Uncategorized

Chapter 3 – 40 Days To Heaven

BUTI NA lang at hindi pala madalas makita sa MRI kung may amnesia ang isang tao. Wala daw nakitang abnormalities sa utak ko. Walang injury. Malaki raw ang posibilidad na temporary lang ang “amnesia” ko pero nagtataka ng doktor kung paano nangyari na lahat ng memorya ko ay nabura. Usually daw ay partial o selective lang ang amnesia.

Kinabahan ako na baka maghinala si Chen Li na nagpapanggap lang akong may amnesia pero wala akong choice kung hindi panindigan ang ginagawa ko dahil wala naman talaga akong alam tungkol kay Rebecca. Wala nga rin akong alam tungkol sa sarili kong pagkatao bilang si Jannica, eh.

Maraming tests ang ginawa sa akin, pati physical tests. Iipinasuri pa ultimo “flower” ni Rebecca. Hindi ko maintindihan kung bakit pati iyon, eh, kailangang check-up-in. Puwede bang manggaling doon ang amnesia ng isang tao?

Nag-usap in Cantonese si Chen Li at ang doktor kaya hindi ko alam ang ibang detalyeng sinabi ng huli sa fiancé ni Rebecca. Nang nakasakay na kami ni Chen Li sa MTR, naisipan kong itanong sa kanya ang iba pang sinabi ng doktor tungkol sa kondisyon ko.

“Baka raw may nangyari sa ‘yong nagbigay sa ‘yo ng matinding trauma bago ka nawalan ng malay.”

Tinanong ako kanina ng doktor kung may naaalala ako sa nangyari sa akin bago ako nawalan ng malay. Sinabi ko siyempre na wala akong maalala.

“He said something like… dissociative or psychogenic amnesia na ang cause ay emotional shock o trauma. Tell me, Becca, saang lugar ka nagising kagabi?”

“Huh? Ah… hindi ko na maalala, eh. Basta paggising ko, naglakad ako nang naglakad hanggang sa ma-realize kong may bag na nakasabit sa katawan ko. Doon ko na lang nalaman kung saan ako uuwi.”

Seryoso ang mukha ni Chen Li habang diretso lang ang tingin sa daan. “Ang psychogenic amnesia daw ay hindi dahil sa physical trauma, Becca. It’s psychological.”

“S-Sinasabi mo bang nababaliw na ako?”

“No, sweetie. I’m just saying that… what happened to you last night must have been very serious and it must have caused you shock or trauma.” Nang balingan ako ni Chen Li, nakita ko ang pag-aalala sa mga mata niya. Ginagap niya ang kamay kong nakapatong sa hita ko. “There were no signs of abuse which is quite a relief, but I’m just upset that we didn’t know what you’ve gone through last night.”

Kaya ba pati “flower” ni Rebecca ay sinuri? Naisip nilang maaaring inabuso ang katawan ni Rebecca sexually? Kunsabagay, muntik na ngang mahalay ang babae kung hindi ako nakasanib sa kanya kagabi. Dapat pang magpasalamat sa akin si Rebecca at Chen Li dahil iniligtas ko ang buhay ng babaeng ito.

Tinitigan ko ang kamay ni Chen Li na gagap ang kamay ni Rebecca. Ang sarap pala ng ganitong pakiramdam. Iyong may nag-aalala at naghihinagpis para sa ‘yo.

Ang suwerte naman pala ni Rebecca. Guwapo na ang dyowa, mukhang mahal na mahal pa siya. Naisip ko na hindi dahil brokenhearted si Rebecca kaya umiiyak siya kagabi. Hindi sa pag-ibig ang dahilan ng pag-e-emote niya kagabi. Ibang bagay. Naisip ko lang na may kinalaman sa love life dahil sa giant red heart sa Sky Terrace. Baka may kinalaman lang ang pusong iyon sa kung anumang iniiyakan niya. Ano kaya iyon?

“I’m sorry that I wasn’t there for you, sweetie…”

“It’s okay. I’m fine. Don’t worry. Ang mahalaga, buhay ako. At sabi nga ng doktor, babalik din ang memorya ko. Temporary lang ito.”

Nagpakawala ng buntonghininga si Chen Li. “Right. Gagaling ka rin. Babalik tayo bukas. It’s Sunday today, so, walang doctor na nagki-clinic. Kaya ipina-schedule ka nila sa isang psychiatrist for tomorrow. Kung kailangang mag-undergo ka ng hypnosis para bumalik ang memory mo, do it.”

Tututol sana ako pero naisip kong hindi na rin naman ako aabutin ng makalawa rito. Lilipad na ako sa Pilipinas mamaya o bukas sa oras na makita ko ang passport ni Rebecca.

