SA HALIP na ma-disappoint, natuwa pa ako nang mag-text si Chen Li na hindi siya makakapunta sa bahay para sunduin at samahan ako sa memorable places na maaari raw makapagpabalik ng nawawala kong memorya bilang si Rebecca. May biglaang napakaimportanteng appointment daw siya. He felt bad daw na kailangan niya muna akong iwan para sa trabaho pero babawi raw siya bukas.

Ibig sabihin, malaya akong makakakilos para hanapin ang passport ni Rebecca. Hindi ko kailangang sumama kay Chen Li sa mga lugar na pagdadalhan niya sa akin at hindi ko kailangang sumakay sa Hong Kong Kong Junk.

At higit sa lahat, hindi na muna didikit ang balat niya sa akin at hindi ko na muna makikita ang mga ngiti niya. Ayokong tuluyang maakit sa lalaking iyon.

Ito ang magandang pagkakataon para bumalik sa opisina dahil wala roon si Chen Li. Ang sabi niya kanina ay pupunta siya sa Macau para sa isang mahalagang meeting. Ang alam ko ay ibang bansa na ang Macau kaya ang akala ko pa nga ay mag-o-overnight siya roon pero uuwi rin daw siya dahi katabi lang pala ng Hong Kong ang Macau. May ferry na naglalayag mula Hong Kong hanggang sa doon. Mahigit isang oras lang daw ang biyahe papunta roon. Kahit sa Macau ay hindi ako puwedeng pumunta dahil walang passport si Rebecca.

Babalik ako sa private office ko at susubukang buksan ang safe. Iyon ang plano ko ngayong araw na ito. Kaya pagkatapos kong magluto ng agahan ko at mag-almusal, naligo na kaagad ako at gumayak para umalis.

Paglabas ko sa condo unit ay may nakita akong isang ginang na singkit na nakatayo sa labas ng bukas na pinto ng kabilang unit. Ngumiti ang ginang sa akin

Jóusàhn, Becca!”

Narinig ko iyong ipinambati sa akin ng mga subordinate ni Rebecca sa opisina. “Good morning” siguro ang ibig sabihin niyon.

Jóusàhn!” bati ko pabalik habang nakangiti.

Hindi pa alam ng mga kapitbahay ni Rebecca na may “amnesia” siya kaya kinausap ako ng ginang na halatang hindi niya alam na hindi ako nakakaintindi ng Cantonese. Wala akong naintindihan sa mga sinabi niya. Baka may itsinitsismis na siya pero wala akong kamalay-malay. Tumawa na lang ako nang tumawa siya. Buti na lang at may tumawag sa kanya galing sa loob ng bahay niya kaya nagpaalam na kaagad siya sa akin.

Bai-bai!” sabi ko na lang.

Bukas na bukas rin, ipapasabi ko kay Chen Li sa mga kapitbahay ni Rebecca na may “amnesia” ako para hindi na ako magmukhang tanga sa kakatango at kakangiti habang kinakausap nila ako sa Cantonese.

May nakasalubong akong matandang tsinito sa hallway na binati ako ng “Jóusàhn, Becca!”

Ibinalik ko rin ang bati. Buti na lang at hindi niya ako tsinika. Nag-pass by lang siya.

Pagdating ko sa lobby, malayo pa lang ay nakita ko na ang isang matangkad na lalaking mukhang pure Pinoy.

Hindi kasi siya kasing putla ni Chen Li. Hindi rin naman siya negro. Tama lang ang kulay niya. Hindi siya singkit, hindi rin naman malaki ang mga mata niya. Tama lang. Mas matangkad siya kaysa kay Chen Li. Five-nine lang yata ang taas ng fiancé ni Rebecca. Samantalang ang lalaking ito, over six feet yata ang height. Very manly ang facial features niya. At sa totoo lang, guwapo siya. Pamatay ang jawline. Mukha siyang male ramp model sa tindig. Plain white shirt at faded denim jeans lang ang suot niya pero ang lakas ng dating.

Tumingin siya sa akin nang malapit na kaming magkasalubong. Nginitian ko siya dahil naisip kong baka magkakilala rin kami.

