PIGIL NA pigil ang ngiti ni Divina nang makita niya sa notifications sa Twitter at Instagram na fina-follow na siya ni Alden. Baka kasi makita siya ni Donya Nidora na sumisingasing at biglang hablutin ang cellphone niya’t malaman pa nito na nagfa-follow-an na sila ng apo nito. Malamang na mag-isip ito na may namumuo sa kanilang dalawa ni Alden, tulad nang kung paano may nabuo sa anak nitong si Amadoro at kasambahay na si Valencia. Siguradong magagalit na naman ang donya at baka ibagsak at tapak-tapakan ang O+ mobile phone niya. Suwerte pa siya kung palayasin lang siya nito. Kasi kung mamalasin siya ay baka ipahabol pa siya ng matanda sa mga Doberman nito.

Mabilis na isinuksok ni Divina ang cellphone sa bulsa ng bib apron na suot nang lingunin siya ni Donya Nidora na kasalukuyang nagpapa-pedicure sa home service na manikurista. Nagpanggap siyang nagha-hum ng kanta habang pinipitik-pitik ang mga daliri sa armrest ng silyang inuupuan sa lanai. Nang alisin ng donya sa kanya ang tingin ay muli niyang dinukot ang cellphone.

Nakagat ni Divina ang pang-ibabang labi sa pagpipigil na mangiti nang makitang ni-like ni Alden ang latest selfie niya sa IG at pati iyong picture ng hindi pa niya nabubuksang isang pakete ng Hany. At nag-comment pa si Alden ng “Pengeng pampangiti.” Tinutop niya ang bibig dahil gusto nang kumawala ng ngiti niya.

Ngiti ba o kilig?

Naglaho ang ngiti niya. Mabilis na umiling-iling si Divina. Hindi dapat siya kiligin dahil lang f-in-ollow siya ng senyorito sa Twitter at IG. Baka bored lang ito habang nasa opisina kaya pinagdiskitahan ang social media accounts niya.

Kasama ba ‘yan sa mga kondisyon? reply ni Divina kay Alden sa IG. Tiningnan ulit niya si Donya Nidora na hindi nakatingin sa kanya.

Yes, reply ni Alden.

Sige. Bigyan ulit kita mamaya, reply ni Divina.

Nag-reply ng smiley si Alden. Hindi na napigilan ni Divina ang pagkumawala ng ngiti.

“Aray!” malakas na hiyaw ni Donya Nidora.

Sa gulat sa malakas na paghiyaw ng donya ay halos maihagis ni Divina ang cellphone. Napatayo siya nang makitang sinipa ng donya ang baklang manikurista na nahulog sa bangkito at napatihaya sa sahig.

“Tonta! Tonta!” singhal ng donya sa manikurista. “Balat na iyong ni-nipper mo! Buwisit ka!”

“Sorry po,” paumanhin ng bakla. “Pero wala naman hong dugo.”

“Wow! At gusto mo pang labasan ako ng dugo bago ako mag-complain! Lumayas ka sa harapan ko! Layas!” nandidilat na utos ng matanda sa manikurista.

Mabilis na iniligpit ng bakla ang mga gamit. Napangiwi si Divina. Saan na naman ba siya kukuha ng manikurista? Lahat na lang ng manikuristang pinapupunta niya sa bahay ay hindi na bumabalik dahil sa takot kay Donya Nidora.

“Eh, ang bayad ko ho?” hirit ng bakla bago umalis.

Halatang lalong nagalit si Donya Nidora. “Hihingi ka pa ng bayad matapos mong i-nipper pati balat ko?”

“Kahit pamasahe lang po?”

“Rogelio! Rogelio!” sigaw ng matanda. “Palabasin ang mga Doberman!”

Sa narinig ay kumaripas ng tumakbo ang bakla palayo. Hahabulin sana ni Divina ang manikurista para bigyan ito kahit pamasahe lang mula sa sariling bulsa pero tinawag siya ng amo.

“Yaya! Dahil palpak ang kinuha mong manikurista, ikaw ang magtutuloy nito.”

“Ho?” Kinabahan si Divina dahil baka ipahabol din siya ng donya sa mga Doberman kapag nagkamali siya sa paglilinis at magma-manicure ng mga kuko nito. Makeup artist at hairdresser siya. Hindi siya manikurista. Pero wala rin naman siyang nagawa kundi sundin ang utos ng amo.

“Ayusin mo, ha,” bilin ng donya.

“Ita-try ko po ang best ko.”

“Anong ita-try? Gawin mo ang best mo.” Nag-twitch ng lips ni Donya Nidora. “Kaya kayong mga mahihirap ay hindi umaasenso sa buhay ay dahil hindi n’yo ginagawa ang best n’yo. Palagi lang ita-try. Walang conviction.”

