LULUGO-LUGO ako nang makalabas ako sa Philippine embassy ng Hong Kong. Nag-inquire lang ako kung puwedeng magpa-rush ng bagong passport. Tama si Chen Li. Fifteen working days ang kailangang hintayin para magawa ang bagong passport ni Rebecca.

Kahit nakiusap na ako na baka puwedeng i-rush ang paggawa ng bagong passport, hindi ako pinagbigyan ng masungit na babaeng empleyado ng embahada. Hindi raw valid ang reason ko para ipa-rush ang passport ko. Pinangaralan pa ako ng bruha na dapat daw ay matagal ko nang inasikaso ang pagre-report ng pagkawala ng passport ko.

Iyon na lang sana ang tanging pag-asa ko—ang makakuha ng passport nang mabilisan para magawa ko pa rin ang misyon ko. Kaya lang ay hindi ako nagtagumpay.

Useless na ang pagpunta ko rito sa embassy. Useless na ang ginawa kong pagsanib kay Rebecca. Kahit kung sakaling magpasa ako ng requirements bukas para sa replacement passport, hindi ko na magagamit pa iyon dahil hindi ako puwedeng umalis nang malapit na ang kasal ni Rebecca. Magagalit si Chen Li.

At ngayon, wala akong choice kung hindi ang umalis na sa katawan ni Rebecca. Hindi ako matutulungan ng katawang ito sa misyon ko kaya hangga’t may panahon ay aalis na lang ako at maghahanap ng ibang katawang kapareho ko ng qi.

Alam kong posibleng mahirapan na naman akong makahanap ng katawang masasaniban. Pero mas may pag-asa akong magawa ang misyon ko sa ganoong paraan kaysa ang mag-stay pa sa katawan ni Rebecca.

Umuwi na ako sa bahay ni Rebecca para doon isagawa ang pag-alis sa katawan niya. Habang papauwi, sinubukan kong i-cheer up ang sarili ko. Hindi pa huli ang lahat. May pag-asa pa ako kapag nakaalis na ako sa katawan ni Rebecca.

Baka suwertehin na ako sa paghahanap ng bagong masasaniban. Baka makahanap kaagad ako ng kapareho ko ng qi. Baka may passport na ang susunod na masaniban ko. Dadayo ako sa ibang parte ng Hong Kong at baka sa ibang lugar ay marami akong kapareho ng qi.

Kailangan kong maging positive-thinker. Hindi ako puwedeng ma-down. Hindi puwedeng mawalan ng saysay ang extended stay ko sa lupa.

Naglalakad ako sa lobby nang makasalubong ko na naman ang matangkad at guwapong lalaki na nakasalubong ko kahapon. Nakasuot siya ng black hooded jacket at nakataas sa ulo niya ang hood. Awtomatikong nag-curve ang mga labi ko at nginitian siya. Halatang nagtaka na naman siya sa ginawa ko. Inalis ko lang ang tingin sa kanya nang makalagpas na ako sa kanya.

Pinindot ko ang elevator na mabilis namang nagbukas. Wala namang ibang sasakay kaya pinindot ko na ang close pero bago pa maglapat ang dalawang panel ng elevator ay may malaking kamay na pumagitan at pumigil doon.

Nang muling bumukas ang elevator, tumambad sa akin kung sino ang may-ari ng kamay na iyon–ang matangkad na lalaking nakasalubong ko kanina. Matiim ang tingin niya sa akin, parang tipong may panunumbat pero nandoon pa rin ang pagtataka. Baka nainis kasi pinagsarhan ko siya. Pero malay ko ba na sasakay din siya. Ang akala ko, palabas na siya ng building dahil pasalubong kami sa isa’t-isa kanina.

Humakbang siya papasok sa lift at imbes na pumuwesto sa tabi ko, sa harap ko siya tumayo. Paharap pa sa akin. Ako naman ang nagtaka dahil nakatitig pa talaga siya sa akin.

