad,” pagdadahilan ni Divina. “Nawala na sa isip ko. Sorry.”

“Hindi ka na nag-o-online sa CoC.”

Dalawang araw nang hindi nagsi-CoC si Divina. Ang totoo ay nag-aalala na nga siya sa village niya.

“Kasi pinagbawalan na ako ni Senyora na mag-CoC. Ipapakain niya raw sa akin ang cellphone ko kapag nakita pa niya akong naglalaro ng CoC.” Totoo namang pinagbawalan siya ni Donya Nidora na maglaro sa cellphone pero tuwing working hours lang.

“Hindi mo na nila-like ang newly uploaded selfies ko sa instagram. Hindi mo na rin fine-favorite ang mga tweets ko.”

“Pati ba naman iyon, sir, napansin mo? Busy kasi ako.” Patuloy si Divina sa paghalo kahit kanina pa lusaw ang granules, powder at asukal ng instant coffee na tinimpla.

“Are you that busy para pati pagngiti at pag-good morning sa akin, hindi mo na magawa?”

Hindi nakasagot si Divina. Nahimigan niya ang pagtatampo sa tinig ng binata.

“Pati pagtingin sa ‘kin, hindi mo na rin magawa.”

Napilitan tuloy si Divina na tingnan si Alden. Halata ang pagtatampo sa mga mata ng senyorito nang magtama ang paningin nila.

“Are you mad at me? Did I do something wrong?”

“Wala! Hindi ako galit sa ‘yo. Bakit ako magagalit sa ‘yo? Ang bait-bait mo kaya sa akin.”

“Then, what? Pinagbawalan ka ba ni Grandma na lumapit sa akin?”

Hindi sumagot si Divina. Dinampot na niya ang mug. “Kailangan ko nang bumalik sa lola mo. Baka tapos na siyang makipagtsismisan sa phone. Excuse me.” Tinalikuran na niya si Alden at humakbang para lumabas sa kusina pero hinagip ng binata ang braso niya. Nanlaki ang mga mata niya. Dama niya ang init ng palad ng senyorito na nakahawak sa braso niya. Hindi niya kayang ipagkaila sa sarili na kinilig siya sa pagdikit ng balat nito sa kanyang balat.

“Don’t you want us to be friends?” tanong ni Alden.

Sumibi si Divina. Parang gusto niyang maiyak. Ayaw na niyang iwasan si Alden. Masaya siya kapag kausap niya ito. Masaya siya kapag nakatingin ito sa kanya. Pero wala namang pakikitunguhan ang pakikipagkaibigan niya sa apo ng amo. Masisira lang ang misyon niya kung patuloy siyang makikipaglapit dito. Baka pati ang puso niya ay mapahamak. Hindi malayong ma-in love siya kay Alden sa kalaunan. Hindi naman siya ambisyosa. Alam niyang hindi matutugunan ng isang tulad nito ang damdamin niya kung magkataon na ma-in love siya rito.

Hinarap ni Divina si Alden para bumitiw ito sa kanya. “Sir…”

“Yaya Dub!”

Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na na-relieve si Divina nang marinig ang dumadagundong na pagtawag ni Donya Nidora sa kanya. Kalimitan ay naririndi siya sa tawag nito pero sa pagkakataong iyon ay parang gusto pa niyang magpasalamat sa donya. “Kailangan ko nang umalis, sir.” Nahuli pa niya ang disappointment na lumarawan sa mukha ni Alden bago siya nakalabas ng kusina.

Siguro naman ay hindi na magpipilit pa si Alden na makipag-close sa kanya. Hindi naman siguro ito desperadong maging kaibigan ang isang hamak na tagasilbi.

 

“HI, YAYA!”

Dumilat si Divina at nanlaki ang mga mata niya nang mabungaran ang mukha ni Alden na nakatunghay sa kanya. Niyon lang niya na-realize na nakatulog pala siya habang nakaupo sa sofa sa lanai. Bahagyang tumawa ang lalaki at pagkatapos ay umupo sa tabi niya.