“Aasenso ho ba ako sa buhay kapag ginawa ko ang best ko sa pagpe-pedicure ko sa inyo?” tanong ni Divina habang inaalis ang cuticles ng matanda. Pinagsisihan kaagad niya ang sinabi dahil nakita niya ang pandidilat ng mga mata ng donya.

“Intrimitida! Ayusin mo ang trabaho mo.”

Ingat na ingat si Divina dahil baka bigla siyang sipain ng matanda kung mani-nipper niya ang balat nito. Awa ng Diyos ay nakaraos naman siya sa paglilinis ng mga kuko ng matanda nang hindi ito nasasaktan. Isinunod na niya ang pagne-nail polish.

Tumunog ang cellphone ni Donya Nidora kaya naputol ang panenermon nito. “Amiga… Oo… Hindi ko pa nasasabi sa apo ko. Really? Kailan ba ang balik ng apo mo galing France? Okay…. Don’t worry, I will talk to my grandson about it. Nakita ko na naman sa picture ang apo mong si Juliana. Maganda siya, matalino and I like her fashion sense. I’m sure, magugustuhan siya ng apo ko.”

Napatingala si Divina sa amo. Talagang irereto ni Donya Nidora si Alden sa apo ng amiga? Naalala niya ang naging pag-uusap nila ng binata isang gabi. Hindi gusto ni Alden ang pagmamaniobra ng lola sa buhay nito. Kaya baka ayaw rin ng lalaki na ireto ito sa apo ng amiga ng lola.

Tumawa ang donya. “Oo naman, amiga. I like that! Ano bang magiging tawag sa ating mga lola kapag nagpakasal ang mga apo natin? Mag-balae rin ba?”

Kasal agad? Ano kayang hitsura ng Juliana na iyon? Maganda daw, matalino at maganda ang fashion sense. Iyon ba ang ideal woman ni Alden? Baka nga magustuhan ng binata ang apo ng amiga ng lola nito. Hindi malayong iyon ang makatuluyan ni Alden. Hindi niya alam kung bakit biglang nabawasan ang sigla niya sa naisip.

“Anong ginagawa mo?!” puna ni Donya Nidora.

Napasinghap si Divina nang ma-realize na gumagalaw pala nang kusa ang kamay niyang may nail polish applier habang nakatingin siya sa kawalan at iniisip si Alden. Kalat-kalat ang red nail polish sa toes ng matanda nang matingnan niya. Dahan-dahan niyang iniangat ang ulo at nasalubong niya ang nanlilisik na mga mata ng matanda.

 

HUMIHIGOP ng Mik-Mik sweetened choco powder snack si Divina nang biglang may pabiglang humawak sa mga balikat niya. Nagulat siya at muntik nang mahigop pati ang maliit na straw na nakaipit sa mga labi.

“Ay, anak ng putakti!” naibulalas niya.

Tumawa si Alden at tumabi sa kanya sa hagdan na malapit sa lanai. “Ano ‘yan, ha? Ano yang sinisinghot mo diyan?”

“Hindi ako sumisinghot. Humihigop. Gusto mo?” Binigyan ni Divina ng isang sachet ng Mik-Mik at isang maliit at manipis na straw si Alden na tinanggap naman nito. “Masarap ‘yan.”

“Ano naman ‘to? Ba’t may straw pa?” nagtatakang tanong ni Alden habang binabasa ang label ng sachet.

Ipinakita ni Divina ang sachet na kasalukuyang hinihigop. “Ganito lang. Buksan mo tapos higupin mo.” Humigop siya. “Isa rin ito sa mga pampangiti ko.”

“This is weird,” komento ni Alden habang tinititigan ang straw. “Why would you sip powder?”

“Just because.” Humagikgik si Divina sa pagta-trying hard na sumagot sa Ingles. “Akina. Bubuksan ko para sa ‘yo.” Binawi ni Divina ang sachet sa kamay ni Alden at pinilas ang dulong bahagi. Pagkatapos ay muling inabot iyon sa senyorito. “Hayan. Isuksok mo riyan ang straw.”

Sinunod nga ni Alden at humigop ito. Tila napalakas ang paghigop nito kaya umubo ito. Mukhang dumiretso sa lalamunan ang hinigop ng senyorito.

“Sir!” Nataranta si Divina at napaisod nang husto kay Alden. Hindi niya alam kung anong gagawin. Hinagod niya ang likod ng senyorito at pinalo-palo ito sa likod. Naalala niya na may bottled water siyang dala nang magtungo siya doon kanina kaya mabilis niyang hinablot iyon at ipinainom sa binata.