Anong problema niya? Bakit ganoon siya kung makatingin? Parang ang laki ng atraso ko. Parang napagsaraduhan ko lang naman siya ng elevator nang hindi sinasadya.

“What are you trying to do?” malamig na tanong ng lalaki. Pati boses niya, lalaking lalaki ang timbre.

Teka, ano daw? Ano bang nagawa ko? Medyo intimidating ang lalaking ito.

“H-Hindi ko naman alam na papasok ka.”

Kumunot ang noo ng lalaki. Parang hindi iyon ang inaasahan niyang sasabihin ko. Mukhang hindi ang pagsasara ko ng panels ng elevator ang dahilan kung bakit kinokompronta niya ako. May atraso ba si Rebecca sa lalaking ito?

Ibinagsak ng lalaki ang hood sa likod niya at tumambad sa akin ang ulo niyang naco-coveran ng bonnet na itim. Lalo siyang nagmukhang intimidating. Pero dahil ang guwapo, hindi naman ako masyadong natakot.

Kung makatingin siya sa akin parang may atraso ko sa kanya. Ano ba itong lalaking ito? Gangster ba siya? Goon na tauhan ng loan shark? May utang ba si Rebecca sa kanya?

Napansin ko kasi na palagi lang siyang naka-casual clothes. Hindi tulad ni Chen Li na palaging naka-business suit at kagalang-galang ang porma. Itong lalaking ito, mukhang slacker.

“M-May atraso ba ako sa ‘yo?” naisipan kong tanungin dahil baka bigla na lang niya akong saktan at wala pa akong kaalam-alam kung bakit.

Nakita ko ang pag-awang ng mga labi ng lalaki.

Naman, eh. Na-focus tuloy ang tingin ko sa mga labi niya. Ngayon ko lang yata nalaman kung ano ang hitsura ng kissable lips. Ganito pala. Nang muling umakyat ang tingin ko sa mga mata niya, nakita ko ang matinding pagtataka.

Ah, okay. Hindi siguro kasama ang lalaking ito sa mga kapitbahay ni Rebecca na na-inform ni Chen Li tungkol sa pagkawala ng memorya ni Rebecca. Hindi alam ng lalaking ito na hindi ko siya kilala. Pero may atraso nga kaya sa kanya si Rebecca? Sino ang lalaking ito?

Ako naman ang nagtaka nang bigla siyang magbuga ng hangin at mapait na ngumiti.

“Okay. I get it. Siguro nga mas mabuting ganito na lang. Magpanggap na lang tayong hindi magkakilala. Tama. Ipagpatuloy mo na lang ‘yan.”

Naintriga ako sa sinabi ng lalaki. Hmmm… mukhang hindi lang basta kapitbahay ni Rebecca ang lalaking ito. Mukhang parte ito ng buhay ng babae.

Tumalikod na ang lalaki at tiyempo namang pagbukas ng panels ng elevator. Sa floor ding iyon ang baba ko kaya nang lumabas ang lalaki, lumabas na rin ako.

Pinigilan ko ang sarili kong tawagin ang lalaki dahil hindi na mahalagang malaman ko kung sino siya sa buhay ni Rebecca. Aalis na ako sa katawan ng babaeng ito kaya hindi ko na dapat pakialaman pa ang buhay niya.

Sinundan ko ng tingin ang lalaki. Pumunta siya sa bandang hagdan at bumaba roon. Baka hindi sila sa parehong floor ni Rebecca nakatira. O kaya naman, baka may lakad ang lalaki at itutuloy ang paglabas sa lobby. Mukhang sumakay lang siya ng elevator para komprontahin si Rebecca.

Nakaka-curious pero masyado nang malaki ang atraso ko kay Rebecca sa paggamit ng katawan niya at panloloko sa mga tao sa paligid niya. Wala akong karapatang bulatlatin ang buhay niya.

May nakasalubong akong isang lalaki at isang babaeng may dala-dalang beer sa malinaw na plastic bag. Noong gumagala-gala pa lang ako, nasisilip ko sa mga bar ang mga taong umiinom ng beer at siyang-siya sila. Hindi ko na maalala kung ano ang lasa ng beer. Parang gusto kong uminom.