Balewala ang pande-deadma ni Divina kay Alden. Lalo pa itong nangungulit. Hindi talaga siya nilubayan nito. Ilang araw na siyang kinukulit nito at parating nagpapapansin sa kanya. Parang nang-aasar na ito.

Minsan pa nga habang naglalakad sila ni Donya Nidora sa hardin dahil iniinspeksiyon ng donya ang trabaho ng hardinerong si Mang Kulas ay nakita ni Divina si Alden sa lanai habang nakaupo sa sofa sa di-kalayuan at mukhang nagsi-CoC dahil hawak ang cellphone nang pahalang. Kumaway at ngumiti ito sa kanya. Nag-iwas siya ng tingin at nag-pretend na interesado siya sa mga halaman.

Kaya lang ay hindi rin mapigilan ni Divina na muling sulyapan ang senyorito na nahuli niyang nakatanaw pa rin sa kanya. Muling kumaway at ngumiti ang lalaki. Kinabahan na siya dahil sumulyap din si Donya Nidora sa direksiyon ni Alden. Lihim siyang nagpasalamat nang ngumiti ang donya at kumaway sa apo. Inakala ng matanda na ito ang kinakawayan ni Alden.

Kagabi, nang dumating si Alden galing sa opisina ay humalik ito sa pisngi ng lola at pagkatapos ay ngumiti sa kanya at bumati ng, “Hi, Yaya!” Alanganin ang ngiting ibinalik niya sa binata dahil nakatingin si Donya Nidora. Kinabahan pa nga siya dahil nagpalipat-lipat sa kanya at kay Alden ang tingin ng matanda. Nag-alala siya na baka nahalata ng donya na iba ang pagturing sa kanya ng apo nito kompara sa ibang tagasilbi sa mansiyon.

Nag-request pa si Alden sa lola na “ipahiram” si Divina rito kapag hindi siya busy. Tandang-tanda pa ni Divina kung paano bahagyang lumaki ang mga mata ni Donya Nidora na lihim niyang ikina-panic. Tinatamad daw kasi si Alden na pumunta sa salon para magpa-style ng buhok. Nalaman ng binata na hairdresser si Divina kaya gustong magpagupit ng lalaki sa kanya sa bahay. Mukhang hindi naman nag-isip nang masama ang matanda sa request ng apo at sinabihan ang huli ipapahiram siya bukas.

Hindi alam ni Divina kung bakit kahit halata namang pinakakaba at inaasar lang siya ni Alden ay hindi siya naiinis sa binata. Tulad ngayon. Nakangiti na naman si Alden sa kanya, labas dimple. Parang alam ng lalaki na nahihirapan siyang i-resist ito kapag lumalabas na nang ganoon ang dimple nito.

“Aren’t you going to cut my hair now?” cool na cool na tanong ni Alden.

“Ah… pero ang lola mo–”

“Busy si Grandma sa pakikipagtsikahan sa phone,” sansala ni Alden sa sinasabi niya. “Ang sabi niya, ipagawa ko na raw ang gusto kong ipagawa sa ‘yo. You see, binigyan ka niya ng permit to be with me. So, you don’t have to be afraid.”

Kung makasabi naman ng ‘to be with me’ si Alden. Para namang magde-date sila. Saglit na nag-iwas ng tingin si Divina para hindi makita ni Alden ang pagpipigil na kumawala ng ngiti dahil sa naisip niya.

“Come on.” Sinuklay ni Alden ng mga daliri ang buhok. “I need a new hair cut.”

Sa totoo lang ay parang hindi na kailangan ni Alden ng hair cut. Parang kahit anong hitsura ng buhok nito ay guwapo pa rin ito. Kahit magulo o kahit maging kalbo pa ito. Napabuntonghininga si Divina sa isip. Siguro ay dapat na niyang kunin ang gamit niya sa panggugupit ng buhok kaysa nililitanya kung gaano kaguwapo ang senyorito.

Maya-maya pa ay nasa loob na sila ng isa sa guestrooms ng mansiyon kung saan napagpasyahan ni Divina na gupitan si Alden. Pinaupo niya ang binata sa harap ng dresser at binalutan mula sa leeg ng manipis na kumot bilang improvised haircutting cloth. Habang tini-trim niya ang buhok ni Alden sa bandang likod ay napatingin siya sa salamin at natagpuan niyang nakatitig sa kanya ang lalaki. Ngumiti ito. Muntik na niyang magupit ang lahat ng buhok na inipit sa mga daliri gayong dulo lang niyon ang dapat niyang gupitin.