“Okay ka na?” nag-aalalang tanong ni Divina. Bumaling sa kanya si Alden matapos hagurin ang lalamunan at dahil kay lapit niya sa binata ay halos magkadikit na ang mga mukha nila. Niyon lang na-realize ni Divina na sobrang close nila ng senyorito. Nagtama ang paningin nila. Napatulala siya. Bakit ganoon makatingin si Alden? Bakit tinititigan siya nito sa mga mata nang matiim?

Wala sa loob na bumaba ang tingin ni Divina sa mga labi ng binata na mamasa-masa pa dahil marahil sa tubig na ininom. Napalunok siya. Mabilis niyang inalis ang kamay sa likod ng binata at umisod palayo rito. Hindi na siya makatingin kay Alden na sa gilid ng mga mata ay nakita niyang nakabaling pa rin sa kanya.

Alam ni Divina na kailangan niyang magsalita. Kung hindi ay baka isipin ni Alden na naapektuhan siya sa pagkakalapit nila nang husto at may ibig sabihin ang pagtapon niya ng tingin sa mga labi nito. “Mukhang… mukhang hindi puwede sa ‘yo ang Mik-Mik. Ito na lang. Haw-Haw.” Inabot niya sa binata ang tatlong piraso ng milk candy.

Nang maglakas ng loob si Divina na muling tingnan si Alden ay nakita niya ang ngiti ng binata. Nakalabas ang dimple nito. Nakasungaw ang pagkalibang sa mga mata ng senyorito.

“Haw-Haw?” gagad ni Alden na mukhang naaaliw na ininspeksiyon ang candy wrapper.

“Haw-Haw de carabao.” Itinuro niya ang kalabaw sa label.

Tumawa si Alden. “Oo nga, no?”

“Hindi mo na kailangang higupin ‘yan. Kaya hindi ka na masasamid diyan.”

“Haw-Haw. Mik-Mik. Funny product names.”

“Comfort food ko ang mga ‘yan.”

“I noticed you like sweets.”

“Kailangan ko ng sweets.” Luminga-linga pa si Divina sa paligid at pabulong na dinugtungan ng, “kasi puro pait ang nalalasahan ko kapag kasama ko ang lola mo.” Nang mga sandaling iyon ay nasa library si Donya Nidora at kausap ang amiga sa cellphone. Pinaalis marahil siya dahil gustong maging pribado ang pakikipag-tsikahan sa amiga.

Tumawa si Alden at bumulong din. “Do you realize you are actually talking to her grandson?”

“Aminado ka rin naman na masungit ang lola mo, eh.”

Ngumisi si Alden at sinimulang buksan ang candy. “I think I need sweets, too.”

“Hingi ka na lang sa akin kapag gusto mo pa.” Bumalik si Divina sa paghigop sa Mik-Mik.

Kinain ni Alden ang Haw-Haw.

“Hindi ka ba magsi-swimming?” bigla na lang lumabas sa bibig ni Divina habang pinipilas ang isang wrapper ng Haw-Haw. Nakita kasi niya kanina sina Neneng at Tekla na aligaga at nagbubulungan. Halatang excited at naulinigan niya ang mga salitang “senyorito” at “swimming.” Nahulaan niyang inaabangan ng dalawa na mag-swimming ulit si Alden para manilip na naman ang mga ito.

Hindi natuloy ang pagkagat ni Divina sa candy dahil nang muli niyang balingan si Alden ay napuna niyang nanunudyo ang tingin at ngiti nito habang nakatingin sa kanya.

“Bakit? Manonood ka ulit?”

Nanlaki ang mga mata ni Divina. “Huh?” Nahuli nga pala siya ni Alden sa verandah habang nasa pool ito noong huling nag-swimming ang binata. “H-Hindi, ah!”

“Sinisilip mo ako no’n from verandah, ‘di ba?”

“Hindi, no!” Nag-iwas ng tingin si Divina at nagpanggap na busy sa paghigop ng Mik-Mik.

“‘Wag ka nang magkaila. Nahuli kita.”

“Hindi ako nakatingin sa abs mo. Doon ako sa swimming pool nakatingin.”

Tumawa si Alden.

Natutop ni Divina ang bibig. Ano ba iyong nasabi niya? Parang sinabi na rin niyang nakita niya ang abs ng  binata. Nagbukas ulit siya ng panibagong pakete ng Mik-Mik at muling humigop. Pilit nilalabanan ang awkwardness sa pinag-uusapan nila.

“Para sa ‘yo, magsi-swimming ako ngayon.”

Sukat sa sinabi ni Alden ay napalakas ang higop ni Divina sa straw at dumiretso sa lalamunan niya ang choco powder. Umubo-ubo siya. Sa pagkakataong iyon ay si Alden naman ang umisod palapit sa kanya at humagod sa likod niya. Inabot nito ang tubig at pinainom siya. Nang lumuwang ang lalamunan ay napabaling siya kay Alden na kay lapit sa kanya. Muli ay nagtama ang paningin nila. Nakalimutan niyang nasamid siya dahil sa kaguwapuhan nito.

