Uncategorized

Chapter 1 – 40 Days To Heaven

Ten days later…

HABANG si Milet ay nanonood ng Symphony of Lights mula sa Sky Terrace 428 sa rooftop ng The Peak Tower, ako naman ay ang mga taong nandoon ang pinapanood. Naghahanap ako ng Pinay. Naghahanap ako ng posibleng masaniban para maisagawa ko ang plano ko.

Hindi ko maintindihan kung bakit sa dinami-dami ng Pinay na nakita ko sa paglibot ko sa Hong Kong, wala ni isa sa kanila ang kasukat ko ng qi.

Qi raw ang tawag sa vital energy ng isang katawan, ayon sa isang Chinese Wu o shaman na pinuntahan ko one month ago para idulog ang problema ko.

Hindi ko nakakausap ang wu sa Tagalog dahil Chinese siya at hindi marunong mag-English. May nakilala akong isang kapwa ko kaluluwang Pinay na marunong magsalita ng Cantonese. Siya ang tumutulong sa akin sa pag-translate sa wu ng bawat sabihin ko.

Nakilala ko si Milet habang gumagala ako at hinahanap kung sino ako. Isa siyang domestic helper sa Hong Kong at doon na siya namatay. Nasagasaan daw siya isang araw sa kaka-selfie almost two months ago.

Sa kanya ko nalaman na kapag ang isang tao pala ay namatay sa isang dayuhang bansa, hindi na ito nakakabalik sa bansang pinagmulan. Iyon ang dahilan kung bakit ilang beses ko nang binabalya ang sarili ko sa border ng Hong Kong at Pilipinas pero hindi ako makaraan. May invisible na pader na nakaharang.

Ang sabi ni Milet, nalaman niya sa isang wu na hindi pala nakakaalis ang isang kaluluwa sa isang bansa kung saan siya namatay. Ang tanging paraan lang para makaalis sa isang bansa ay ang sumanib sa isang buhay na katawan ng tao. Kapag ang isang kaluluwa ay nakasanib sa isang buhay na katawan, malaya siyang makakapaglabas-masok sa kung anu-anong bansa.

Hindi tulad ko, walang balak si Milet na bumalik sa Pilipinas kahit alam na niya kung sino siya. Wala na raw kasi siyang babalikan doon. Three months ago ay nakipaghiwalay na siya sa asawa niyang nasa ‘Pinas nang matuklasang may kabit pala ito. Habang si Milet ay nagpapaalila sa ibang bansa, ang hayup niyang asawa ay nagpapasarap sa piling ng iba. Ulila na si Milet kaya wala na siyang babalikan pa sa Pilipinas.

Kaya walang pakialam si Milet sa paghahanap ng buhay na katawan ng taong kapareho niya ng qi. Wala siyang dahilan para maghanap ng taong masasaniban. Hinihintay na lang niyang matapos ang mahigit isang buwang extended stay ng isang kaluluwa sa mundo ng mga buhay at masaya na siyang magpapatangay sa liwanag.

Forty days. Bawat kaluluwa pala ay binibigyan ng forty days sa mundo ng mga buhay bago mapunta sa kabilang buhay kung saan forever nang mananatili doon. Apatnapung araw para magawa ang mga bagay na gusto pang gawin bago kainin ng liwanag. Maraming mga kaluluwa ang may unfinished business kaya pabor sa kanila ang pagbibigay ng extended stay.

Tulad ko. Meron akong unfinished business. At iyon ang dahilan kung bakit nagpapakahirap akong maghanap ng isang katawan na may kapareho ko ng qi.

Noong unang beses kong matagpuan ang sarili kong palakad-lakad sa Nathan Road, hindi ko pa alam kung sino ako. Pero nakita ko na ang sarili ko. Ako iyong babaeng bangkay na natagpuang lumulutang-lutang sa tubig sa Victoria Harbour.