Jóusàhn!” bati ko habang papasalubong sa kanya. Babatiin ko sana ng “magandang umaga” pero naisip ko na kahit mukhang Pinoy siya, baka laking Hong Kong pala at hindi marunong mag-Tagalog.

Mukhang natigilan ang lalaki habang nakatingin sa akin. Para bang hindi niya inaasahang babatiin ko siya. Huminto siya sa paglalakad pero nagpatuloy ako hanggang sa makalampas ako sa kanya.

Baka hindi doon nakatira sa building na iyon ang lalaking iyon at hindi sila magkakilala ni Rebecca kaya siguro nagkataka ang lalaki na binati ko siya. O kaya naman, baka dahil hindi friendly si Rebecca at hindi niya ugali ang unang bumati sa bawat makasalubong.

 

HAGGARD na ako pero hindi ko pa rin mabuksan ang safety deposit box ni Rebecca.

Kagabi, binasa ko ang planner ni Rebecca at baka ‘ika ko naisulat niya roon ang passcode ng safe niya. Wala. Tsinek ko rin kung diary ang isa sa mga notebook na nakatago sa drawer niya pero walang diary na posible sanang pagsulatan niya ng mga sekreto tulad ng passcode.

Stuck ako sa planner na puro business appointments ang laman. Wala man lang birthday reminder. Sa mismong araw ng kapanganakan niya, blangko ang square. Naisip ko na baka hindi sentimental na tao si Rebecca kaya hindi siya mahilig magsulat ng mga may kaugnayan sa birthday, anniversaries at special occasions sa planner niya.

Kaya kagabi, nakipagpalitan ako ng text messages kay Chen Li para lang itanong ang birthday ng parents ni Rebecca, death anniversary ng mga ito at mahahalagang petsa para sa fiancée. Ibinigay naman niya ang lahat ng hinihingi ko. Lahat ng number combinations na mula sa mga petsang iyon, sinubukan kong i-punch sa safe pero bigo pa rin akong makuha ang tamang passcode.

Anong passcode mo, Rebecca? Kung puwede ko lang gisingin si Rebecca sa loob ng katawan niya, ginawa ko na para lang itanong iyon.

Nakarinig ako ng katok mula sa glass door at sumungaw si Lien Hua. May bitbit siyang tray na may lamang teapot at cup.

“Ma’am,” tawag ng assistant sa akin. “I brought you tea.”

Napatayo ako mula sa pagkakasalampak sa lapag. “Tea?”

Tumango si Lien Hua habang nakangiti. “This is your favorite tea. Baihao Yinzhen. It’s a white tea.”

Humigop ako ng tsa pero naibuga ko rin iyon dahil napakapakla! “What kind of taste is this?” Inilapag ko ang cup sa table.

“I didn’t do anything, ma’am. That’s the same exact blend that you prefer.”

Puwes, ampangit ng taste ni Rebecca!

“You’ve forgotten even your taste in tea, ma’am?” Halata ang simpatya sa mukha ni Lien Hua.

Naalala ko nang kumain kami ni Chen Li sa Spring Deer. Hindi ko rin nagustuhan ang ilan sa mga pagkaing in-order niya para sa akin na sabi niya ay palaging kinakain ni Rebecca kapag nandoon kami.

Pareho nga siguro kami ng qi ni Rebecca pero hindi kami magkapareho ng panlasa. Pero katawan niya ito, dapat ay ang tastebud niya ang gumagana at hindi ang sa akin.

Isa lang ang ibig sabihin niyon. Ako talaga ito. Si Jannica Anne Florencio. Kahit iba ang katawan ko, lahat ng ikinikilos ko, iniisip ko, nararamdaman ko at maging nalalasahan ko ay galing sa akin at hindi kay Rebecca. Ganito pala kapag nakasanib ang ibang kaluluwa sa katawan ng iba. Parang pag-aari ko na talaga ang katawang ito… pero sa limitadong oras.

And on that note, kailangan ko nang mabuksan ang safe box dahil umaandar ang oras na iyon. Ipinalabas ko na lang kay Lien Hua ang tsa at nagpa-serve na lang ng kape. Natuklasan kong gusto ko ang coffee with cream at isang cube ng sugar dahil nagtimpla ako ng instant coffee sa bahay ni Rebecca kanina at nagustuhan ko iyon.