“Are you okay now?” kung makatanong si Alden ay parang totoong nag-aalala ito sa kanya.

Pinilit ni Divina ang ubuhin ulit para makaiwas sa titig ni Alden. Nang maramdaman niya ang palad ni Alden na nagsimula uling humagod sa likod niya ay parang biglang nanigas ang likod niya. “O-Okay na ‘ko. Thank you. Baka hinahanap na ako ni Senyora. Maiwan na kita.” Tumayo na siya at iniwan si Alden.

Tumuloy si Divina sa kusina at idinikit ang likod sa refrigerator. Mga ilang segundo siguro siyang tulala bago siya nahimasmasan.

Lord, bakit ang guwapo niya? himutok ni Divina sa isip. Napakalapit ni Alden kanina sa kanya. Hinagod nito ng palad ang likod niya. Parang nadarama pa rin niya ang init ng palad ng binata sa likod niya. At ininuman niya ang bibig ng bottled water na ininuman nito. Para na rin silang nag-kiss!

Sumadsad ang likod ni Divina pababa sa pinto ng ref. Lord, ba’t kinikilig ako? Pero kaagad din siyang tumayo at umiling-iling. Hindi dapat siya kinikilig sa senyorito. Hindi siya pumunta sa mansiyong iyon para maghanap ng kakikiligan. At hindi rin dapat niya binibigyan ng kahulugan ang panunudyo ni Alden. Alam niyang nagbibiro lang ang lalaki nang sabihing magsi-swimming ito para sa kanya. Medyo may pagka-pilyo lang talaga ito. At baka bored lang ang senyorito kaya siya ang napagdiskitahan.

 

NAGLALAKAD pa lang si Divina sa hallway na patungo sa maid’s quarter ay nakita na niya sina Neneng at Tekla na nakaharang sa daanan. Nagtaka siya sa galit na nakalarawan sa mukha ng dalawa. Parang iyong dalawang pabebe girls sa viral video sa YouTube ang hitsura ng dalawa habang nakatingin sa kanya.

“Ano ‘yong kanina, ha?” pasitang tanong ni Tekla nang makalapit siya.

“Anong ano ‘yon?” clueless na tanong ni Divina.

“Nakita namin na magkadikit kayo ni Sir Alden sa garden,” paglilinaw ni Neneng. “Inaakit mo ba ang senyorito?”

Nanlaki ang mga mata ni Divina. “Hindi, ah!”

“Anong hindi?” nakaangat ang isang kilay na wika ni Tekla. “Kitang-kita namin na magkatabi kayo kanina at hinahagod niya ang likod mo.”

“Nabulunan kasi ako sa kinakain ko. Tinulungan lang niya ako.”

Nagbuga ng hangin si Tekla. “Siguradong nagpanggap ka lang na nabubulunan para asikasuhin ka niya.”

“Ay, ‘wag kayong magbibintang nang ganyan. Hindi ako ganoon.”

Weh?” hindi naniniwalang sabi ni Neneng. “May gusto ka kay Sir Alden, no?”

“Wala,” tugon ni Divina pero naramdaman niyang kulang sa conviction ang pagkakasabi niya.

Umikot ang mga mata ni Tekla na lumapit pa ng husto sa kanya para balaan siya. “Ito ang tatandaan mo. Kapag nakita ka pa naming dumidikit-dikit kay Sir Alden, isusumbong ka namin kay Senyora. Tingnan lang natin kung ano ang kalabasan mo.”

Lihim na nahintakutan si Divina sa banta ni Tekla. Alam niyang hindi mangingimi ang dalawang isumbong siya sa amo. Pinagbawalan ni Donya Nidora ang lahat ng mga babaeng tagasilbi sa mansiyon na makipaglapit sa apo nito. Alam na niya kung bakit. Nangyari na kasi dati na nagkaroon ng relasyon sa isang kasambahay ang anak nitong si Amadoro kaya nangangamba ang matanda na maulit ang nangyari noon.

Naalala pa ni Divina kung paano siya palihim na pinagsabihan ni Donya Nidora noong mismong araw na bumalik si Alden. Ang mahigpit na bilin nito ay huwag na huwag siyang makikipaglapit sa apo nito kung hindi ay hindi niya magugustuhan ang mangyayari sa kanya. Kaya alam niyang malilintikan siya nang bongga kapag isinumbong siya nina Neneng at Tekla sa donya. Hindi siya puwedeng mapaalis sa mansiyon. Kailangan niyang manatili roon hanggang sa dumating si Amadoro. Hindi niya hahayaang masira ang kanyang misyon.

Previous: An AlDub Fanfiction – Chapter 3

Next: An AlDub Fanfiction – Chapter 5