Batid ni Divina na habang ginugupitan niya si Alden ay pinagmamasdan siya nito sa salamin kaya nako-concious siya. Hindi niya maintindihan kung bakit kailangan siyang titigan nang ganoon ng lalaki. Senyorito, alisin mo ang tingin mo sa akin kung ayaw mong mapoknatan kita nang di sinasadya, gusto sana niyang isatinig.

Pilit na nag-concentrate na lang si Divina sa paggugupit kay Alden dahil ayaw rin naman niyang mapoknatan ang binata. Ang perpek nito. Ayaw niyang magka-flaw ang senyorito. Kaya lang ay hindi pa rin niya napigilang salubungin ang mga mata ng lalaki sa salamin dahil mukhang sa kanya pa rin nakatingin ito. Muling ngumiti si Alden. Alanganin ang ngiting ibinigay niya sa binata.

“You’re enjoying it, aren’t you?”

“Huh?”

“Itong pande-deadma mo sa ‘kin.”

“Ikaw din naman mukhang nag-e-enjoy sa pang-aasar sa akin. Alam mo namang hindi magugustuhan ng lola mo kapag lumalapit-lapit ka sa isang tagasilbi tapos parang nananadya ka pa.”

“Did my grandma tell you to stay away from me? Why would she do that?”

Siguradong walang kaalam-alam si Alden tungkol sa pakikipagrelasyon ng tiyuhin nito sa dating kasambahay. Kaya hindi nito maiintindihan kung bakit mahigpit na ipinagbilin ni Donya Nidora na huwag na huwag silang makikipaglapit sa apo nito. Siguradong ayaw ng donya na mangyari ulit ang nangyari noon.

“Siguro natatakot siya na baka mapikot ka ng isa sa mga babaeng tagasilbi.”

Mukhang hindi inaasahan ni Alden ang sinabi ni Divina. Halatang napaisip ang binata at nag-“hmmm” lang imbes na magkomento pero nasilip niya ang pagkalibang sa mga mata nito habang nakatingin sa kung saan. Baka ayaw lang nitong ma-offend siya kung pagtatawanan ang sinabi niya.

Si Alden? Magpapapikot sa isang tagasilbi? Halatang hindi nito hahayaang mangyari ang ganoon. Kaya kung siya sina Neneng at Tekla, dapat nang tapusin ng dalawa ang pag-iilusyon sa senyorito at pagpapalitan ng mga maaanghang na movie lines sa tuwing binobosohan ang binata sa swimming pool. Nuncang mapikot ng isa sa mga ito si Alden.

“Bakit? May balak ka bang pikutin ako?”

Muntik nang magupit ni Divina ang sariling daliri sa tanong ng senyorito. Nang muli niyang salubungin ang tingin ni Alden sa salamin ay namimilyo ang ngiti sa mga labi nito. Ramdam niya ang pag-iinit ng mga pisngi.

“W-Wala, no! Hindi naman ako ambisyosa. Hindi ko gagawin iyon para lang yumaman ako. At saka alam ko na ang mahirap ay para lang sa mahirap at ang mayaman ay para lang sa mayaman.” Iyon ang natutunan ni Divina sa naging karanasan ng kanyang ina sa una nitong pag-ibig. Kung sana ay alam rin iyon ni Valencia, hindi sana nito hinayaan na mahulog ang loob sa anak ng amo. Hindi sana ito nagkaroon ng masamang karanasan sa pag-ibig. At wala sana siya roon at pinagtitiisan ang kalupitan ni Donya Nidora.

Isinaksak ni Divina ang electric razor na dala ni Alden kanina at inumpisahang pasadahan ang parte sa itaas ng tainga ng binata.

“Do you really think so?” tanong ni Alden. “Ang mayaman ay para lang sa mayaman?”