“You have to regain your memory, Becca, because we’re about to get married.”

Iyon pa pala ang kailangan kong tandaan. Kailangan kong makabalik dito sa Hong Kong bago sumapit ang kasal ni Rebecca. Ayokong sirain ang kasal niya. Kaya kailangan ko na talagang makaalis para maibalik ko ang katawan ni Rebecca bago ang kasal niya.

Umungol si Chen Li. “You even forgot how to speak and understand Cantonese, sweetie. That’s weird.”

Hindi na lang ako umimik. Less talk, less mistake.

 

 

 

 

“GUSTO kong magpahinga,” sabi ko nang matunugan kong parang walang balak si Chen Li na umalis sa condo unit ni Rebecca.

“Sure. Magpahinga ka.” Inayos niya ang kumot na naka-cover sa katawan ko.

“Gusto kong mapag-isa.”

“All right. I won’t bother you. Doon lang ako sa living room. Just call me if you need me.”

“Umuwi ka na,” dineretsa ko na siya.

Kumunot ang noo ni Chen Li. “You still don’t trust me?”

“I do,” sagot ko para hindi siya magtampo. “It’s just that I want to be alone for a while.”

Halatang tutol si Chen Li pero nagpakawala siya ng buntonghininga, tanda ng pagsuko. “All right. I will leave you alone for today. But, first, let me buy you a new phone. Para kung kailangan mo ako, puwede mo akong tawagan. I’ll be back in a bit to give your phone, then I’ll leave and go back tomorrow.”

Tumango na lang ako. Lumapit si Chen Li at kinintalan ng halik ang noo ni Rebecca.

“I love you,” sabi ng lalaki.

Mukhang hindi naman naghihintay ng tugon si Chen Li. Nakaalis na siya pero nakatulala pa rin ako.

Ang sweet naman ng tsinoy na iyon. Alam kong hindi ako ang sinabihan niya ng ‘I love you’ at noo ni Rebecca ang dinampian niya ng halik pero hindi ko maiwasang maapektuhan. Medyo nakakakilig. Masarap pala sa pakiramdam iyong may isang lalaki na nag-aalala at nagmamahal sa ‘yo.

Naranasan ko ba ito noong nabubuhay pa ako? May lalaki bang nagmahal sa akin? Gusto kong malaman.

Napagpasyahan kong hindi na muna bumalik sa paghahanap ng passport dahil sinabi ni Chen Li na babalik siya para ibigay ang cellphone na bibilhin niya para sa akin. Baka maratnan niya akong kinakalkal na naman ang mga gamit ni Rebecca at baka magtaka siya. Hanggang sa hindi ko na namalayang nakatulog na ako. Paggising ko ay hindi lang box ng cellphone ang nasa ibabaw ng side table ko. Mayroon ding box ng pagkain. Amoy na amoy ko ang aroma niyon.

Napangiti ako. Napaka-sweet namang boyfriend ni Chen Li.

Ikaw na talaga, Rebecca! How to be you po? Actually, nararanasan ko ngayon kung paano maging si Rebecca. Passport na lang ang kulang, perfect ka na, Rebecca!

Bumangon kaagad ako para lantakan ang roasted duck at kanin. May isang styropore bowl ng seafood ramen din sa side table pero hindi ko kinain dahil hindi ko gusto ang lasa nang una kong tikman. Masarap pala ang kumain. Palagi kong nakikita ang mga buhay na taong kumakain sa restaurants at iniisip ko kung ano ang pakiramdam ng kumakain.

Pagkatapos kong kumain ay bumalik na ako sa paghahanap ng passport. Ang living room naman ang hinalughog ko. Again, na-haggard na ako’t lahat pero wala akong nakitang pasaporte. Nagsimula na akong mag-alala. Baka talagang nawawala ang passport ni Rebecca. Ano ba ang kailangang gawin kapag nawalan ng passport?

Narinig ko na parang may tumutunog. Nang sundan ko ang tunog, nalaman kong galing iyon sa bagong cellphone na binili ni Chen Li para sa akin.

Chen Li ang nakalagay sa screen. Tumatawag ang tsinoy. Baka gusto lang i-check ang lagay ng fiancée.

“Hello?” bati ko nang sagutin ko ang tawag.

“Hello, sweetie. Did I wake you up?”

“No! Kanina pa ako nagising. Kumain na rin ako. Salamat.”

“Naisip ko na baka wala kang lakas para magluto ng pagkain mo kaya dinalhan na din kita. Kung hindi ka makakapagluto ng dinner mo, tatawagan ko na lang ‘yong paborito mong ramen house para mag-deliver sa ‘yo.”