Umiling-iling ako. Kailangan ko nang umalis sa katawan ni Rebecca para bukas ay “magbabalik” na ang alaala niya at aayos na ulit ang buhay niya na medyo ginulo ko. Hindi ko na kailangang um-attend sa dinner kasama ang pamilya ni Chen Li sa makalawa. Thank God.

Bukas, gagala na naman ako sa labas at hahanap ng masasaniban. Back to square one. Haaaay….

 

TINITIGAN ko ang dalawang bote ng Hong Kong Beer. Ubos na agad. Wow. Ang lakas ko palang uminom. O baka naman ang katawan ni Rebecca ang mataas ang tolerance sa alak?

Feeling ko, mahilu-hilo na ako pero kaya ko pa. Kailangan ko pa ng maraming beer kaya tinawag ko ang waiter sa bar para bigyan pa ako ng tatlo pang bote. Gusto kong uminom nang uminom hanggang sa malasing ako. Iyon ang dahilan kung bakit nang tawagan ako ni Chen Li kanina para yayain akong mag-dinner, sinabi kong napagod ako sa kakapunta sa memorable places na inilista niya kaya gusto ko na lang munang magpahinga. Gusto kong mapag-isa para uminom.

He felt bad daw, dahil hindi niya ako masamahan sa mga lugar na iyon. Sobra kasing hectic ang schedule niya. Kailangan niya raw asikasuhing lahat ng trabaho niya at tapusin iyon bago ang kasal nila ni Rebecca. Mahaba-habang leave kasi ang plano ni Chen Li. Isang linggo yata ang honeymoon nila sa Mai Po.

Gusto niya akong pasamahan sa assistant ko pero tumanggi ako. Siyempre ay ayoko nang may kasama dahil hindi ko magagagawa ang mga kailangan kong gawin. Tulad na lang ng pagpunta sa police station para i-check ang development ng kaso ng pagkamatay ko.

Hindi ko alam kung may amnesia talaga ako o ano pero kanina ko lang naalala ang katawan ko sa police station. Masyado siguro akong nag-focus sa paghahanap ng passport ni Rebecca kaya hindi ko naalalang puntahan ang police station para malaman kung may bagong lead sa kaso ng pagkamatay ko o kung may nag-claim na ng bangkay ko.

Kaya hindi natuloy ang balak kong pag-alis sa katawan ni Rebecca dahil kailangan kong pumunta sa police station bilang tao. Kanina, nagpanggap akong hinahanap si Jannica Anne Florencio. Medyo nahirapan pa akong makipag-usap sa mga Hong Konger cops dahil limited ang English nila. Mabuti na lang at may dumating na pulis na medyo marunong mag-English.

Dahil ang akala nila ay hindi ko pa alam na patay na si Jannica, nagpanggap pa akong na-shock nang sabihin nila. Pero ang totoong nakapagpa-shock sa akin ay nalaman kong na-identify na nila ang bangkay at may nag-claim na sa katawan ko.

May nag-claim sa katawan ko! Ama ko raw. Ibig sabihin ay buhay pa ang ama ko.

Ang sabi ng pulis ay galing pa raw sa Pilipinas ang nag-claim ng katawan ko three days ago. Dinala na raw ang bangkay sa Pilipinas.

Three days ago pa pala. Hindi ko na naabutan ang ama ko. Nakabalik na siya sa Pilipinas kasama ang bangkay ko. Kung naabutan ko lang sana siya… nakausap ko sana siya bilang si Rebecca. Natanong ko sana kung ano ang problema ng anak niya at bakit naisipang magpakamatay.

Bakit parang ang lupit ng tadhana sa akin? Bakit parang ayaw niyang malaman ko ang gusto kong malaman? Ang maleta ko, ang passport ni Rebecca at ngayon naman ay ang ama ko. Lahat sana sila ay susi sana para malaman ko ang sagot sa mga tanong ko pero hindi ako pinagbigyang masilayan ni isa sa kanila.

