UMIKOT ang mga mata ni Moana nang marinig na namang ang pamaskong awitin na pumailanlang sa opisina. Gusto na niyang sakalin si Mattie, ang praning niyang officemate na may abnormal penchant sa Pasko dahil nang tumuntong ang unang araw ng Septiyembre, araw-araw na ay nagpapatugtog na ito ng Christmas songs. Araw-araw siyang nakukulili.

Hindi naman hate ni Moana ang Pasko. Gusto niya ang Pasko sa maraming kadahilanan: birthday ni Jesus Christ, Christmas bonus, thirteenth month pay, working holiday with double pay, pa-raffle ng gadgets sa Christmas party, may excuse ang paglaki ng bilbil dahil okay lang lumamon sa holiday season, boss na pansamantalang bumabait for the spirit of Christmas at marami pang iba. Everything about Christmas seemed to be blissful. Everyone seemed to be happy about Christmas. Si Moana lang yata ang hindi gaanong masaya kapag paparating na ang Pasko.

Para sa kanya, parang Valentines’ Day lang din ang Pasko. Ang mga pesteng magso-syota ay walang habas sa pagfo-flaunt na hindi malamig ang Pasko nila. Sweet-sweet-an na naman ang mga ito na akala mo ay Valentines’ Day. Walang pasintabi sa mga single… na tulad niya. At sa mga taong simula nang ipinanganak sa mundo ay palaging malamig ang Pasko… na tulad niya.

Perpetually single ang drama ni Moana. Hindi niya pa rin alam kung paano nangyari na sa kanyang twenty-six years of existence sa mundo ay hindi pa siya nagkakanobyo ni isang beses. Hindi nga mala-diyosa ang ganda niya pero hindi naman siya pangit. Cute naman siya, gaya ng sabi ng mga tao sa paligid niya. Hindi nga slim ang figure niya pero hindi siya mataba. In fact, “seksi” ang tawag sa kanya ng mga tambay sa kanto na akala mo ay parating may nakapasak na pito sa mga bunganga sa tuwing nagdaraan siya. Makinis ang maputi niyang kutis. Five six ang height niya. Hindi naman siya baduy manamit. Maayos naman ang fashion sense niya.

Mabait naman si Moana. Magaling makisama. Masarap magluto. Medyo sablay lang ang boses pero magaling sumayaw. Medyo madaldal nga lang siya pero sa tingin niya ay hindi naman iyon kapintasan dahil ang characteristics niyang iyon ang dahilan kung bakit walang nabo-bore kapag siya ang kasama. Witty raw siya. Maraming funny antics. Medyo makapal ang mukha niya pero mas mainam na iyon kaysa mahiyain. Sweet siya at pasensiyosa. Kung magtataray man siya ay may dahilan naman.

Kaya hindi maintindihan ni Moana kung ano ang ayaw sa kanya ng mga lalaking napusuan niya at bakit madalas na walang nanliligaw sa kanya. Kung magkaroon naman siya ng manliligaw ay madalas na may sabit at gusto lang siyang gawing number two o kaya naman ay playboy at gusto lang siyang gawing fling o di kaya naman ay mukhang kuhol o tambay at walang kakuwenta-kuwentang kausap.

Hindi maintindihan ni Moana kung paanong si Mattie na malditang lumba-lumba ay may dyowang macho at si Cristy na tsismosang mukhang ewan ay may asawang guwapo. Maging ang ma-okray na transgender na si Michie—Michael sa tunay na buhay—ay may fafang foreigner. Bakit siya na mabait, cute, sexy at may matris ay walang boyfriend? Life is so absurd.

Dumating si Moana sa point ng kanyang buhay na nasanay na siyang hindi naghahangad ng nobyo dahil masaya naman siya kahit wala siyang partner. Kapag dumarating lang ang Valentine’s day at Pasko siya naghahangad na sana ay magkanobyo siya para naman hindi siya magmukhang tanga sa mga holiday na iyon. Pagod na rin siya.

Pagod na si Moana na tumunganga sa lovers na nakikita niyang naglalampungan sa publiko. Pagod na siyang i-celebrate ang Pasko nang ang mga magulang ang kasama at palagi siyang third wheel. Hindi tuloy makapagtukaan ang dalawang tanders nang dahil sa presensiya niya. Miski kasi ang nakababatang kapatid niyang si Marvin ay may girlfriend na. Daig pa siya ng maid nilang si Inday na may dyowang textmate gabi-gabi. Pati nga ang alaga nilang asong si Minny ay may asawa na. In fact ay buntis na nga ang bitch.

Kaya masisisi ba si Moana kung gusto niyang upakin si Mattie sa araw-araw ay pagpapatugtog ng Christmas songs? Parang ipinapaalala ng mga awiting iyon na ilang araw na lang ay mapapa-walling na naman siya dahil malamig na naman ang Pasko niya.

Napapitlag si Moana nang may tumawag sa pangalan niya. Nilingon niya si Aira, ang closest friend niya sa opisina. And yes, taken din si Aira. Kunsabagay ay mas maganda sa kanya ang kaibigan kaya hindi siya bitter na may nobyo ito at in fact ay engaged na.

“Dinner tayo mamaya. Tayong dalawa lang. May sasabihin ako sa ‘yo.”

Tumango na lang si Moana at ipinagpatuloy ang ginagawa sa Microsoft Excel. Maya-maya ay nakaramdam siya ng panlalamig. Kinuha niya ang coat na nakasaklob sa backrest ng swivel chair at isinuot. Lumamig nga lang ba ang aircon o sadyang nagsisimula na niyang maramdaman ang malamig niyang pasko?

Lifetime membership ba siya sa Samahan ng mga Malalamig ang Pasko? Hindi na ba niya mararanasan ang may yumakap sa kanya upang bigyan siya ng init sa malamig na panahon?

Tila nag-cue in na tumugtog ang lumang Christmas song mula sa Sexbomb dancers.

Pasko na naman. Bitin pa rin ako… sa pag-ibig na pinapangarap ko…

Putchang buhay ‘to, asik ni Moana sa isip. Kusang kumuyom ang mga palad niya. Hindi na napigilan ni Moana ang sarili dahil pakiramdam niya ay punung-puno na siya. Tumayo siya at tinawag si Mattie nang malakas na nakapagpalingon sa kanya sa lahat ng nasa opisina.

“Patayin mo ‘yan!” singhal ni Moana with gritting teeth. “Ayokong marinig ‘yang kantang ‘yan! I hate that song!”

Suminghap si Mattie at lahat ng mga naroon ay napanganga sa inakto ni Moana. Nang ma-realize na nag-overreact siya ay mabilis siyang umupo at nagtago sa loob ng kanyang cubicle.