“Ayoko ng ramen.” May pakiramdam akong ayoko ng kahit anong noodles.

“What? But, sweetie, ramen is your favorite food.”

“Talaga?”

“Seafood ramen ang pinaka-paborito mo. Pati iyon nakalimutan mo?”

“Huh? Favorite ko talaga ang ramen?”

“What is happening with you?”

Kunwari ay bumuntonghininga ako. “I know. Frustrated din ako na nangyayari sa akin ito. Hinahalughog ko na naman ang mga gamit ko dahil baka bumalik ang memorya ko kapag nakita ko ang mga gamit ko…”

“I’m sorry, sweetie. I can help you. I know a lot of things about you. You can ask me.”

Bigla kong naisip na itanong sa kanya kung nasaan ang passport ko. Pero kailangan kong maging maingat. Ayokong isipin niya na may balak akong gamitin ang passport ni Rebecca kaya ko hinahanap iyon.

Tumikhim ako. “Hinalughog ko ang mga gamit ko, eh. Nakita ko ang birth certificate ko, mga mahahalagang dokumento tungkol sa akin… pero hindi lahat nandito. Tulad ng passport ko. Wala dito ang passport ko. Uhm… Gusto ko sana kasing makita ang mga stamp para malaman ko kung gaano ako kadalas umuuwi sa Pilipinas.”

“Hindi ka na umuuwi doon.”

Nakita ko nga sa mga boarding pass na itinago ni Rebecca. “B-Bakit?”

“I don’t know, Becca. Basta ang sabi mo sa akin, wala ka nang babalikan pa doon. You didn’t want to talk about it and I respected your silence.”

Puwede ba ‘yon? Hindi man lang ba curious si Chen Li kung bakit ayaw nang bumalik ni Rebecca sa bayan niya? “Gaano katagal na akong hindi umuuwi?”

“Probably a year already.”

“Wala na ba akong pamilya sa Pilipinas?”

“You’re an orphan.”

Orphan si Rebecca? Kung ganoon ay sino ang may edad na mag-asawang kasama ni Rebecca sa isang picture na nakita ko sa mga gamit niya? Patay na ba sila?

“Look, sweetie, let me tell you everything about you when we see each other tomorrow. Magpahinga ka na lang ulit at tigilan mo na ang paghalughog ng mga gamit mo. You won’t go to work tomorrow. Ako na ang bahalang mag-file ng sick leave mo.”

Work? Oo nga pala. Nagtatrabaho ako sa Chiu Liu Qi… Teka, Chiu? Chiu ang apelido ni Chen Li, ‘di ba? Siya ba ang may-ari ng kompanyang pinagtatrabahuhan ni Rebecca?

“Goodnight, sweetie,” sabi ni Chen Li bago pa ako makapagtanong. “See you tomorrow.”

“O-Okay. Goodnight.”

“I love you.” At nawala na siya sa linya.

Natulala na naman ako. Bakit ba parang may kakaibang dating sa akin ang pag-a-“I love you” niya sa akin?

Umiling ako. Hindi para sa akin iyon. Para kay Rebecca iyon.

Hindi ko naitanong kung nasaan ang passport ni Rebecca. Baka alam ni Chen Li kung nasaan, o baka nasa pag-iingat niya iyon. Hindi bale, bukas ay itatanong ko. Ibinalik ko na ang mga gamit ni Rebecca na ikinalat ko nang may makita akong isang maliit na piraso ng puting papel na naiwan sa mga papel na ikinalat ko. May pangalan at contact number na nakasulat doon.

Jack. Sino si Jack? Bakit walang apelido?

Ah, baka delivery boy lang ng kung ano. Nabanggit ni Chen Li na nagpapa-deliver ako ng ramen sa isang ramen restaurant. Isinuksok ko na lang ulit ang papel sa ilalim ng drawer ng TV table.

 

 

 

NAKAKAPAGOD pala ang ma-interview ng isang psychiatrist. English ang usapan namin at napakadami niyang tanong. Hindi pinasama ng psychiatrist sa loob ng clinic si Chen Li, buti na lang.

Kaya nang lumabas ako sa clinic, nagawa kong maniobrahin ang naging resulta ng checkup sa akin ng psychiatrist at iyon ang sinabi ko kay Chen Li.

“Hindi ko na muna raw kailangang mag-undergo ng psychotherapy. Hayaan na lang daw muna akong makaalala nang natural at hindi ipinipilit dahil baka lalo lang daw akong hindi makaalala kapag na-stress ako sa psychotherapy. Mas mabuti raw munang subukan kong kilalanin o alalahanin ang sarili ko sa tulong ng mga taong malapit sa akin.”