Sa akin ang bangkay na dinala ng mga pulis sa morgue ng isang ospital. Nakita ko ang mukha ko sa salamin nang sundan ko kung saan dinala ang bangkay. In-autopsy ang bangkay ko at narinig ko na asphyxia due to inhalation of fluid into air passages o pagkalunod ang ikinamatay ko.

Narinig ko na walang nakitang alcohol o drugs sa dugo at sikmura ko. Ibig sabihin, mataas ang tiyansang nasa matino akong pag-iisip bago ako malunod kaya posibleng aksidente raw ang pagkakabagsak ko sa tubig. Wala akong bag o anumang magpagkakakilanlan. Baka nalunod din at nasa ilalim na ng dagat. Ang tanging nasa katawan ko bukod sa damit ay ang mga kuwintas na may mga letrang JAF.

Sinubaybayan ko ang paghahanap ng mga pulis sa pagkakakilanlan sa akin. Hinanap nila ang tinitirhan ko sa Hong Kong. Kinuha nila ang fingerprints ko pero walang records sa Hong Kong na may resident doon na nagtataglay ng ganoong fingerprints kaya nag-conclude sila na isa lang ang akong tourist.

Sa pang-apat na araw, nakita ko ang isang Australianang ginang na kinakausap ng pulis sa presinto tungkol sa akin. English ang salaysay ng Australian kaya naintindihan ko. Na-witness daw ng ginang ang ginawa kong pagtalon mula sa Chinese junk na Aqua Luna ang tawag pero dahil na-shock ang babae, nahimatay ito at wala nang nakapagsabi na may tumalon mula sa Aqua Luna hanggang sa magkamalay ang ginang.

Bago pa ako tumalon, napansin daw ng ginang na malungkot at tahimik lang ako ng araw na iyon habang nag-iisang nakahawak sa baluster ng deck ng water vessel. Kaya nag-conclude ang mga pulis na suicide ang dahilan ng pagkakapunta ko sa tubig. Dahil walang pagkakakilanlan at hinahanap ng pulis ang identity ko, itinago nila ang bangkay ko sa freezer sa isang morgue. Hinihintay nila kung may pamilyang magke-claim sa katawan ko.

Nagtataka ako kung bakit wala ni isa sa pamilya ko ang nagpunta sa Hong Kong para hanapin kung nasaan ako. Naisip ko na baka wala na rin akong pamilya sa Pilipinas na tulad ni Milet. Pero paano kung meron pa akong pamilya pero hindi nila alam na nagpunta ako sa Hong Kong kaya hindi nila ako hinahanap doon? Baka kasalukuyan nila akong hinahanap sa Pilipinas pero wala ako roon kaya hindi nila ako mahanap. Kung binalak kong magpakamatay sa Hong Kong, bakit ko sasabihin sa kahit sino ang balak kong iyon?

Hindi ko pa rin alam kung sino ako at kung bakit ako nagpakamatay. Mabuti pa si Milet, nalaman kaagad niya kung sino siya dahil nakilala kaagad siya ng mga pulis dahil sa ID at passport na dala niya noong namatay siya. Kaya madali niyang nakalkal ang tungkol sa buhay niya. Nakita niya ang mga kaibigan niyang kapwa DH at nalaman niya sa pakikinig sa mga ito ang tungkol sa naging buhay niya. Ang mga kaibigan niya ang naglibing sa kanya sa Hong Kong. Wala kasi sa mga kamag-anak niya ang gustong magbayad ng shipping fee para sa bangkay niya.

Iba ang sitwasyon ko. Kaya hirap akong malaman kung sino ako. Walang nagke-claim ng bangkay ko. Wala namang kakayahan ang wu para malaman kung sino ang isang kaluluwa. Hindi raw sila manghuhula.