Tama ako. Unti-unti kong makikilala ang sarili ko habang nasa katawan ako ni Rebecca. Sana, bago ako umalis sa katawan niya, kilalang-kilala ko na ang buong pagkatao ko… pati kung bakit ako nagpakamatay.

 

NAKATANAW lang ako sa labas ng bintana ng taxi na sinakyan ko paalis ng opisina. Sumuko na ako sa pagsubok na mabuksan ang safe box. Naisip ko na hindi naman siguro ilalagay ni Rebecca ang passport doon. Hindi naman siguro yari sa ginto ang passport niya para i-lock niya nang bongga doon. Kaya malamang na nagsasayang lang ako ng pagod at oras sa pagsubok na buksan ang safe na iyon.

Kung anuman ang laman niyon, malamang na classified office documents ang mga iyon dahil sa opisina nakalagay ang safe box at hindi sa bahay niya.

Dalawa na lang ang nakikita kong paraan para ma-locate ko ang passport ni Rebecca. Una, ang tanungin kay Chen Li mismo kung nasaan ang passport ni Rebecca at kailangang siguruhin ko na sasagutin niya ng eksaktong sagot ang tanong ko. Pero magtatanong siya kung bakit kailangan ko ang passport ni Rebecca. Kailangan kong makaisip ng magandang alibi para doon.

Pangalawa, ang kontakin si Cecilla. Siya lang ang nag-iisang close friend ni Rebecca, ayon kay Chen Li. Kaya posibleng may alam siya sa kinaroroonan ng passport ng kaibigan niya. O kung nawawala man iyon, masasabi niya sa akin iyon. Pero paano ko makokontak si Cecilla?

Nabanggit ni Chen Li kagabi nang tanungin ko si Cecilla sa kanya na wala siyang contact number ng babae. At ito pa ang masama, bago daw umalis si Cecilla, nag-away daw sila ni Rebecca.

Hindi alam ni Chen Li kung ano ang dahilan. Ayaw raw ikuwento ni Rebecca ang nangyari at hindi na raw nagpilit si Chen Li na malaman ang ipinagkagalit ng magkaibigan dahil nirerespeto niya ang privacy ng fiancée. Matindi raw siguro ang pinag-awayan ng magkaibigan dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin nagkokontakan ang dalawa.

Mukhang stuck ako sa unang paraan. Kakausapin ko si Chen Li bukas kapag nagkita ulit kami.

Natigilan ako nang makita sa sidewalk ang isang babaeng may hila-hilang maleta. Actually, sa pink na maleta napako ang tingin ko. Napasinghap ako nang may maalala ako.

Ang maleta ko sa Mirador Mansion!

Ngayong may katawan na ako, puwede ko nang hawakan iyon! Nasa loob ng maletang iyon ang ilang parte ng pagkatao ko. Baka makakita ako doon ng clue tungkol sa dahilan ng pagpapakamatay ko! Baka nga may diary pa ako sa maletang iyon. O kaya naman ay suicide note.

Come to think of it, kahit hindi ko makita ang passport ni Rebecca, kahit hindi ako makabalik sa Pilipinas, puwede kong matuklasan dito at ngayundin mismo ang dahilan ng pagpapakamatay ko!

Bakit ngayon ko lang naisip ito?

“Take me to Mirador Mansion, please,” sabi ko sa driver.

“Nathan Road?”

“Yes, yes!”

Pinagsalikop ko ang mga kamay ko. Please, sana may diary ako sa loob ng maletang iyon. O kung wala, sana man lang kahit suicide note na may clue sa dahilan ng pagpapakamatay ko.

 

TULALA ako habang naglalakad palabas ng Mirador Mansion. Mukhang nahuli ako ng dating. Wala na roon ang maleta ko. Itinapon na raw noong isang araw dahil dumadagdag pa sa sikip ng bodega.

Nagpanggap ako na kaibigan ni Jannica Anne Florencio at sinabi ko na pinapakuha sa akin ng kaibigan ko ang maleta niya. Hindi pa ako kaagad naniwala na wala na sa bodega ang maleta ko. Papuslit pa akong pumasok sa bodega kung saan namin nakita ni Milet ang maleta para hanapin iyon.