Ang totoo ay pinapabalik ako ng psychiatrist para sa series ng psychotherapy.

Tumangu-tango si Chen Li. “‘Makes sense. Kung ganoon, hanggang kailan daw ang hihintayin para makabalik ang alaala mo nang natural? Kailan malalaman kung kailangan mo nang mag-undergo ng psychotherapy?”

“Three weeks to one month daw,” pag-iimbento ko.

“All right. Pero sigurado ba siyang okay ka lang?”

“Okay lang ako. Tinanong niya ako kung meron akong nararamdamang kakaibang emosyon tulad ng unexplained terror or anxiety or something pero wala naman akong mga ganoong nararamdaman. Kung anuman ang nangyari sa akin na naka-traumatized sa akin, malamang kasama na ‘yong nabura sa isip ko kaya wala akong maramdamang kakaiba.”

Tinitigan ako ni Chen Li. Sana talaga binibili niya ang mga sinasabi ko. Tumango siya at hinawakan ang kamay ko saka giniya ako palabas ng ospital.

Napatingin ako sa kamay namin. Hindi ko naman kamay ang hawak ni Chen Li pero ramdam ko ang init ng palad niya. Masarap pala ang may ka-holding hands. Noong kaluluwa lang ako, palagi akong may nakikitang lalaki at babaeng magkahawak ng kamay habang naglalakad sa kalsada. Ganito pala ang pakiramdam. Napangiti ako.

Binura ko rin agad ang ngiti ko. Hindi dapat ako naaapektuhan sa ginagawa ni Chen Li dahil alam kong para kay Rebecca ang lahat ng ginagawa niya. Hindi ako dapat kiligin sa isang lalaking pag-aari na ng iba. Besides, kaluluwa na lang ako. Wala nang pag-i-pag-ibig sa mga kaluluwa. Sa mga buhay lang iyon.

Dinala ako ni Chen Li sa isang restaurant na pang-masa. Spring Deer ang pangalan. Naraanan ko na ito noong naglalagalag pa lang ako bilang isang kaluluwa at naghahanap ng masasaniban.

“Paborito mo ang restaurant na ito.”

“Talaga?”

“Yes. You introduced me to this place.”

Hmmm… mukhang hindi conyo si Rebecca sa pagkain. Sa dinami-rami ng bonggang restaurants sa Tsim Sha Tsui, iyon pa ang paborito ni Rebecca.

Ni hao, Chen Li! Ni hao, Becca!” bati sa amin ng isang waitress na singkit. Kilala pala si Rebecca sa lugar na iyon.

Nginitian ko siya. “Ni hao!”

Kinausap na niya ako sa Cantonese pero wala akong naintindihan. Kinausap ni Chen Li ang babae at halatang namangha ang waitress. Mukhang sinabi na ng tsinoy na may “amnesia” ako.

May sinabi sa akin ang waitress at nginitian ko na lang siya dahil hindi ko alam ang pinagsasabi niya. Si Chen Li na ang um-order para sa amin.

“In-order ko ang favorite mong ino-order dito,” sabi ni Chen Li nang makaalis na ang waitress at maiwan na kami sa mesa.

“Okay. Sino ‘yong babaeng ‘yon?” tukoy ko sa waitress. “Anong sabi niya?”

“Magkakilala kayo kasi palagi kang kumakain dito. Sinabi ko ang condition mo. Hindi siya makapaniwala. Ang akala niya raw sa mga pelikula lang nangyayari ang ganyan.”

“Magkaibigan ba kami? Close ba kami?” Kung close sila ni Rebecca, baka alam ng babaeng iyon kung nasaan ang passport ni Rebecca.

“I don’t think so. You do not have a lot of friends, Becca.”

“Hindi ako friendly?”

“You can say that. Or maybe you only want to be friends with a Pinay like you that’s why you’re not really close with a lot of people here.”

“Wala man lang ba akong kaibigan?” Na mapagtatanungan ko kung nasaan ang passport ni Rebecca?

“You only have one friend. She’s Cecilla. But she left over a year ago and you’ve never heard of her since. Pero ang balita sa office, nasa Taiwan na daw siya ngayon.”

Isa lang ang kaibigan ni Rebecca at wala na silang contact ngayon? Ibig sabihin, stuck talaga ako kay Chen Li? Sa kanya lang ako makakakuha ng impormasyon tungkol kay Rebecca?

Bigla akong nakaisip ng ideya kung paano ko malalaman kung nasaan ang passport ko. “Siguro kailangan ko siyang makausap.”

“Bakit?”