Sa pang-limang araw, habang lumulutang kami ni Milet sa Tsim Sha Tsui, may nakita siyang guwapong Amerikano na sinusundan niya sa pagpasok sa isang building. Dahil kasama ko si Milet, sinundan ko siya hanggang sa makarating kami sa tenth floor. Sa reception ng isang guesthouse tumigil ang Amerikano. May dalawang aleng nag-uusap sa gilid. Ang sabi sa akin ni Milet, narinig daw niya ang pinag-uusapan ng dalawang helper. Tungkol daw sa isang turistang Pinay na nag-check in doon at pagkatapos ay hindi na bumalik. Iniwan ang mga gamit sa guestroom kaya inimpake na lang ng isang manang at itinago sa bodega ang pink na luggage ng nawawalang guest.

Ang araw na bigla ko na lang natagpuan ang sarili ko sa Victoria Harbour ay ang araw na nawala ang guest na pinag-uusapan at narinig din ni Milet na i-d-in-escribe ako ng isang helper. Ganoong-ganoon ang hitsura ko. Kaya na-figure out namin ni Milet na posibleng ako ang Pinay guest na tinutukoy nila.

Nagtanong daw ang isang ale kung bakit hindi sinabi sa mga pulis ang tungkol sa pagkawala ng guest. Sinabi raw nito sa may-ari ng guesthouse pero hindi ginawa. Abala lang daw. Masyado raw silang busy. Tutal naman daw ay fully-paid na ang guest na nawawala kaya hindi na hinanap.

Pumunta kami ni Milet sa bodega at doon namin nakita ang isang pink na luggage na may bag tag kung saan nakasulat ang pangalan, address at mobile phone number ng may-ari.

Jannica Anne Florencio.

Nasiguro kong ako nga iyon dahil sa mga letra sa kuwintas na suot ng bangkay ko. Initials pala iyon ng pangalan ko.

Iyon pala ang pangalan ko. Hindi pangkaraniwan. Kaya kung makakabalik ako sa Maynila, mahahanap ko kung sino ako at ang pamilya ko. Kaya lang ay hindi ako makabalik dahil trapped ang mga kaluluwa namin ni Milet sa Hong Kong. Hindi ako makahanap ng buhay na katawan ng taong may kapareho ko ng qi. Ang isang kaluluwa pala ay hindi puwedeng basta-basta na lang sumanib sa kahit sinong buhay na katawan ng tao. Kailangang matched ang qi mo at ng taong iyon bago magtagumpay ang pagsanib.

Ang mga kaluluwa pala ay mayroon pa rin palang qi. Kahit na namatay na ang katawang lupa, ang qi ay nananatili sa kaluluwa hanggang sa oras na makaalis na nang tuluyan sa lupa ang isang kaluluwa.

Ilang beses ko nang sinubukang sumanib sa bawat Pinay na makita ko sa daan. Miski nga Pinoy ay sinubukan ko pero ang sabi ng wu ay masyadong malakas ang qi ng mga lalaki kaya mas mahihirapan daw akong makahanap ng lalaking matched ko ang qi. Sinunod ko ang wu kaya mga babae na lang ang sinusubukan kong saniban.

Bawat pagsubok ko na sumanib, nalalagasan ako ng lakas. Kaya araw-araw, lupaypay akong humahandusay sa daan sa dami ng sinubukan kong saniban.

Hindi raw talaga madaling maghanap ng katawang masasaniban, sabi ng wu. Marami raw mga kaluluwang hanggang sa matapos ang apatnapung araw na extended stay sa lupa ay hindi nakakahanap ng buhay na katawang masasaniban. Nakaka-discourage pero ayokong mawalan ng pag-asa.

Kaya kahit napapagod na ako sa kakagala at kakasubok na sumanib sa kung sinu-sino, hindi ako nag-gi-give up.

“Alam mo ba kung bakit hindi natin maalala kung sino tayo kapag namatay na tayo?” sabi ni Milet.