Wala na nga roon.

Malamang na nasa dumpsite na iyon. O kaya naman, baka may nagkainteres sa mga laman at inangkin na ang mga damit at gamit na naroon. May diary kaya ako sa loob ng maletang iyon? O baka tulad din ako ni Rebecca hindi sentimental na tao para magsulat ng diary?

Nakakapanghinayang. Kung naisip ko lang sanang kunin ang maleta ko nang makasanib ako kay Rebecca, nakuha ko sana iyon. Who knows, naroon pala ang susi para matuklasan ko ang dahilan ng pagpapakamatay ko.

Buti pala at natandaan ko ang address sa Pilipinas na nakasulat sa bag tag ng maleta. Hindi ko nga lang natandaan ang contact number na nakasulat doon. Wala rin naman sigurong use kahit matandaan ko iyon. Malamang na kasama kong nalunod sa dagat ang cellphone ko.

Habang naglalakad ako sa sidewalk nang bagsak ang mga balikat, na-realize kong ang malas ko. Nakahanap nga ako sa wakas ng katawang masasaniban pero nawawala naman ang passport niya at kinailangan ko pang magpanggap na may amnesia at lokohin ang mga tao sa paligid ni Rebecca dahil hindi pa ako makaalis sa bansang ito.

Naisip ko bigla si Milet. Nasaan na kaya ang bruhang iyon? Bakit hindi ko siya nakikita? Nakakakita pa rin ako ng mga kaluluwa kahit nakasanib ako sa katawan ng buhay. Mata ko kasi ang nagpapagana sa eyeballs ni Rebecca kaya siguro ganoon. Sa katunayan, may nakita akong isang kaluluwa ng matandang lalaki kanina sa opisina pero nagpanggap na lang akong wala akong nakita.

Baka kaya hindi ko na siya makita rito sa Kowloon ay dahil nakarating na siya sa Sha Tau Kok sa kakakolekta ng poging masisilipan sa shower.

Gusto kong makita si Milet. Kailangan ko ng kadamay sa pinagdaraanan ko. Alam kong madi-disappoint siya dahil ang akala niya, na-convince niya ako na tigilan na ang pagnanais na tuklasin kung sino ako at ang dahilan ng pagpapakamatay ko. Pero wala naman siyang magagawa dahil buhay ko ito… I mean, kaluluwa ko ito. Gagawin ko kung ano ang gusto ko.

Ayokong panghinaan ng loob na maa-achieve ko ang misyon ko. Malo-locate ko rin ang passport na iyon. Baka nga alam ni Chen Li kung nasaan iyon. Baka nga nasa kanya pa.

Kailangan ko siyang makausap ngayong gabi. Hindi na puwedeng ipagpabukas pa ito. Umaandar ang araw. Tatlong araw at apat na gabi na akong nasa katawan ni Rebecca. Labing-tatlong araw na ang nalalagas sa forty days ko. Kulang isang buwan na lang ang natitira sa taning ko pero bago ang kasal ni Rebecca, kailangang makabalik na siya sa katawan niya. Kaya tatlong linggo na lang ako sa katawang ito.

Tatlong linggo na lang. Kailangan ko nang magmadali.

Inilabas ko ang cellphone ko at pinadalhan ng text message si Chen Li. Naglambing ako na gusto ko siyang makasama ngayong gabi sa isang dinner. Kaya ang sabi ko, pagkagaling niya sa Macau, baka puwedeng dumiretso sa bahay ni Rebecca.

Dinner in your house? You’re going to cook for me?

Cook? Magluluto ako? Ni hindi ko nga alam kung marunong akong magluto. Nakapagprito na ako ng itlog at sausages nang mag-breakfast ako sa bahay ni Rebecca pero hindi ko pa nasusubukan kung marunong akong magluto.

Napansin kong may frozen foods sa ref ni Rebecca at may mga gulay rin sa compartment sa ibaba. Mukhang marunong siyang magluto. Kasama ba sa nakakalimutan ng may amnesia ang knowledge sa pagluluto?

Teka. May nakita akong cookbook sa shelf sa loob ng kuwarto. Susundan ko na lang ang instructions doon.

