Uncategorized

Prologue – 40 Days To Heaven

Victoria Harbour, Tsim Sha Tsui, Hong Kong

SINO AKO?

Nagka-amnesia yata ako. Namalayan ko na lang kasi ang sarili kong naglalakad sa lugar na iyon. Madilim na pero maraming ilaw na nakabukas. May clock tower, may Chinese characters sa street signs at maraming singkit ang mga naglalakad sa paligid.

Nasa China ba ako? Hindi. Baka nasa China town lang.

Tiningnan ko ang malaking sign sa malaking gusali sa tapat ng clock tower. Avenue Of Stars. May view deck sa kabilang banda na kailangang akyatin. Mukhang may dagat doon. Tanaw ko ang mga nagtataasang gusali sa malayo, sa kabilang ibayo.

Sino ako? Nasaan ako? Bakit wala akong dalang bag?

May narinig akong nag-uusap. Hindi ko maintindihan. Chinese, eh. Hindi ako Chinese dahil hindi ko maintindihan ang pinag-uusapan nila. Inisip ko kung anong lengguwahe ang kanina pa nagsasalita sa isip ko.

Tagalog ba ito? Pinoy ba ako?

Kinapa ko ang mukha ko. Ni hindi ko alam kung anong hitsura ko. Ang alam ko lang, mahaba ang wavy kong buhok na kulay brown at balingkinitan ang katawan ko. Parang hindi rin ako ganoon katangkad. Siguro, mga nasa five-two ang taas ko. Tiningnan ko ang braso ko para i-check ang kulay ko. Hindi ako kaputian.

Maganda kaya ang mukha ko?

Pero teka, bakit hindi ko kilala ang sarili ko?

Nakita ko ang isang lalaki at isang babaeng mukhang Amerikano na nakaupo sa isang bench sa tapat ng Avenue Of Stars. Lumapit ako sa kanila at narinig ko ang usapan nila. Nakakaintindi ako ng Ingles dahil naiintindihan ko ang sinasabi nila.

Nagse-selfie sila kaya gustuhin ko man silang kausapin para tanungin kung nasaan ako, hindi ko nagawa. Deadma rin naman sila sa presence ko.

Naglakad-lakad na lang ulit ako para maghanap ng Amerikanong makakausap hanggang sa makaakyat ako sa view deck. Tinanaw ko ang mga gusaling may magagandang ilaw sa likod ng malawak na dagat sa siyudad.

Hindi lang ito isang China town. Mukhang nasa bansa talaga ako ng mga tsekwa. Bakit ako naroon?

Teka, sino nga ulit ako?

Kumunot ang noo ko nang may makita akong isang malaking bangkang puno ng ilaw na naglalayag sa gitna ng tubig. Hindi ko alam kung bakit parang may bumigat sa dibdib ko nang makita ko iyon.

Teka. Kung Pinoy ako, anong ginagawa ko sa isang dayuhang bansa? May dalawang babaeng tumabi sa akin sa baluster ng view deck. Mukha silang Pinoy! Pagkakataon ko na para tanungin sa kanila ang kanina ko pa tinatanong sa isip ko.

“Excuse me, kababayan,” tawag-pansin ko sa kanila pero hindi nila ako pinapansin.

Tawa nang tawa ang dalawang babae habang nakatingin sa cellphone na hawak ng isa. May pinagtatawanan sila sa Facebook. Mukha raw tanga si Annie at nag-post ng katangahan sa Facebook.

“Excuse me, puwede ko ba kayong maistorbo kahit sandali?” subok ko ulit.

Hindi pa rin nila ako pinansin. Parang gusto ko nang hilahin ang buhok nila. Suplada, ‘kala mo naman ang gaganda.

“Mga ateng!” Suminghal na talaga ako pero deadma pa rin sila. Naimbiyerna na ako. “‘Kala n’yo naman ikinaganda n’yo ‘yang pande-deadma sa ‘kin. Tse!”

Nilibot ko na lang uli ang tingin ko at nagbakasakaling meron pang ibang puwedeng pagtanungan pero puro Instsik na ang naroon. Wala akong choice. Kailangan kong pagtiyagaang kunin ang atensiyon ng dalawang Pinay. Napilitan na akong kalabitin ang likod ng isang babae. Pero nang idikit ko ang daliri sa likod niya, parang hindi sumayad.

Nanlaki ang mga mata ko. Bakit hindi sumayad ang daliri ko? Inulit ko ang pagkalabit pero tumagos ang daliri ko sa babae. Hindi kaya… multo ang mga babaeng ito?

Napaatras ako. Sa takot ko ay tumakbo ako palayo sa kanila. Nang tumingin ako sa harapan ko, natuklasan ko na may makakasalubong ako. Babangga ako sa kanya. Huli na para umiwas ako. Pero… hindi ako bumangga sa kanya.

Tumagos ako sa kanya!

Multo rin ang lalaking iyon? Nanghilakbot ako habang umiikot para tingnan ang lahat ng tao sa paligid. Puro multo ba ang mga tao sa paligid ko?

May isang matanda at isang batang papunta sa direksiyon ko. Nahulog ng bata ang bolang hawak. Umakma ang matanda na yuyukuin ang bola. On instinct, nagtangka akong tulungan siya. Inabot ko rin ang bola pero… tumagos ang kamay ko sa bola.

Namamangha ako habang pinanonood ang matanda sa pagkuha ng bola na hindi tumagos sa mga palad niya.

Tiningnan ko ang mga kamay ko. Bakit tumagos ang mga kamay ko sa bola? May dalawang Chinese couple na nagdaraan. May hawak na DSLR camera ang babae. Sinubukan kong hawakan ang camera niya para siguruhin kung namamalikmata lang ako. Tumagos ulit ang kamay ko.

Dahan-dahan akong umiling nang mabuo sa isip ko ang realisasyon.

Kaya walang pumapansin sa akin… kaya hindi sumayad sa likod ng Pinay ang daliri ko nang kalabitin ko siya… kaya tumagos ang kamay ko sa bola…

Isa akong kaluluwa? Hindi ako buhay? Hindi ako nakikita ng mga tao rito. Ako lang ang nakakakita sa kanila!

Napatingin ako isang malaking lalaking papasalubong sa akin. Hindi ko tinangkang umalis sa kinatatayuan ko para tingnan kung iiwas ang lalaki sa akin. Hindi umiwas ang lalaki. Tumagos siya sa akin nang magdaan siya.

Confirmed! Hindi ako buhay. Isa akong multo!

Nakarinig ako ng malakas na tili. Nakita ko ang mga tao na nagkumpulan sa isang bahagi ng deck. Nakatingin lang ako sa kanila. Hindi pa rin ako maka-get over sa natuklasan ko tungkol sa sarili ko.

Ni hindi ko alam kung sino ako. Mas nauna ko pang malaman na isa akong multo kaysa sa identity ko.

“What’s goin’ on there?” tanong ng isang lalaking Caucasian sa isang grupo ng Chinese na nakasalubong.

“There’s a dead body in the water! Floating!”

Kumunot ang noo ko. May lumulutang na bangkay sa dagat?

NOTE: This preview is unedited.

So, what can you say?

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.