Napalingon ako sa kanya. Tinabihan ko si Milet sa baluster. Seryoso ang mukha niya habang nakatanaw sa mga building na umiilaw.

“Kung bakit hindi na natin matandaan kung bakit tayo namatay?” patuloy niya. “May dahilan kung bakit.”

“Bakit?”

“Kasi nang mamatay tayo, iniwan na natin ang buhay natin sa mundo. Kaya hindi na natin kailangang malaman kung sino tayo. Hindi na natin kailangang malaman pa kung bakit tayo namatay dahil malulungkot lang tayo. Ang pagkamatay natin, iyon ang katapusan ng lahat. Wala na dapat karugtong, Jannica.” Tumingin sa akin si Milet. “Kaya tigilan mo na ang paghahanap ng buhay na taong masasaniban. Hintayin mo na lang ang pagdating ng liwanag, bes. Matuto ka sa akin. Naging curious din ako na alamin kung sino ako at kung bakit ako namatay pero hindi ko nagustuhan ang nalaman ko tungkol sa akin. Pinagtaksilan pala ako ng lalaking mahal ko. At namatay pala ako dahil sa katangahan ko.”

Umiling-iling ako kahit naisip ko na may point din naman siya. “Pero bakit pa tayo binigyan ng forty days sa lupa? Anong use n’yon? Hindi ba para iyon sa kung anumang unfinished business na gusto nating tapusin bago tayo tuluyang mawala sa mundo?”

“Hindi totoo ‘yang unfinished business na ‘yan. Patay na tayo, bes. Nang mamatay tayo, wala na tayong karapatang ipagpatuloy pa ang business na ‘yon. The end na ang istorya natin sa lupa. Baka kaya tayo binigyan ng forty days ay para bigyan tayo ng time na mag-adjust sa bagong ‘buhay’ natin bilang mga kaluluwa at linisin ang kaluluwa natin bago tayo tanggapin sa kabilang buhay. Kaya araw-araw, bes, nagdadasal ako at humihingi ng kapatawaran sa kung anumang mga naging kasalanan ko noong nabubuhay pa ako. Iyon na lang ang silbi sa akin ng forty days ko. May twenty-six days pa ako, bes. Twenty six days para malinis ko nang mabuti ang kaluluwa ko. Ikaw, imbes na naghahanap ka ng masasaniban, umpisahan mo na ang paglinis sa kaluluwa mo. Kalimutan mo na kung anuman ‘yang gusto mong malaman. Mas nakakabuting huwag mo nang malaman kung bakit ka nagpakamatay dahil baka hindi mo matanggap kung anuman ‘yon. Chill ka na lang at tanggapin na tegi ka na kaya wala ka nang magagawa kahit pa sakaling malaman mo ang mga sagot sa mga tanong mo.”

Napatitig ako sa Chinese junk na kasalukuyang naglalayag. Naramdaman ko na naman ang bigat sa dibdib ko. Hindi totoong wala nang koneksiyon ang isang kaluluwa sa katawan niya o sa buhay niya bago siya namatay. Dahil may nararamdaman ako sa tuwing nakikita ko ang Chinese junk at ang madilim na Victoria Harbour. Kahit noong hindi ko pa alam na doon ako nagpakamatay, naramdaman ko na iyon.

Pero siguro, tama si Milet. Dapat ko na lang sigurong kalimutan ang paghahanap ng masasaniban para makabalik sa Pilipinas. Dapat ko na lang kalimutan ang pagtuklas sa kung sino ako at kung bakit ako nagpakamatay.

Paano kung tulad ni Milet, wala na rin palang nagmamahal sa akin sa Pilipinas? Paano kung kaya ako nagpakamatay ay dahil may napakasakit na pangyayari sa buhay ko na hindi ko kinayang tanggapin?

BIgla akong nakaramdam ng matinding takot. Natatakot akong malaman kung gaano kalungkot ang buhay ko para hangarin kong wakasan ang sarili kong buhay.