Yes, sagot ko sa text.

Nice. I’ll be there at around eight.

Okay. See you.

See you. ‘Love you.

Kusang gumuhit ang ngiti sa mga labi ko pero kaagad ko iyong binura nang ma-realize kong hindi ako dapat nagpapadala sa ka-sweet-an ni Chen Li. Si Rebecca ang ina-‘I love you’-han niya at hindi ako.

Hindi na lang ako nag-text back. Mukhang naiintindihan naman niya kung hindi ako nag-a-‘I love you’ back dahil may “amnesia” ako.

 

HINDI pala ako masarap magluto. Nalaman ko iyon nang mapansin kong peke lang ang ngiti ni Chen Li pagkatapos kainin ang mga iniluto ko. Parang ayaw niya lang saktan ang feelings ko. At siguro, naiintindihan niya na kasamang nawala sa memorya ni Rebecca ang kakayahan niya sa pagluluto.

Kunsabagay, hindi rin naman talaga ako masyadong nasarapan sa mga iniluto ko. Masarap sigurong magluto si Rebecca kaya nanibago si Chen Li. Kumbaga, may expectation siya dahil natikman na niya ang luto ni Rebecca.

“Sorry,” nahihiyang sabi ko. “Mukhang nakalimutan ko na rin kung paano pasarapin ang luto ko.”

Mukhang hindi niya ine-expect na sasabihin ko iyon. “This isn’t bad, sweetie. Oo, mas masarap ka ngang magluto kaysa rito. But you’re not you right now so it’s understandable.”

You are not you right now… gagad ko sa sinabi ni Chen Li. Ah, Chen Li, you have no idea na napakaeksakto ng sinabi mo.

“Marami bang nagbago sa akin?” panunubok ko. “I mean, nagbago ba ang ugali ko?” Gusto kong malaman kung may pagkakapareho kami ni Rebecca.

“May mga kakaiba sa ‘yo ngayon pero hindi naman ganoon kalaki ang ipinag-iba ng ugali mo.”

Interesting. Kaya pala magkapareho kami ng qi ni Rebecca. Halos pareho rin pala kami sa personality. Siguro kung nagkakilala lang kami ni Rebecca noong nabubuhay pa ako, naging mag-bff siguro kami.

“Sorry kung hindi ko pa kayang maging sweet sa ‘yo.” Pakiramdam ko, obligasyon kong sabihin iyon. Ayokong ma-turn off si Chen Li sa nangyayari sa fiancée niya. Ayokong maging dahilan para magbago ang feelings niya para kay Rebecca. Ayokong masira ang relasyon nilang dalawa nang dahil sa pagsanib ko. Kailangang matuloy ang kasal nila.

Ngumiti si Chen Li. “I understand, sweetie.” Nabawasan ang ngiti niya at nasilip ko ang pag-aalala sa mga mata niya. “I just hope you regain your memory before our wedding day. Kung hindi, baka hindi mo ako siputin sa kasal natin.”

Nakaramdam ako ng guilt. Hindi dapat ito dinaranas ni Chen Li dahil napakabuti niyang fiancé kay Rebecca. Ginagap ko ang kamay ng tsinoy para bigyan siya ng assurance.

“Babalik ang memory ko bago tayo ikasal. Tiwala lang.”

“Paano kung hindi?”

“Kung hindi, hindi mo na ba ako pakakasalan?”

Sinakop ng isang kamay ni Chen Li ang kamay kong nakahawak sa isa pa niyang kamay. “Ikaw ang inaalala ko. Magpapakasal ka ba sa ‘kin kahit hindi mo maalala na mahal mo ako?”

Tumango ako. “Dahil naniniwala akong mahal mo ako at mahal din kita kahit hindi ko maalala.”

Halatang nasiyahan si Chen Li sa sagot ko. Iyon lang siguro ang kailangan niya. Ang assurance na matutuloy ang kasal nila ni Rebecca bumalik man o hindi ang alaala ng fiancée.

Maya-maya pa ay nakaupo na kami sa couch sa living room at umiinom ng tea na nakita ko sa kusina. Green tea iyon at hindi ang tsa na inihanda sa akin ni Lien Hua kanina. Hindi ko rin gaanong gusto pero pinagtiyagaan ko na lang. Hindi siguro ako tea person.