Kaya naglalasing ako ngayon. Hindi ko matanggap na napakalupit sa akin ng tadhana. Patay na ako, eh. Bakit ayaw pa akong pagbigyan na malaman ang pagkatao ko at ang dahilan ng pagpapakamatay ko? Iyon lang naman ang gusto ko.

Kung mayroon man akong bagay na dapat sigurong ipagpasalamat ay nakuha na ng pamilya ko ang bangkay ko. At least ay mabibigyan nila ako ng magandang libing.

Nakaubos na uli ako ng isang bote at sa puntong iyon ay aware akong may tama na ako. Pinagmasdan ko ang mga tao sa bar na pinuntahan ko. Malapit lang iyon sa condominium building na tinitirhan ni Rebecca.

Lahat sila, may kasama sa table. Ako lang yata ang mag-isang umiinom. Nakakalungkot. Bakit ganoon? Bakit parang hindi nabura ng alak ang lungkot na nararamdaman ko? Siguro kailangan ko pang umubos ng isa pang bote. Baka sakaling mawala na ang lungkot ko.

 

ANG SAKIT-sakit ng ulo ko nang gumising ako kinabukasan. Mga ilang minutes pa akong nakapikit at sapo ang ulo nang ma-figure ko ang dahilan kung bakit masakit ang ulo ko. Uminom ako ng limang bote ng beer!

Napadilat ako at tiningnan ang paligid ko. Nakahiga ako sa kama ni Rebecca. Mabuti naman pala at kahit nalasing ako kagabi, nagawa kong makauwi.

Pumikit ulit ako dahil pati yata mga mata ko, masakit pero maya-maya, bigla akong napadilat ulit nang may malabong alaalang pumasok sa isip ko. Hindi ako umuwing mag-isa. May naghatid sa akin!

Lalaki! Lalaki ang naghatid sa akin. Hindi ko maalala ang mukha pero alam kong lalaki iyon dahil binuhat niya ako. Napatutop ako ng bibig. Hindi kaya… si Chen Li iyon? Baka tinawagan siya ng may-ari ng bar para ipasundo ako. Number lang niya ang nasa naka-save sa cellphone ko.

Napangiwi ako. Nakakahiya. Hindi ko alam kung sadyang umiinom si Rebecca at nagawa na niyang maglasing ever. Pero kung hindi pa, baka na-turn off sa kanya si Chen Li. Sino ba ang gustong magpakasal sa babaeng lasengga?

Naalala ko kung paano ako sumuray-suray at kumanta nang malakas kagabi sa drunken voice ni Rebecca. Nagsuka rin yata ako sa kalsada. Kasalanan ko kapag hindi natuloy ang kasal nila.

Kailangan kong gumawa ng paraan para malinis ang image ni Rebecca. Magdadahilan na lang ako na napainom ako dahil na-frustrate ako sa kalagayan ko bilang amnesiac. At sasabihin ko na hindi ko na uulitin iyon kahit kailan.

Napabaling ako sa side table na may aluminum basin. Kahit hindi ko silipin, alam kong may tubig at face towel iyon. Mukhang pinunasan din ako ni Chen Li kagabi para presko ang pagtulog ko. Nakahinga ako kahit papaano. Kung pinagkaabalahan niya akong linisan habang natutulog, ibig sabihin, hindi siya galit o na-turn off kay Rebecca.

Mukhang mahal na mahal talaga ni Chen Li ang fiancée. Nakakainggit si Rebecca. May isang tulad ni Chen Li na nagmamahal sa kanya. Sana, minsan sa buhay ko, may nagmahal din sa akin nang ganoon.

Panahon na siguro para ibalik ko na si Rebecca sa soon-to-be husband niya. Wala nang saysay ang pananatili ko sa katawang ito. Kailangan ko nang umalis para maghanap ng bagong katawang masasaniban. Hindi ako titigil sa paghahanap hanggang sa magtagumpay ako sa misyon ko, hanggang sa makabalik ako sa Pilipinas at malaman ang kailangan kong malaman.