Tumangu-tango ako. “Tama ka, bes. Dapat ko na nga sigurong tigilan ‘tong paghahanap ng masasaniban. Kunsabagay, pagod na rin kasi talaga ako sa kakasubok na sumanib sa kung sinu-sino. Lagi na lang akong haggard sa gabi.” Nagpakawala ako ng malalim na buntonghininga, as if may hininga pa. “So, ano na lang ang gagawin natin sa natitirang days natin sa lupa?” Napaisip ako. “Alam ko na! Mag-disco tayo. Pumunta tayo sa mga masasayang lugar. Kasi baka wala nang ganoon sa kabilang buhay.”

“Disco? Hindi ako marunong sumayaw!”

“Eh, anong pinaggagagawa mo araw-araw?”

“Naghahanap ng mga guwapo at pinapanood silang mag-shower.” Humagikgik ang bruha.

Napasinghap ako. “Bastos kang babae ka! Nagdadasal para malinis ang kaluluwa, ha.”

“Hindi naman mortal sin ang manilip,’no! Tinitingnan ko lang naman. Hindi ko naman sila hinahawakan.”

“Dahil hindi mo sila mahahawakan kahit gustuhin mo!” Umiling-iling ako. “Mas magandang maghanap na lang ako ng masasaniban kaysa gugulin ko ang natitira kong thirty days sa paninilip sa mga lalaki.” Lumutang ako palayo kay Milet na sinabihan pa ako ng “KJ!” at sinabihan ko naman siya ng “Manyak!” bago ako nakalayo.

Aalis na sana ako sa Sky Terrace pero napatingin ako sa isang Pinay na naglalakad palapit sa malaking pusong na hindi ko alam kung yari sa bakal o plastic. May dalawang maliit na puso sa magkabilang side ng giant red heart. Maraming mga papel na pusong nakasabit sa loob ng malaking puso. Nakasulat sa harap ang The Peak I, heart shape at Y.

Sa tantiya ko, kasing edad ko ang Pinay. Ang sabi ni Milet, nasa twenty-six years old na daw ang hitsura ko. Morena ang kulay niya pero maganda ang Pinay. Maamo ang mukha niya. Mas mataas nga lang siya sa akin pero kapareho ko ang built ng katawan. Kapareho ko kaya siya ng qi?

So, what? Hindi na ako interesadong maghanap ng masasaniban. Nakapagdesisyon na ako na sundin na lang si Milet. Hindi ko na aalamin kung sino ako at kung bakit ako nagpakamatay. Hindi ko na hahangaring bumalik sa Pilipinas. Mamamasyal na lang ako sa Hong Kong. Lilibutin ko ang buong bansa hanggang sa oras na sunduin na ako ng liwanag.

Nakita kong huminto sa tapat ng giant heart ang Pinay. Sa totoo lang, ngayon lang ako nagkainteres sa pusong iyon. Ilang beses na akong umakyat sa lugar na iyon habang naghahanap ng masasaniban pero ngayon lang ako na-curious kung ano ang mayroon sa pusong iyon.

Bumaba ako sa tapat ng puso para usyusohin kung ano ang mayroon doon. May mga nakasulat sa heart-shaped little cards na nakasabit sa loob ng puso. Maraming Chinese characters pero meron ding nakasulat sa English.

Ah, alam ko na. Love notes ang mga nakasabit doon. Nagsusulat at nagsasabit ng love notes ang mga tao roon para sa minamahal nila. Bigla tuloy akong na-curious. Na-in love kaya ako noong nabubuhay pa ako? Nagkaroon kaya ako ng boyfriend? Walang singsing ang bangkay kaya naisip kong wala akong asawa. Pero nagmahal na kaya ako? May nagmahal kaya sa akin?

Ilang beses akong umiling-iling. Hindi na ako dapat ma-curious sa buhay ko noong nabubuhay pa ako. Hindi ko na malalaman pa ang sagot sa mga tanong ko. Lumingon ako para umalis na sana pero napatingin ako sa babae.