“‘Yong… ‘yong kasal natin, yari na ba ang lahat ng detalye niyon?” tanong ko. Iyon talaga ang plano ko, ang banggitin ang tungkol sa kasal nila ni Rebecca.

“Almost done. Thanks to our dependable wedding coordinator. In fact, babalik tayo next week sa couturier para makita mo ang gown na ipinatahi mo.”

“Next week?”

Pero dapat nasa Pilipinas na ako niyon! Paano ko makikita ang gown ni Rebecca kung wala na ako niyon? Mukhang sa ayaw ko at sa gusto, masisira ko ang schedule ni Rebecca.

“Ifi-fit ko ba?”

“Hindi puwede, sweetie. We have to be mindful of the superstitions. Elders’ order. Itse-check mo lang ang pagkakagawa ng gown.”

Kailangan pa ba iyon? Kung hindi naman masyadong kailangan, hindi naman siguro makakasira sa kasal kung hindi ko na itse-check ang pagkakagawa sa gown ni Rebecca. “I see,” sabi ko na lang. “Iyon lang ba?”

“Wedding rehearsal pa.”

“Wedding rehearsal? Kailan ‘yon?”

“Two days after our schedule with the couturier.”

“Okay… eh ang sa… honeymoon? Yari na ba ang plano doon?”

Nakita ko ang paglapad ng ngiti ni Chen Li. “I know you’re aiming to ask that question.” Naging mapanudyo ang tingin niya.

Naramdaman ko ang pag-iinit ng mga pisngi ko. Alam ko namang hindi ako makaka-honeymoon ni Chen Li, bakit ba kailangan kong makaramdam ng ganito?

“A-Ano ka ba? Siyempre, kapag may kasal, may honeymoon. Kailangan kong malaman ang plano sa honeymoon. Saan gaganapin? Pupunta ba tayo sa ibang bansa?”

“No, sweetie. We both decided to spend our honeymoon in Mai Po.”

“Mai Po?” Nakita ko sa mapa sa mga gamit ni Rebecca ang Mai Po. Nasa northern part iyon ng New Territories sa Hong Kong.

Hindi sila lalabas ng bansa. Ibig sabihin, hindi kakailanganin ni Rebecca ang passport. Kaya hindi ko maipapasok ang pagtatanong sa passport ni Rebecca. Hindi bale. Mayroon pa akong isang bala.

“Maganda ba doon?”

“I guess so. Actually, hindi pa rin ako nakakapunta roon. Ikaw rin. Kaya nga doon ang napili natin.”

Tumango na lang ako. “Anyway… wala ba akong balak na… na bumisita sa Pilipinas bago tayo ikasal?”

Naramdaman ko na parang natigilan si Chen Li sa itinanong ko.

“Hindi ko man lang ba naisip na bisitahin ang parents ko at ipakilala ka sa kanila? Nabanggit mo kasi na isang taon na akong hindi bumabalik sa Pilipinas. More than a year nang tayo. Nadala na ba kita sa puntod ng parents ko?”

“Wala silang puntod sa Pilipinas.”

“Huh?”

“Nandito na ang remains nila, Becca.” Itinuro ni Chen Li ang cabinet na may salamin. “Nandoon na ang abo nila sa dalawang urns na iyon.”

Natuon ang tingin ko sa dalawang parang vase na may takip na naka-display sa loob ng cabinet na may glass door. Hindi ko napansin ang mga iyon. Akala ko ay mga display lang. Urns pala ang mga iyon at may laman pala ang mga iyon.

Kaya pala nabanggit ni Chen Li na sinabi sa kanya ni Rebecca na wala nang babalikan ang babae sa Pilipinas. Nandoon na pala ang abo ng katawan ng mga magulang ni Rebecca.

“Kailan ko dinala ang mga abo nila rito?”

“Noong huli mong balik galing sa Pilipinas. Ang sabi mo pa nga, wala ka nang balak na bumalik pa doon.”

“Bakit? Wala ba akong mga kamag-anak doon? Wala ba akong uncle, aunt, cousins? Hindi ba sila invited sa kasal ko?”