Kakain lang muna ako ng almusal at iinom ng gamot sa sakit ulo at kapag hindi na masakit ang ulo ni Rebecca, aalis na ako sa katawan niya.

May narinig akong cellphone na nagba-vibrate at hinanap ko kung nasaan iyon. Nakita ko ang maliit na sling bag sa tabi ng side table. Inabot ko iyon at kinuha mula roon ang cellphone ko.

Tumatawag si Chen Li! Obviously, hindi siya natulog sa condo unit ni Rebecca. Baka umuwi rin siya kagabi o kaya naman, maagang umalis. Bumangon ako at sumandal sa headboard ng kama bago tinanggap ang tawag.

“Good morning, sweetie,” bungad ni Chen Li. Warm naman ang pagbati niya. Mukhang bale-wala nga talaga sa kanya ang pinaggagawa ko kagabi.

“G-Good morning…”

“Did you just wake up?”

“Yes.”

“Wow. Aren’t you oversleeping?”

Tinapunan ko ng tingin ang orasan sa side table. Alas diyes na ng umaga. Natural lang naman siguro na mag-oversleep kapag nalasing.

“I texted you first thing in the morning. Sabi ko, tawagan mo ako kung gising ka na. You didn’t call kaya tinawagan na kita. Nagising ba kita?”

“Hindi naman.”

“So, what’s your plan for today?”

Hindi man lang ba niya tatanungin kung may hangover ako? Talaga bang hindi niya babanggitin ang tungkol kagabi? Baka ayaw niya akong mapahiya kaya hindi niya binabanggit.

“I am available at lunch time. I’ll pick you up? Dadalhin kita sa isa sa restaurants na parati nating pinupuntahan.”

Aalis na ako sa katawan ni Rebecca maya-maya. Pagdating ni Chen Li dito, ang totoong Rebecca na ang mararatnan niya.

“Okay.”

“Great. So, ‘see you?”

“Yes.”

“Okay. I’ll hang up now—”

“Teka,” habol ko. “Salamat kagabi.” Kahit pasasalamat man lang ay maipaabot ko sa kanya. Iyon na ang huling pag-uusap namin ni Chen Li. Kahit katawan ni Rebecca ang inasikaso niya kagabi, ako pa rin ang nakalasap niyon.

“Kagabi?” Nag-pause si Chen Li na para bang iniisip pa kung ano ang tinutukoy ko. “Anong ginawa ko kagabi para ipagpasalamat mo?”

Nagtaka ako. Sinasadya niya bang hindi buksan ang tungkol sa nangyari kagabi?

“Ah! Dahil ba hindi kita pinilit na saluhan ako sa dinner at hinayaan kitang magpahinga kagabi? Wow, sweetie. Ang liit na bagay niyon. Parang mas naging appreciative ka yata ngayon kaysa dati.”

Hindi niya sinasadyang iwasang pag-usapan ang nangyari kagabi. Mukhang talagang hindi niya alam! Kunwari na lang ay tumawa ako nang bahagya para itago na naguguluhan ako.

“May… may itatanong ako. Curious lang ako. Umiinom ba ako ng alak?”

“No, you don’t. I’ve never seen you drink alcohol, miski wine. You hate alcohol.”

Napanganga ako. Ang sama ko! Nilagyan ko nga alak ang katawan ni Rebecca, eh hindi pala siya umiinom!

Umalingawngaw sa isip ko ang pangalawang pangungusap na binanggit ni Chen Li. Ibig sabihin, hindi siya ang naghatid sa akin dito kagabi!

“Bakit mo natanong?”

“W-Wala lang. May narinig kasi akong babaeng kapitbahay na nagwawala kagabi sa labas ng pinto ko. Mukhang lasing.”

“You’re not that kind of girl, sweetie.”

Nagpaalam na kami sa isa’t-isa ni Chen Li pero nakadikit pa rin ang cellphone sa tainga ko. Hindi ako makakilos sa pagkamangha. Sino ang naghatid sa akin dito kagabi?