Nakita ko ang lungkot sa mga mata niya habang nakatingin sa mga card na korteng puso. Brokenhearted ba siya? O naghahangad ng pag-ibig na hindi dumarating?

Lumapit pa siya nang husto sa puso at inabot ang isang card na nakasabit. Oo, may pagkatsismosa talaga ako kaya nang hawakan niya iyon, ang balak ko ay basahin ang nakasulat doon pero bigla niyang binitiwan ang papel na para bang napaso siya.

Nakita ko sa ekspresyon ng mukha ng babae na para bang may pinaglalabanan siya. Umiling-iling siya at hindi na ulit hinawakan ang papel. Hindi ko na tuloy alam kung nasaan ang papel na iyon. Sa dami ng papel na nakasabit doon, hindi ko na alam kung nasaan doon ang hinawakan ng babae.

Tumalikod na ang Pinay at umalis na. Aalis na rin naman ako kaya sinundan ko na lang siya sa pagbaba sa tower. Habang bumababa siya sa tower, napansin kong lumuluha siya.

Baka nga brokenhearted.

“Hay naku, bhe,” kausap ko sa kanya kahit alam ko namang hindi niya ako naririnig, “mag-move on ka na. Nakita ko noong isang araw ‘yong isang lalaki sa bar na no’ng tumalikod ‘yong girlfriend niya, umakbay agad sa ibang babae. Kung ganoon din ang dyowa mo, ‘wag na ‘wag mo siyang iiyakan. Maganda ka. Marami pang ibang lalaki magmamahal sa ‘yo. O kaya naman, maging masaya ka na lang kahit single ka. Hindi ka naman siguro mamatay kung walang lalaki sa buhay mo.”

Sumakay sa tram ang babae kaya umangkas na rin ako roon. Tumayo na lang ako kasi puno na ang tram. Lumuluha pa rin ang babae. Panay ang pagpunas niya ng panyo sa mga mata niya. Bigla kong naalala ang sinabi ng Australian na nakakita sa akin bago ako tumalon mula sa boat.

Baka ganoon rin ang hitsura ko noong araw na iyon. Malungkot, tahimik, nag-iisa at lumuluha. Hindi naman siguro binabalak ng babaeng iyon na magpakamatay na tulad ko. Pero sigurado akong mabigat ang dinadala niya sa dibdib.

Wala naman akong gagawin. Hindi na ako naghahanap ng masasanibang buhay na katawan ng tao. Kaya nag-decide ako na sundan pauwi ang babae. Habang naglalakad siya sa madilim na street, nakasunod ako sa kanya dahil sabi ko nga, wala naman akong ibang pagkakaabalahan.

Hmmm…. Oo na!

Oo na, curious ako. Gusto ko siyang sundan sa uuwian niya para malaman ko kung bakit siya malungkot. Kailangan ko ng mapagkakaabalahan para hindi na ako bumalik pa sa pag-iisip tungkol sa dati kong buhay bago ako namatay. Tsitsismis na lang ako sa buhay ng ibang tao.

Walang katao-tao sa makipot na kalye. Hindi ba natatakot sa daan ang babaeng ito? Bakit siya dumaraan sa ganitong klaseng lugar? Hindi ba siya natatakot sa mga masasamang loob? O sa mga multong tulad ko?

Napansin ko na parang biglang naging unsteady ang paglalakad ng babae. Hanggang sa bigla na lang siyang bumagsak sa lupa. Tumilapon ang hawak niyang cellphone. Mabilis akong nakalapit sa kanya. Nakapikit na siya nang matunghayan ko. Nawalan siya ng malay!

Sa dami ng lugar kung saan puwedeng mawalan ng malay, doon pa sa gitna ng madilim na kalsadang walang katao-tao? Ako lang ang nandoon. Hindi ko naman siya madadala sa ospital.