Tumango si Divina. “Subok ko na ‘yon. Ang nanay ko kasi na isang dating kasambahay… na-in love sa amo niya. Naging sila pero sekreto lang. First love niya ‘yon. Hindi rin sila nagkatuluyan kasi nga mahirap lang siya at mayaman ‘yong lalaki.”

“Maybe they’re just not meant to be pero walang kinalaman ang status nila sa buhay.”

Umiling si Divina. Kung hindi mahirap si Valencia ay hindi gagawa ng paraan si Donya Nidora para paglayuin ang anak at si Valencia. Gusto sana niyang ikuwento ang buong pangyayari kay Alden kaya lang ay baka magkaideya ang binata na ang tiyuhin at lola nito ang sangkot sa istorya. “Hindi sila naging meant to be dahil hindi sila magkatulad ng status sa buhay.” Ipinagpatuloy niya ang pagshe-shave sa ibabaw ng tainga ng senyorito.

“Paano kung ma-in love ka sa isang mayaman?” tanong ni Alden na mukhang curious lang. “At ma-in love din siya sa ‘yo. Pakakawalan mo na lang ba siya dahil magkaiba kayo ng status sa buhay?”

“Oo,” mabilis na tugon ni Divina. “Ayokong matulad sa nanay ko.” Naalala niya kung paano isinulat ni Valencia ang pighati nito sa diary nang iwan ito ni Amadoro. Para itong pinagbagsakan ng langit at lupa. Para na rin itong pinatay. Ayaw niyang maranasan iyon.

“Have you been in love?” tanong ni Alden.

Kahit hindi tumingin kay Alden ay alam ni Divina na nakatingin sa kanya ang binata sa salamin. “Hindi pa.” Ni hindi pa nga siya nagkakanobyo. Kahit may mga nagpapa-cute at nanliligaw sa kanya ay hindi pa siya nagkanobyo ni minsan dahil maingat siya sa pagpili kung sino ang magiging first boyfriend niya. Dahil ang gusto niya ay ang first love niya ay makatuluyan niya.

“Hindi pa pala, eh. Kaya mo nasasabi ‘yan. Kaya hindi mo alam kung ano ang pakiramdam ng taong nagmamahal. Wala siyang pakialam sa paligid, kung may hadlang man o kung hindi man sila bagay. Basta gusto niya lang makasama ang taong mahal niya.”

Natigil si Divina sa pagshe-shave ng buhok ni Alden at tinitigan ang lalaki sa salamin. Parang may hugot ang pagkakasabi ng binata. Siguro ay nagmahal na ito. Sino kaya ang mapalad na babae? Single si Alden sa kasalukuyan kaya malamang ay hindi nag-work out ang relationship nito sa babaeng iyon. Bakit kaya nagkahiwalay ang mga ito? Gusto sana niyang magtanong tungkol sa karanasan ni Alden sa pag-ibig kaya lang ay alam niyang iyon ang isa sa mga bagay na hindi dapat tinatanong sa isang amo.

“Siguro nga, hindi pa ako nai-in love. Pero alam kong kaya kong pakawalan ang taong mahal ko kung para sa ikabubuti naming pareho. Masarap nga sigurong magmahal pero hindi lang naman pag-ibig ang bumubuo sa buhay ng isang tao. Hindi dapat pinapainog ang mundo sa pag-ibig lang, o sa taong mahal mo lang.”

Tumaas ang isang sulok ng mga labi ni Alden. Hindi malaman ni Divina kung na-impress ito sa pagpapahayag niya ng kaisipan tungkol sa pag-ibig o gusto nitong sabihing “nasasabi mo lang iyan dahil hindi mo pa nararanasang ma-in love.”

Lumipat na si Divina sa kaliwa ni Alden at ang kabilang parte naman ang sh-in-ave.

“Ibig sabihin pala, kung sakaling ligawan kita, babasted-in mo ‘ko dahil hindi tayo magkapantay ng social status?”

Sukat sa narinig ay nawala ang atensiyon ni Divina sa ginagawa kaya gumewang sa kamay niya ang razor. Napasinghap na lang siya nang makitang may maliit na guhit na ang shaved part ng buhok ni Alden.