“You’re not close with your relatives. Lumaki ka kasing malayo sa kanila, geographically and socially.”

“Hindi nga siguro ako close sa kanila, pero wala man lang ba akong kaibigan sa Pilipinas na gusto kong makasama sa kasal ko?”

“I’ve told you before you’re not very friendly. Mapili ka kasi sa kakaibiganin. Well, you had a few not-so-close friends there but you didn’t try to stay in touch with them since you went here. Kaya ang sabi mo, nahiya ka nang kontakin sila para gawing abay sa kasal natin. Sa palagay mo, hindi sila mag-e-effort na magtravel at mag-leave sa work para lang sa ‘yo. Actually, namroblema tayo sa paghahanap ng bridesmaids mo. Ang assistant mo na lang na si Lien Hua ang ginawa mong maid of honor.”

Ang lungkot naman niyon. Wala man lang kaibigan si Rebecca. At nagawa siyang tiisin ni Cecilla. Wala man lang siya ni isang kamag-anak sa kasal niya.

“Gusto kong bumalik sa Pilipinas para makilala ko ang mga kamag-anak ko bago tayo ikasal, Chen Li,” sabi ko. Iyon na lang ang tanging dahilan na naisip ko para makabalik ako sa Pilipinas at maitanong sa tsinoy ang tungkol sa kinaroroonan ng passport ko.

Halatang hindi niya nagustuhan ang sinabi ko.

“Gusto kong malaman kung bakit hindi kami close. Siguro nga, hindi sila close sa akin pero siguro naman, close sila sa parents ko. At saka baka kapag nakita ko sila, bumalik ang alaala ko—”

“I’m too busy with work, Becca. Hindi kita masasamahan.”

“Hindi mo na ako kailangang samahan.”

“You can’t leave. At your current condition, hindi ka dapat mag-travel nang mag-isa.”

“Eh, di pasamahan mo na lang ako sa assistant ko.”

Umiling si Chen Li. Ngayon ko lang siya nakitang ganoon kaseryoso. “I can’t let you go there. I-invite na lang natin ang mga kamag-anak mo rito. Ako na ang bahalang magbayad ng travel expenses nila.”

Hindi ko kailangan ang mga kamag-anak ni Rebecca! Kailangan ko lang makabalik sa Pilipinas!

“Hindi lang naman sila ang gusto kong makita sa Pilipinas. Gusto kong bumalik sa lugar na kinalakihan ko. Gusto kong makita ang dating bahay na tinirhan ko at ng parents ko noong nabubuhay pa sila. Baka sa ganoong paraan, makaalala na ako.”

Halata ang frustration ni Chen Li sa ginawang pagbuga ng hangin at pagsapo ng noo. “You don’t even have your passport. Paano ka makakabalik? Nawawala ang passport mo, Becca. You lost it about a month ago and you didn’t bother to report its loss and get a new one because you’ve been too busy. Ang sabi mo, later mo na aasikasuhin kapag malapit nang mag-expire ang work visa mo.”

Eh, di sinabi mo rin! Na-confirm na rin ang hinala ko. Nawawala nga talaga ang passport ni Rebecca.

“Even if you go to Philippine embassy and report the loss of your passport, kailangan mo pa ring maghintay ng fifteen working days pagkatapos mong maibigay sa kanila ang affidavit of loss. Fifteen working days, Becca. You’ll get your passport a few days before our wedding. Ikakasal ka na, aalis ka pa?”

“Gusto ko lang naman na nakakaalala na ako kapag ikinasal tayo…” pagdadahilan ko. “Pakakasalan mo ba talaga ako kahit hindi ko kilala ang sarili ko? Kahit hindi kita maalala?”

Ginagap ni Chen Li ang kamay ni Rebecca. “Ikaw ang nagsabi na matutuloy ang kasal natin bumalik man o hindi ang alaala mo. Handa akong pakasalan ka kahit wala ka pang maalala. Pagkatapos ng kasal, kung hindi pa rin babalik ang alaala mo, we shall stop trying to regain your memory naturally. Ipapa-psychotherapy na kita para mapadali ang proseso. Kung hindi na bumalik pa ang memory mo, ibabalik ko na lang ang feelings mo para sa akin.”