Lumuhod ako para subukang hawakan ang babae pero tumagos lang ang kamay ko sa kanya. Ang sabi ng wu, kapag naka-thirty days na daw ang isang kaluluwa, puwede na siyang humawak ng mga solid na bagay. Matagal-tagal pa bago ko ma-achieve iyon. Kaya imposibleng mahawakan ko ang babaeng ito. Gusto ko sana siyang yugyugin para gisingin pero hindi puwede.

“Hoy, bhe, gising!” bulyaw ko sa mukha niya. Baka sakaling magising siya. Hindi man nakakahawak ng solid surface ang mga kaluluwa, kaya naman naming magparamdam. Baka maramdaman ng babae ang presensiya ko at iyon ang makapagpagising sa kanya. “Bhe, ‘wag ka diyan sa gitna ng daan. Gising!”

May nakita akong isang lalaking nagdaraan. May hawak siyang sigarilyo pero nakalutang ang mga paa niya. Kaluluwa! Nasa last quarter na ang kaluluwang ito sa extended stay sa lupa kaya nakakahawak na siya ng sigarilyo. Puwede na siyang humawak ng solid na mga bagay, tulad ng katawan ng tao. Pero ang problema, Chinese siya. Paano ko siya makakausap?

“Excuse me,” tawag ko sa Chinese na kaluluwa.

Lumingon siya sa akin.

“Can you help me?”

May sinabi siya sa Chinese language na hindi ko naintindihan.

“Help me. Wake this lady up!” turo ko sa babaeng walang malay.

Ngumiwi ang Chinese na kaluluwa at sumenyas na hindi niya ako naiintindihan. Napabuntonghininga na lang ako nang lagpasan niya ako. Obviously, kahit sa mga kaluluwa, may language barrier pa rin.

Wala akong nagawa kundi ang maghintay ng buhay na taong magdaraan sa kalye pero nang may dumating, nanghilakbot ako. Dalawang Chinese na mukhang gusgusing goons ang paparating. Imposibleng tulungan ng mga ito ang babaeng walang malay.

Kawawang babae. Brokenhearted na nga, mukhang mahahalay pa!

Nakita ko ang pagsingasing ng isang lalaki nang makalapit sa babaeng walang malay. Halatang nagkainteres ang mga goon. Kitang-kita ko kung paano nila hinagod ng tingin ang babaeng nakalilis pa ang palda. Narinig kong nag-uusap ang dalawang lalaki pero hindi ko maintindihan dahil Cantonese. Luminga-linga sila sa paligid na parang tsine-tsek kung may makakakita sa kanila.

“‘Wag!” singhal ko sa kanila pero siyempre, hindi nila ako narinig. “Mga walanghiya kayo! ‘Wag n’yo siyang gagawan ng masama!”

Binulyawan ko sila sa mukha. Nakita ko na parang natigilan ang isang lalaking may balbas pero saglit lang at nakangisi na naman. Hindi tumatalab ang pagpaparamdam ko. Hanggang sa makita kong binubuhat na ng isang lalaking kalbo ang walang malay na babae.

Hindi! Hindi puwedeng mapahamak ang babae! Kailangan kong gumawa ng paraan. Kailangang magising ng babae bago pa siya madala sa isang pribadong lugar.

Pero paano? Paano ko siya magigising? Ano ang magagawa ng isang kaluluwang tulad ko? Kung buhay lang sana ako, may magagawa siguro ako para pigilan sila. O kaya naman, kung makakasanib lang sana ako sa babaeng iyon, itatakbo ko siya nang mabilis para makalayo sa mga lalaking iyon.

Sa dami ng sinubukan kong saniban, hindi na ako umaasang makakasanib ako sa babaeng iyon pero wala na akong choice kaya sinubukan ko pa rin at baka naman sakaling umubra.