“Dahil kilala niya ako. Marami akong malalaman mula sa kanya tungkol sa akin. Kailangan kong pumunta sa Taiwan para makausap siya. Kaso wala ang passport ko sa bahay ko. Alam mo ba kung nasaan?”

Halatang nagtaka si Chen Li. “Nandito naman ako, Becca. I know you a lot. Hindi mo na kailangang makausap si Cecilla para may malaman tungkol sa sarili mo.”

“Pero… siguradong may mga alam siya na hindi mo alam tungkol sa akin. You know, girls.”

“Pero may mga alam rin ako tungkol sa ‘yo na hindi niya alam.”

“Gaano na tayo katagal na mag… on?” naisipan kong itanong.

“More than a year.”

More than a year… Three years na si Rebecca sa bansang ito. Noong mga unang taon niya, umuuwi siya sa Pilipinas pero since a year ago, hindi na siya bumabalik. May kinalaman ba ang pakikipagrelasyon ni Rebecca kay Chen Li sa hindi na niya pagbalik pa sa Pilipinas?

Kung mayroon, maaaring may alam si Chen Li sa kinaroroonan ng passport ni Rebecca. Pero paano ko itatanong? Dalawang beses na akong nag-attempt na banggitin ang passport ni Rebecca pero naiiba ang usapan kaya hindi na napagtutuunan ng pansin ang tungkol sa gusto kong malaman. Baka makahalata si Chen Li na talagang may pakay ako sa passport na iyon.

“Gaano na kami katagal na magkaibigan ni Cecilla?”

“I think since you came here three years ago. Magkasama kayo sa trabaho hanggang sa umalis siya. She might have known you before me, Becca, but it doesn’t mean I know you less.”

“Saan ako nagtatrabaho?”

“Sa kompanya ng lolo ko.”

“Doon ka rin nagtatrabaho?”

“Oo. As one of the directors.”

“Anong posisyon ko sa kompanya?”

“Marketing head.”

“Marketing head?” Wow. Boss pala si Rebecca? At twenty-seven? At within three years of working? Hmmm… mukhang matalino ang babaeng ito. At pakiramdam ko, hindi ako kasing talino niya.

Na-curious tuloy ako lalo sa sarili ko. Ano kayang trabaho ko sa Pilipinas? Kung na-afford ko ang pumunta sa Hong Kong para lang mag-suicide, baka naman may maganda rin akong trabaho. Mukhang hindi lang kasing taas ng posisyon ni Rebecca.

“You don’t have to worry about your work, sweetie. Naitawag ko na sa opisina na kukuha ka ng sick leave. Obviously, you’re not fit to work. Your assistant will relieve your work while you’re not in the office.”

Napadiretso ang likod ko. Office! May desk si Rebecca sa opisina! Puwedeng nandoon ang passport niya! “Gusto kong pumunta sa opisina.”

“Huh? But you’re sick.”

“Hindi ako magtatrabaho. Gusto ko lang makita ang workplace ko. Baka sakaling may maalala ako kapag nakita ko ang opisina ko. Iyon ang bilin ng psychiatrist ko. I-expose ko raw ang sarili ko sa mga lugar na palagi kong pinupuntahan para mabilis akong makaalala.”

Tumangu-tango si Chen Li. “Okay. I’ll bring you to your office tomorrow.”

“Bakit tomorrow pa? Now na! Pagkatapos nating kumain, dumiretso na tayo doon!” Wala akong dapat sayangin na oras.

Nakita ko ang pagkunot ng noo ng tsinoy. Baka dahil masyado akong passionate sa pagkakasabi ko.

Natigilan ako at tumihim muna bago nagdahilan. “Malay mo, kapag nakita ko ang opisina ko, bumalik bigla ang alaala ko. Gusto ko nang makaalala. Ayoko nang ganito.” Naisip kong mag-emote nang kaunti. “Hindi mo alam kung gaano ka-frustrating ang ganito. ‘Yong wala kang maalala tungkol sa sarili mo…”

Lumambot ang mukha ni Chen Li. Ginagap niya ang kamay kong nakapatong sa mesa. “I know, sweetie. I know how frustrating it is. I can feel your pain. But don’t worry, I’m here. You will go through this ordeal with me. We’ll make sure na makakaalala ka.”

Ngumiti ako kahit medyo na-guilty ako sa panloloko ko kay Chen Li. Nakakaramdam rin pala ng guilt ang mga kaluluwa. Pero wala akong choice. Habang nasa katawan ako ni Rebecca at habang hindi pa tapos ang extended stay ko sa lupa, gagawin ko ang kailangan kong gawin.

So, what can you say?

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.