 

LUMABAS si Divina sa komedor nang tawagin siya ni Donya Nidora dahil kailangan nito ng alcohol bago kumain ng agahan kasama ang apo. Hindi siya tumitingin kay Alden habang inaabutan ng alcohol wipes ang donya kahit alam niyang tumingin ang binata sa kanya. Guilty pa rin siya sa nagawa niya sa buhok ng senyorito. Hindi naman ito nagalit pero naiinis pa rin siya sa kanyang sarili dahil nilagyan niya ng flaw ang perpektong senyorito.

“You should eat with us, Yaya,” alok ni Alden.

Napilitang tumingin si Divina sa binata. Gusto nitong kumain siya kasama ito at ang lola nito sa iisang mesa? Nababaliw na ba ito?

Suminghap si Donya Nidora. “What are you talking about, hijo? Bakit mo pasasabayin si Yaya sa atin sa pagkain?”

“Why not?” tila painosenteng tanong-sagot ni Alden habang ngumunguya ng bacon.

Napanganga ang donya sa apo. “You must be really hungry to have said that.” Bumaling ang matanda kay Divina. “Yaya, umalis ka na. Mag-breakfast ka sa kusina.”

Yumukod si Divina sa amo at bago siya tuluyang umalis ay tinapunan pa niya ng tingin si Alden na mabilis na lumipad sa kanya ang tingin. Bahagya siyang nginitian ng binata bago inalis ang tingin sa kanya.

Ano bang problema ni Alden at ginagawa nito iyon? Pinagkakatuwaan ba nito ang lola o siya? Baka nga siya. Parang kung paano siya pinagkatuwaan nito noong magbigay ng example tungkol sa panliligaw sa kanya. Alam naman niyang wala iyong pakahulugan sa binata pero naapektuhan siya nang kaunti.

“Hijo, I want you to meet up with Juliana Romero, Celeste’s beautiful granddaughter. Go on a date with her. I’m sure you will like her.”

Sa narinig na sinabi ni Donya Nidora ay hindi itinuloy ni Divina ang pagpunta sa kusina. Bagkus ay nagtago siya sa likod ng wooden sliding door. Na-curious siya sa opinyon ni Alden tungkol sa pagrereto ng donya rito.

“I’m not interested.”

Hindi alam ni Divina kung para saan ang relief na naramdaman niya nang marinig ang itinugon ni Alden.

“You don’t know what you’re talking about, hijo. Juliana is very beautiful, intelligent and her taste in fashion is really good. You must meet her. Bagay na bagay kayo.”

“Grandma, I told you to stop pairing with your amiga’s granddaughters.”

“Why? Hindi mo pa rin ba nakakalimutan si Paula?”

Kumunot ang noo ni Divina. Sino si Paula? Iyon ba ang ex-girlfriend ni Alden? Hinintay niya ang sagot ni Alden pero hindi nagsalita ang binata.

“Tapos na kayo, hijo. Kalimutan mo na siya. Date another woman. Date Juliana.”

Hindi ulit sumagot si Alden pero naririnig niya ang kobyertos nito.

“I assure you that Juliana is a great girl. Feeling ko, mas nakahihigit siya kay Paula.”

Mukhang mataas ang kalibre ng Paula na binanggit ni Donya Nidora. Siguradong mala-diyosa sa kagandahan iyon at kasing yaman rin ng mga Villagrande. Hindi alam ni Divina kung bakit kailangan siyang makadama ng panliliit sa sarili.

“Subukan mo lang, hijo. Get to know her. Kung hindi mo siya magustuhan, eh di hindi. No pressure. Hindi kita ipagpipilitan sa kanya.”

“Fine,” makalipas ang ilang saglit ay sagot ni Alden. May pakiramdam siyang napipilitan lang ang binata.

Narinig ni Divina ang tawang tagumpay ni Donya Nidora.

Paano kung magustuhan ni Alden si Juliana? Umiling-iling si Divina. Ano bang pakialam niya sa lovelife ng apo ng amo? Napagpasyahan na niyang ipagpatuloy ang pagtungo sa kusina.

Previous: An AlDub Fanfiction – Chapter 4

Next: An AlDub Fanfiction – Chapter 6