Bumuwelo ako para takbuhin ang walang malay na babaeng bitbit ng lalaki.

 

 

 

 

NAPADILAT ako at nakita ko ang mukha ng pangit na tsekwang kalbo na nakatunghay sa akin. Nakita ko ang pagkagulat sa mukha niya habang nakatingin sa akin.

Doon ko na-realize na nagtagumpay ako. Nagtagumpay akong makasanib sa katawan ng Pinay na kanina ko pa sinusundan!

Mabilis akong kumilos. Tinusok ko ng dalawang daliri ang mata ng lalaking may buhat sa katawan na sinaniban ko. Bumagsak ako sa lupa dahil nabitiwan niya ako pero hindi ko iyon ininda. Kailangan kong makatakas. Mabilis akong bumangon at tumakbo.

Naramdaman ko ang paghabol ng mga lalaki. Binilisan ko pa ang pagtakbo pero mas mabilis ang lalaking may balbas. Nahagip niya ang braso ko. Kusang kumilos ang paa ko at sumipa sa pagitan ng mga hita niya. Nangunyapit ang lalaking napaluhod sa lupa. Ipinagpatuloy ko ang pagtakbo hanggang sa makalabas ako sa mas malaking kalsada. May mangilan-ngilan ng tao sa paligid pero nagpatuloy pa rin ako sa pagtakbo hanggang sa makasiguro akong wala nang sumusunod sa akin.

Isinandal ko ang likod ko sa pader habang hinahabol ko ang paghinga.

Humihinga ako.

Jusko… humihinga ako! Ganito pala ang pakiramdam ng may hininga. Nakalimutan ko na rin ang bagay na iyon. Hindi ko na maalala kung paano ang mabuhay.

Iniangat ko ang mga kamay ko at pinagmasdan ang mga iyon. Buhay na ako. Iba ang katawan ko pero ako iyon. Nabuhay ako sa katawang iyon.

Kung kailan sumuko na ako sa paghahanap ng masasaniban… kung kailan ayoko nang malaman kung sino ako at kung bakit ako nagpakamatay…. Kung kailan hindi na ako interesadong bumalik sa Pilipinas…

O hindi na nga ba?

Sa loob ng sampung araw, wala akong inisip kung hindi ang makasanib sa isang katawan ng buhay na tao at makabalik sa Pilipinas para tuklasin ang pagkatao ko. Ngayong nakasanib na ako sa isang katawan, bakit ko sasayangin ang pagkakataong ito?

Kinapa ko ang maliit na sling bag na nakasabit sa katawan ng babaeng sinaniban ko. Nakapalibot sa katawan niya ang bag kaya hindi nahulog kahit bumagsak siya sa lupa kanina. Ang cellphone lang niya ang nahulog kanina sa lupa. Mabilis kong binuksan ang bag para hugutin ang wallet doon. Tumambad sa akin ang ID ng babae nang buksan ko ang wallet.

Rebecca Solis Miranda ang pangalan ng babae. Twenty-seven years old base sa birthdate na nakasulat sa ID. Hindi tourist ang babae dahil ID sa isang Chinese na kompanya ang hawak ko. Nagtatrabaho siya sa Chiu Liu Qi Corporation. Nakasulat sa Chinese characters ang ilang mga impormasyon kaya hindi ko alam basahin.

Hinugot ko ang company ID para hanapin kung may home address na nakasulat doon. Kailangan kong pumunta sa bahay ng babaeng ito para kunin ang passport niya. Wala akong dapat sayangin na sandali. As soon as possible, kailangan kong makabalik sa Pilipinas para hanapin ang pagkatao ko bilang si Jannica Anne Florencio.

Napahawak ako sa likod ng ulo ni Rebecca nang may kumirot doon. May bukol siya. Baka nakuha niya iyon nang mahimatay siya kanina at bumagsak sa lupa.

NOTE: This preview is unedited.

So, what can you say?

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.